Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 7/22 p. 3-5
  • Dumadalas ba ang Likas na mga Kasakunaan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dumadalas ba ang Likas na mga Kasakunaan?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Makulimlim Kaya ang Hinaharap?
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2004
  • Likas na mga Kasakunaan at ang Papel ng Tao
    Gumising!—2005
  • Likas na mga Kapahamakan—Kagagawan ba ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 7/22 p. 3-5

Dumadalas ba ang Likas na mga Kasakunaan?

“Ang pambihirang mga pangyayaring sanhi ng pagbabago ng klima ay pinangangambahang magdudulot ng mas malulubhang resulta sa hinaharap. Nangangahulugan ito na kailangan tayong maging handa sa bagong uri ng mga panganib na nauugnay sa lagay ng panahon at sa posibleng mas matitinding kapinsalaan. . . . Alinsunod sa simulain ng patiunang pag-iingat, isang katalinuhan na ihanda natin ang ating sarili sa malalaking pagbabago.”​—“Topics Geo​—annual Review: Natural Catastrophes 2003.”[1]

HALOS hindi makahinga dahil sa init ang mga tao sa ilang bahagi ng Europa noong tag-araw ng 2003. Ang mainit na temperatura ang isang dahilan ng pagkamatay ng mga 30,000 katao sa Belgium, Britanya, Espanya, Italya, Netherlands, Portugal, at Pransiya. Dahil sa matinding init (heat wave) bago dumating ang ulang dala ng habagat, 1,500 katao ang namatay sa Bangladesh, India, at Pakistan, samantalang ang tagtuyot at wala pang katulad na init sa Australia ay nagpaliyab sa kakahuyan na tumupok sa mahigit na tatlong milyong ektarya.

Ayon sa World Meteorological Organization, “sa kapanahunan ng mga buhawi noong 2003 sa Atlantiko ay nagkaroon ng 16 na pinanganlang bagyo, na napakataas kaysa sa taunang aberids na 9.8 mula noong taóng 1944 hanggang 1996, subalit kaayon ito ng kapansin-pansing pagtaas sa taunang bilang ng mga sistema ng lagay ng panahon sa tropiko mula noong kalagitnaan ng dekada ng 1990.” Nagpatuloy ang pagtaas noong 2004, nang manalanta ang mapaminsalang mga buhawi sa Caribbean at sa Gulpo ng Mexico, na kumitil ng mga 2,000 buhay at nag-iwan ng mga bakas ng pangwawasak.

Noong 2003, ang Sri Lanka ay hinagupit ng siklon (cyclone) na nagdulot ng matinding pagbaha at ikinamatay ng di-kukulangin sa 250 katao. Noong 2004, di-kukulangin sa 23 bagyo ang iniulat na namuo sa kanlurang Pasipiko. Sampu sa mga ito ang tumama sa Hapon, kung saan ito nagdulot ng malawakang pinsala at kumitil ng mahigit sa 170 buhay. Ang mga pagbaha na sanhi ng malalakas na ulang dala ng habagat ay nakaapekto sa halos 30 milyon katao sa Timog Asia, lalo na sa Bangladesh. Milyun-milyon ang nawalan ng tahanan, halos tatlong milyon ang napilitang lumikas, at mahigit 1,300 ang nasawi.

Maraming pagkalalakas na lindol ang naganap noong 2003. Noong Mayo 21, sa Algiers, Algeria, 10,000 katao ang nasaktan at 200,000 ang nawalan ng tirahan dahil sa lindol. Sa ganap na 5:26 n.u. noong Disyembre 26, yumanig ang lupa walong kilometro mula sa timog ng lunsod ng Bam sa Iran. Dahil sa lindol na ang magnitud ay 6.5, nawasak ang 70 porsiyento ng lunsod, 40,000 katao ang namatay, at mahigit 100,000 katao ang nawalan ng tirahan. Iyon ang pinakanakamamatay na likas na kasakunaan ng taon. Gumuho rin ang malaking bahagi ng 2,000-taóng-gulang na kuta ng Bam, ang Arg-e-Bam, anupat nasira ang pasyalan ng mga turista na mahalaga sa ekonomiya ng rehiyon.

Pagkalipas ng eksaktong isang taon, nagkaroon ng lindol na may magnitud na 9.0 malapit sa kanlurang baybayin ng hilagang Sumatra, Indonesia, na naging sanhi ng pinakanakamamatay na tsunami sa naiulat na kasaysayan. Ang nakamamatay na mga alon ay kumitil ng mahigit sa 200,000 buhay at marami ang napinsala, nawalan ng tahanan, o kapuwa napinsala at nawalan ng tahanan. Maging ang silangang baybayin ng Aprika, na 4,500 kilometro o higit pa mula sa kanluran ng sentro ng lindol, ay naapektuhan ng nakamamatay na tsunami.

Makulimlim Kaya ang Hinaharap?

Ang mga pangyayari bang iyon ay pahiwatig ng mangyayari sa hinaharap? Hinggil sa mga kasakunaang nauugnay sa lagay ng panahon, naniniwala ang maraming siyentipiko na ang mga pagbabago sa atmospera na maisisisi sa mga gawain ng tao ay bumabago sa klima ng daigdig at isa sa nagiging sanhi ng mas masasamang lagay ng panahon. Kung gayon nga, hindi maganda ang ipinahihiwatig nito hinggil sa kinabukasan. Dagdag pa sa panganib, parami nang paraming tao sa ngayon ang naninirahan sa mga lugar na madalas tamaan ng kasakunaan dahil pinili nila ito​—o wala silang ibang mapagpipilian.

Ipinahihiwatig ng mga estadistika na 95 porsiyento ng lahat ng kamatayang nauugnay sa kasakunaan ay nagaganap sa papaunlad na mga lupain. Sa kabilang dako, mas kakaunti ang namamatay sa mayayamang bansa subalit 75 porsiyento naman ang nalulugi sa kanilang ekonomiya. Nag-iisip pa nga ang ilang kompanya ng seguro kung may maibabayad pa sila dahil sa biglang pagdami ng mga taong namamatay o ari-ariang nawawala.

Sa susunod na artikulo, susuriin natin ang ilang proseso sa kalikasan na nagbubunsod ng mga kasakunaan at ang mga paraan kung paano maaaring pinatitindi ng mga tao ang mga ito. Tatalakayin din natin kung may kakayahan at pagnanais ang mga tao na gawin ang kinakailangang mga pagbabago upang maging mas ligtas na tahanan ang lupa para sa susunod na mga henerasyon.

[Larawan sa pahina 3]

PRANSIYA 2003 Ang matinding init ng tag-araw sa Europa ay kumitil ng 30,000 buhay; umabot nang 44.8°C ang temperatura sa Espanya

[Credit Line]

Alfred/EPA/Sipa Press

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

IRAN 2003 Ang lindol sa Bam ay kumitil ng 40,000 buhay; tinatangisan ng kababaihan sa isang pangmaramihang libingan ang kanilang mga kamag-anak

[Credit Line]

Background and women: © Tim Dirven/Panos Pictures

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share