Mula sa Aming mga Mambabasa
Paglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan Ang artikulong “Kung Alam Lamang ng mga Tao!” (Enero 8, 2005) ang mismong kailangan ko! Sa isang lipunan kung saan ginigipit ang mga kabataan na maghabol sa materyal na kayamanan, napakadaling mailihis mula sa pag-una kay Jehova. Ang tagumpay ni Davey sa paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ay gumanyak sa akin na makibahagi sa gayunding atas na pangangaral sa dulo ng taóng ito.
C. G., Estados Unidos
Sang-ayon na sang-ayon ako sa mga sinabi ni Davey na “wala nang hihigit pa sa paglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa.” Nakapanghihinayang nga lamang na hindi ito nauunawaan ng lahat ng kabataan! Hindi ko pinagsisisihan ang pasiya kong iukol ang mga taon ng aking kabataan sa paglilingkod kay Jehova, at determinado akong manatiling masigasig hanggang sa wakas gaya ni Davey!
A. P., Russia
Bata man tayo o matanda, inuudyukan tayong lahat ng halimbawa ng kasigasigan ni Davey na pag-isipan kung paano natin ginagamit ang ating buhay. Gusto kong ipahayag ang aking paghanga sa mga magulang ni Davey, na maibiging nagpalaki sa kanilang anak. Talagang maipagmamalaki nila siya!
L. C., Italya
Ako po’y 17 taóng gulang, at kasalukuyan akong nag-aaral ng isang kasanayan upang makapaghanapbuhay. Maraming pagkakataon ang naghihintay sa akin. Ang halimbawa ni Davey ay lalo pong nagpatibay sa akin na ibigay kay Jehova ang aking pinakamainam at maglingkod bilang buong-panahong ebanghelisador sa hinaharap. Tulad ni Davey, gustung-gusto kong pumunta kung saan mas kailangan ang mga lingkod ni Jehova. Alam ko pong ito ang pinakamabuting paraan upang gamitin ang aking buhay.
R. I., Finland
Sa lugar namin, karaniwan na sa mga kabataan ang magtaguyod ng isang karera o basta gumugol ng oras para paluguran ang sarili. Kumbinsido ako na mapasisigla ng halimbawa ni Davey ang mas marami pang kabataan na pag-isipan ang paraan nila ng paggamit sa kanilang buhay at ang kahalagahan ng pagtupad sa kanilang pag-aalay kay Jehova.
J. O., Sweden
Tinulungan ako ng artikulong ito na muling pag-isipan ang aking espirituwal na mga tunguhin. Ipinagwalang-bahala ko ito sa loob ng ilang panahon. Pero dahil sa karanasan ni Davey, napag-isip-isip ko kung ano kaya ang sasabihin ng mga tao sa akin kapag namatay ako. Ipinakita rin nito sa akin na dapat kong suriin nang higit ang aking ministeryo. Ipagpatuloy po ninyo ang pagsusulat ng gayong magagandang artikulo.
S. K., Alemanya
Kailangan natin ang lakas upang labanan ang makasariling mga hangarin yamang nabubuhay tayo sa materyalistikong lipunan. Hindi ko malilimutan ang mainam na halimbawa ni Davey, at gagawin ko ang lahat upang mabuhay sa darating na bagong sanlibutan upang pasalamatan siya sa pagtuturo sa akin ng mahalagang aral na “wala nang hihigit pa sa paglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa.”
O. G., Pransiya
Sampung taóng gulang po ako. Alam na alam ko po ang nadarama ni Davey dahil nagpapayunir ako kasama ng aking mga magulang sa Taiwan. Napatibay ako ng artikulong ito. Nakatutuwang malaman na may iba pang mga kabataan na naglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sumasang-ayon po ako kay Davey na wala nang mas kasiya-siya pa rito!
J. R., Taiwan
Harp Seal Salamat sa artikulong “Mga Sanggol sa Niyebe ng mga Pulo ng Magdalen.” (Enero 8, 2005) Nanlumo ako dahil sa matagal na pagkakasakit. Pero nakapagpapasiglang makita ang nakatutuwang mga nilalang na ito. Napuspos ako ng pagpapahalaga at paghanga sa mga nilalang ni Jehova. Para bang kaya kong abutin at hawakan ang mga ito! Pinasasalamatan ko si Jehova na may isang bagay na naman akong aasam-asamin sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan.
Y. M., Hapon