Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 11/8 p. 4-6
  • Ang Agwat sa Pagitan ng Mayaman at Mahirap

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Agwat sa Pagitan ng Mayaman at Mahirap
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Problema sa Daigdig ng Mayaman at Mahirap
  • Pagtatamo ng Wastong Pagkakapantay-pantay
  • Problema Nga ba ang Sobrang Katabaan?
    Gumising!—2004
  • Ang Mahirap ay Lalong Naghihirap
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Natutong Bumasa at Sumulat Dahil sa Pagtuturo ng Bibliya
    Gumising!—2015
  • Mga Bihag ng Karalitaan
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 11/8 p. 4-6

Ang Agwat sa Pagitan ng Mayaman at Mahirap

ANUMAN ang terminong gamitin upang ilarawan sila, ang mga bansang napakaunlad at nakaaangat sa industriya at ekonomiya ay may maalwang paraan ng pamumuhay, samantalang ang mga bansang may kakaunting industriya, at sa gayo’y hindi gaanong maunlad ang ekonomiya, ay nagtitiis naman ng hirap. Para bang nakatira sila sa dalawang magkaibang daigdig.

Mangyari pa, maaaring umiiral ang dalawang daigdig na ito maging sa iisang bansa. Isaalang-alang ang nakaririwasang mga bansa na binanggit sa naunang artikulo. May mayaman at mahirap sa mga bansang ito. Halimbawa, sa Estados Unidos, mga 30 porsiyento ng kabuuang kita ng bansa ang napupunta sa bulsa ng 10 porsiyento ng mga pamilya na ang bumubuo ay mga nakaririwasa. Kasabay nito, kailangang pagkasiyahin ng 20 porsiyento ng mga pamilya na ang bumubuo ay mahihirap ang 5 porsiyento ng kabuuang kita ng bansa. Maaaring ganito o kagaya nito ang kalagayan sa bansang tinitirhan mo, lalo na kung kakaunti lamang ang medyo nakaririwasa (middle class) roon. Subalit hanggang ngayon, hindi pa rin lubusang maalis ng mga pamahalaan ang agwat sa kabuhayan ng mga may-kaya at walang-kaya kahit na maraming mamamayan sa kanilang bansa ang medyo nakaririwasa.

Mga Problema sa Daigdig ng Mayaman at Mahirap

Hindi masasabi ng mayaman o ng mahirap na talagang kaayaaya ang kanilang kalagayan. Isaalang-alang ang kitang-kitang mga problema ng mga nakatira sa mahihirap na bansa. Limitadung-limitado ang pangangalagang pangkalusugan. Samantalang may 1 manggagamot para sa bawat 242 hanggang 539 na mga naninirahan sa 9 na pinakamayayamang bansa na binanggit sa kahon sa pahinang ito, napag-iiwanan naman ang 18 pinakamahihirap na bansa na may 1 manggagamot lamang para sa bawat 3,707 hanggang 49,118 mamamayan. Kaya hindi nakapagtataka na ang inaasahang haba ng buhay ng mga tao sa maririwasang bansa ay 73 taon o pataas, samantalang sa mahigit kalahati ng pinakamahihirap na bansa, ang inaasahang haba ng buhay ay mas mababa pa sa 50 taon.

Sa mahihirap na bansa, limitadung-limitado rin ang tsansang makapag-aral, anupat kadalasang nalulugmok sa panghabambuhay na kahirapan ang mga bata. Makikita ang kakulangang ito sa edukasyon kung susuriin ang dami ng marunong bumasa at sumulat sa isang bansa. Sandaang porsiyento ng mga nakatira sa 7 sa 9 na pinakamayayamang bansa ang marunong bumasa at sumulat (ang 2 iba pa ay may antas na 96 at 97 porsiyento), samantalang ang marunong bumasa at sumulat sa 18 pinakamahihirap na bansa ay mula 81 porsiyento hanggang 16 na porsiyento lamang, at 10 sa mga bansang ito ay mas mababa pa sa 50 porsiyento.

Subalit may mga problema rin ang mga nakatira sa mayayamang bansa. Maaaring nagugutom ang mga nakatira sa mahihirap na bansa, subalit parami naman nang paraming namumuhay sa karangyaan ang namamatay sa labis na pagkain. Sinasabi ng aklat na Food Fight na “labis na pagkain at pag-inom ang pumalit sa malnutrisyon bilang pangunahing problema ng daigdig sa pagkain.” At sinasabi ng magasing The Atlantic Monthly: “Mga siyam na milyong Amerikano ang ngayo’y ‘nanganganib sa sobrang katabaan,’ na nangangahulugang sobra ng halos 45 kilo o higit pa ang timbang nila, at mga 300,000 ang namamatay nang wala sa panahon sa loob ng isang taon sa bansang ito dahil sa mga sakit na nauugnay sa labis na timbang.” Ipinahihiwatig ng artikulo ring ito na “di-magtatagal at baka mahigitan na ng sobrang katabaan kapuwa ang pagkagutom at nakahahawang sakit bilang pinakakritikal na suliranin ng daigdig may kinalaman sa kalusugang pambayan.”a

Totoo, mas maalwan ang buhay ng mga nakatira sa mayayamang bansa, subalit kasabay nito, baka mas pahalagahan nila ang mga ari-arian kaysa sa mga ugnayan, sa gayon ay labis silang nababahala sa pagtatamo ng materyal na mga bagay sa halip na masiyahan sa buhay mismo. Kaya may tendensiya silang sukatin ang halaga ng isang tao batay sa kaniyang trabaho, kita, o pag-aari, sa halip na sa kaniyang kaalaman, karunungan, kakayahan, o positibong mga katangian.

Upang idiin na ang simpleng pamumuhay ang susi sa kaligayahan, ganito ang itinanong ng pamagat ng isang artikulo sa lingguhang magasing pambalita na Focus sa Alemanya: “Ano Kaya Kung Mamumuhay Tayo Nang Mas Simple?” Ganito ang sinabi ng artikulo: “Ang karamihan ng mga mamamayan sa Kanluraning daigdig ay hindi mas maligaya ngayon kaysa noong nakalipas na mga dekada, sa kabila ng napakabilis na pag-unlad. . . . Ang sinumang naglalagak ng kaniyang puso sa materyal na mga bagay ay mas malamang na maging malungkot.”

Pagtatamo ng Wastong Pagkakapantay-pantay

Oo, ipinakikita ng mga katibayan na ang daigdig ng mayaman at mahirap, bagaman may ilang positibong aspekto, ay may kani-kaniyang problema rin naman. Baka sobrang simple ang daigdig ng mahirap, samantalang napakasalimuot naman ng daigdig ng mayaman. Lubhang kapaki-pakinabang nga kung matututo sa isa’t isa ang dalawang daigdig na ito! Pero makatotohanan bang isipin na matatamo ang gayong wastong pagkakapantay-pantay?

Sa pananaw ng tao, maaaring isipin mo na bagaman maganda ang tunguhing ito, hindi talaga kaya ng tao na abutin ito. At pinatutunayan ng kasaysayan na tama nga ang iniisip mo. Gayunman, tiyak na may pag-asa. Maaaring hindi mo nabigyang-pansin ang pinakalohikal na solusyon sa problemang ito. Ano kaya ito?

[Talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Nobyembre 8, 2004, pahina 3-12.

[Blurb sa pahina 6]

“Di-magtatagal at baka mahigitan na ng sobrang katabaan kapuwa ang pagkagutom at nakahahawang sakit bilang pinakakritikal na suliranin ng daigdig may kinalaman sa kalusugang pambayan.”​—The Atlantic Monthly

[Graph sa pahina 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Itinala ang mga bansa Inaasahang Haba ng Kakayahang

ayon sa alpabeto Buhay ng mga Lalaki (taon) Bumasa at

Sumulat (%)

Siyam na Belgium 75.1 100

Pinaka- Canada 76.4 96.6

mayayamang Denmark 74.9 100

Bansa Iceland 78.4 100

Hapon 78.4 100

Luxembourg 74.9 100

Norway 76.5 100

Switzerland 77.7 100

Estados Unidos 74.4 95.5

Labingwalong Benin 50.4 37.5

Pinaka- Burkina Faso 43 23

mahihirap Burundi 42.5 48.1

na Bansa Chad 47 53.6

Congo, Rep. Of 49 80.7

Ethiopia 47.3 38.7

Guinea-bissau 45.1 36.8

Madagascar 53.8 80.2

Malawi 37.6 60.3

Mali 44.7 40.3

Mozambique 38.9 43.8

Niger 42.3 15.7

Nigeria 50.9 64.1

Rwanda 45.3 67

Sierra Leone 40.3 36.3

Tanzania 43.3 75.2

Yemen 59.2 46.4

Zambia 35.3 78

[Credit Line]

Pinagmulan: 2005 Britannica Book of the Year.

[Picture Credit Line sa pahina 4]

© Mark Henley/Panos Pictures

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share