May Nagdisenyo ba Nito?
Pangkapit ng Tuko
◼ Namamangha ang mga siyentipiko sa kakayahan ng tuko na umakyat sa makikinis na dingding—tumakbo pa nga sa makikinis na kisame—nang hindi nadudulas o nahuhulog! Paano kaya ito nagagawa ng kahanga-hangang maliit na reptilyang ito?
Sinasabi ng Bibliya na ang tuko ay “tumatangan sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay.” (Kawikaan 30:28) Talaga ngang parang mga kamay ang paa ng tuko, at nakakakapit ang mga ito sa makikinis na bagay nang walang kahirap-hirap. Ang bawat daliri ng paa ay may maliliit na umbok na may libu-libong balahibo. Ang bawat balahibo naman ay may daan-daang napakaliliit na hibla. Ang mga puwersa sa pagitan ng mga molekula (na tinatawag na van der Waals forces) na nanggagaling sa mga hibla na ito ay may sapat na lakas upang masuportahan ang bigat ng tuko—kahit na tumatakbo ito sa kisameng singkinis ng salamin!
Nais gumawa ng mga mananaliksik ng mga pandikit na makakakapit sa makikinis na bagay, gaya ng nagagawa ng paa ng tuko.a Marami itong gamit, kasama na rito ang “iba’t ibang gamit sa medisina,” ang sabi ng magasing Science News, “gaya ng paggawa ng benda na hindi naaalis ang dikit kahit basa ang benda at ng panapal sa mga sugat sa operasyon sa halip na tahiin ang mga ito.”
Pagkatapos ng maikling pagtalakay na ito tungkol sa tuko, ano sa palagay mo, nagkataon lamang ba ang pangkapit ng tuko, o may nagdisenyo nito?
[Talababa]
a Sinusuri din ng mga siyentipiko ang protina na inilalabas ng mga tahong. Ito ang dahilan kung bakit nakakakapit ang mga tahong sa basang mga bagay.
[Larawan sa pahina 26]
Pinakailalim ng katawan ng “tokay gecko,” isang uri ng tuko
[Larawan sa pahina 26]
Napakaliliit na hibla sa paa ng tuko
[Picture Credit Lines sa pahina 26]
Tuko: Breck P. Kent; malapitang larawan: © Susumu Nishinaga/Photo Researchers, Inc.