Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 4/08 p. 27-29
  • Bakit Walang Tiwala sa Akin ang mga Magulang Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Walang Tiwala sa Akin ang mga Magulang Ko?
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Problema Habang Nasa Kabataan
  • Patunayan Mong Mapagkakatiwalaan Ka
  • Kung Paano Maibabalik ang Nawalang Tiwala
  • Ano ang Gagawin Ko Para Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Paano Ko Makukuha ang Tiwala ng mga Magulang Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Bakit ang Higpit sa Bahay?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Mahalaga ang Pagtitiwala Para sa Isang Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Gumising!—2008
g 4/08 p. 27-29

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Bakit Walang Tiwala sa Akin ang mga Magulang Ko?

“Sana naman, bigyan ako ng mga magulang ko ng kaunting kalayaan. Hindi ko naman gustong libutin ang buong mundo. Gusto ko lang namang bisitahin ang tiyahin ko nang hindi nag-aalala si Inay na baka hindi na ako umuwi ng bahay.”​—Sarah, 18.a

“Lagi kong itinatanong sa aking mga magulang kung bakit wala silang tiwala sa akin kapag gusto kong lumabas kasama ng aking mga kaibigan. Madalas nila akong sinasagot: ‘May tiwala kami sa iyo. Pero sa mga kaibigan mo, wala!’ Naiinis talaga ako kapag sinasabi nila iyon!”​—Christine, 18.

ANG tiwala ay maitutulad sa pera. Mahirap makuha pero madaling mawala, at gaano man kalaki ang ibigay sa iyo, parang laging kulang pa rin. “Sa tuwing gusto kong lumabas,” ang sabi ng 16-na-taóng-gulang na si Iliana, “sunud-sunod ang tanong ng mga magulang ko gaya ng, kung saan ako pupunta, sino ang mga kasama ko, ano ang gagawin ko, at kung anong oras ako uuwi. Oo nga’t mga magulang ko sila, pero nakakasawa nang marinig ang mga tanong nila!”

Nasasabi mo ba kung minsan na, ‘Sana ay mas may tiwala ang mga magulang ko sa akin’? Kung gayon, ano ang maaari mong gawin tungkol dito? Una riyan, tingnan muna natin kung bakit isang mahalagang isyu ang tiwala sa pagitan ng maraming magulang at mga kabataan.

Mga Problema Habang Nasa Kabataan

Sinasabi ng Bibliya na “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Genesis 2:24) Siyempre pa, maaaring ganiyan din naman sa mga babae. Ikaw man ay kabataang lalaki o babae, ang mahalagang tunguhin sa iyong pagbibinata o pagdadalaga ay ang maihanda ka sa pagiging adulto​—isang panahon na kaya mo nang mamuhay mag-isa at marahil, magkaroon pa nga ng sariling pamilya.

Gayunman, ang pagbabago tungo sa pagiging adulto ay hindi naman katulad ng isang pintuan na basta mo na lamang papasukin kapag sumapit ka na sa takdang edad. Ito ay mas maitutulad sa isang hagdanan na iyong inaakyat nang baytang-baytang habang kabataan ka pa. Mangyari pa, ikaw at ang iyong mga magulang ay may magkaibang opinyon sa nagagawa mong pagsulong tungo sa pagiging adulto. “Dalawampung taóng gulang na ako, pero wala pa rin silang tiwala sa akin,” ang sabi ni Maria, isang kabataan na nakadaramang hindi siya pinagkakatiwalaan ng kaniyang mga magulang kung tungkol sa pagpili ng mga kaibigan. “Iniisip ng aking mga magulang na wala akong lakas ng loob na iwasan ang mga alanganing situwasyon. Sinabi ko naman sa kanila na nagawa ko nang umiwas sa ganoong mga situwasyon, pero ayaw nilang maniwala!”

Gaya ng ipinakikita ng sinabi ni Maria, ang isyu hinggil sa tiwala ay sanhi ng di-pagkakaunawaan ng mga magulang at kabataan. Totoo rin ba iyan sa iyong pamilya? Kung gayon, paano mo makukuha ang higit na pagtitiwala ng iyong mga magulang? At paano mo maibabalik ang nawalang tiwala ng iyong mga magulang dahil sa iyong di-matalinong paggawi?

Patunayan Mong Mapagkakatiwalaan Ka

Si apostol Pablo ay sumulat sa mga unang-siglong Kristiyano: “Patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Corinto 13:5) Bagaman hindi niya ito isinulat para sa mga kabataan, kapit din ang simulaing ito sa iyo. Kadalasan nang ang tiwalang ibibigay sa iyo ay depende kung paano mo pinatutunayang mapagkakatiwalaan ka. Hindi mo kailangang maging perpekto dahil lahat naman talaga ay nagkakamali. (Eclesiastes 7:20) Gayunman, baka ang iyo mismong paggawi ang dahilan kung bakit waring walang tiwala ang mga magulang mo sa iyo.

Bilang halimbawa, isinulat ni Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Tanungin ang iyong sarili, ‘Lagi ko bang sinasabi ang totoo sa aking mga magulang, kung saan ako nagpupunta at kung ano ang aking ginagawa?’ Isaalang-alang ang sinabi ng ilang kabataan matapos nilang suriing mabuti ang kanilang sarili hinggil sa bagay na ito.

Lori: “Palihim akong nakikipag-e-mail sa lalaking gusto ko. Nalaman ito ng aking mga magulang at sinabing itigil ko na ito. Nangako akong ititigil ko na ang pakikipag-ugnayan sa lalaking iyon, pero hindi ko naman ginawa. Ganiyan ang paulit-ulit na nangyari sa loob ng isang taon. Magpapadala ako ng e-mail sa lalaking gusto ko, malalaman ng mga magulang ko, hihingi ako ng tawad sa kanila at mangangakong ititigil ko na, pero hindi ko tinutupad. Hanggang dumating sa puntong wala nang tiwala ang mga magulang ko sa akin!”

Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit wala nang tiwala ang mga magulang ni Lori sa kaniya at paano kaya siya dapat tumugon noong una palang siyang kausapin ng kaniyang mga magulang tungkol sa problema? Isulat ang iyong sagot sa ibaba.

․․․․․․․․

Beverly: “Walang tiwala ang mga magulang ko sa akin pagdating sa pakikitungo sa mga lalaki, pero nauunawaan ko na ngayon kung bakit. Masyado kasi akong malapít noon sa ilang lalaking dalawang taon ang tanda sa akin. Matagal akong makipag-usap sa kanila sa telepono, at kapag may mga salu-salo, halos sila lang ang kinakausap ko. Hindi ako pinagamit ng mga magulang ko ng telepono sa loob ng isang buwan. Hindi rin nila ako pinapayagang pumunta sa mga lugar na maaaring naroroon din ang mga lalaking iyon.”

Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit nawala ang tiwala kay Beverly ng kaniyang mga magulang sa loob ng ilang panahon? At ano dapat ang ginawa niya para maibalik muli ang naiwalang tiwala?

․․․․․․․․

Annette: “Noong ako ay tin-edyer pa, nag-uwi ako at ang aking kaibigan ng tig-isang beer mula sa isang salu-salo​—bagaman alam naming magagalit ang aming mga magulang​—at ipinasiyang saka na ito inumin para sa katuwaan. Nakita ng nanay ng kaibigan ko ang lata ng beer niya. Pagkatapos, nalaman din ng kaniyang nanay at ng aking mga magulang na mayroon ding akong beer. Hindi ko talaga malimutan ang pagkadismaya na nakita ko sa mukha ng nanay ko.”

Kung nakababata mong kapatid si Annette, anong payo ang maibibigay mo sa kaniya para maibalik niya ang tiwala ng inyong ina?

․․․․․․․․

Kung Paano Maibabalik ang Nawalang Tiwala

Ano kaya kung ang iyong mga paggawi ang dahilan ng kawalan ng tiwala ng iyong mga magulang gaya ng situwasyon nina Lori, Beverly, at Annette? Gayunman, tiyak na maaari mong maibalik ang nawala nilang tiwala sa iyo. Ngunit paano?

Malamang na mas magtitiwala sa iyo ang mga magulang mo kapag ipinakita mong talagang responsable ka. Halimbawa: Isipin ang isang tao na may pagkakautang sa bangko. Kung palagi siyang magbabayad ng kaniyang pagkakautang, tiyak na makukuha ng taong iyon ang tiwala ng bangko at maaari pa nga siyang pautangin ng mas malaki sa hinaharap. Ganiyan din sa loob ng pamilya, kung patutunayan mong mapagkakatiwalaan ka​—maging sa maliliit na bagay​—mas magtitiwala sa iyo ang mga magulang mo sa hinaharap.

Naunawaan iyan ni Annette nang maglaon. “Kapag mas bata ka pa,” ang sabi niya, “hindi mo pa talaga naiisip ang kahalagahan ng tiwala. Ngayon ay nauunawaan ko na at mas determinado na akong mapanatili ang tiwala ng aking mga magulang sa akin.” Ano ang iyong matututuhan mula rito? Sa halip na magreklamo tungkol sa kawalan ng tiwala ng iyong mga magulang, magtuon ng pansin sa kung ano ang iyong magagawa para maibalik ang nawalang tiwala sa iyo.

Bilang halimbawa, maaasahan ka ba pagdating sa mga bagay na nakalista sa ibaba? Lagyan ng tsek ang kahon sa tapat ng mga kailangan mo pang pasulungin.

□ Pag-uwi sa itinakdang oras ng aking mga magulang

□ Pagiging nasa oras

□ Pagtapos sa iniatas na mga gawaing-bahay

□ Pananatiling malinis ng aking kuwarto

□ Paggamit ng telepono

□ Pagtupad sa aking mga pangako

□ Pagiging matalino sa paggamit ng pera

□ Paggising sa umaga nang hindi na kailangan pang pilitin ng mga magulang ko

□ Pagsasabi ng totoo

□ Pag-amin sa mga kasalanan at paghingi ng tawad

□ Iba pa ․․․․․․․․․․․

Bakit hindi gawing tunguhin na patunayang mapagkakatiwalaan ka sa mga pinili mong markahan? Sundin ang mga payo mula sa Bibliya: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi.” (Efeso 4:22) “Ang inyong Oo ay mangahulugang Oo.” (Santiago 5:12) “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” (Efeso 4:25) “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay.” (Colosas 3:20) Sa kalaunan, ang iyong pagsulong ay makikita ng iba, pati na ng iyong mga magulang.​—1 Timoteo 4:15.

Ngunit paano kung sa kabila ng iyong mga pagsisikap ay nadarama mo pa ring kulang ang ibinibigay na tiwala sa iyo ng iyong mga magulang? Bakit hindi mo ito ipakipag-usap sa kanila? Sa halip na ipilit na dapat silang magtiwala sa iyo, magalang na itanong sa kanila kung ano pa ang kailangan mong gawin para makuha ang kanilang tiwala. Ipaliwanag ang iyong mga plano tungkol sa bagay na iyan.

Huwag asahang agad-agad na babaguhin ng iyong mga magulang ang paghihigpit nila sa iyo. Walang alinlangan na gusto muna nilang makatiyak na tutuparin mo ang iyong mga pangako sa kanila. Samantalahin ang pagkakataong ito para patunayan na mapagkakatiwalaan ka. Darating din ang panahon na higit kang pagtitiwalaan ng iyong mga magulang. Ganiyan ang kalagayan ni Beverly, na kababanggit lamang. Ang sabi niya, “Mas mahirap makuha ang tiwala kaysa ang maiwala ito,” dagdag pa niya, “at masaya ako ngayong nakukuha ko na ang tiwala ng aking mga magulang!”

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

PAG-ISIPAN

◼ Bakit kaya maaaring atubili ang iyong mga magulang na ibigay sa iyo ang kanilang tiwala gayong nagsisikap ka namang patunayan na mapagkakatiwalaan ka?

◼ Bakit mahalaga ang pakikipag-usap sa iyong mga magulang para makuha mo ang higit nilang pagtitiwala?

[Blurb sa pahina 29]

Magtuon ng pansin sa kung ano ang iyong magagawa para maibalik ang nawalang tiwala sa iyo

[Dayagram/​Larawan sa pahina 28]

Ang pagbabago tungo sa pagiging mapagkakatiwalaang adulto ay tulad sa isang hagdanan na iyong inaakyat nang baytang-baytang habang kabataan ka pa

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ADULTO

KABATAAN

PAGKABATA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share