Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 6/08 p. 18-20
  • Paano Kung Nagpakamatay ang Kapatid Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Kung Nagpakamatay ang Kapatid Ko?
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Sana . . .”
  • Kung Paano Makakayanan ang Pamimighati
  • Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking Kapatid?
    Gumising!—2003
  • Paano Ko Makakasundo ang mga Kapatid Ko?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Paano Ko Makakasundo ang mga Kapatid Ko?
    Gumising!—2010
  • Bakit Ba Napakahirap Makasundo ang Aking Kapatid na Lalaki at Babae?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—2008
g 6/08 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Kung Nagpakamatay ang Kapatid Ko?

Nagbago ang buhay ni Karen mula nang sinabi ng kaniyang tatay ang balita. “Wala na si Sheila” ang tangi niyang nasabi. Nagyakap ang mag-ama habang pilit nilang inuunawa kung bakit ito nangyari. Nagpakamatay ang kapatid ni Karen.a

KAPAG namatay ang isang kabataan, kadalasan nang nakatuon ang pansin ng mga nagmamalasakit na kaibigan sa mga magulang. Tinatanong nila ang mga kapatid ng namatay, “Kumusta na ang nanay at tatay mo?” pero maaaring nalilimutan nilang itanong, “Kumusta ka na?” Kaya naman madaling maunawaan kung bakit nalilimutang aliwin ng iba ang mga kapatid ng namatay.

Ipinakikita ng pagsasaliksik na malaki ang epekto ng pagkamatay ng isang kapatid sa mga kabataan. “Ang gayong pagkawala ng kapatid ay may masamang epekto sa kalusugan, paggawi, gawain sa paaralan, tiwala sa sarili, at pagsulong ng mga naulilang kapatid,” ang isinulat ni Dra. P. Gill White sa kaniyang aklat na Sibling Grief​—Healing After the Death of a Sister or Brother.

Apektado rin ang mga nakatatandang kabataan. Si Karen, binanggit sa itaas, ay 22 taóng gulang nang magpakamatay si Sheila, ang nakababata niyang kapatid. Gayunpaman, may mga pagkakataong hindi niya makayanan ang pamimighati. “Hindi ko masasabing mas nasaktan ako kaysa sa aking mga magulang,” ang sabi niya, “pero sa tingin ko ay mas nahirapan akong harapin iyon.”

Namatayan ka na rin ba ng kapatid gaya ni Karen? Kung oo, maaaring nadama mo rin ang kagaya ng isinulat ng salmistang si David: “Ako ay nagulumihanan, ako ay napayukod nang lubusan; buong araw akong naglalakad na malungkot.” (Awit 38:6) Paano mo makakayanan ang iyong pamimighati?

“Sana . . .”

Maaari mong sisihin ang iyong sarili sa pagpapakamatay ng iyong kapatid. ‘Kung hindi sana ganoon ang ginawa ko, buhay pa sana ang kapatid ko,’ baka sabihin mo sa iyong sarili. Maaaring tila may dahilan para isipin iyan. Ganiyan ang paniniwala ni Chris, 21 taóng gulang nang magpakamatay ang kaniyang 18-taóng-gulang na kapatid na lalaki. “Ako ang huling nakausap ng kapatid ko,” ang sabi niya, “kaya dapat sana’y napansin ko nang may problema siya. Kung naging mas madali sana akong lapitan, siguro nagsabi siya sa akin.”

Ang mas nakapagpapalungkot kay Chris ay na hindi sila magkasundong magkapatid. “Binanggit niya sa kaniyang iniwang sulat na sana naging mas mabait akong kapatid,” ang lungkot na lungkot na sinabi ni Chris. “Bagaman alam kong hindi ganoon ang ibig niyang sabihin, patuloy itong nagpapahirap sa aking kalooban.” Kadalasan, ang ganitong paninisi sa sarili ay nadaragdagan pa ng mga alaala ng masasakit na salitang binitiwan sa isa’t isa. “Maraming nangungulilang kapatid ang nagsabi sa akin na patuloy na nahihirapan ang kanilang kalooban dahil sa kanilang pag-aaway ilang buwan o maging taon na ang nakalilipas,” ang sinabi sa Gumising! ni Dra. White na binanggit kanina.

Kung sinisisi mo ang iyong sarili sa pagpapakamatay ng iyong kapatid, tanungin mo ang iyong sarili ng ganito, ‘Mayroon bang tao na makakakontrol sa ginagawa ng ibang tao?’ Sinabi ni Karen, “Ang pagdurusang gustong takasan ng isang tao​—at ang kakila-kilabot na paraan niya para tapusin iyon​—ay hindi mo kontrolado.”

Pero paano kung tila hindi mo malimutan ang masasakit o di-magagandang sinabi mo sa iyong kapatid? Makatutulong sa iyo ang Bibliya na tingnan ang mga bagay-bagay sa positibong paraan. Sinasabi nito: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2; Awit 130:3) Ang pagtutuon ng iyong isip sa mga pagkakataon na sa tingin mo’y napagsalitaan mo ang iyong kapatid nang masakit o hindi naging maganda ang pakikitungo mo sa kaniya ay magpapatindi lamang ng iyong pamimighati. Maaaring masakit ang gayong mga alaala, pero hindi magbabago ang katotohanang hindi ikaw ang dahilan ng pagkamatay ng iyong kapatid.b

Kung Paano Makakayanan ang Pamimighati

Iba-iba ang paraan ng pamimighati ng mga tao. Ang ilan ay umiiyak sa harap ng iba, at wala namang masama roon. Iniulat ng Bibliya na si David ay “tumangis ng isang napakatinding pagtangis” nang mamatay ang kaniyang anak na si Amnon. (2 Samuel 13:36) Maging si Jesus ay “lumuha” nang makita ang kalungkutang ibinunga ng kamatayan ng kaniyang kaibigang si Lazaro.​—Juan 11:33-35.

Sa kabilang banda, hindi agad nagdadalamhati ang ilan​—lalo pa’t kung biglaan ang kamatayan. “Parang nawalan ako ng pakiramdam,” ang naaalala ni Karen. “Pakiramdam ko’y tumigil ang ikot ng aking mundo.” Ganiyan ang karaniwang reaksiyon kapag nagpakamatay ang kapatid. “Nagdudulot ng trauma ang pagpapakamatay,” ang sabi ni Dra. White sa Gumising!, “at kailangan mong malampasan ang trauma bago ka makaramdam ng pamimighati. Hinihimok ng ilang propesyonal na caregiver ang mga nangungulila na umiyak kahit hindi pa sila handa. Tulala pa sila dahil sa trauma.”

Matatagalan bago mo matanggap na patay na ang iyong kapatid, at maiintindihan naman ito dahil sa nangyari. “Ang aming pamilya ay parang isang plorera na nabasag at pinagdikit-dikit lang muli,” ang sabi ni Chris. “Parang ‘mababasag’ agad kami kahit masaling lang.” Para makayanan mo ang situwasyon, subukan ang mga sumusunod:

◼ Gumawa ng listahan ng nakaaaliw na mga teksto sa Bibliya at basahin ito kahit minsan lamang sa isang araw.​—Awit 94:19.

◼ Makipag-usap sa isang nagmamalasakit na kaibigan. Makapagpapagaan ng iyong loob ang pakikipag-usap.​—Kawikaan 17:17.

◼ Bulay-bulayin ang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli.​—Juan 5:28, 29.

Maaari ding makatulong ang pagsusulat ng iyong nadarama​—kahit pansamantala lamang​—para maibsan ang iyong pamimighati. Bakit hindi mo sagutan ang kahon sa ibaba bilang pagsasanay?

Magtiwala ka na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Siya lamang ang tanging nakaaalam ng mga dahilan at pangyayari kung bakit nagkagayon ang iyong kapatid. Kilala ka rin niya​—nang higit sa pagkakakilala mo sa iyong sarili. (Awit 139:1-3) Kaya makaaasa kang nauunawaan niya ang pinagdaraanan mo. Kung parang hindi mo na makayanan ang iyong pamimighati, tandaan mo ang mga salita sa Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”

Kaaliwan Para sa mga Namimighati

Para sa higit pang impormasyon sa pagharap sa kamatayan ng isang mahal sa buhay, tingnan ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

b Ito ay katulad din kung ang kamatayan ay bunga ng pagkakasakit o aksidente. Gaano mo man kamahal ang iyong kapatid, hindi mo gaanong kontrolado o wala ka pa ngang kontrol sa “panahon at . . . di-inaasahang pangyayari.”​—Eclesiastes 9:11.

PAG-ISIPAN

◼ Sino ang maaari mong kausapin kung parang hindi mo na makayanan ang iyong pamimighati?

◼ Paano ka makatutulong sa isang kabataang namimighati?

[Kahon sa pahina 20]

Ang pagsusulat ng iyong kaisipan ay malaking tulong para makayanan ang pamimighati. Habang isinasaisip iyan, kumpletuhin ang mga pangungusap at sagutin ang kasunod na mga tanong.

◼ Ito ang tatlong masasayang alaala naming magkapatid:

1 ․․․․․․․․․

2 ․․․․․․․․․

3 ․․․․․․․․․

◼ Ito ang dapat sana’y nasabi ko sa aking kapatid noong buháy pa siya:

․․․․․․․․․

◼ Ano ang sasabihin mo sa isang nakababata sa iyo na sinisisi ang kaniyang sarili sa pagkamatay ng kaniyang kapatid?

․․․․․․․․․

◼ Alin sa sumusunod na mga teksto ang pinakanakaaaliw sa iyo, at bakit?

□ “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”​—Awit 34:18.

□ “Hindi siya nanghamak ni narimarim man sa kapighatian ng napipighati; at hindi niya ikinubli ang kaniyang mukha mula sa kaniya, at nang humingi siya sa kaniya ng tulong ay kaniyang dininig.”​—Awit 22:24.

□ “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [ni Jesus] at lalabas.”​—Juan 5:28, 29.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share