Ang Pangmalas ng Bibliya
Kung Bakit Dapat Kang Mag-ingat sa Espiritismo
Kung paanong gumagamit ng pain ang mga mangingisda, sa gayon ding paraan ginagamit ng mga demonyo ang espiritismo
SA ISANG bansa sa Asia, maingay na ipinagdiriwang ng mga tao ang isang kapistahan na nagpaparangal sa mga espiritu. Dumarating sa kasukdulan ang kapistahan kapag pumili na ng dalawang babae para sa seremonya ng pagsanib ng espiritu. Tumitirik ang mga mata ng mga babaing ito, at pagkatapos ay nangingisay na para bang nakukuryente sila.
Sa Puerto Rico, nakikipag-ugnayan ang isang espiritista (santero) sa espiritung tinatawag na Changó, ang diyos ng kulog. Inilalarawan ng espiritista ang mga nakikita niyang pangitain, at ang lahat ng nasa kuwarto ay nagsisimulang mangisay na para bang sinasaniban sila.
Sa maraming lupain, pangkaraniwan na ang pakikisangkot sa okulto. Ang paniniwala sa mga kababalaghan ay nagiging higit na popular, at parami nang parami ang naeengganyo rito. Usung-uso ngayon higit kailanman, ang mga aklat, laro, palabas sa telebisyon, at mga pelikulang nagtatampok ng mga demonyo, pangkukulam, at mga kababalaghan.
Gayunman, itinuturo ng Bibliya na ang pakikisangkot sa anumang bagay na may kaugnayan sa okulto ay maituturing na espiritismo. Ang espiritismo ay hindi basta katuwaan lamang, nakapipinsala ito. Hindi ito basta pag-uusisa sa mga bagay na hindi mo pa alam. Ito ay pakikipag-ugnayan sa mga demonyo, ang masasamang anghel na naghimagsik laban sa Diyos.—Apocalipsis 12:9, 12.
Kung paanong gumagamit ng pain ang mga mangingisda, sa gayon ding paraan ginagamit ng mga demonyo ang espiritismo. Gumagamit ang isang mangingisda ng iba’t ibang pain upang makahuli ng iba’t ibang uri ng isda. Sa katulad na paraan, gumagamit ang masasamang espiritu ng iba’t ibang anyo ng espiritismo upang maimpluwensiyahan ang lahat ng uri ng tao. Ang pinuno ng mga demonyo ay tinutukoy bilang ang “diyos ng [masamang] sistemang ito ng mga bagay.” Matagumpay niyang nabubulag ang pag-iisip ng mga di-sumasampalataya upang hindi nila malaman ang katotohanan tungkol sa Salita ng Diyos at sa Kaniyang layunin.—2 Corinto 4:4.
Kung Saan Humahantong ang Espiritismo
Ito lamang ang layunin ng masasamang espiritung nilalang: Gusto nila tayong mailayo at mailigaw upang hindi tayo magkaroon ng personal na kaugnayan sa ating Maylalang. Iniimpluwensiyahan nila ang mga tao na sumuway sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos, alam man ito ng mga tao o hindi. Kaya humahantong ang espiritismo sa di-pagsang-ayon ng Diyos, kawalang-pag-asa, at pagkapuksa sa dakong huli.—Apocalipsis 21:8.
Sinabi ni Luis, na nagmula sa Puerto Rico: “Simula pagkabata, sangkot na ang pamilya ko sa espiritismo. Bahagi ito ng relihiyon ng aming pamilya at paraan ng aming pamumuhay. Inakala kong natural lang ang aking kakayahang malaman ang hinaharap at makabasa ng barahang tarot. Madalas na tumatama sa loterya ang napipili kong mga numero kaya natutulungan ko ang iba na magkapera. Ang mga kakayahang ito ay nakaabala lamang sa pagkuha ko ng kaalaman sa Bibliya at sa pagkakaroon ko ng kaugnayan sa Diyos.”—Juan 17:3.
Marami ang naniniwalang ang pakikisangkot sa daigdig ng mga espiritu ay di-nakapipinsala, kundi kapaki-pakinabang pa nga. Baka sabihin pa nila na may mababait na espiritu o na pinagmumulan ng higit na kaalaman, kayamanan, o kaligayahan ang espiritistikong mga gawain. Pero napakalayo nito sa katotohanan. “Lagi itong may kapalit,” ang sabi ni Luis.
Laging nakakakita ng nakakatakot na mga bagay ang kabataang lalaking si Chad. Nahihirapan din siya dahil hindi deretso ang tulog niya. “Nililigalig at pinahihirapan ako ng mga demonyo gabi-gabi,” ang sabi niya. Paano tayo maiingatan laban sa gayong panliligalig?
Kung Paano Tayo Maiingatan
Para maingatan ang ating sarili, kailangan nating iwasan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa espiritismo. (Galacia 5:19-21) Kaya inutusan ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga lingkod na iwasan ang sumusunod na mga gawain: “Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang . . . nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.”—Deuteronomio 18:10-12.
Kasuwato ng mga pananalitang ito, marami ang gumawa ng mga hakbang upang maingatan ang kanilang sarili. Inalis nila ang mga aklat o ibang bagay na may kaugnayan sa espiritismo. Sinabi ni Ken, na nakalaya na sa espiritismo, “Inisa-isa ko ang aking mga gamit at sinira ko ang lahat ng bagay na sa tingin ko’y may kaugnayan sa espiritismo.”—Tingnan ang Gawa 19:19, 20.
Ang pinakamabisang paraan para maingatan tayo laban sa espiritismo ay ang pagkakaroon ng personal na kaugnayan sa tunay na Diyos, si Jehova. Pansinin ang dapat nating gawin ayon sa Santiago 4:7, 8: “Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, ninyong mga makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, ninyong mga di-makapagpasiya.”
Tinuturuan at iniingatan ng Diyos na Jehova ang mga lumalapit sa kaniya. Hindi sila ‘walang-alam sa mga pakana ni Satanas’ ni nadadaya man ng kaniyang mga pagkukunwari. (2 Corinto 2:11; 11:14) Isa pa, Makapangyarihan-sa-lahat si Jehova. Kapag may-pananampalatayang lumalapit kay Jehova ang mga indibiduwal, palalayain Niya ang mga ito mula sa panliligalig ng masasamang espiritu. Sinabi ni Chad, na nabanggit na sa artikulong ito, “Palibhasa’y alam ko kung sino ang may kagagawan nito, tumawag ako sa Diyos na Jehova upang ipagsanggalang niya ako sa kanilang impluwensiya, kaya natigil ito.”—Awit 91:1, 2.
Maliwanag na maaaring maging masaya ngayon ang mga taong may matuwid na puso sa pagkaalam na iniingatan sila ng Diyos at na balang-araw, pupuksain Niya ang lahat ng demonyo pati na ang mga nagpapaimpluwensiya sa kanila. Isip-isipin na lang ang kagalakan at kapayapaang iiral sa lupa kapag nakalaya na ang sangkatauhan sa impluwensiya ng espiritismo!—Isaias 11:9; Apocalipsis 22:15.