Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 7/08 p. 13-17
  • Mga Kanal ng Britanya—Kawili-wili Pa Rin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kanal ng Britanya—Kawili-wili Pa Rin
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggawa at Paggamit sa mga Kanal
  • Ang Buhay sa Makitid na Bangka
  • Unti-unting Nawala sa Uso ang mga Kanal​—At ang Pagbabalik Nito Ngayon
  • “Ang Lupaing Nabahagi, ang Daigdig na Nagkaisa”—Ang Salaysay ng Panama Canal
    Gumising!—1989
  • Paglalayag sa Barko—Sa Tubig at sa Lupa!
    Gumising!—2005
  • Tipunang-tubig ng Batis
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Bangka sa Galilea—Isang Kayamanang Nagmula sa Panahon ng Bibliya
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—2008
g 7/08 p. 13-17

Mga Kanal ng Britanya​—Kawili-wili Pa Rin

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

Noong unang mga taon ng ika-19 na siglo, mga 6,000 kilometro ng sanga-sangang kanal ang bumabagtas sa buong Inglatera, Scotland, at Wales. Bakit ginawa ang mga ito, at sino ang gumagamit ng mga ito sa ika-21 siglo?

DAHIL sa pag-unlad ng industriya ng Britanya noong ika-18 siglo, kinailangan ng matipid at mabilis na sistema ng paghahatid ng mga materyales at produkto. Bago ang panahong iyon, mga kabayo ang ginagamit upang magdala ng mga kargada o humila ng mga kariton. Hamon ito kung taglamig lalo na sa mga kalsadang hindi na madaanan dahil sa makapal na putik at naging lubak-lubak na bunga ng madalas na pagdaan sa mga ito. Sa kabilang panig, napakadali at walang kahirap-hirap para sa isang kabayo na hilahin sa kahabaan ng kanal ang isang bangka na may kargadang umaabot nang hanggang 30 tonelada.

Noong 1761, nagpagawa ang Duke ng Bridgewater ng isang kanal upang maibiyahe niya ang karbon mula sa kaniyang minahan patungo sa mga mamimili sa Manchester, mga 16 na kilometro ang layo. Bukod sa kumita nang malaki ang duke dahil dito, bumaba rin nang kalahati ang presyo ng karbon sa Manchester. Pagsapit nang 1790, isang mas malaking proyekto, ang sistema ng kanal ng Grand Cross, ang nagdugtong nang maglaon sa apat na mahahalagang ilog. Pinag-ugnay din nito ang mga lugar na kinaroroonan ng pangunahing industriya ng Inglatera at ang mga daungang-dagat. Nang panahong iyon, nauso na sa Britanya ang pagbibiyahe sa mga kanal.

Paggawa at Paggamit sa mga Kanal

Ang mga bihasang inhinyero, kabilang na si James Brindley, na nag-aral lamang nang sarilinan at hindi gumagawa ng nasusulat na kalkulasyon o plano sa lahat ng kaniyang proyekto, ay nakaisip ng mahusay na paraan upang mapadaloy ang tubig sa kilu-kilometrong distansiya kahit pa iba’t iba ang level ng lupa. Dahil dito, gumawa ang mga trabahador na nakilala bilang mga nabigante, o navvy, ng mga paagusan, lagusan, trangka sa kanal, at tulay, na hinahangaan pa rin hanggang sa ngayon.

Ang “makikitid na bangka,” mga bangkang kahoy na walang bubong, na mga 20 metro ang haba at 2 metro ang lapad, ay ginawa para maglulan ng maraming kargada, gaya ng karbon, apog, batong-apog, puting luwad, inambato ng bakal, laryo, at harina. Ang mga bangkang ito ay hinihila ng mga kabayong naglalakad sa daanan sa gilid ng kanal. Ang mga “lumilipad na bangka” naman ay naglalaan ng mabilis na serbisyo para maihatid ang mga kargadang kailangang ibiyahe agad o madaling masira, at nagbibiyahe nang walang hinto kaya magdamag na nagtatrabaho ang mga tripulante nito.

Sa ilang kanal, ang mga bangkang dinisenyo ang kasko para sa mabilis na biyahe sa tubig ay hinihila ng mga kabayong pinapalitan tuwing apat na oras. Nakapaglululan ang mga ito ng hanggang 120 pasahero sa katamtamang bilis na 15 kilometro bawat oras. Tulad ng mga lumilipad na bangka, sila ang priyoridad na paraanin sa mga kanal. At bukod diyan, sa Bridgewater Canal, ang mga bangkang ito ay kinakabitan pa sa prowa ng malaking talim na pamputol sa mga taling panghila sa ibang bangka na nakaaabala sa pagdaan nila! Sa pagdami ng mga kanal, nakakabiyahe na ngayon nang mura at komportable ang ordinaryong mga tao sa malalayong lugar sa kauna-unahang pagkakataon.

Ang Buhay sa Makitid na Bangka

Mahirap ang buhay ng mga bangkero sa mga kanal na ito. Mabigat at karaniwan nang mapanganib ang kanilang trabaho. Dahil lagi silang palipat-lipat, halos wala na silang pagkakataong makapag-aral at halos hindi na rin nila nakakasalamuha ang ibang mga tao.

Ang mga naninirahang ito sa makikitid na bangka ay nakalikha ng naiibang katutubong sining, anupat pinalalamutian nila ang kanilang mga bangka ng makukulay na ipinintang mga tanawin, at mga disenyong bulaklakin at heometriko, na makikita sa panlabas na bahagi ng bangka hanggang sa cabin, na matatagpuan sa may popa. Sa mga tirahang ito, na may sukat na tres por dos metro, naninirahan ang bangkero, ang kaniyang asawa, at ang mga anak nila. Maliit man ang kanilang tinitirhan, binawi naman nila ito sa pamamagitan ng mga kagamitang napakahusay ang pagkakadisenyo tulad ng de-tiklop na mga higaan at mesa gayundin ng mga upuang nagsisilbi ring taguan ng gamit. Ang mga istante nito ay may mga dekorasyong ginantsilyo. Nagbibigay naman ng liwanag ang magagandang porselana at makikinang na palamuting gawa sa tanso na nasa palibot ng lutuan. Ang lahat ng ito ay nagbibigay ng impresyon na nakakaengganyong tumira doon. Kahit maraming trabaho ang masipag na asawa ng bangkero at madalas na marurumi ang kargadang lulan ng bangka, napananatili pa rin niyang malinis ang kaniyang pamilya at ang kanilang bangka. Kumikinang sa kaputian maging ang palamuting tali na nakaikid sa pamihit ng timon.

Unti-unting Nawala sa Uso ang mga Kanal​—At ang Pagbabalik Nito Ngayon

Noong 1825, nang papatapos na ang paggawa sa mga kanal, binuksan ni George Stephenson ang Stockton and Darlington Railway, isa sa pinakaunang kompanya ng pampublikong tren na gumamit ng mga makinang pinatatakbo ng singaw. Sa loob lamang ng 20 taon, mas ginagamit na sa pagbibiyahe ng mga bagay-bagay ang mga riles ng tren kaysa sa mga kanal, na unti-unti nang hindi tinangkilik ng mga tao, at pinabayaan na. Binili pa nga ng mga kompanya ng tren ang ilan sa mga kanal na ito para wala silang maging kakompetensiya. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, lalo nang hindi tinangkilik ang mga kanal dahil nagkaroon na ng bago at mas magagandang kalsada. Kahit ang mga naniniwalang magpapatuloy pa ang paggamit sa mga kanal ay sumuko na at tinanggap na ang kahihinatnan ng mga ito.

Gayunman, dahil sa pagsisikap ng mga indibiduwal at mga grupo sa nakalipas na 50 taon, hindi iyan nangyari. Bagaman may ilang bangkang dumaraan sa mga kanal na ito na nagdadala pa rin ng mga kargamento, ang iba ay ginawa nang permanenteng mga bahay o mga bangkang sasakyan ng mga bakasyunista. Posible na ngayong mapasyalan ang mahigit 3,000 kilometro ng mga kanal, at makita sa pagdaan sa mga ito ang ilan sa pinakamagaganda at likas na tanawin sa Britanya. Muli ring binuhay ng mga tagapagtaguyod ng makikitid na bangka ang matatandang tradisyon, na mas nakilala ng mga tao dahil sa mga kapistahan na regular na idinaraos sa mga kanal. Oo, dahil sa pagsikat ng makukulay na mga bangkang ito na ginagamit sa pamamasyal, mas marami na ngayong makikitid na bangka kaysa noong kasagsagan ng paggamit sa mga ito sa pagdadala ng mga produkto, at ang pagkukumpuni sa mga kanal ngayon ay kasimbilis ng paggawa sa mga ito noon, 200 taon na ang nakalilipas.

Magkagayunman, kaunti lamang sa mga gumagamit sa mga kanal bilang lugar ng libangan ang nagbabangka. Bakit? Dahil ang pagsasauli sa mga kanal ay lumikha ng magkakatabing parke sa kahabaan ng kanal. Kaya ang tanawin sa mga bayan at kanayunan na hindi masyadong kilalá ay maaari na ngayong pasyalan ng mga mahilig maglakad, magbisikleta, at mangisda, na dumaraan lahat sa dating daanan para sa humihila ng bangka. Ang mga imbakan ng tubig na itinayo para mapanatili ang taas ng tubig sa mga kanal ay naging mahalagang tirahan ng maiilap na hayop, at ang mga kanal mismo ang bumubuhay sa maraming iba’t ibang halaman, ibon, at mga hayop.

Ang paggawa sa mga kanal ng Britanya ay nagdulot ng malaking pagbabago​—pero isang pagbabago na salungat sa inaasahan. Ang mismong mga kanal na ito ang nagiging puntahan ng mga taong gustong takasan ang kaigtingang dulot ng modernong daigdig na nalikha rin sa tulong ng mga kanal na ito.

[Kahon/​Larawan sa pahina 14]

PAGDAAN SA MGA LAGUSAN NG KANAL

Iilang lagusan lamang ang may mga daanan para sa humihila ng mga bangka. Kaya bago nagkaroon ng mga bangkang de-motor, ang tanging paraan lamang para makadaan sa lagusan ang isang makitid na bangka ay sa pamamagitan ng mapanganib na trabaho na tinatawag na legging o pagsikad. Isang pares ng tabla ang inilalagay sa magkabilang gilid ng prowa ng bangka. Ang mga bangkero ay humihiga at mahigpit na kumakapit sa mga tablang ito. Pagkatapos, pinaaabante nila ang bangka sa lagusan sa pamamagitan ng pagsikad sa pader. Sa madilim na lagusan, na naiilawan lamang ng isang kandila, napakadaling magkamali ng tapak ang isang legger o tagasikad at mahulog sa tubig, na kung minsan ay maaaring mamatay kapag naipit siya sa pagitan ng kasko ng bangka at ng pader ng lagusan. Ang mga kanal noon sa Britanya ay may kabuuang 68 kilometrong lagusan, at ang mga propesyonal na tagasikad ang inuupahan para sa mahahabang lagusan. Ang pinakamahabang lagusan, na muling binuksan ngayon sa Standedge, Yorkshire, ay may habang limang kilometro.

[Credit Line]

Courtesy of British Waterways

[Kahon/​Larawan sa pahina 15]

MGA TRANGKA SA MGA KANAL AT ISANG NAPAKAHUSAY NA PAMBUHAT NG BANGKA

Yamang hindi makadadaloy nang paahon ang tubig, paano kung pataas na ang lugar? Maaari itong umagos sa lugar na kapantay nito, na magpapahaba sa ruta, o marahil sa isang lagusan sa ilalim ng mataas na lugar. Ang ikatlong puwedeng gawin ay pataasin ang level ng kanal sa pamamagitan ng paglalagay ng mga trangka sa mga ito. Binubuo ito ng isang seksiyon na parang silid na may trangka sa magkabilang dulo at nag-uugnay sa dalawang level ng tubig. Pagpasok ng bangka sa seksiyong ito, isasara ang trangka sa magkabilang dulo. Pagkatapos, daragdagan ito ng tubig para maitaas ang bangka sa kasunod na level, o babawasan ito ng tubig para maibaba ang bangka​—depende kung ano ang kailangan.

Paano kung hindi na maaaring kumpunihin ang mga trangka ng kanal? Ito ang naging hamon sa Scotland, kung saan isang malaking proyekto ang nag-ugnay sa dalawang matagal nang inabandonang mga kanal sa pagitan ng Glasgow at Edinburgh. Hindi na praktikal na kumpunihin ang 11 magkakasunod na trangka sa kanal sa Falkirk na dating nag-uugnay sa Union Canal at sa pinakamatandang kanal sa daigdig, ang Forth and Clyde Canal, na nag-uugnay sa dalawang dagat. Ang napakahusay na solusyon ay ang Falkirk Wheel na walang katulad ang disenyo, isang umiikot na pambuhat ng bangka na may diyametrong 35 metro. Kaya nitong buhatin ang walong bangka, tig-apat sa magkabilang panig ng pambuhat, mula sa isang level patungo sa isa pa, sa loob lamang ng 15 minuto.

Ang Falkirk Wheel, na inilarawan ng The Times ng London bilang “isang kamangha-manghang gawa ng inhinyeriya,” ay masasalamin sa isang malaking pabilog na tipunang-tubig na maaaring daungan ng mahigit na 20 bangka.

[Credit Line]

Pinakaitaas sa kanan: Courtesy of British Waterways

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 16, 17]

KUNG BAKIT GUSTUNG-GUSTO NAMING SUMAKAY NG BANGKA SA MGA KANAL

Nitong nakalipas na mga taon, kaming mag-asawa, na may-edad na ngayon, ay nasisiyahan sa tahimik na pagbabakasyon sa pamamagitan ng pamamangka sa mga kanal. Bakit tahimik? Una sa lahat, malayo kami sa trapik at sa mga kaskaserong drayber. Sa isang makitid na bangka, maaari kang umandar nang dahan-dahan sa bilis na di-lalampas sa limang kilometro bawat oras. Bakit napakabagal? Para hindi magkaroon ng along maaaring makasira sa mga pampang ng kanal. Kaya naman, madalas na nauunahan pa kami ng mga taong ipinapasyal ang kanilang mga aso sa kahabaan ng dating daanan para sa humihila ng bangka!

Ang isa pang bentaha ng mabagal na takbo ng bangka ay may panahon kaming pagmasdan ang mga tanawin at batiin ang mga dumaraan. At makakakita ka rin ng magagandang tanawin. Kadalasan nang sa Monmouthshire and Brecon Canal sa South Wales kami umuupa ng bangka. May haba itong mga 50 kilometro mula sa hanggahan ng Welsh hanggang sa kabundukan ng Brecon na may taas na mahigit na 886 na metro. Nananabik pa rin kami kapag nararating namin ang mga trangka ng mga kanal at ang bangka ay kailangang itaas o ibaba sa ibang level.​—Tingnan ang kahon sa pahina 15.

Ang mga bangka ay kumpleto sa gamit at napakakomportable. Ang ilan ay mayroon pa ngang dalawang kuwarto na pandalawahan, na bawat isa ay may sariling paliguan at palikuran. Mayroon din itong heater kung sakaling maginaw ang gabi. Karaniwan nang kami ang nagluluto, pero kung gusto naming mapaiba naman, tumitigil kami para matikman ang masarap na pagkain sa isa sa mga kainan na nasa gilid ng kanal.

Napakapayapa, lalo na kung umagang-umaga pa lamang at parang salamin ang kanal, kung saan maaaninag ang mga punungkahoy at mga burol. Napakatahimik kung kaya dinig na dinig mo ang mga huni ng ibon. Ang mga kandangaok naman ay parang mga guwardiyang tahimik at dahan-dahang naglalakad sa gilid ng kanal hanggang sa malampasan kami.​—Ipinadala.

[Credit Lines]

Courtesy of British Waterways

Pinakaitaas sa kanan: By kind permission of Chris & Stelle on Belle (www.railwaybraking.com/belle)

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Courtesy of British Waterways

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share