Matutustusan Pa Kaya ng Lupa ang Susunod na mga Henerasyon?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
◼ Pagkatapos ng apat-na-taóng puspusang pag-aaral sa mga pangunahing ekosistema ng daigdig, isang grupo ng mga iskolar at ng mga nangunguna sa pangangalaga sa kapaligiran—na kasali sa pag-aaral na tinatawag na Millennium Ecosystem Assessment [MA]—ang naglathala ng kanilang unang ulat. Ganito ang ilan sa kanilang mga konklusyon: Nitong nakaraang 50 taon, ang lumalaking pangangailangan para sa pagkain, maiinom na tubig, kahoy, fiber, at gasolina ay nagiging sanhi ng napakalaking pagbabago sa ekosistema ng lupa anupat humihina ang kakayahan ng lupa na tustusan ang susunod ng mga henerasyon. Naaabuso ang likas na kakayahan ng lupa na magpatubo ng mga pananim, maglinis ng hangin at maglaan ng oksiheno sa pamamagitan ng ligáw na mga halaman, at magresiklo ng mga nutriyente sa mga karagatan. Malapit na ring maglaho ang ilang uri ng halaman at hayop.
“Napakalaki ng ginagawang pinsala ng mga tao sa lupa anupat lumalaki ang posibilidad na masira agad ang ilang sistema sa kalikasan, na maaaring magdulot ng pagkakasakit, pagkakalbo ng kagubatan o pagkalipol ng mga nilalang sa ilang bahagi ng dagat,” ang sabi ng pahayagang Globe and Mail sa Canada. Idinagdag pa ng pahayagan: “Lubusan nang nasisira ang mga latian, kagubatan, sabana, wawa, palaisdaan sa tabing-dagat at iba pang tirahan ng mga hayop na nagreresiklo ng hangin, tubig at nutriyente para sa lahat ng nabubuhay na nilalang.” Bagaman sa kanilang konklusyon ay sumasang-ayon ang mga opisyal ng MA na may kakayahan ang lipunan ng tao na hadlangan sa paanuman ang pagkasira ng mga ekosistema, sinasabi nila na upang magawa ito, “kailangang gumawa ng malaking pagbabago ang mga tao sa paraan ng pakikitungo nila sa kalikasan.”
Maililigtas pa kaya ang planetang Lupa? Tiyak na masasabi nating oo! Bilang mga tagapangalaga ng mga nilalang ng Diyos, dapat nating gawin ang ating buong makakaya na ingatan ang kapaligiran. (Awit 115:16) Gayunman, ang Diyos lamang ang may kakayahang magbalik ng mga ekosistema sa dati nitong kalagayan. Ipinapangako ng ating “Dakilang Maylikha” na ibabaling niya ang kaniyang pansin sa lupa at ‘bibigyan ito ng kasaganaan.’ (Job 35:10; Awit 65:9-13) Kasama rito ang mga dagat at lahat ng bagay na naroroon sapagkat bilang Maylalang, ang Diyos na Jehova ay may kapangyarihan sa mga dagat. (Awit 95:5; 104:24-31) At tiyak na magkakatotoo ang kaniyang mga ipinangako sapagkat “hindi makapagsisinungaling” ang Diyos.—Tito 1:2.
Nakaaaliw malaman na kayang tustusan ng lupa ang susunod na mga henerasyon. Napapakilos nito ang lahat ng may-takot sa Diyos na purihin siya dahil sa kaniyang saganang karunungan, kapangyarihan, kabutihan, at sa lahat ng pag-ibig na ipinakita niya sa kaniyang mga nilalang.—Awit 150:1-6.
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Globo: NASA photo