Nanganganib ba Talaga ang Planetang Lupa?
SINASABING ang pag-init ng globo ang pinakamalaking panganib na kinakaharap ngayon ng sangkatauhan. Ayon sa babasahing Science, nababahala ang mga mananaliksik “na baka napasimulan natin ang isang unti-unti ngunit walang-patid na pagbabago [sa kalikasan].” Nag-aalinlangan naman ang iba sa sinasabing ito ng mga mananaliksik. Totoo, marami ang sumasang-ayon na umiinit ang temperatura ng lupa, pero hindi nila alam kung ano ang sanhi at kung ano ang magiging epekto nito. Sinasabi nila na bagaman maaari ding sisihin ang tao sa pag-init ng globo, hindi tao ang pangunahing dahilan nito. Bakit hindi pare-pareho ang kanilang opinyon?
Una sa lahat, mahirap maunawaan ang napakasalimuot na mga prosesong nasasangkot sa pagbabago sa klima. Karagdagan pa, ang mga grupo na interesado sa pangangalaga sa kalikasan ay may tendensiyang magbigay ng sarili nilang mga interpretasyon sa mga impormasyong nakakalap ng siyensiya, gaya ng mga detalyeng ginagamit sa pagpapaliwanag kung bakit umiinit ang temperatura ng lupa.
Talaga Bang Tumataas ang Temperatura?
Ayon sa huling ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), isang grupo na pinopondohan ng UN, ang pag-init ng globo ay “di-maikakaila,” o isang katotohanan; at “malamang” na ang tao ang pangunahing may kagagawan nito. Ang ilan na hindi sumasang-ayon sa ganitong konklusyon, lalo na sa punto na ang tao ang dapat sisihin, ay umaamin na maaaring umiinit ang temperatura sa mga lunsod dahil lumalaki ang populasyon ng mga ito. Gayundin, ang mga imprastrakturang gawa sa kongkreto at bakal sa mga lunsod ay madaling uminit kung araw at matagal namang lumamig kung gabi. Pero ikinakatuwiran din nila na ang temperatura sa lunsod ay iba sa temperatura sa mga probinsiya kung kaya hindi sapat na sabihing ang temperatura sa mga lunsod ang siyang temperatura ng buong planeta.
Sa kabilang dako naman, sinabi ni Clifford, pinuno ng isang isla malapit sa baybayin ng Alaska, na kitang-kita niya mismo ang mga pagbabago. Karaniwan nang tumatawid sa mga yelo sa dagat ang kaniyang mga kanayon papunta sa pangunahing bahagi ng Alaska para mangaso ng mga usa at moose. Pero dahil sa pagtaas ng temperatura, nagiging imposible na sa kanila na magawa ito. Bakit? “Nagbago na ang daloy ng tubig, nagbago na ang kondisyon ng yelo sa dagat, at ang pamumuo ng yelo sa Dagat Chukchi ay . . . nagbago na rin,” ang sabi ni Clifford. Ayon sa kaniya, nagyeyelo noon ang dagat kapag katapusan ng Oktubre, pero ngayon, nagyeyelo lamang ito kapag magtatapos na ang Disyembre.
Noong 2007, naranasan din ang epekto ng pag-init ng temperatura sa Northwest Passage, na nadaanan sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan. “Ang nasaksihan natin sa taóng ito ay katunayan na patuloy na humahaba ang panahong natutunaw ang yelo o walang yelo sa dagat,” ang sabi ng isang siyentipiko ng National Snow and Ice Data Center sa Estados Unidos.
Greenhouse Effect—Napakahalaga sa Buhay
Ang sinasabing isang dahilan kung bakit nagbabago ang klima ay ang pagtindi ng greenhouse effect. Isa itong likas na paraan ng pag-init ng lupa na napakahalaga sa buhay. Kapag nakarating sa planetang lupa ang enerhiyang nagmumula sa araw, mga 70 porsiyento nito ang nagagamit para painitin ang hangin, kalupaan, at karagatan. Kung hindi dahil dito, ang katamtamang temperatura sa ibabaw ng lupa ay magiging -18 digri Celsius. Sa kalaunan, ang naipong init ay sumisingaw pabalik sa kalawakan, kaya hindi labis na umiinit ang temperatura ng lupa. Pero kapag nabago ang komposisyon ng atmospera dahil sa polusyon, hindi nakakasingaw ang lahat ng init na ito. Isa itong dahilan kung bakit tumataas ang temperatura ng lupa.
Kabilang sa mga greenhouse gas, mga gas na nagpapatindi sa greenhouse effect, ang carbon dioxide, nitrous oxide, at methane, pati na rin ang singaw ng tubig. Lubhang dumami ang mga gas na ito sa atmospera nitong nakalipas na 250 taon mula nang umunlad ang industriya at naging malawakan ang paggamit ng fossil fuel, gaya ng karbon at langis. Waring isang dahilan din sa pagtindi ng greenhouse effect ang pagdami ng mga bakahan, babuyan, at iba pang mga hayupan, yamang ang dumi ng hayop ay lumilikha ng methane at nitrous oxide. Ayon naman sa ilang mananaliksik, may iba pang sanhi ng pag-init ng temperatura na nakaaapekto na sa klima bago pa ito maapektuhan ng tao.
Normal Lamang ba ang Pagbabagong Ito sa Klima?
May iba pang dahilan ng pag-init ng globo ayon sa mga nag-aalinlangan na tao ang sanhi nito. Sinasabi nila na noon pa ma’y nagkakaroon na ng malalaking pagbabago sa temperatura ng lupa. Halimbawa, may mga panahon daw na nagyelo noon ang mundo, kung kailan mas malamig ang temperatura ng lupa kumpara sa ngayon; at para patunayan na likas lamang ang pag-init na nangyayari sa kasalukuyan, nagbigay sila ng ebidensiya na ang malalamig na rehiyon, gaya ng Greenland, ay dating sagana sa mga pananim na nabubuhay sa maiinit na lugar. Sabihin pa, aminado ang mga siyentipiko na habang tinutuklas nila kung ano ang nangyari noong nakaraan, lalo nilang hindi matiyak kung ano talaga ang kalagayan ng klima noon.
Bakit kaya nagkakaroon ng malalaking pagbabago sa temperatura noon bago pa ito maapektuhan ng tao? Posibleng nangyayari ito dahil sa mga sunspot at nagaganap na pagsabog sa araw, na sanhi naman ng pagbabago sa antas ng enerhiyang nagmumula sa araw. Karagdagan pa, ang mismong puwesto ng orbit ng planetang lupa ay nagbabago sa loob ng libu-libong taon at nakaaapekto ito sa distansiya ng lupa mula sa araw. Maaari ding makaapekto ang mga abong ibinubuga ng sumasabog na mga bulkan at ang pagbabago ng daloy ng tubig sa karagatan.
Paggawa ng Prediksiyon sa Tulong ng Computer
Kung totoong tumataas ang temperatura ng lupa—anuman ang dahilan o mga dahilan nito—paano ito makaaapekto sa atin at sa ating kapaligiran? Mahirap gumawa ng tumpak na mga prediksiyon. Gayunman, gumagamit ngayon ang mga siyentipiko ng malalakas na computer para makalkula ang mga posibleng mangyari sa klima. Para maging tumpak ang kanilang mga prediksiyon, dinisenyo nila ang kanilang mga programa sa computer ayon sa mga batas ng pisika, impormasyon hinggil sa klima, at likas na mga pangyayari sa kalikasan na nakaaapekto sa klima.
Sa tulong ng mga programang ito sa computer, nakapag-eeksperimento hinggil sa klima ang mga siyentipiko, na imposible nilang magawa sa aktuwal. Halimbawa, maaari nilang “baguhin” ang antas ng enerhiyang nanggagaling sa araw para makita kung ano ang magiging epekto nito sa mga yelo sa polo ng lupa, temperatura ng hangin at dagat, antas ng ebaporasyon, presyon sa atmospera, pamumuo ng mga ulap, lakas ng hangin, at pag-ulan. Maaari silang “lumikha” ng mga pagsabog ng bulkan upang masuri kung ano ang magiging epekto ng abong ibinubuga nito sa lagay ng panahon. Gayundin, maaari nilang pag-aralan ang epekto ng paglaki ng populasyon ng tao, pagkakalbo ng kagubatan, paggamit ng tao sa lupa, mga pagbabago sa antas ng mga greenhouse gas, at iba pa. Umaasa ang mga siyentipiko na mapahuhusay pa nila ang kanilang paraan ng pagtantiya para makagawa sila ng mas tumpak at mapananaligang mga prediksiyon.
Gaano katumpak ang gayong mga prediksiyon? Siyempre, depende ito kung gaano karami at kung tama ang ipinapasok na impormasyon sa mga computer. Kaya maaaring magkakaiba ang mga prediksiyon—mula sa maliliit na pagbabago hanggang sa malalaking pagbabago sa klima na maaaring maging sanhi ng mga sakuna. Magkagayunman, sinabi ng Science na “maaari pa ring lumitaw ang di-inaasahang mga pagbabago sa [likas] na lagay ng panahon.” At gayon na nga ang nangyayari sa ilang lugar, gaya ng di-karaniwang pagkatunaw ng mga yelo sa Artiko, na ikinagulat ng mga eksperto sa klima. Gayunman, kung mabibigyan ng ideya ang mga mambabatas hinggil sa kahihinatnan ng ginagawa o di-ginagawa ng tao sa kasalukuyan, maaari silang makagawa ng mga pasiyang makatutulong para mabawasan ang posibleng mga panganib sa hinaharap.
Dahil dito, sinuri ng IPCC ang anim na iba’t ibang prediksiyon na ginawa sa tulong ng mga computer—kasama na rito ang mga posibleng mangyari kung ganap na pahihintulutan ang mga industriyang lumilikha ng mga gas na nakaaapekto sa atmospera, kung ipatutupad ang ilang pagbabawal sa mga industriyang ito, at kung talagang ipagbabawal ang mga industriyang ito. Ipinapakita ng bawat prediksiyong ito kung ano ang magiging pagbabago sa klima at magiging epekto nito sa kalikasan. Sa pamamagitan ng mga prediksiyong ito, nakapagbibigay ng mga mungkahi ang mga eksperto para mapangalagaan ang kalikasan. Kasama rito ang paggamit ng enerhiyang nuklear, mga restriksiyon sa paggamit ng fossil fuel, parusa sa mga lumalabag sa gayong mga restriksiyon, at paggamit ng teknolohiya na hindi nakasisira sa kalikasan.
Mapananaligan ba ang Gayong mga Prediksiyon?
Ayon sa mga kritiko, ang kasalukuyang mga pamamaraan sa pagtaya ng lagay ng panahon ay “batay sa kulang-kulang na impormasyon hinggil sa di-nauunawaang mga pagbabago sa klima” at ang mga ito raw ay “nagwawalang-bahala sa iba pang mga pagbabago sa kalikasan.” Ikinakatuwiran din nila na hindi naman pare-pareho ang mga prediksiyong ginawa sa tulong computer. Ganito ang sinabi ng isang siyentipiko na nakibahagi sa mga talakayan ng IPCC: “Nanliit ang ilan sa amin dahil hindi namin matantiya at maunawaan ang napakasalimuot na pagbabago sa klima anupat nagdududa na kami sa aming kakayahan na malaman kung paano at bakit nagbabago ang klima.”a
Siyempre pa, maaaring ikatuwiran ng ilan na hindi sapat na dahilan ang mga pag-aalinlangang ito para hindi na tayo kumilos, yamang nakasalalay rito ang ating kinabukasan. “Kung magkatotoo ang mga prediksiyong ito, hindi kaya sisihin tayo ng ating mga anak dahil wala tayong ginawa?” ang sabi nila. Tumpak man o hindi ang mga prediksiyon hinggil sa pagbabago sa klima, natitiyak nating nanganganib ang planetang lupa. Ang kakayahan ng kapaligiran na tumustos sa buhay ay sinisira ng polusyon, pagkakalbo ng kagubatan, pagkalipol ng ilang uri ng hayop, at urbanisasyon. Ilan lamang ito sa mga salik na hindi maikakaila ng sinuman.
Yamang ganito ang nangyayari sa lupa, makaaasa kaya tayo na kikilos ang buong sangkatauhan para iligtas ang ating magandang tirahan—pati na ang ating sarili? Ang masaklap pa rito, kung talagang ang tao ang may kagagawan sa pag-init ng globo, maaaring kaunti na lamang ang natitirang panahon para masolusyunan ito. Sa paanuman, nangangailangan ito ng kagyat na pagbibigay-pansin sa pinakasanhi ng mga problema ng lupa—ang kasakiman ng tao, pagiging makasarili, kawalang-alam, kawalang-kakayahan ng gobyerno, at kawalang-malasakit sa kapakanan ng ibang tao. Malulutas pa kaya ang mga problemang ito? Kung hindi, wala na ba tayong pag-asa? Sasagutin ang tanong na iyan sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Sinabi ni John R. Christy, direktor ng Earth System Science Center sa University of Alabama, Huntsville, E.U.A., na iniulat sa The Wall Street Journal, Nobyembre 1, 2007.
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
PAANO MASUSUKAT ANG TEMPERATURA NG LUPA?
Para mailarawan kung gaano ito kahirap gawin, isipin kung paano mo susukatin ang temperatura ng isang malaking kuwarto. Halimbawa, saan mo ilalagay ang termometro? Pumapaitaas ang mainit na hangin, kaya malamang na mas mainit ang temperaturang malapit sa kisame kaysa sa temperaturang malapit sa sahig. Iba-iba rin ang sukat na makukuha mo kung ilalagay mo ang termometro malapit sa bintana, sa lugar na nasisinagan ng araw, o sa bahagi ng kuwarto na hindi naaarawan. Maaari ding makaapekto sa temperatura ang kulay, yamang mas mainit ang temperatura ng isang kuwarto kung madilim ang kulay ng mga dingding nito.
Kaya baka hindi sapat kung susukatin mo ang temperatura sa isang bahagi lamang ng kuwarto. Kailangan mong gawin ito sa iba’t ibang bahagi ng kuwarto at pagkatapos ay kalkulahin ang katamtamang temperatura. Maaari ding magbago ang temperatura sa bawat araw at bawat panahon. Samakatuwid, para makuha talaga ang katamtamang sukat ng temperatura, kailangan mong sukatin ang temperatura nang maraming beses sa loob ng mahabang panahon. Kaya isip-isipin kung gaano kakomplikado ang pagsukat sa temperatura ng ibabaw ng lupa, ng atmospera, at ng karagatan! Gayunman, napakahalaga ng gayong mga pagsukat para matantiya nang tumpak ang pagbabago sa klima.
[Credit Line]
NASA photo
[Kahon sa pahina 6]
ENERHIYANG NUKLEAR BA ANG SOLUSYON?
Palaki nang palaki ang nakokonsumong enerhiya sa buong mundo. Yamang lumilikha ng mga greenhouse gas ang paggamit ng langis at karbon, pinag-iisipan ng ilang gobyerno ang paggamit ng enerhiyang nuklear bilang mas malinis na alternatibo na pagkukunan ng enerhiya. Pero mayroon din itong kaakibat na mga problema.
Iniulat ng International Herald Tribune na sa Pransiya, isa sa mga bansang gumagamit ng enerhiyang nuklear, 19 na bilyong metro kubiko ng tubig kada taon ang kailangan para mapalamig ang mga reaktor ng mga plantang nuklear sa bansa. Sa panahon ng matinding tag-init noong 2003, tumaas ang temperatura ng mga ilog sa Pransiya dahil sa maiinit na tubig na karaniwang nanggagaling sa mga plantang nuklear, anupat nanganib na mapinsala ang mga ilog na iyon. Kaya kinailangang ipasara ang ilan sa mga planta roon. Inaasahan na mas lalala pa ang kalagayang ito kapag tumaas ang temperatura ng globo.
“Kailangan muna nating lutasin ang problema sa pagbabago sa klima kung gusto nating gumamit ng enerhiyang nuklear,” ang sabi ni David Lochbaum, isang inhinyero ng plantang nuklear at miyembro ng Union of Concerned Scientists.
[Kahon/Mapa sa pahina 7]
MGA SAKUNANG NAUUGNAY SA LAGAY NG PANAHON NOONG 2007
Noong 2007, naganap ang pinakamaraming sakunang nauugnay sa lagay ng panahon, kung kaya nagpalabas ang United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs ng 14 na petisyon—mas marami nang 4 na petisyon kaysa noong 2005—upang agad na matugunan ang malaking pangangailangan ng mga naapektuhan. Binabanggit sa ibaba ang ilan sa mga sakunang naganap noong 2007. Sabihin pa, bagaman nangyari ang mga sakunang ito, hindi nangangahulugan na patuloy itong magaganap sa loob ng mahabang panahon.
◼ Britanya: Mahigit 350,000 katao ang apektado ng pinakamatinding pagbaha sa nakaraang mahigit 60 taon. Ang mga buwan ng Mayo hanggang Hulyo ng taóng iyon ang pinakamaulang panahon sa Inglatera at Wales simula nang magtala sila ng mga pag-ulan noong 1766.
◼ Kanlurang Aprika: Apektado ng pagbaha ang 800,000 katao sa 14 na bansa.
◼ Lesotho: Nasira ang mga pananim dahil sa mataas na temperatura at tagtuyot. Mga 553,000 katao ang nangangailangan ng pagkain.
◼ Sudan: Dahil sa malalakas na pag-ulan, 150,000 katao ang nawalan ng tahanan. Di-kukulangin sa 500,000 ang nakatanggap ng tulong.
◼ Madagascar: Hinagupit ng malalakas na bagyo ang isla, na naging dahilan para lumikas ang 33,000 katao at masira ang pananim ng 260,000.
◼ Hilagang Korea: Tinatayang 960,000 ang lubhang apektado ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.
◼ Bangladesh: Apektado ng pagbaha ang 8.5 milyon katao. Mahigit 3,000 katao ang namatay, gayundin ang 1.25 milyong hayop sa bukid. Halos 1.5 milyong tahanan ang napinsala o tuluyang nawasak.
◼ India: Naapektuhan ng pagbaha ang 30 milyong tao.
◼ Pakistan: Inilikas ang 377,000 tao dahil sa malalakas na buhawi at pag-ulan, at daan-daan ang namatay.
◼ Bolivia: Mahigit 350,000 katao ang apektado ng baha, at 25,000 naman ang inilikas.
◼ Mexico: Nawalan ng tirahan ang di-kukulangin sa 500,000 katao dahil sa malawakang pagbaha at mahigit isang milyon ang apektado.
◼ Dominican Republic: Dahil sa mahaba at malalakas na pag-ulan, bumaha at gumuho ang lupa kung kaya’t nawalan ng tirahan ang 65,000 katao.
◼ Estados Unidos: Napilitang lumikas ang 500,000 residente dahil sa pagkasunog ng tuyot na kagubatan at mga bukirin sa timugang California.
[Credit Line]
Based on NASA/Visible Earth imagery