Ang Kahanga-hangang Mais
SI Harlin ay dating nagtatanim ng mais sa Finger Lakes, isang rehiyon sa New York, sa Estados Unidos. Gustung-gusto niyang magkuwento sa kaniyang mga kaibigan at bisita tungkol sa ilang kahanga-hangang katangian ng mais. Inanyayahan ng Gumising! si Harlin na ibahagi sa aming mga mambabasa ang ilan sa kaniyang nalalaman. Bukod diyan, tatalakayin din sa artikulong ito ang iba pang aspekto ng kahanga-hangang halamang ito. Halimbawa, saan nanggaling ang mais? Paano ito nakarating sa iba’t ibang bahagi ng daigdig? At paano tayo nakikinabang sa halamang ito? Isaalang-alang muna natin ang paglalarawan ni Harlin sa ilang kahanga-hangang katangian ng mais.
Ang Halamang “Nakikipag-usap” sa Iyo
“Para sa akin, ang mais ay isang likhang-sining at produkto ng masalimuot na matematika. Mula sa mga dahon hanggang sa bawat butil sa busal, ang lahat ay nakaayos sa isang eksaktong hanay na kasiya-siyang tingnan. Higit pa rito, habang lumalaki ang halaman, ‘nakikipag-usap’ ito sa iyo. Tila ba sinasabi nito sa iyo na kulang ito sa tubig o sustansiya. Kung paanong umiiyak ang sanggol kapag may kailangan ito, ang lumalaking halamang mais, tulad ng iba pang halaman, ay nagpapakita rin ng mga palatandaan, gaya ng pagbabago ng kulay at hugis ng dahon, para ipaalam kung ano ang kailangan nito. Ang sekreto ay maintindihan ang ibig sabihin ng mga palatandaang iyon.
“Kapag may mga mamula-mulang purpurang marka sa mga dahon, nangangahulugan ito na kulang sa phosphate ang halaman. Maaaring ipinahihiwatig ng iba pang palatandaan na may kakulangan sa magnesyo, nitroheno, o potash. Gayundin, sa isang tingin lamang ng tagapagtanim, masasabi niya kung may sakit ang halamang mais o kung may kemikal na nakasira dito.
“Gaya ng iba pang tagapagtanim ng mais, nagtatanim ako tuwing tagsibol dahil madaling tumubo ang binhi sa mainit na lupa. Kapag husto na ang laki ng pananim pagkatapos ng apat hanggang anim na buwan, tumataas ito nang hanggang dalawang metro.
“Malalaman sa bilang ng dahon ng halamang mais kung nasa anong yugto na ito ng paglaki. Kapag lima na ang dahon nito, waring nagkakaroon ang halamang ito ng kakayahang mag-analisa ng mga kemikal at gumamit ng matematika. Una, maingat na sinusuri ng mga ugat nito ang lupa. Ang impormasyong nakuha ang magiging basehan ng laki ng busal, na nasusukat sa bilang ng hanay ng mga butil. Pagkatapos, kapag 12 hanggang 17 na ang dahon nito, sinusuring muli ng halaman ang lupa para matiyak kung gaano naman karaming butil ang tutubo sa busal. Sa simpleng salita, waring kinakalkula ng bawat halaman kung paano ito lubos na makikinabang sa lupa. Ang higit pang katibayan ng kamangha-manghang disenyo ng halamang mais ay makikita sa kung paano ito nagpaparami.”
Mga Tassel, Anther, at Hibla
“Ang bawat halamang mais ay may katangiang panlalaki at pambabae. Ang payat at mahabang sibol sa itaas ng halaman ay ang panlalaking bahagi na tinatawag na tassel. Ang bawat tassel ay may mga 6,000 anther. Ang mga anther na ito ay parang mga butil sa isang uhay ng palay. Naglalabas ito ng milyun-milyong napakaliliit na polen. Pinipertilisa naman ng polen, na dala ng hangin, ang mga ovum, o mga itlog, sa loob ng murang busal ng kalapít na mga halamang mais. Ang mga itlog na ito ay napoprotektahan ng balat ng mais.
“Paano nakapapasok ang polen at nakararating sa mga itlog? Dumaraan ito sa hibla. Ang mga hibla ay malambot, maputi-puti, at nakabitin sa dulo ng busal ng mais. Ang bawat busal ay may daan-daang hibla. Sa pinakapuno ng bawat hibla, makikita mo ang isang ovule (obaryo), na naglalaman ng itlog. Ang bawat hibla ay may isang itlog. Ang bawat itlog naman ay nagiging isang butil ng mais.
“Ang nakalabas na dulo ng hibla ay may pinong mga buhok, o stigma. Habang dinuduyan ng hangin ang mga hibla, dumidikit sa mga stigma nito ang polen na tangay ng hangin. Minsang dumikit ang polen sa anumang bahagi ng hibla, sumisibol sa polen ang isang napakanipis na tubo na dumaraan sa hibla para pertilisahin ang itlog.
“Mapapansin kung minsan na may nawawalang mga butil ang busal. Ipinahihiwatig nito na walang naganap na polinisasyon sa ilang hibla, marahil dahil hindi ito humaba sa tamang panahon. Tuyong lupa naman ang maaaring sanhi nito. Muli, kapag kabisado ng tagapagtanim ang mga palatandaan, may magagawa siya para iwasto ang problema at maparami ang kaniyang ani—sa kasalukuyan o sa susunod na ani. Ang isa sa ginagawa ko para paramihin ang aking ani ay ang magtanim ng mais sa isang taon at pagkatapos ay mga soybean naman sa susunod na taon. Ang soybean ay butong-gulay na nagdaragdag ng nitroheno sa lupa. Hindi rin ito kayang kainin ng corn borer—isang mapanirang higad.a
“Talagang tuwang-tuwa ako kapag nakikita ko ang mga taniman na unti-unting nagiging berde at pagkatapos ay naglalaan ng saganang pagkain—sa tahimik, malinis, at magandang paraan. Kumbinsidung-kumbinsido ako na ang halamang mais—gaya ng iba pang halaman—ay isang kamangha-manghang produkto ng paglalang. At talagang kakaunti pa lamang ang nalalaman ko tungkol sa pambihirang halamang ito.”
Naging interesado ka ba sa halamang ito dahil sa mga sinabi ni Harlin? Tingnan naman natin ang kasaysayan at ang maraming gamit ng mais.
Mula Mexico Hanggang sa Iba’t Ibang Bahagi ng Daigdig!
Nagsimula ang pagtatanim ng mais sa mga lupain sa Amerika, malamang sa Mexico, at mula roon ay lumaganap na ang pagtatanim nito. Ang mga taga-Peru na nabuhay bago ang panahon ng mga Inca ay sumasamba sa isang diyosa ng mais na may koronang napapalamutian ng mga mais na nakapuwestong parang mga sinag ng araw. Isang manunulat tungkol sa kalikasan na si Joseph Kastner ang nagsabi na ang mga Indian sa mga lupain ng Amerika “ay sumasamba sa [mais] bilang produkto ng mga diyos, ang mismong ginamit para likhain ang tao . . . Napakadali lamang na magpatubo nito—makapagbibigay ang isang halaman ng sapat na pagkain para sa isang tao sa maghapon.” Hinahaluan ng mga katutubo ng butong-gulay ang mais na kanilang kinakain. Hanggang ngayon, ang ganitong pagkain ay karaniwan pa rin sa mga taga Latin-Amerika.
Natuklasan ng mga Europeo ang mais matapos dumating sa Carribean ang manggagalugad na si Christopher Columbus noong 1492. Isinulat ng anak ni Columbus na si Ferdinand na nakakita ang kaniyang ama ng isang butil “na tinatawag nilang mais at [na ang butil na ito ay] napakasarap, pinakukuluan, iniihaw, o ginigiling upang gawing harina.” Nag-uwi si Columbus ng binhi ng mais, at “sa kalagitnaan ng ika-16 na siglo,” sumulat si Kastner, “ang [mais] ay itinatanim hindi lamang sa Espanya kundi sa Bulgaria at Turkey. Dinala ng mga mangangalakal ng alipin ang mais sa Aprika . . . Dinala naman ng mga tauhan [ng Kastilang manggagalugad na isinilang sa Portugal na si Ferdinand] Magellan ang binhi mula sa Mexico tungo sa Pilipinas at Asia.” Mula noon, dumami na ang nagtatanim at nakikinabang sa mais.
Sa ngayon, ang mais ay pumapangalawa sa trigo bilang ang pinakamaraming pananim na binutil na itinatanim sa daigdig. Ikatlo ang palay. Ang tatlong pananim na ito ay pinagmumulan ng pagkain ng karamihan ng tao, pati na ng mga alagang hayop.
Gaya ng iba pang damo, maraming uri ang mais. Sa katunayan, sa Estados Unidos pa lamang, may mahigit 1,000 kilalang uri, kasama na rito ang mga hybrid o pinaghalong-uri. Iba-iba ang taas ng halamang ito, mga 60 sentimetro hanggang sa napakataas na 6 na metro! Iba-iba rin ang haba ng busal. Ang ilan ay 5 sentimetro lamang ang haba; ang iba naman ay napakahaba anupat umaabot ng 60 sentimetro. “Ang ilang uri ng mais ngayon mula sa Timog Amerika,” ayon sa aklat na Latin American Cooking, “ay may malalaking busal na hugis football, at may butil na isang pulgada ang haba at halos gayon din ang lapad.”
Iba-iba rin ang kulay ng mais. Bukod sa dilaw, may mga mais na kulay pula, asul, itim, o kulay-rosas. Kung minsan, dahil sa kulay ng mga butil, nagiging batik-batik o kaya naman ay guhit-guhit ang mais. Kaya naman may mga pagkakataong ang makukulay na mais na ito ay hindi na niluluto kundi sa halip, ginagawa na lamang na magagandang palamuti.
Ang Butil na Maraming Gamit
May anim na pangunahing uri ang mais: dent corn, flint corn, flour corn, sweet corn, waxy corn, at popcorn. Hindi gaanong marami ang itinatanim na sweet corn kung ihahambing sa ibang uri ng mais. Ang matamis na lasa nito ay resulta ng depekto sa metabolismo ng halaman kung saan mas kakaunting asukal ang nagiging starch. Sa buong daigdig, mahigit 60 porsiyento ng inaaning mais ang ginagamit para sa pagkain ng alagang hayop at halos 20 porsiyento naman para sa pagkain ng tao. Ang natitirang 20 porsiyento ay ginagamit naman sa industriya o sa pagtatanim. Siyempre pa, hindi pare-pareho ang porsiyento ng paggamit sa mais ng iba’t ibang bansa.
Napakaraming gamit ng mais. Ang butil at mga sangkap na nakukuha rito ay ginagamit sa paggawa ng pandikit, mayonnaise, serbesa, at kahit mga diaper. Ginagamit pa nga ang mais sa paggawa ng isang kontrobersiyal na uri ng kemikal—ang ethanol. Siguradong mas marami pa tayong matutuklasan tungkol sa kahanga-hangang halamang ito.
[Talababa]
a Tingnan ang “May Nagdisenyo ba Nito? Kamangha-manghang Pagtutulungan sa Lupa,” sa pahina 25.
[Kahon sa pahina 11]
Mais na Hybrid
Sa maraming bansa, mas gusto ng mga tagapagtanim ng mais ang uring hybrid dahil marami ang ani nito. Karaniwan nang ginagamit dito ang iba’t ibang uri ng dent corn. Kapag pinagsama ang dalawang magkaibang uri ng halamang mais, nagkakaroon ng mga mais na hybrid. Ginagawa rin ang pamamaraang ito para magkaroon ng mga uri ng mais na nagtataglay ng mga katangiang gusto ng tagapagtanim. Pero dahil dito, kailangan pang bumili ang magsasaka ng binhi ng bawat uri ng mais. Bakit? Dahil nagbabago ang kalidad at bumababa ang ani ng mais na ang binhi ay hybrid.
[Mga larawan sa pahina 10]
May daan-daang uri ng mais sa buong daigdig
[Credit Lines]
Courtesy Sam Fentress
Courtesy Jenny Mealing/flickr.com