Nang Umiyak ang Batang Gorilya
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CAMEROON
Ipinanganak si Pitchou, isang babaing gorilya, sa kagubatan ng Sentral Aprika. Mga isang taon noon si Pitchou nang patayin ng mga mangangaso ang kaniyang ina at ang iba pang kabilang sa kanilang grupo para gawing pagkain. Napakaliit pa ni Pitchou at wala pang gaanong makukuhang karne sa kaniya. Kaya sa halip na patayin, ipinasiya na lamang ng mga mangangaso na ipagbili siya bilang alagang hayop. Pero nagkasakit si Pitchou at ayaw niyang tumigil sa kaiiyak.
ISA lamang si Pitchou sa libu-libong naulilang mga unggoy. Maisisisi sa ilang gawain ng tao ang malungkot na situwasyong ito. Isa sa mga gawaing ito ang ilegal na bentahan ng karne ng mga hayop-gubat. Palibhasa’y gustong kumita nang malaki, maghapo’t magdamag na ginagalugad ng propesyonal na mga mangangaso ang kagubatan upang manghuli ng mga hayop para sa ilang restawran o mga indibiduwal na gustong bumili ng eksotikong mga karne. Malaki rin ang kinikita ng mga ahenteng ilegal na nagbebenta ng mga hayop at ng karne ng mga ito sa loob at labas ng bansa.
Ang malungkot na situwasyong ito ay maisisisi rin sa walang-tigil na pagtotroso. Kapag nasira ang kagubatan, nawawalan ng tirahan, kanlungan, at mapagkukunan ng pagkain ang mga hayop. Pabor sa mga mangangaso ang walang-tigil na pagtotroso. Bakit? Kasi, dahil sa mga daang ginawa ng mga nagtotroso, wala nang kahirap-hirap sa pagpasok sa kagubatan ang mga mangangaso, at madali na rin nilang nahuhuli ang tulirong mga hayop na kadalasan ay wala nang kanlungan. Nakadaragdag din sa problema ang paglaki ng populasyon ng tao, pangangailangan para sa protina, paglawak ng mga lunsod, mas makabagong pamamaraan ng pangangaso, pati na ang digmaan at paglaganap ng mga armas. Halos maubos na tuloy ang mga unggoy at iba pang mga uri ng hayop. Hindi lamang iyan. Kapag nalipol ang mga hayop, apektado rin ang mga halaman. Nakakatulong kasi ang mga hayop sa pagkakalat ng mga binhi, kaya may mahalagang papel sila sa balanseng ekosistema ng kagubatan.
Nakalulungkot, patuloy pa rin ang ilegal na pangangaso. Sa ilang bahagi ng Kanlurang Aprika, bumaba nang 90 porsiyento ang dami ng mga unggoy sa loob lamang ng sampung taon. “Kung magpapatuloy pa rin ang ilegal na pangangaso,” ang sabi ng mga eksperto sa hayop-gubat sa Cameroon, “di-magtatagal ay wala nang matitirang gorilya sa kagubatan.”a
Pagliligtas sa Naulilang mga Hayop
Bilang tugon sa nakalulungkot na situwasyong ito, may mga grupo na gumawa ng mga hakbang para proteksiyunan ang mga hayop na nanganganib nang malipol. Isa na rito ang Limbe Wildlife Centre na nakabase sa paanan ng Bundok Cameroon sa timugang Sahara sa Kanlurang Aprika. Mapagmamasdan dito ng mga turista ang mga gorilya, chimpanzee, mandrill, at 13 iba pang uri ng unggoy, kasama na ang iba pang mga klase ng hayop. Sa nakalipas na mga taon, naalagaan na rito ang halos 200 hayop na naulila at nawalan ng tirahan, anupat pinaglalaanan sila ng ligtas na kanlungan, pagkain, at medikal na pangangalaga. Bukod diyan, gusto rin ng Wildlife Centre na imulat ang isipan ng maraming turistang pumapasyal dito taun-taon hinggil sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan. Nitong kamakailan, umabot nang mahigit 28,300 ang mga turistang pumasyal dito na nagmula sa Cameroon, sa kalapit na mga bansa, at sa iba pang bahagi ng daigdig.
Balikan natin ngayon ang kuwento tungkol kay Pitchou. Awang-awa ang mga nakakarinig sa pag-iyak ng batang gorilya, kaya binili nila siya sa mga mangangaso at dinala sa Wildlife Centre. Pagdating doon, sinuri siya nang husto sa klinika. Bukod sa emosyonal na trauma, inuubo rin siya, halos maubusan na ng tubig sa katawan, kulang sa nutrisyon, nagtatae, at maraming sugat sa balat. Dahil sa mga sugat na ito kung kaya tinawag siyang Pitchou, na sa isang diyalekto sa Cameroon ay nangangahulugang “batik-batik.” Mabuti naman at maganda ang naging epekto ng paggamot kay Pitchou kaya hindi na siya kinailangang sumailalim sa operasyon, na kayang gawin ng mga boluntaryo sa Wildlife Centre kung kinakailangan.
Gaya ng karaniwang ginagawa sa mga hayop na bagong dating dito, ibinukod muna si Pitchou nang 90 araw. Saka siya isinama sa 11 iba pang gorilya sa isang nababakurang lugar na parang maliit na gubat. Kadalasan na, tinatanggap agad ng mas matatandang gorilya ang bagong-dating na mga gorilya, kaya madaling napalapít si Pitchou sa kanila. At ikinatuwa naman ito ng mga boluntaryo sa Wildlife Centre.
Napapalapít sa isa’t isa ang mga hayop at ang mga taong nag-aalaga sa kanila. Kapag nakita ng isang turista ang mga gawain sa Wildlife Centre, mauunawaan niya na napakahalaga ng pananagutang iniatang ng Diyos sa mga tao na pangalagaan ang lupa at ang mga hayop na naririto, gaya ng iniutos Niya sa unang mag-asawa.—Genesis 1:28.
Ano ang Kinabukasan ng Naulilang mga Hayop?
Pangunahing layunin ng Wildlife Centre na ibalik ang mga inalagaan nitong naulilang mga hayop sa kanilang likas na tirahan. Pero hindi ito madali. Ang mga hayop na nasanay na sa pag-aalaga ng mga tao ay karaniwang nahihirapang mabuhay sa kagubatan. Nanganganib silang mabiktima uli ng mga mangangaso. Kaya nagkasundo ang ilang bansa sa Aprika na magreserba ng malalawak at protektadong mga lugar na mapaninirahan ng mga hayop at pagbutihin pa ang pangangasiwa sa dati nang inireserbang mga lugar. Inaasahan na makatutulong ang mga kaayusang ito para mabilis na maibalik ang naulilang mga hayop sa kanilang likas na tirahan at mailigtas hindi lamang ang mga unggoy kundi pati na rin ang lahat ng iba pang hayop sa mga lugar na iyon.
Samantala, maraming indikasyon na nanganganib pa rin ang mga unggoy at iba pang mga hayop dahil sa kasakiman, kahirapan, mabilis na paglaki ng populasyon, at pagkalbo sa kagubatan. Kung walang gagawing agarang aksiyon, “malamang na malipol ang iba’t ibang uri ng hayop sa gubat,” ang sabi ni Felix Lankester, project manager ng Limbe Wildlife Centre. “Posibleng malipol sa kagubatan ang mismong mga hayop na inaalagaan namin.”
Kalunus-lunos nga! Pero mas kalunus-lunos na makita ang mga taong nagdurusa dahil sa malnutrisyon at sakit, at makita ang mga batang may malalaking tiyan, nagluluha ang mga mata, at namamatay dahil sa kakapusan sa pagkain. Oo, ang kalagayan ni Pitchou ay larawan ng malungkot na kalagayan ng daigdig sa pangkalahatan—lalo na ang di-pagkakapantay-pantay at kawalang-katarungan dito.
Pero nakagagaan naman ng loob na malaman na nababahala ang Maylalang sa nangyayari sa lupa. Malapit na niyang alisin ang mismong mga sanhi ng kalupitan, pagdurusa, at pagkalipol ng iba’t ibang uri ng hayop, at pagkaisahin ang lahat ng nabubuhay na mga bagay.—Isaias 11:6-9.
[Talababa]
a Nagbababala ang mga eksperto sa kalusugan na maaaring lumipat sa tao ang nakamamatay na mga sakit ng hayop gaya ng anthrax at Ebola, pati na ang mga virus na nakakatulad ng HIV, dahil sa paghawak at pagkain ng karne ng mga hayop-gubat.
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
Si Pitchou noon, at ngayong magaling na siya
[Larawan sa pahina 23]
“Guenon” na pula ang tainga
[Larawan sa pahina 23]
“Drill” na nag-aalaga sa kaniyang sanggol
[Larawan sa pahina 24]
Pasukan ng Limbe Wildlife Centre
[Larawan sa pahina 24]
Pag-aalaga kay Bolo, isang naulilang gorilya
[Picture Credit Line sa pahina 23]
All photos pages 22 and 23: Limbe Wildlife Centre, Cameroon
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Both photos: Limbe Wildlife Centre, Cameroon