Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 3/09 p. 22-23
  • Ang Aking Maliit na Aklat na Kulay-Rosas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Aking Maliit na Aklat na Kulay-Rosas
  • Gumising!—2009
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Pinakadakilang Regalo”
    Gumising!—1991
  • Alisto Upang Tumulong sa Iba
    Gumising!—1991
  • Pagkasumpong ng Kaaliwan sa “Libis ng Matinding Karimlan”
    Gumising!—1998
  • “Mula sa Bibig ng mga Sanggol”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Gumising!—2009
g 3/09 p. 22-23

Ang Aking Maliit na Aklat na Kulay-Rosas

Ayon sa salaysay ni Cynthia Newell

NOONG pitong taóng gulang ako, isang batang babae na kasama ko sa school bus sa Shreveport, Louisiana, E.U.A., ang nag-alok sa akin ng isang maliit na aklat na kulay-rosas na pinamagatang Pakikinig sa Dakilang Guro. Makukuha ko raw ito sa halagang 50 cent. Kaya sumama siya sa bahay namin, at magkasama kaming nagbilang ng 50 cent.

Gustung-gusto ko ang maliit na aklat na ito na kulay-rosas. Di-nagtagal pagkatanggap ko nito, nagkasakit ako at naospital. Para hindi ako malungkot, binabasa sa akin ng mga kapamilya ko ang paborito kong aklat na ito. Pero habang lumalaki ako, bihira ko nang basahin ang maliit na aklat na kulay-rosas, yamang pambata ito. Natuto ako ng mahahalagang aral sa aklat na ito, pero kailangan ko pa ng mas malalim na kaunawaan. Sinubukan kong pumunta sa iba’t ibang simbahan linggu-linggo para malaman ko ang sagot ng Bibliya sa aking mga tanong. Pero hindi ako nasiyahan sa kanilang mga paliwanag.

Pagtuntong ko ng haiskul, hindi na ako masyadong interesado sa relihiyon, pero gustung-gusto ko pa ring matutuhan ang Bibliya at regular ko itong binabasa. Isang araw, napansin kong hindi sumasali sa panatang makabayan ang isa kong kaeskuwela. Tinanong ko siya kung bakit, at sinabi niya, “Nanata na ako kay Jehova, kaya bakit pa ako mananata sa iba?” Tama naman ’yon! ‘Pero sino si Jehova?’ ang tanong ko sa sarili ko.

Bawat tanong ko, sinasagot ng kaeskuwela ko sa pamamagitan ng Bibliya. Nagtataka ako: ‘Paano niya nalaman ang lahat ng ito? Magkaedad lang kami; pero alam na niya ang buong Bibliya!’ Ipinaliwanag niya, “Sa Kingdom Hall ko natututuhan ang Bibliya.” Agad kong tinanggap ang paanyaya niya na dumalo ako sa pulong nang Linggong iyon. Napuntahan ko na ang lahat ng simbahan sa bayan, pero ewan nga ba kung bakit nalaktawan ko ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Nang Linggo mismong iyon, alam ko na kung saan ako matututo ng katotohanan sa Bibliya.

Pagkatapos ng pulong, nagpunta ako sa literature counter, at nakita ko sa pinakaitaas na istante ang maliit na aklat na kulay-rosas! Sampung taon na ang nakalilipas mula nang matanggap ko ang aklat mula sa isang batang babae sa bus, kaya nalimutan ko na kung sino ang nagbigay sa akin ng aklat na iyon. Pero naalaala ko na ngayon​—siya rin ang babaing nag-anyaya sa akin sa pulong, si Nancy!

Pagkatapos nito, linggu-linggo na akong nakipag-aral ng Bibliya at mabilis akong sumulong. Marami akong natutuhan sa aking maliit na aklat na kulay-rosas kaya madali kong naunawaan ang pinag-aaralan namin sa Bibliya. Di-nagtagal, inialay ko ang aking buhay kay Jehova at nabautismuhan ako noong 1985 sa edad na 18. Samantala, lumipat ng Florida si Nancy, at mula noon ay wala na kaming komunikasyon.

Makalipas ang ilang taon, nag-asawa ako. Noong 1991, kami ng asawa kong si Drew ay nagsimulang maglingkod bilang buong-panahong ministrong payunir sa maliit na bayan sa silangan ng Texas. Pero kumusta na si Nancy? Wala akong balita. Pagkatapos, isang gabi habang binabasa ko ang Bantayan, isyu ng Disyembre 1, 1992, napasigaw ako: “Si Nancy ito! Si Nancy ito!” Naroroon siya sa litrato ng mga nagsipagtapos sa Gilead. Siya at ang asawa niyang si Nick Simonelli ay naatasan sa Ecuador, Timog Amerika.

Noong 2006, kaming mag-asawa ay nag-aplay bilang boluntaryo sa internasyonal na mga proyekto sa pagtatayo ng mga Saksi ni Jehova. Tuwang-tuwa kami nang malaman naming ang unang atas namin ay ang proyekto sa pagtatayo ng karagdagang mga pasilidad sa Ecuador! Noong unang araw ko sa sangay sa Ecuador, nakita ko si Nancy! Nagkataong dumadalaw siya sa sangay nang araw na iyon. Nagkatinginan kami at nagyakapan​—nagkitang muli, 32 taon matapos kong matanggap ang aking maliit na aklat na kulay-rosas! Kaylaki ng pasasalamat ko kay Jehova dahil sa aklat na iyon at dahil sa munting batang babae na nag-alok nito sa akin!

[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]

MILYUN-MILYON ANG NAKINABANG DITO

Noong 2003, matapos ang 32-taóng paglilimbag sa aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro, isang nirebisang edisyon ang inilathala. Pinamagatan itong Matuto Mula sa Dakilang Guro. Sa kasalukuyan, mahigit nang 65 milyong kopya ng mga aklat na ito tungkol sa mga turo ni Jesus ang nailimbag sa mahigit 100 wika. Makakakuha ka ng kopya ng Matuto Mula sa Dakilang Guro mula sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.

[Mga larawan sa pahina 23]

Nakasingit na mga larawan: Magkakilala na kami noong mga bata pa kami

Cynthia

Nancy

Likuran: Sa sangay sa Ecuador, makalipas ang maraming taon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share