Ang Pangmalas ng Bibliya
Gusto ba ng Diyos na Yumaman Ka?
“Salamat sa Diyos! Yayaman na ako!”
“Gusto kong yumaman, tutal iyon naman ang gusto ng Diyos.”
“Binibigyan tayo ng Diyos ng lakas para makapagpayaman tayo.”
“Yumayaman ako dahil sa Aklat na ito [ang Bibliya].”
MASASALAMIN sa mga pananalitang iyan ang pananaw ng maraming relihiyon na pagpapala raw mula sa Diyos ang kayamanan. Kung gagawin mo raw ang gusto ng Diyos, payayamanin ka niya ngayon at pagpapalain pa sa hinaharap. Nagugustuhan ng marami ang turong ito, at mabenta ang mga aklat tungkol dito. Pero ganiyan nga ba ang itinuturo ng Bibliya?
Totoo, gusto ng ating Maylalang, na tinatawag sa Bibliya na “maligayang Diyos,” na maging maligaya tayo at matagumpay. (1 Timoteo 1:11; Awit 1:1-3) Bukod diyan, pinagpapala niya ang mga sumusunod sa kaniya. (Kawikaan 10:22) Pero sa ngayon, tumutukoy lamang ba sa materyal na kayamanan ang mga pagpapalang iyon? Malalaman natin ang sagot kung mauunawaan natin kung nasaan na tayo sa agos ng panahon ayon sa layunin ng Diyos.
Panahon Para Magpayaman?
Noon, pinagpala ng Diyos na Jehova ang ilan sa kaniyang mga lingkod ng maraming kayamanan, gaya ng patriyarkang si Job at ni Haring Solomon. (1 Hari 10:23; Job 42:12) Pero mahirap lamang ang marami sa mga may-takot sa Diyos, gaya nina Juan Bautista at Jesu-Kristo. (Marcos 1:6; Lucas 9:58) Ano ipinakikita nito? Ayon sa Bibliya, nakikitungo ang Diyos sa kaniyang mga lingkod kaayon ng layunin niya sa kanila noong panahong iyon. (Eclesiastes 3:1) Ano ang ibig sabihin nito para sa atin sa ngayon?
Isinisiwalat ng hula ng Bibliya na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” o “mga huling araw” ng kasalukuyang sanlibutan. Inihula na sa panahong ito, magkakaroon ng walang-katulad na digmaan, sakit, taggutom, lindol, at pagbaba ng moralidad—mga kalagayang nagpapahirap sa sangkatauhan mula pa noong 1914. (Mateo 24:3; 2 Timoteo 3:1-5; Lucas 21:10, 11; Apocalipsis 6:3-8) Kaya maihahalintulad ang sanlibutang ito sa barkong malapit nang lumubog! Kung gayon, makatuwiran bang pagpalain ng Diyos ang bawat isa sa kaniyang mga lingkod ng materyal na mga kayamanan, o may ibang priyoridad ang Diyos para sa atin?
Inihalintulad ni Jesu-Kristo ang ating panahon sa mga araw ni Noe. Sinabi ni Jesus: “Gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:37-39) Inihalintulad din ni Jesus ang ating panahon sa mga araw ni Lot. Ang mga kapitbahay ni Lot sa Sodoma at Gomorra ay ‘kumakain, umiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim, at nagtatayo.’ “Ngunit nang araw na lumabas si Lot mula sa Sodoma ay umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat,” ang sabi ni Jesus, at idinagdag pa niya: “Magiging gayundin sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.”—Lucas 17:28-30.
Wala namang masama sa pagkain, pag-inom, pag-aasawa, pamimili, at pagtitinda. Ang masama ay kung dito na lamang nauubos ang ating panahon at nakakalimutan na natin na mahalagang maging apurahan ngayon sa ating paglilingkod sa Diyos. Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Ginagawan ba tayo ng Diyos ng pabor kung ang ibinibigay niyang mga pagpapala sa atin ay ang mismong mga bagay na gagambala sa ating paglilingkod sa kaniya?’a Hindi nga, binibigyan niya tayo ng isang bagay na makasasama sa atin. Hindi iyan gagawin ng Diyos ng pag-ibig!—1 Timoteo 6:17; 1 Juan 4:8.
Panahon Para Magligtas ng Buhay!
Sa mapanganib na panahong ito, ang bayan ng Diyos ay may apurahang gawain. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Napakahalaga ng gawaing ito para sa mga Saksi ni Jehova. Kaya hinihimok nila ang kanilang kapuwa na mag-aral tungkol sa Kahariang iyon at sa mga kahilingan ng Diyos para makamit ang walang-hanggang buhay.—Juan 17:3.
Pero hindi naman hinihiling ng Diyos sa kaniyang tapat na mga lingkod na pagkaitan nila ang kanilang sarili. Sa halip, gusto niyang maging kontento sila sa pangunahing mga pangangailangan sa buhay para makapagpokus sila sa paglilingkod sa kaniya. (Mateo 6:33) Sa bahagi naman niya, titiyakin niyang masasapatan ang kanilang materyal na mga pangangailangan. Sinasabi sa Hebreo 13:5: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat . . . sinabi [ng Diyos]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’”
Tutuparin ng Diyos ang mga salitang iyon sa kamangha-manghang paraan kapag iniligtas niya ang “isang malaking pulutong” ng tunay na mga mananamba sa katapusan ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay para mamuhay sa isang bagong sanlibutang may kapayapaan at tunay na kasaganaan. (Apocalipsis 7:9, 14) Sinabi ni Jesus: “Ako ay pumarito upang magkaroon sila [ang kaniyang tapat na mga tagasunod] ng buhay at magkaroon nito nang sagana.” (Juan 10:10) Ang ‘saganang buhay’ na ito ay tumutukoy, hindi sa masaganang buhay sa ngayon, kundi sa walang-hanggang buhay sa Paraiso sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Lucas 23:43.
Huwag kang palilinlang sa turo na pinayayaman ng Diyos ang mga naglilingkod sa kaniya dahil ang totoo, ililihis ka ng turong ito mula sa mga bagay na higit na mahalaga. Sa halip, makinig sa maibigin subalit apurahang payo ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo.”—Lucas 21:34, 35.
[Talababa]
a Gaya noong unang siglo, may mayayaman ding tapat na Kristiyano sa ngayon. Gayunman, binababalaan sila ng Diyos na huwag magtiwala sa kanilang kayamanan o magambala ng mga ito. (Kawikaan 11:28; Marcos 10:25; Apocalipsis 3:17) Mayaman man o mahirap, kailangang magpokus sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Lucas 12:31.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Panahon ngayon para gawin ang ano?—Mateo 24:14.
◼ Sa kapanahunan nino inihalintulad ni Jesus ang ating panahon? —Mateo 24:37-39; Lucas 17:28-30.
◼ Ano ang dapat nating iwasan kung gusto nating mabuhay nang walang hanggan?—Lucas 21:34.
[Blurb sa pahina 13]
Ang turo na pinayayaman ng Diyos ang mga naglilingkod sa kaniya ay sa katunayan, maglilihis sa atin mula sa mga bagay na higit na mahalaga