Kumusta ang Thyroid Mo?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL
LUNGKOT na lungkot si Sara dahil nakunan siya mga tatlong buwan pa lamang ang sanggol sa kaniyang sinapupunan. Makalipas ang halos isang taon, muli siyang nakunan. Sa kabila ng mga pagsusuri, hindi pa rin malaman ng mga doktor ang dahilan. Paglipas ng mga taon, unti-unting tumataba si Sara kahit nagdidiyeta siya at regular na nag-eehersisyo. Pinupulikat din siya sa binti at madali siyang ginawin. Nang bandang huli, ipinakita ng pagsusuri sa kaniyang dugo at ng ultrasound sa kaniyang thyroid na mayroon siyang Hashimoto’s thyroiditis, na posibleng dahilan kung kaya siya nakukunan.a
Tulad ng marami, hindi gaanong binibigyang-pansin ni Sara ang kaniyang thyroid. Pero dahil nagkakasakit na siya, nalaman niya na napakaimportante pala ng glandulang ito.
Thyroid Gland
Ang thyroid ay isang maliit na glandulang hugis paruparo na nasa harap ng leeg sa ilalim ng Adam’s apple. Ang thyroid ay may dalawang seksiyon na bumabalot sa trachea, o windpipe, at wala pang isang onsa ang timbang nito. Bahagi ito ng endocrine system ng katawan ng tao, isang grupo ng mga organ at tissue na gumagawa, nag-iimbak, at naglalabas ng mga hormon—mga kemikal na mensahero—papunta sa daluyan ng dugo.
Ang thyroid ay binubuo ng maraming follicle, na mukhang maliliit na supot na punô ng malapot na likidong may mga thyroid hormone. Mayaman sa iodine ang mga hormon na ito. Sa katunayan, halos 80 porsiyento ng iodine sa katawan ng tao ay nasa thyroid. Kung kulang sa iodine ang kinakain ng isa, posibleng magkaroon siya ng goiter, o malaking thyroid. Kapag kulang sa iodine ang mga bata, mapipigilan ang produksiyon ng hormon sa kanilang katawan kaya hindi magiging normal ang kanilang seksuwal, mental, at pisikal na pagdebelop—isang kondisyong tinatawag na cretinism.
Trabaho ng Thyroid Hormone
Ang mga thyroid hormone ay tinatawag na T3, RT3 (Reverse T3), at T4.b Parehong galing sa T4 ang T3 at RT3, at nangyayari ang pagkukumberte pangunahin na sa mga tissue ng katawan sa labas ng thyroid. Kaya kapag kailangan pa ng katawan ng thyroid hormone, naglalabas ang thyroid ng T4 sa daluyan ng dugo, at mula roon, ang T4 at ang iba pang hormon na nagmula rito ay makaaapekto sa lahat ng selula sa katawan.
Kung paanong kinokontrol ng silinyador ang bilis ng takbo ng makina ng sasakyan, kinokontrol naman ng mga thyroid hormone ang bilis ng metabolismo ng katawan—ang mga kemikal na proseso sa mga selula na lumilikha ng enerhiya at bagong tissue. Kaya ang mga thyroid hormone ay nakaaapekto sa bilis ng tibok ng puso, tumutulong upang maging normal ang pagdebelop at pagkukumpuni ng tissue, at tumutulong din upang magpatuloy ang paglikha ng enerhiya para sa mga kalamnan at para manatiling mainit ang katawan.
May iba pang mahalagang trabaho ang mga thyroid hormone. Halimbawa, tinutulungan nito ang atay na tanggalin sa daluyan ng dugo ang sobrang triglyceride at low-density lipoprotein, na tinatawag na bad cholesterol. Inililipat ang kolesterol sa apdo at mula roon ay sasama na ito sa dumi. Pero kung kakaunti ang thyroid hormone, darami ang bad cholesterol at bababa ang high-density lipoprotein, o good cholesterol.
Pinabibilis ng mga thyroid hormone sa sikmura at bituka ang paglalabas ng likidong panunaw at ang paggalaw ng mga bituka (peristalsis). Kaya kapag sobra ang thyroid hormone, magiging madalas ang pagdumi, at kapag kulang naman, mahihirapan ang isa sa pagdumi.
Ano ang Kumokontrol sa Thyroid?
Ang mga signal na kumokontrol sa thyroid ay nagmumula sa bahagi ng utak na tinatawag na hypothalamus. Kapag napansin ng hypothalamus na kailangan na ng katawan ng thyroid hormone, nagbibigay ito ng signal sa kalapít na pituitary gland na nasa gawing ibaba ng utak sa gawing itaas ng ngalangala. Ang pituitary gland naman ay maglalabas ng thyroid-stimulating hormone (TSH) sa daluyan ng dugo para magbigay ng signal sa thyroid na gumawa pa ng hormon.
Kaya sa pagsusuri sa level ng TSH at thyroid hormone sa dugo, malalaman ng mga doktor kung malusog at gumagana ang thyroid. Mahalaga ito dahil puwedeng magkaproblema ang thyroid.
Kapag May Diperensiya ang Thyroid
Maaaring magkadiperensiya ang thyroid dahil hindi sapat sa iodine ang mga kinakain, sobrang pagod, stress, depekto sa genes, impeksiyon, sakit (kadalasa’y autoimmune disease), o side effect ng iniinom na gamot.c Maaaring sintomas ng sakit ang goiter, o lumalaking thyroid. Puwedeng lumaki ang buong glandula o magkaroon ng mga bukol. Bagaman karaniwan nang hindi delikado, dapat na laging ipasuri sa doktor ang goiter, dahil puwedeng sintomas ito ng mas malalang sakit, gaya ng kanser.d
Karaniwan na, ang may diperensiyang thyroid ay gumagawa ng sobra-sobra o kaya nama’y napakakaunting hormon. Hyperthyroidism ang tawag kung sobra-sobrang hormon ang nagagawa ng thyroid; hypothyroidism naman kung kulang ang hormon na nagagawa nito. Unti-unti at di-namamalayan ang paglitaw ng sakit sa thyroid, kaya maaaring ilang taon na palang may diperensiya ang thyroid ng isa pero hindi niya alam. Gaya ng maraming sakit, mas mabuti kung maagang madadayagnos ang sakit.
Hashimoto’s thyroiditis at Graves’ disease ang mas karaniwang uri ng sakit sa thyroid. Pareho itong autoimmune disorder—ganito ang tawag dahil inaatake ng sistema ng imyunidad ang malusog na mga selula ng katawan, anupat itinuturing itong hindi bahagi ng katawan. Anim na ulit na mas karaniwang tamaan ng Hashimoto’s thyroiditis ang mga babae kaysa mga lalaki, at madalas itong nauuwi sa hypothyroidism. Walong ulit namang mas karaniwan sa mga babae ang Graves’ disease at kadalasan nang nauuwi ito sa hyperthyroidism.
Iba-iba ang opinyon sa kung gaano kadalas dapat magpasuri ng thyroid, pero halos lahat ng doktor ay nagsasabing mahalagang ipasuri ang mga bagong-silang na sanggol. (Tingnan ang kahong “Mahalagang Blood Test Para sa mga Bagong-Silang.”) Kung nakita sa diyagnosis na may underactive thyroid ang isa, kadalasan nang kailangang magpasuri para malaman kung may antibody na umaatake sa glandula. Kung nakita naman sa diyagnosis na may overactive thyroid ang isa, kadalasan nang ipinapa-scan ng doktor ang thyroid, malibang nagdadalang-tao o nagpapasuso ang pasyente. Baka kailangang magpa-biopsy kung may mga bukol sa thyroid para matiyak na hindi ito malignant, o kanser.
Kapag Kailangan ng Paggamot
Makakatulong ang gamot para hindi lumala ang mga sintomas ng hyperthyroidism, gaya ng mabilis na tibok ng puso, panginginig ng mga kalamnan, at nerbiyos. Sa ibang paraan ng paggamot, sinisira ang mga selula ng thyroid para kaunting hormon lamang ang magawa nito. At kung minsan, baka kailangang tanggalin ang thyroid sa pamamagitan ng operasyon.
Para sa mga pasyenteng wala nang thyroid o may hypothyroidism, kadalasan nang nagrerekomenda ang mga doktor ng dosis ng hormon na T4 sa araw-araw. Para malaman ang tamang dosis, minomonitor ng mga doktor ang mga pasyenteng nagpapaterapi. May iba’t ibang paraan ng paggamot sa kanser sa thyroid, kasama rito ang gamot, operasyon, chemotherapy, at radioactive iodine.
Si Sara ay binibigyan ng hormon na T4 at tinuruan siya ng isang nutrisyonista ng balanseng pagkain. Maganda ang nagiging resulta. Gaya ng natutuhan ni Sara at ng iba pa, maliit nga ang thyroid, pero malaki ang papel na ginagampanan nito. Kaya ingatan ang iyong thyroid—kumain ng masusustansiyang pagkaing mayaman sa iodine, sikaping kalmahin agad ang iyong sarili kapag nai-stress ka, at gawin ang buong makakaya mo para manatiling malusog.
[Mga talababa]
a Bagaman maaaring maging maselan ang pagdadalang-tao ng mga babaing may underactive thyroid, karamihan sa mga may sakit sa thyroid ay nagsisilang ng malusog na sanggol. Pero kailangan ng ina na sumailalim sa hormone replacement therapy dahil sa pasimula ng pagbubuntis, sa kaniya lamang magmumula ang thyroid hormone ng sanggol sa kaniyang sinapupunan.
b Ang T3 ay triiodothyronine at ang T4 ay thyroxine. Ang 3 at 4 ay tumutukoy sa bilang ng atomo ng iodine na nasa hormon. Gumagawa rin ang thyroid ng calcitonin, isang uri ng hormon na tumutulong sa pagkontrol ng dami ng kalsyum sa dugo.
c Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na terapi. Kung sa tingin mo ay may problema ka sa thyroid, kumonsulta sa doktor na makaranasan sa paggamot sa sakit sa thyroid at nakaaalam kung paano ito maiiwasan.
d Mas nanganganib na magkaroon ng kanser sa thyroid ang mga nagpa-radiotherapy ng kanilang leeg at ulo o nagkaroon na ng kanser o may mga kamag-anak na may kanser sa thyroid.
[Blurb sa pahina 27]
Kung paanong kinokontrol ng silinyador ang bilis ng takbo ng makina ng sasakyan, kinokontrol naman ng mga thyroid hormone ang bilis ng metabolismo ng katawan
[Blurb sa pahina 29]
Unti-unti at di-namamalayan ang paglitaw ng sakit sa thyroid, kaya maaaring ilang taon na palang may diperensiya ang thyroid ng isa pero hindi niya alam
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
KARANIWANG SINTOMAS
Hyperthyroidism: Madalas na hindi mapakali, biglang bumababa ang timbang, mabilis ang tibok ng puso, madalas madumi, iregular ang regla, iritable, balisa, sumpungin, lumuluwa ang mata, nanlalata, hindi makatulog, at marupok at manipis ang hibla ng buhok.e
Hypothyroidism: Matamlay, biglang tumataas ang timbang, nalalagas ang buhok, hirap sa pagdumi, gináwin, iregular ang regla, malungkutin, nagiging garalgal o mababa ang boses, malilimutin, at madaling mapagod.
[Talababa]
e Ang ilang sintomas ay maaaring dahil sa ibang sakit, kaya kumonsulta sa doktor kung hindi mabuti ang pakiramdam mo.
[Kahon sa pahina 28]
MAHALAGANG BLOOD TEST PARA SA MGA BAGONG-SILANG
Ilang patak lang ng dugo mula sa bagong-silang, makikita na kung may diperensiya ang kaniyang thyroid. Kung makita sa blood test na may problema, magagamot ito ng mga doktor. Kung kulang sa thyroid hormone, maaaring hindi maging normal ang pisikal at mental na pagdebelop ng bata, isang kondisyon na tinatawag na cretinism. Kaya karaniwan nang sinusuri ang mga sanggol ilang araw lamang pagkasilang.
[Kahon/Larawan sa pahina 29]
BALANSE BA ANG PAGKAIN MO?
Ang tamang pagkain ay makakatulong sa pag-iwas sa sakit sa thyroid. Halimbawa, nakakakuha ka ba sa kinakain mo ng sapat na iodine na mahalaga sa paggawa ng thyroid hormone? Ang isda sa dagat at iba pang pagkaing-dagat ay mayaman sa mahalagang elementong ito. Ang dami ng iodine na makukuha sa mga gulay at karne ay depende sa kemikal na komposisyon ng lupa. Para mapunan ang kakulangan ng iodine sa mga pagkain, ipinag-utos ng ilang gobyerno na lahukan ng iodine ang asin.
Mahalaga rin sa thyroid ang selenium. Ang elementong ito ay bahagi ng enzyme na nagkukumberte sa hormon na T4 para maging T3. Depende rin sa komposisyon ng lupa ang dami ng selenium sa gulay, karne, at gatas. Mayaman sa selenium ang mga pagkaing-dagat, kamatis, at sibuyas. Siyempre pa, kung sa tingin mo ay may diperensiya ang iyong thyroid, kumonsulta ka sa doktor; huwag mo itong gamuting mag-isa.
[Dayagram sa pahina 28]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Trachea
Babagtingan (Adam’s apple)
Thyroid
Trachea