Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 6/09 p. 12-15
  • Tatlumpung Taon ng Patagong Pagsasalin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tatlumpung Taon ng Patagong Pagsasalin
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Natuto Ako ng Katotohanan sa Bibliya
  • Kung Paano Nadagdagan ang Kaalaman Ko sa Bibliya
  • Pasimula ng Patagong Pagsasalin
  • Nagpatuloy Ako sa Pagsasalin
  • Nagbago ang Hihip ng Hangin
  • Kalahating Siglo sa Ilalim ng Totalitaryong Kalupitan
    Gumising!—1999
  • Napagtagumpayan Ko ang Hamon ng Paglilingkod sa Diyos
    Gumising!—2005
  • Natuto Akong Magtiwala sa Diyos
    Gumising!—2006
  • Sinimulan Kong ‘Alalahanin ang Dakilang Maylalang’ 90 Taon Na ang Nakalilipas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Gumising!—2009
g 6/09 p. 12-15

Tatlumpung Taon ng Patagong Pagsasalin

Ayon sa salaysay ni Ona Mockutė

Abril 1962, punung-puno ng tao ang korte sa Klaipeda, Lithuania. Nililitis ako sa mga paratang na krimen laban sa lipunan. Oktubre ng nakaraang taon, inaresto ako dahil sa pagsuporta sa relihiyosong gawain na itinuturing na krimen laban sa Estado ng Sobyet. Ikukuwento ko kung bakit ako inaresto at ikinulong dahil sa patagong pagsasalin ng publikasyon ng mga Saksi ni Jehova.

ISINILANG ako noong 1930 sa kanlurang Lithuania, malapit sa Dagat Baltic. Bago ako isilang, nanalangin si Inay na sana’y maging madre ako. Pero sinabi niya sa akin minsan, “Hindi ko maaatim na manalangin sa harap ni San Pedro o ng iba pang walang-buhay na mga idolo.” Hindi ko malilimutan ang sinabi niya kaya hindi ako lumuluhod sa simbahan maliban na lamang kapag napapadaan ako sa tapat ng krus tuwing pauwi ako galing sa eskuwela.

Nang maglaon, noong Digmaang Pandaigdig II​—mula 1939 hanggang 1945​—nakita ko ang matinding kalupitan na hindi maalis-alis sa isip ko. Isang araw noong panahon ng pananakop ng mga Aleman, namimitas kami ng tiyahin ko ng mga berry sa gubat. Nakakita kami ng dalawang malaking hukay na may mga bahid ng dugo. Alam namin na may pinatay kamakailan na isang grupo ng mga Judio, kasama na ang mga kaibigan namin sa eskuwela na sina Tese at Sara, kaya inisip namin na dito sila inilibing. Natigilan ako at napasigaw: “Diyos ko, alam ko pong napakabuti ninyo! Pero bakit po ninyo hinahayaang mangyari ang nakapangingilabot na kalupitang ito?”

Noong 1949, nagtapos ako ng haiskul sa Klaipeda malapit sa bahay namin, at pagkatapos ay ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ng musika. Noong 1950, sumama ako sa patagong kilusan ng mga estudyante na gusto ng pulitikal na mga pagbabago pero may nagsumbong sa amin kaya inaresto ako kasama ng 12 iba pa. Ikinulong ako sa Klaipeda, at doon ako nakakilala ng Saksi ni Jehova.

Natuto Ako ng Katotohanan sa Bibliya

Isang babaing medyo may-edad na ang itinulak papasok sa selda namin. Nginitian niya kaming pitong kabataang babae. Tinanong ko siya: “Kadalasan po, malungkot ang mga ikinukulong, pero kayo, nakangiti! Bakit po ba kayo ikinulong?”

“Dahil sa katotohanan,” ang sagot niya.

“Ano pong katotohanan ’yon?” ang tanong ko.

Lydia Peldszus ang pangalan niya. Isa siyang Aleman na inaresto dahil sa kaniyang pananampalataya bilang Saksi ni Jehova. Marami kaming napag-usapan tungkol sa Bibliya. Dahil sa nakaaantig-pusong katotohanan sa Bibliya na itinuro sa amin ni Ate Lydia, nagbago ang buhay ko pati na ang buhay ng tatlo ko pang kasama sa selda.

Kung Paano Nadagdagan ang Kaalaman Ko sa Bibliya

Dahil sa pakikisangkot ko sa patagong pulitikal na kilusan laban sa pananakop ng Sobyet, sinentensiyahan ako ng 25-taóng pagkabilanggo at 5 taon bilang tapon sa labas ng bansa. Sa tulong ng mga Saksing nakilala ko sa bilangguan pati na sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Siberia, nadagdagan ang kaalaman ko sa Diyos at sa kaniyang layunin. Ang mga Saksing ito, gaya ni Ate Lydia, ay pinarusahan dahil sa kanilang mga paniniwala.

Dumami ang kaalaman ko sa Bibliya at ibinahagi ko ito sa iba. Kahit hindi pa ako nababautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos, Saksi ni Jehova na ang pagkakilala sa akin ng mga kasama ko sa bilangguan at ng mga opisyal doon. Noong 1958, matapos ang walong taon, pinalaya ako. Bumalik ako sa Lithuania na mahina ang kalusugan, pero matibay ang pananampalataya kay Jehova.

Pasimula ng Patagong Pagsasalin

Kaunti na lamang ang mga Saksi noon sa Lithuania. Ang iba ay ibinilanggo at ang iba’y ipinatapon sa Siberia. Noong 1959, dalawang Saksi ang bumalik mula sa Siberia at nagmungkahi na isalin ko ang ating mga publikasyon sa Bibliya sa wikang Lithuaniano. Agad kong tinanggap ang hamon at itinuring iyon na isang pribilehiyo.

Noong Marso 1960, nagsimula ako sa pagsasalin, at pagdating ng Hulyo, palihim akong binautismuhan sa Ilog Dubysa. Dahil sa pakikialam ng KGB (Soviet State Security Committee), hindi ako makahanap ng trabaho para suportahan ang sarili ko, kaya nakitira ako sa mga magulang ko na hindi naman tutol sa paniniwala ko. Inalagaan ko ang mga baka ni Itay at ng mga kapitbahay namin. Habang nagbabantay ng baka, nagsasalin din ako. Ang ganda ng opisina ko​—tuod ng puno ang upuan, berdeng damuhan ang karpet, asul na langit ang kisame, at kandungan ko ang pinakamesa.

Pero napag-isip-isip ko na delikadong magsalin sa bukid dahil madali akong mapapansin ng mga tauhan ng KGB o ng kanilang mga impormante. Kaya nang magkaroon na ng mga taguan kung saan puwede akong magsalin, umalis na ako kina Itay. Kung minsan, nagsasalin ako sa loob ng kulungan ng mga hayop sa bukid​—nasa isang tabi ang mga hayop at nasa kabila naman ako at nagmamakinilya.

Walang kuryente, kaya sa araw ako nagtatrabaho. Para hindi mapansin ang tunog ng makinilya, pinaaandar ko ang isang pasadyang molino sa labas. Pagkagat ng dilim, maghahapunan ako sa loob ng bahay. Saka ako babalik sa kulungan at matutulog sa bunton ng dayami.

Noong Oktubre 1961, nadiskubre ang ginagawa kong pagsasalin ng mga literatura sa Bibliya kaya inaresto ako kasama ng dalawa pang Saksi. Noong 1962, nilitis ako sa korte gaya ng binanggit sa pasimula. Pumayag ang mga awtoridad na magkaroon ng pangmadlang pagdinig, at tuwang-tuwa kami dahil nakapagpatotoo kami sa harap ng maraming tao. (Marcos 13:9) Sinentensiyahan akong mabilanggo nang tatlong taon sa Tallinn, Estonia. Ang alam ko, ako lamang noon ang nabilanggo roon dahil sa pananampalataya. Binisita ako ng mga opisyal ng lunsod at ibinahagi ko sa kanila ang mga paniniwala ko.

Nagpatuloy Ako sa Pagsasalin

Noong 1964, nakalaya ako sa pagkabilanggo sa Estonia at bumalik ako sa Lithuania. Ipinagpatuloy ko roon ang pagsasalin ng ating mga publikasyon. Karaniwan na, isinasalin ko sa wikang Lithuaniano ang mga publikasyon sa wikang Ruso. Hindi biru-biro ang trabahong ito. Bagaman may tumutulong sa akin, ako lang ang buong-panahong tagapagsalin sa wikang ito. Madalas na nagtatrabaho ako pitong araw sa isang linggo mula pagsikat hanggang paglubog ng araw. Hindi ko ito magagawa kung wala ang tulong ni Jehova.

Alam kong napakahalaga ng gawaing ito kaya lagi akong nag-iingat. Madalas na isinasapanganib ng mga kapatid ang kanilang buhay, pati na ang kanilang pamilya, para maitago ako at mapaglaanan ng mga pisikal na pangangailangan. Dahil dito napalapít kami sa isa’t isa. Habang nagtatrabaho ako, alisto naman sa pagmamatyag ang pamilyang tinutuluyan ko dahil posibleng may magsumbong sa akin. Bilang babala, dalawang beses nilang hahampasin ng bakal ang tubo ng heater. Kapag narinig ko iyon, agad kong itatago ang lahat ng ginagawa ko.

Kapag nakita naming may aali-aligid sa bahay na tinutuluyan ko, lumilipat agad ako sa ibang lugar. Noon, mabigat na krimen ang pagkakaroon ng makinilya nang walang permiso ng gobyerno kaya iba ang nagdadala ng makinilya ko. Kadalasan, sa gabi ako lumilipat.

Talagang tinutulungan ako ni Jehova. Walang makuhang ebidensiya ang mga opisyal, pero alam nila ang ginagawa ko. Halimbawa, noong 1973 nang nililitis ang walong Saksi ni Jehova, tinawag ako ng abogadong tagausig para tanungin. Deretsahan niya akong tinanong, “Mockutė, sa tinagal-tagal ng pag-iimprenta n’yo, gaano na karaming literatura ang nagawa n’yo?” Sinabi kong hindi ko masasagot ang tanong na iyan.

“Kung gayon,” ang sabi niya, “anong tanong ang masasagot mo?”

“Iyon pong walang kaugnayan sa gawaing ito,” ang sagot ko.

Nagbago ang Hihip ng Hangin

Sa pagtatapos ng dekada ng 1980, nagbago ang situwasyon sa Lithuania. Hindi na kailangan pang magtago sa mga tauhan ng gobyerno. Kaya noong 1990, nadagdagan ang mga tagapagsalin. Pagkatapos, noong Setyembre 1, 1992, nagkaroon ng isang maliit na opisina para sa pagsasalin sa Klaipeda, ang lunsod kung saan ako nakatira ngayon.

Tatlumpung taon akong naglingkod bilang tagapagsalin sa 16 na lugar. Wala akong sariling bahay. Pero masaya akong makita ang bunga ng ating gawain! Sa ngayon, may mga 3,000 Saksi ni Jehova sa Lithuania. At ang patagong pagsasalin na dati kong ginagawa sa mga kulungan ng hayop sa bukid at sa mga attic ay ginagawa na ngayon sa komportableng tanggapang pansangay ng Lithuania malapit sa lunsod ng Kaunas.

Hindi ko malilimutan ang pagtatagpo namin ni Ate Lydia sa malamig na seldang iyon sa Klaipeda halos 60 taon na ang lumipas. Nagbago ang buhay ko mula noon! Buong-buhay kong pasasalamatan ang ating dakilang Maylalang, ang Diyos na Jehova, dahil nalaman ko ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa kaniyang layunin at naialay ko ang aking buhay sa kaniya para gawin ang kaniyang kalooban.

[Blurb sa pahina 13]

Nagbago ang buhay naming apat dahil sa nakaaantig-pusong katotohanan sa Bibliya na itinuro sa amin ni Ate Lydia sa bilangguan

[Larawan sa pahina 12]

Napaulat sa isang pahayagang Sobyet ang paglilitis sa akin noong 1962

[Larawan sa pahina 14, 15]

Ilan sa mga literatura sa Bibliya na isinalin ko kahit nanganib akong mabilanggo

[Larawan sa pahina 15]

Si Ate Lydia ang nagturo sa akin ng katotohanan sa Bibliya sa bilangguan

[Larawan sa pahina 15]

Nadagdagan pa ang kaalaman ko tungkol sa Diyos sa tulong ng dalawang Saksi (kaliwa) na nakasama ko sa kampong piitan sa rehiyon ng Khabarovsk, Russia, noong 1956

[Larawan sa pahina 15]

Ang makinilyang ginamit ko noong panahong bawal ang gawain ng mga Saksi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share