Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 7/09 p. 6-9
  • Tulong Mula sa ‘Diyos ng Kaaliwan’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tulong Mula sa ‘Diyos ng Kaaliwan’
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Wala Nang Depresyon​—Kahit Kailan!
  • Kaaliwan Para sa Nanlulumo
    Kaaliwan Para sa Nanlulumo
  • Makakatulong ba ang Bibliya Kung Nade-depress Ako?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kung Papaano Tutulungan ang mga Nanlulumo Upang Muling Magalak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Gumising!—2009
g 7/09 p. 6-9

Tulong Mula sa ‘Diyos ng Kaaliwan’

[Larawan sa pahina 8]

SI Haring David ay dumaan sa matinding dalamhati at nagkaroon ng “nakababalisang kaisipan.” Pero hindi siya nag-alinlangan na lubusan tayong nauunawaan ng Maylalang. “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako,” ang isinulat niya. “Nalalaman mo rin ang aking pag-upo at ang aking pagtayo. Isinaalang-alang mo ang aking kaisipan mula sa malayo. Sapagkat wala pa mang salita sa aking dila, ngunit, narito! O Jehova, alam mo nang lahat iyon.”​—Awit 139:1, 2, 4, 23.

Makatitiyak din tayo na nauunawaan tayo ng ating Maylalang at ang nakapanghihinang epekto ng depresyon sa ating di-sakdal na isip at katawan. Alam niya ang mga sanhi ng depresyon at kung paano natin ito makakayanan sa panahon ngayon. Bukod diyan, ipinaalam niya kung paano niya gagamutin ang depresyon magpakailanman. Wala nang makahihigit pa sa tulong na maibibigay ng ating maawaing “Diyos, na umaaliw doon sa mga inilugmok.”​—2 Corinto 7:6.

Pero baka iniisip ng mga dumaranas ng depresyon kung paano kaya sila matutulungan ng Diyos kapag nanlulumo sila.

Malapit ba ang Diyos sa mga dumaranas ng depresyon?

Napakalapit ng Diyos sa mga lingkod niya na dumaranas ng depresyon anupat para bang kasama niya ang mga “nasisiil at may mapagpakumbabang espiritu, upang ipanumbalik ang espiritu ng mga maralita at upang ipanumbalik ang puso ng mga sinisiil.” (Isaias 57:15) Nakaaaliw ngang malaman na “si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya”!​—Awit 34:18.

Paano makakakuha ng kaaliwan mula sa Diyos ang mga dumaranas ng depresyon?

Anumang oras, ang mga mananamba ng Diyos ay maaaring lumapit sa “Dumirinig ng panalangin,” na siyang makakatulong sa atin na makayanan ang nakababalisang mga damdamin at sitwasyon. (Awit 65:2) Pinasisigla tayo ng Bibliya na ibuhos sa kaniya ang nilalaman ng ating puso: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Filipos 4:6, 7.

Paano kung pakiramdam natin ay wala tayong halaga kaya naiisip natin na hindi pakikinggan ang ating panalangin?

Dahil sa depresyon, baka maisip natin na hindi sapat ang mga pagsisikap natin na palugdan ang Diyos. Pero nauunawaan ng ating makalangit na Ama kung gaano karupok ang ating emosyon, “na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Kahit na “hinahatulan [tayo] ng ating mga puso,” “mabibigyang-katiyakan natin ang ating mga puso” na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:19, 20) Kaya kapag nananalangin ka, maaari mong gamitin ang mga pananalita na nabasa mo sa mga teksto sa Bibliya gaya ng Awit 9:9, 10; 10:12, 14, 17; at 25:17

Paano kung hindi natin masabi ang ating nadarama dahil gulung-gulo ang ating isip?

Kung hindi mo na alam ang sasabihin mo dahil sa bigat ng nadarama mo, huwag kang susuko! Laging lumapit sa “Ama ng magiliw na kaawaan at . . . Diyos ng buong kaaliwan,” at tandaan na nauunawaan niya ang iyong nadarama at mga pangangailangan. (2 Corinto 1:3) Si Maria, na nabanggit sa seryeng ito, ay nagsabi: “Kung minsan, kapag naguguluhan ako, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa panalangin. Pero alam kong naiintindihan at tinutulungan ako ng Diyos.”

Paano sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin?

Hindi sinasabi ng Bibliya na inaalis ng Diyos ang lahat ng ating problema sa ngayon. Pero nagbibigay ang Diyos ng lakas para makayanan natin ang “lahat ng bagay”​—pati na ang depresyon. (Filipos 4:13) “Noong una,” ang pag-amin ni Martina, “ipinanalangin ko kay Jehova na gamutin niya kaagad ang depresyon ko dahil parang hindi ko ito kakayanin. Ngayon, kontento na akong manalangin na sana’y bigyan niya ako ng lakas sa bawat araw.”

Ang Kasulatan ang pangunahing pinagmumulan ng espirituwal na lakas na makakatulong sa mga dumaranas ng depresyon. Personal na naranasan ni Sarah, na nakikipagpunyagi sa depresyon sa loob ng 35 taon, ang kahalagahan ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Sinabi niya: “Pinahahalagahan ko ang medikal na tulong na tinanggap ko. Pero higit sa lahat, nakita ko ang kahalagahan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos sa aking espirituwalidad at araw-araw na buhay. Regular ko na itong binabasa.”

Wala Nang Depresyon​—Kahit Kailan!

Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, ipinakita niya ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihang magpagaling ng mga sakit. Gustung-gusto ni Jesus na pagalingin ang mga taong dumaranas ng nakapipighating mga karamdaman. Bukod diyan, alam niya ang hirap na dinaranas ng mga may depresyon. Noong gabi bago siya dumanas ng masakit na kamatayan, “naghandog si Kristo ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya mula sa kamatayan, na may malalakas na paghiyaw at mga luha.” (Hebreo 5:7) Palibhasa’y dumaan si Jesus sa napakatinding pagdurusa, nakikinabang tayo ngayon dahil alam niya ang nadarama natin at “magagawa niyang saklolohan yaong mga nalalagay sa pagsubok.”​—Hebreo 2:18; 1 Juan 2:1, 2.

Ipinakikita ng Bibliya na layunin ng Diyos na alisin ang lahat ng nakababalisang mga kalagayan na nagiging sanhi ng depresyon. Ipinapangako niya: “Lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon. Ngunit magbunyi kayo at magalak magpakailanman sa aking nilalalang.” (Isaias 65:17, 18) Sa pamamagitan ng “mga bagong langit,” na kumakatawan sa Kaharian ng Diyos, ang “bagong lupa,” ang lipunan ng matuwid na mga tao sa lupa, ay isasauli sa kasakdalan​—pisikal, emosyonal, at espirituwal. Hindi na magkakaroon ng sakit kahit kailan.

“Tinawag ko ang iyong pangalan, O Jehova, mula sa isang hukay na napakalalim. Ang aking tinig ay dinggin mo. Huwag mong ikubli ang iyong pandinig sa aking ikagiginhawa, sa paghingi ko ng tulong. Lumapit ka nang araw na patuloy akong tumawag sa iyo. Sinabi mo: ‘Huwag kang matakot.’”​—Panaghoy 3:55-57

‘MAGSALITA NANG MAY PANG-ALIW SA MGA NANLULUMO’

[Larawan sa pahina 7]

Sa tuwing nadarama ni Barbara na wala siyang silbi at hindi na makayanan ang depresyon, tinatawagan nilang mag-asawa ang kaibigan nilang si Gerard, isang Kristiyanong tagapangasiwa. Kahit iyon at iyon din ang sinasabi ni Barbara tungkol sa nararamdaman niya at humahagulhol siya, laging matiyagang nakikinig si Gerard.

Natutuhan ni Gerard na makinig sa halip na humatol o magsermon. (Santiago 1:19) Gaya ng payo ng Bibliya, natuto siyang ‘magsalita nang may pang-aliw sa mga nanlulumo.’ (1 Tesalonica 5:14) Matiyaga niyang pinatitibay-loob si Barbara sa pagsasabing mahal na mahal siya ng Diyos na Jehova, ng kaniyang pamilya, at ng kaniyang mga kaibigan. Karaniwan na, nagbabasa siya ng isa o dalawang nakaaaliw na teksto sa Bibliya, kahit nabasa na niya ito dati. Pagkatapos, lagi siyang nananalangin kasama ng mag-asawa sa telepono, na talaga namang nakaaaliw sa kanila.​—Santiago 5:14, 15.

[Larawan sa pahina 7]

Alam ni Gerard na hindi siya doktor, at hindi niya tinatangkang agawin ang papel ng doktor ni Barbara. Pero nakakatulong siya sa paggamot kay Barbara dahil may naibibigay siya na hindi laging naibibigay ng mga doktor​—nakaaaliw na mga kasulatan at nakapagpapatibay na panalangin.

Para ‘makapagsalita nang may pang-aliw sa mga nanlulumo’

Puwede mong sabihin: “Gusto kong malaman mo na lagi kitang naiisip. Alam kong hindi maganda ang pakiramdam mo kung minsan. Kumusta ka na?”

Tandaan: Maging taimtim sa mga sinasabi mo at makinig nang may empatiya, kahit iyon at iyon din ang sinasabi niya.

Puwede mong sabihin: “Hanga ako sa nagagawa mo (o “Hanga ako sa ipinakikita mong Kristiyanong mga katangian”) sa kabila ng nararamdaman mo. Kahit na hindi mo nagagawa ang lahat ng gusto mo, mahal ka ni Jehova at mahalaga ka sa kaniya, at ganiyan din ang nadarama namin sa iyo.”

Tandaan: Maging maawain at mabait.

Puwede mong sabihin: “May nabasa akong magandang teksto.” O “Naalaala kita nang basahin ko ang paborito kong teksto.” Saka basahin o banggitin ang teksto.

Tandaan: Iwasang magsalita na parang nagsesermon.

Kaaliwan Mula sa Kasulatan

Napatibay si Lorraine ng pangako ni Jehova sa Isaias 41:10: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”

Sinabi ni Álvaro na ang mga salita sa Awit 34:4, 6 ang laging umaaliw sa kaniya: “Nagtanong ako kay Jehova, at sinagot niya ako, at mula sa lahat ng aking pagkatakot ay iniligtas niya ako. Ang napipighating ito ay tumawag, at dininig ni Jehova. At mula sa lahat ng kaniyang mga kabagabagan ay iniligtas Niya siya.”

Sinabi ni Naoya na naaaliw siya kapag binabasa niya ang Awit 40:1, 2: “May-pananabik akong umasa kay Jehova, kung kaya ikiniling niya sa akin ang kaniyang pandinig at dininig ang aking paghingi ng tulong. . . . Itinatag niya nang matibay ang aking mga hakbang.”

Napapatibay si Naoko ng Awit 147:3 na nagsasabing “pinagagaling [ni Jehova] ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.”

Ang sinabi ni Jesus sa Lucas 12:6, 7 ay nakatulong kay Eliz na magtiwala sa pangangalaga ni Jehova: “Ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos. Ngunit maging ang mga buhok ng inyong mga ulo ay biláng na lahat. Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”

Iba pang mga talata sa Bibliya:

  • Awit 39:12: “Dinggin mo ang aking panalangin, O Jehova, at ang aking paghingi ng tulong ay pakinggan mo. Huwag kang manatiling tahimik sa aking mga luha.”

  • 2 Corinto 7:6: “Ang mga nahahapis ay hindi pinababayaan ng Diyos.”​—“Magandang Balita Biblia.”

  • 1 Pedro 5:7: ‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share