Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 8/09 p. 10-13
  • Paano Ko Makakayanan ang Pagkamatay ng Aking Magulang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Makakayanan ang Pagkamatay ng Aking Magulang?
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Normal Lang Kaya Ito?’
  • Kung Paano Makakayanan
  • Mawawala Pa Kaya ang Pagdadalamhati?
  • Bakit Nagdadalamhati Ako Nang Ganito?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Paano Ko Madaraig ang Dalamhati sa Pagkamatay ni Tatay?
    Gumising!—1994
  • Normal Ba na Magdalamhati Tulad ng Nadarama Ko?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Papaano Ko Mapagtitiisan ang Aking Pagdadalamhati?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
Iba Pa
Gumising!—2009
g 8/09 p. 10-13

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Ko Makakayanan ang Pagkamatay ng Aking Magulang?

“Nang mamatay si Inay, parang gumuho ang mundo ko. Siya ang nagbubuklod sa pamilya namin.”​—Karyn.a

MALAMANG na ang pagkamatay ng magulang ang isa sa pinakamasakit na karanasan sa buhay. Bukod sa pangungulila, kailangan mong harapin ang kinabukasan nang wala ang mahal mong magulang.

Baka iniisip mo noon na kasama mo siya sa araw ng graduation mo o ng kasal mo. Pero hindi na ito mangyayari, kaya kalungkutan at panghihinayang ang nararamdaman mo, o kaya’y galit pa nga. Paano mo makakayanan ang magkakahalong damdamin kapag namatay ang iyong magulang?

‘Normal Lang Kaya Ito?’

Kapag natanto mo na talagang wala na ang iyong nanay o tatay, baka kailangan mong harapin ang magkakahalong emosyon na ngayon mo pa lang nadama. Ganito ang sinabi ni Brian na 13 anyos lang nang mamatay ang kaniyang ama dahil sa atake sa puso, “Nang gabing malaman namin iyon, wala kaming magawa kundi mag-iyakan at magyakapan.” Ganito naman ang naalaala ni Natalie na sampung taóng gulang nang mamatay ang kaniyang ama sa kanser: “Wala akong naramdaman, kasi hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Para akong manhid.”

Iba-iba ang epekto sa mga tao ng pagkamatay ng mahal sa buhay. Gaya ng sinasabi sa Bibliya, ang “bawat isa” ay may “sariling salot at . . . sariling kirot.” (2 Cronica 6:29) Kaya pag-isipan sandali kung ano ang epekto sa iyo ng pagkamatay ng iyong magulang. Ilarawan sa ibaba (1) kung ano ang naramdaman mo nang malaman mong namatay ang iyong magulang at (2) kung ano ang nararamdaman mo ngayon.b

(1) ․․․․․

(2) ․․․․․

Malamang na makita sa sagot mo na sa paanuman ay bumubuti na ang pakiramdam mo. Normal naman iyan. Hindi ito nangangahulugang nakalimutan mo na ang iyong magulang. O baka naman hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman mo o mas tumindi pa nga. Baka ang pagdadalamhati mo ay parang alon na taas-baba at pagkatapos ay bigla na lang “hahampas sa dalampasigan.” Normal din iyan​—kahit pa maraming taon na ang lumipas. Ang tanong ay, Paano mo makakayanan ang anumang pagdadalamhating maaaring nararanasan mo?

Kung Paano Makakayanan

Huwag pigilin ang iyong mga luha! Ang pag-iyak ay nakakabawas sa kirot ng pagdadalamhati. Pero baka maisip mo ang naisip ni Alicia na 19 anyos nang mamatay ang kaniyang nanay. Sinabi niya, “Kung iiyak ako, baka isipin ng iba na wala akong pananampalataya.” Pero pag-isipan ito: Si Jesu-Kristo ay sakdal na tao na may matibay na pananampalataya sa Diyos. Pero “lumuha” siya nang mamatay ang kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro. (Juan 11:35) Kaya walang masama sa pag-iyak. Hindi ito nangangahulugang wala kang pananampalataya! Sinabi ni Alicia: “Bandang huli, umiyak na ako nang umiyak. Araw-araw.”c

Sabihin sa iba kung parang nakokonsiyensiya ka. “Bago matulog, lagi akong umaakyat sa itaas ng bahay para humalik sa nanay ko,” ang sabi ni Karyn na 13 anyos nang mamatay ang kaniyang nanay. “Isang gabi, hindi ko ’yun nagawa. Kinabukasan, namatay si Inay. Alam kong hindi naman ako dapat makonsiyensiya, pero iyon ang nararamdaman ko dahil hindi ko siya pinuntahan nang gabing iyon​—at dahil sa mga pangyayari nang umagang iyon. Bago bumiyahe si Itay para sa trabaho, pinagbilinan niya kami ni Ate na alagaan si Inay. Pero gabing-gabi na kaming natulog. Nang puntahan ko si Inay sa kuwarto, hindi na siya humihinga. Sising-sisi ako dahil maayos naman siya nang umalis si Itay!”

Gaya ni Karyn, baka nakokonsiyensiya ka rin dahil sa mga bagay na hindi mo nagawa. Baka sumbatan mo pa nga ang iyong sarili ng mga bagay na “sana” ay ginawa mo. ‘Sana pinilit ko si Itay na magpatingin sa doktor.’ ‘Sana pinuntahan ko agad si Inay.’ Kung ikinababahala mo ang mga bagay na tulad nito, tandaan: Normal lang na makadama ka ng matinding panghihinayang sa mga bagay na hindi mo nagawa. Ang totoo, gagawin mo naman talaga iyon kung alam mo lang ang mangyayari. Pero hindi mo alam. Kaya hindi ka dapat makonsiyensiya. Hindi mo kasalanan ang pagkamatay ng iyong magulang!d

Sabihin sa iba ang nadarama mo. Sinasabi ng Kawikaan 12:25: “Nagpapaligaya ang mabuting salita.” (Biblia ng Sambayanang Pilipino) Kung itatago mo ang iyong pagdadalamhati, mas mabibigatan ka. Pero kung sasabihin mo ito sa isang taong pinagtitiwalaan mo, makakarinig ka ng nakagiginhawang “mabuting salita” na kailangang-kailangan mo. Kaya bakit hindi subukan ang isa o higit pa sa sumusunod na mga mungkahi?

Kausapin ang iyong nabalong magulang. Kahit nahihirapan ang iyong magulang, siguradong gusto ka niyang tulungan. Kaya sabihin mo sa kaniya ang nadarama mo. Tiyak na makakatulong iyon para mabawasan ang iyong pagdadalamhati at lalo kayong mapapalapít sa isa’t isa.

Para mapasimulan ang pag-uusap, subukan mong gawin ito: Isulat ang dalawa o tatlong bagay na gusto mo sanang malaman tungkol sa namatay mong magulang, at ipakipag-usap ang isa sa mga ito sa iyong nabalong magulang.e

․․․․․

Makipag-usap sa matalik mong mga kaibigan. Sinasabi ng Bibliya na ang tunay na mga kaibigan ay “ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) “Baka ang taong hindi mo inaasahan ang siya pang tutulong sa iyo,” ang sabi ni Alicia. “Kaya huwag matakot na ipakipag-usap ito.” Totoo, baka nakakaasiwang pag-usapan ito dahil pareho kayong nahihirapan kung ano ang tamang mga salitang gagamitin. Pero kapag ipinakipag-usap mo sa iba ang tungkol sa pagdadalamhati mo, mas makabubuti ito sa iyo. Ganito ang naalaala ni David na siyam na taóng gulang lamang nang mamatay ang kaniyang ama sa atake sa puso: “Sinasarili ko ang nadarama ko. Siguro kung sinasabi ko iyon sa iba, hindi sana ako masyadong nahirapan. Mas madali ko sanang nakayanan iyon.”

Makipag-usap sa Diyos. Malamang na mas gumaan ang pakiramdam mo kapag ‘ibinuhos mo ang iyong puso’ sa Diyos na Jehova sa panalangin. (Awit 62:8) Hindi ito basta ‘terapi’ para bumuti ang pakiramdam mo. Kapag nananalangin ka, nakikiusap ka sa “Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa [atin] sa lahat ng [ating] kapighatian.”​—2 Corinto 1:3, 4.

Ang isang paraan na nagbibigay ang Diyos ng kaaliwan ay sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Mabibigyan ka nito ng “lakas na higit sa karaniwan” para matiis mo ang matinding pagdadalamhati. (2 Corinto 4:7) Nagbibigay din ang Diyos ng “kaaliwan mula sa Kasulatan.” (Roma 15:4) Kaya hilingin sa Diyos na bigyan ka niya ng kaniyang espiritu, at maglaan ka ng panahon para basahin ang mga pampatibay-loob na nasa kaniyang Salita, ang Bibliya. (2 Tesalonica 2:16, 17) Puwede kang gumawa ng listahan ng mga teksto na talagang nakakaaliw sa iyo, para madali mo itong makita.f

Mawawala Pa Kaya ang Pagdadalamhati?

Hindi madaling mapawi ang pagdadalamhati. “Hindi puwedeng basta ‘kalimutan mo na lang,’” ang sabi ni Brianne na 16 anyos nang mamatay ang kaniyang nanay. “May mga panahong nakakatulugan ko na ang pag-iyak. Pero minsan, ang iniisip ko na lang ay hindi ang pagkawala ni Inay, kundi ang mga pangako ni Jehova na makakasama ko ulit ang nanay ko sa Paraiso.”

Tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa Paraiso na tinutukoy ni Brianne, “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) Kung bubulay-bulayin mo ang gayong mga pangako, makakatulong ito para makayanan mo rin ang pagkamatay ng iyong magulang.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

b Kung napakahirap para sa iyo na sagutin ang mga tanong na ito sa ngayon, saka mo na lamang ito sagutin.

c Hindi mo kailangang umiyak para ipakita sa mga tao na nagdadalamhati ka. Iba’t iba ang paraan ng pagdadalamhati ng mga tao. Ang mahalaga ay ito: Kung naiiyak ka, isipin mong ‘panahon iyon ng pagtangis.’​—Eclesiastes 3:4.

d Kung nakokonsiyensiya ka pa rin, sabihin mo ito sa iyong nabalong magulang o ibang adulto. Sa paglipas ng panahon, magiging mas timbang ang iyong pag-iisip.

e Kung pinalaki ka ng nagsosolong magulang o kung hiwalay kayo ng nabalo mong magulang, puwede kang makipag-usap sa isang may-gulang na adulto.

f Nakakaaliw sa ilan ang sumusunod na mga teksto: Awit 34:18; 102:17; 147:3; Isaias 25:8; Juan 5:28, 29.

PAG-ISIPAN

◼ Alin sa mga mungkahi sa artikulong ito ang plano mong gawin? ․․․․․

◼ Isulat sa ibaba ang ilang tekstong makakaaliw sa iyo kapag parang hindi mo na kakayanin ang iyong pagdadalamhati. ․․․․․

[Kahon sa pahina 11]

OKEY LANG NA UMIYAK . . . SILA NGA, UMIYAK DIN!

Abraham​—Genesis 23:2.

Jose​—Genesis 50:1.

David​—2 Samuel 1:11, 12; 18:33.

Maria, kapatid ni Lazaro​—Juan 11:32, 33.

Jesus​—Juan 11:35.

Maria Magdalena​—Juan 20:11.

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

GUMAWA NG DIARY

Kung isusulat mo ang mga naiisip mo tungkol sa iyong namatay na magulang, malaking tulong ito para makayanan mo ang pagdadalamhati. Marami kang puwedeng isulat. Narito ang ilang mungkahi.

◼ Isulat ang masasayang sandali noong kasama mo ang iyong magulang.

◼ Isulat kung ano sana ang gusto mong sabihin sa magulang mo kung buháy pa siya.

◼ Kunwari ay may nakababata kang kapatid na sinisisi ang sarili niya sa pagkamatay ng inyong magulang. Isulat kung ano ang sasabihin mo para maaliw siya. Makakatulong ito para maging timbang ka sa halip na sisihin ang sarili mo.

[Kahon sa pahina 13]

MENSAHE PARA SA NABALONG MAGULANG

Masakit mamatayan ng kabiyak. Pero may kabataang anak ka rin na nangangailangan ng iyong tulong. Paano mo siya matutulungan na makayanan ang pagdadalamhati nang hindi mo naman pinababayaan ang sarili mo?

Huwag mong itago ang nadarama mo. Karamihan sa mahahalagang aral sa buhay ay natututuhan ng anak mo sa pagmamasid sa iyo. Sa iyo rin siya matututo kung paano makakayanan ang pagdadalamhati. Kaya huwag mong isipin na kailangang makita ng anak mo na matatag ka kaya itatago mo na ang nadarama mo. Baka gayahin ka lang din ng anak mo. Pero kung ipapakita mong nasasaktan ka rin, makikita niyang mas mabuting ilabas ang damdamin sa halip na itago ito at normal lang na malungkot, masiraan ng loob, o magalit pa nga.

Himukin ang iyong anak na sabihin ang nadarama niya. Himukin ang iyong anak na ilabas ang nasa puso niya nang hindi mo naman siya pinipilit. Kung nag-aalangan siya, puwede ninyong pag-usapan ang artikulong ito. Ikuwento mo rin ang masasayang alaala ninyong mag-asawa. Aminin mong nahihirapan ka rin sa sitwasyon. Kapag ginawa mo iyan, matutulungan mo siya na sabihin din ang niloloob niya.

Tanggapin na may limitasyon ka. Siyempre gusto mong lagi kang nakaalalay sa iyong anak sa mahirap na sitwasyong ito. Pero tandaan na matinding dagok sa iyo ang pagkamatay ng iyong mahal na asawa. Kaya may mga panahong nanghihina ka sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan. (Kawikaan 24:10) Sa gayong mga pagkakataon, baka kailangan mong humingi ng tulong sa may-gulang na mga kapamilya at kaibigan. Ang paghingi ng tulong ay tanda ng pagkamaygulang. Sinasabi ng Kawikaan 11:2: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”

Ang pinakamainam na tulong ay manggagaling sa Diyos na Jehova mismo na nangangako sa kaniyang mga mananamba: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’ ”​—Isaias 41:13.

[Larawan sa pahina 11]

Ang pagdadalamhati ay parang alon na bigla na lang humahampas sa dalampasigan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share