Pagdagsa ng Teknolohiya
NAKAKITA ka na ba ng palaboy na naka-cellphone? Sa Albania, karaniwan na ang eksenang may kausap sa cellphone ang isang matandang nakasakay sa buriko. Sa India, makikita naman ang mga pulubing humihinto saglit sa pamamalimos dahil may tawag sila sa cellphone. Oo, ang cellphone, computer, telebisyon, at iba pang uri ng hi-tech na kagamitan ay bahagi na ng buhay ng tao sa bawat sulok ng daigdig—mayaman man o mahirap.
Marahil, ang pinakamalaking katibayan ng pagdagsa ng teknolohiya ay ang pagdami ng cellphone, na karamihan ay hindi lamang pantawag. Sa mga bagong modelo ng cellphone, puwedeng mag-Internet, mag-e-mail, magtext, manood ng TV, makinig ng music, kumuha ng litrato, at gumamit ng Global Positioning System (GPS), at—siyanga pala—tumawag!
Ayon sa isang ulat ng pahayagang Washington Post, ang isang modelo ng smartphone “ngayon ay mas malakas kaysa sa computer ng North American Air Defense Command noong 1965.” Dagdag pa ng Post: “Mayroon na ngayong isang cellphone sa bawat dalawang tao sa Lupa,” at sa di-kukulangin sa 30 bansa, mas marami ang cellphone kaysa sa populasyon ng tao. Oo, ngayon natin nakikita “ang pinakamabilis na paglaganap ng anumang teknolohiya sa buong kasaysayan ng tao,” ang sabi ng pahayagan.
Sa buong daigdig, halos 60 porsiyento ng mga gumagamit ng cellphone ay nasa papaunlad na mga lupain. Ngayon lang nangyari na ang karamihan ng gumagamit ng hi-tech na gadyet na pangkomunikasyon ay nakatira sa gayong mga lupain. Halimbawa, sa Afghanistan noong 2008, halos 140,000 ang nadadagdag na subscriber buwan-buwan. Sa Aprika, nitong nakalipas na mga taon, dumami nang halos 50 porsiyento kada taon ang mga gumagamit ng cellphone.
Pero may disbentaha rin ang pagdagsa ng mga gamit na pangkomunikasyon. Dahil sa cellphone, pager, at laptop, madali nang matunton ang mga tao, kaya naman pakiramdam nila’y hindi sila malaya. Sa kabilang panig, nariyan ang mga “adik” sa teknolohiya, mga taong gustong malaman ang lahat ng bagay.
“Adiksiyon,” pang-abala, panggambala—ang mga ito marahil ang mga pinakakaraniwang disbentaha ng teknolohiya ng komunikasyon at media.a Pero marami din namang bentaha ang gayong teknolohiya. Kung gayon, paano mo ito magagamit sa timbang, matalino, at makatuwirang paraan? Sasagutin ng sumusunod na mga artikulo ang tanong na ito.
[Talababa]
a Ang seryeng ito ay nakapokus sa mga kagamitang gaya ng cellphone, computer, at telebisyon, kasama na ang Internet. Malibang banggitin, ang “teknolohiya” sa seryeng ito ay tumutukoy sa mga nasabing produkto.