Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 11/09 p. 24-25
  • Makikita sa Denmark ang Pangalan ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makikita sa Denmark ang Pangalan ng Diyos
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Repormasyong Protestante at Salin ng Bibliya
  • Resen
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Martin Luther—Ang Lalaki at ang Kaniyang Pamana
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Si Luther—Isang Bagong Puwersa sa Pagkakaisa?
    Gumising!—1985
  • Ang Pangalan ng Diyos at ang mga Tagapagsalin ng Bibliya
    Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman
Iba Pa
Gumising!—2009
g 11/09 p. 24-25

Makikita sa Denmark ang Pangalan ng Diyos

TAUN-TAON, libu-libong turista sa Copenhagen ang nagugulat kapag nakikita nila ang pangalan ng Diyos, Jehova, o ang anyo nito sa Hebreo na יהוה, na nakaukit sa mga kastilyo at iba pang gusali sa kabisera at sa palibot nito.a Halimbawa, makikita ang pangalan ng Diyos na nakasulat sa malalaking ginintuang letra sa may tarangkahan ng Dockyard Church (Holmens Kirke) sa sentro ng lunsod. Sa loob, makikita rin ang pangalan ng Diyos sa isang plake na may petsang 1661.

Di-kalayuan sa Dockyard Church, matatagpuan ang gusaling tinatawag na Round Tower (Rundetårn). Sa labas, may karatula sa pader na nasa wikang Latin. Makikita rito ang pangalan ng Diyos sa malalaking letrang Hebreo. Kapag isinalin, ganito ang mababasa: “Ilagay nawa ni Jehova ang tamang doktrina at katarungan sa puso ng iniluklok na si Haring Christian [IV].” Bakit kilalang-kilala ang pangalan ng Diyos sa Denmark?

Repormasyong Protestante at Salin ng Bibliya

Malaking tulong ang Repormasyong Protestante para makilala ang pangalan ng Diyos. Pinag-aralang mabuti ng mga Repormador na Europeo, gaya nina Martin Luther, John Calvin, at Huldrych Zwingli, ang Bibliya at ang orihinal na mga wika nito​—Hebreo, Aramaiko, at Koine, o karaniwang Griego. Dahil dito, naging pamilyar sila sa pangalan ng Diyos. “Ang pangalang Jehova . . . ay para lamang sa tunay na Diyos,” ang sabi ni Martin Luther sa kaniyang sermon.

Subalit nang isalin ni Luther ang Bibliya sa wikang Aleman, pinalitan niya ng mga titulong “Panginoon” o “Diyos” ang pangalan ng Diyos, gaya ng nakagawian noon pero hindi naman salig sa Bibliya. Nang maglaon, hiniling niya sa kasamahan niyang si Johannes Bugenhagen na isalin din ang Bibliyang ito sa Low German, ang wikang ginagamit sa hilagang Alemanya at timugang Denmark. Sa kaniyang paunang salita sa edisyong 1541 (ang unang edisyon ay inilathala noong 1533), ilang beses na binanggit ni Bugenhagen ang pangalan ng Diyos, pati na ang pananalitang “Jehova ang banal na pangalan ng Diyos.”

Noong 1604, binanggit ng teologong si Hans Paulsen Resen kay Haring Christian IV ang mga mali sa pagkakasalin ng Bibliya ni Luther sa wikang Danes. Saka siya humiling na pahintulutan siyang gumawa ng bagong salin salig sa orihinal na tekstong Hebreo at Griego. Pinayagan naman siya. Hinggil sa Genesis 2:4, isinulat ni Resen na si “Jehova . . . ang Kataas-taasang Persona, ang tanging Panginoon.”b

Nang marami na ang nakakaalam sa pangalan ng Diyos, nagsimula na itong lumitaw sa pampublikong mga lugar. Halimbawa, noong 1624, nang maging obispo si Hans Paulsen Resen, ipinag-utos niya na maglagay ng isang plake sa Bronshoj Church. Sa gawing itaas ng plake, iniukit sa ginto ang pangalan ng Diyos na Jehova sa wikang Danes. Isinama rin ni Resen sa marami niyang akda, noong siya’y obispo pa, ang pananalitang “Si Jehova ay nagmamasid.”

Nang papatapos na ang ika-18 siglo, ang Bibliyang isinalin ni Johann David Michaelis sa wikang Aleman ay inilathala sa wikang Danes. Maraming beses ding ginamit dito ang pangalan ng Diyos. Noong ika-19 na siglo, ibinalik din ni Christian Kalkar at ng iba pang tagapagsalin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos sa halos lahat ng lugar kung saan ito lumitaw sa orihinal na teksto. At noong 1985, inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Danes. Ang mga mahilig magbasa ng Bibliya ay tuwang-tuwa dahil lumitaw ang pangalang Jehova nang mahigit 7,000 ulit, gaya sa orihinal na teksto.

Nanalangin si Jesu-Kristo sa Diyos: “Inihayag ko ang iyong pangalan.” (Juan 17:6) Sa itinuro niyang panalangin, na tinatawag kung minsan na Ama Namin, sinabi ni Jesus: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Gaya ng ipinakikita ng kasaysayan ng relihiyon sa Denmark, marami ang talagang nagpahalaga sa mga pananalitang iyan.

[Mga talababa]

a Ang apat na katinig na ito, na tinatawag na Tetragrammaton, ay binabasa mula kanan pakaliwa. Ang karaniwang transliterasyon nito ay YHWH o JHVH. Noong sinaunang panahon, ang mambabasa ang nagdaragdag ng patinig, gaya ng ginagawa ngayon kapag nagbabasa ng mga daglat.

b Sa orihinal na teksto ng Bibliya, unang makikita ang pangalan ng Diyos sa Genesis 2:4. Ang pangalang ito, na lumitaw nang mga 7,000 ulit sa orihinal na teksto, ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon,” na nagpapakitang laging natutupad ang layunin ni Jehova. Anuman ang sabihin niya ay nangyayari.

[Kahon/Larawan sa pahina 25]

TYCHO BRAHE AT ANG PANGALAN NG DIYOS

Noong 1597, iniwan ng astronomong Danes na si Tycho Brahe ang kaniyang bansa nang hindi niya makasundo si Haring Christian IV at ang mga maharlika roon. Sa tula ng pamamaalam ni Brahe sa Denmark, isinulat niya sa wikang Latin: “Magiging mabait sa akin ang mga tao sa ibang bansa​—ito ang kalooban ni Jehova.”

[Larawan sa pahina 24, 25]

Itaas ng tarangkahan ng Dockyard Church

[Larawan sa pahina 24, 25]

Round Tower

[Larawan sa pahina 25]

Hans Paulsen Resen

[Larawan sa pahina 25]

Ginamit ni Johannes Bugenhagen ang pangalan ng Diyos sa paunang salita ng Bibliya ni Luther sa wikang Low German, 1541

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Hans Paulsen Resen at Tycho Brahe: Kobberstiksamlingen, Det Kongelige Bibliotek, København

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share