Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 7/11 p. 15-17
  • Hospice Care—Pag-aalaga sa mga May Taning Na ang Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hospice Care—Pag-aalaga sa mga May Taning Na ang Buhay
  • Gumising!—2011
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tunguhin
  • Mga Bentaha ng Pag-aalaga sa Bahay
  • Mapagmahal na Pag-aalaga
  • Anong Panggagamot sa mga May Taning Na ang Buhay?
    Gumising!—1991
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2011
  • Aliwin ang mga May Taning Na ang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Kung Paano Pakikitunguhan ang mga Damdamin
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—2011
g 7/11 p. 15-17

Hospice Care​—Pag-aalaga sa mga May Taning Na ang Buhay

“Si Inay, na 94 anyos na, ay may Alzheimer’s disease at sakit sa puso at hindi na nakakabangon. Ayaw niyang kumain at ayaw niyang gumising kahit gisingin namin. Sinabi sa akin sa ospital na nakakaranas siya ng ‘di-normal na kamalayan.’ Gusto ko siyang alagaan sa bahay, pero kailangan ko ng tulong.”​—Jeanne.

KAPAG may taning na ang buhay ng pasyente, siya at ang pamilya niya ay napapaharap sa hamon. Kailangang gumawa ang pamilya ng isang mabigat na pasiya. Gagawin pa ba nila ang lahat para magtagal ang buhay ng maysakit kahit hirap na hirap na ito? O sisikapin na lang nilang maging komportable siya sa natitirang mga araw?

Para sa marami, praktikal ang programa ng hospice care. Ito ay pag-aasikaso sa emosyonal at espirituwal na pangangailangan ng mga may taning na ang buhay para maibsan ang paghihirap nila. Mayroon nang hospice care sa halos kalahati ng mga bansa sa daigdig ngayon. Halimbawa, dahil sa dumaraming pasyente na may HIV/AIDS at kanser sa Aprika, karamihan sa mga bansa roon ay mayroon nang gayong mga programa o nagpaplano nang magkaroon nito.

Ang Tunguhin

Maaaring iniisip ng ilang pasyente na kung sasailalim sila sa hospice program, parang ayaw na talaga nilang mabuhay. Baka isipin naman ng mga kapamilya na kapag ipinasok nila ang isang mahal sa buhay sa gayong programa, parang hinahayaan na lang nila siyang mamatay. Pero hindi naman gayon. Sa halip, makatutulong ito para maging kasiya-siya ang nalalabing mga araw ng pasyente kasama ng pamilya niya samantalang tinutulungan siyang makayanan ang kirot ng sakit. Magkakaroon din ang pamilya ng pagkakataong aliwin at suportahan ang kanilang mahal sa buhay.

Bagaman hindi mapagagaling ng hospice program ang pangunahing sakit ng pasyente, malulunasan nito ang mga komplikasyon gaya ng pulmonya o impeksiyon sa pantog. Kung magbago ang kalagayan​—halimbawa, may matuklasang lunas o bumuti ang kondisyon ng pasyente​—maaari na siyang gamutin sa karaniwang paraan.

Mga Bentaha ng Pag-aalaga sa Bahay

Sa ilang bansa, ang hospice care ay ibinibigay lang sa partikular na mga pasilidad. Pero sa ilang lugar, maaari itong ibigay sa bahay mismo ng pasyente. Sa gayon, nakakasama pa niya ang kaniyang pamilya araw-araw. Ang ganitong kaayusan ay angkop na angkop sa kultura ng maraming bansa, gaya sa mga lupain sa Aprika, kung saan karaniwan nang ang pamilya ang nag-aalaga sa maysakit at may-edad na.

Sa programang ito ng pag-aalaga sa bahay, kadalasan nang may mga tumutulong sa pamilya, marahil ay isang doktor, mga nars, mga aide, at isang social worker. Maaari nilang ituro sa pamilya kung ano ang dapat gawin para maging komportable ang pasyente at ipaliwanag kung ano ang posibleng mangyari kapag mamamatay na siya. Isinasaalang-alang din nila ang kagustuhan ng pasyente at ng pamilya. Halimbawa, kung ayaw ng pamilya, maaaring hindi na lang gawin ang mga diagnostic test o ang pagpapakain sa pamamagitan ng tubo kung hindi na makakain ang pasyente.

Inaalagaan nina Dolores at Jean sa bahay ang kanilang 96-anyos na tatay. Dahil sa kaniyang lumulubhang kalagayan, pinahahalagahan nila ang tinatanggap nilang tulong. “May aide na pumupunta sa amin limang araw bawat linggo para tulungan kami sa pagpapaligo kay Itay,” ang sabi ni Dolores. “Pinapalitan din niya ang mga sapin sa kama ni Itay at tinutulungan siya sa pag-aayos ng sarili kung kailangan. Isang beses naman bawat linggo, isang nars ang pumupunta para i-check ang mga vital sign ni Itay at dalhan siya ng gamot. At halos tuwing ikatlong linggo, pinupuntahan din siya ng doktor. Kung kailangan silang pumunta nang mas madalas, puwede silang tawagan anumang oras.”

Mahalagang bahagi ng hospice care ang pagkakaroon ng mga propesyonal na makakapunta sa bahay anumang oras. Alam nila kung anong gamot ang kailangan ng pasyente at matitingnan nila ang epekto nito sa kaniya. Maaari din nila siyang bigyan ng gamot para sa kirot at panatilihin pa rin siyang alerto hangga’t maaari. Puwede rin nilang kabitan ng oxygen ang pasyente o turuan ang pamilya na gawin ito. Dahil sa tulong ng mga propesyonal na ito, lumalakas ang loob ng pamilya at ng pasyente, anupat nawawala ang anumang pag-aalala sa posibleng paghihirap ng pasyente sa nalalabing mga araw.

Mapagmahal na Pag-aalaga

Sinisikap ng gayong mga propesyonal na bigyang-dangal at irespeto ang pasyente habang inaalagaan nila ito. Si Martha, na mahigit 20 taon nang nagtatrabaho sa ganitong programa, ay nagsabi: “Nakikilala kong mabuti ang mga pasyente at nalalaman ang mga gusto at ayaw nila. Sinisikap kong pasayahin sila sa kanilang nalalabing mga araw. Napapalapít ako sa kanila, at ang ilan ay talagang napapamahal sa akin. Ang ilang pasyente na may Alzheimer’s disease o iba pang uri ng dementia ay nanlalaban kapag tinutulungan ko. Nanununtok sila, nangangagat, o naninipa pa nga. Pero lagi kong tinatandaan na hindi ang pasyente ang gumagawa nito kundi ang sakit niya.”

Natutuwa si Martha na makatulong sa pamilya ng mga pasyente. Sinabi niya: “Nakakatulong ako para hindi sila gaanong mabigatan sa pag-aalaga sa kanilang mahal sa buhay. Malaking bagay na sa kanila na malaman na katulong nila ang hospice team.”

Kung may hospice care sa inyong lugar, isa itong praktikal at mapagmahal na paraan ng pag-aalaga sa halip na panatilihin ang pasyente sa ospital o nursing home. Si Jeanne, na binanggit sa pasimula, ay natutuwa na inalagaan niya sa bahay ang nanay niya. Sinabi niya: “Nakasama ni Nanay ang pamilya niya, na nag-asikaso sa kaniyang pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan. Kasabay nito, naalagaan siya ng mga propesyonal at nabigyan ng gamot na kailangan para hindi siya mahirapan. Ang lahat ng staff ng programa ay mahusay at mapagmalasakit. Napakalaking tulong ng mga payo at serbisyo nila. Alam kong ito rin ang pag-aalagang pipiliin ni Nanay.”

[Blurb sa pahina 17]

Mahalagang papel ang ginagampanan ng mga propesyonal na matatawagan anumang oras

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

“Nakasama Pa Namin Siya”

Ang nanay ni Isabel na taga-Mexico ay nakipaglaban sa breast cancer sa loob ng 16 na taon hanggang sa kumalat ito at hindi na magamot. Sinabi ni Isabel: “Ayaw naming mahirapan si Inay. Ipinanalangin namin na huwag sana niyang maranasan ang matinding kirot na karaniwan sa maraming may kanser na malapit nang mamatay. Isang doktora dito sa Mexico na espesyalista sa kirot ang naging sagot sa panalangin namin. Pumupunta siya sa bahay minsan isang linggo, nagrereseta ng kailangang gamot, at nagbibigay sa amin ng detalyado at madaling-sunding mga tagubilin kung paano ito gagamitin at kung paano aalagaan si Inay. Nagpapasalamat kami na puwede siyang tawagan anumang oras, sa araw man o gabi, at dumarating siya. Natutuwa kami dahil hindi nahirapan si Inay sa mga huling araw niya. Nasisiyahan pa nga siyang kumain kahit paano. Nakasama pa namin siya dito mismo sa bahay hanggang sa hindi na lang siya nagising.”

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

Kapag Mamamatay Na ang Pasyente

Panatilihing malinis, tuyo, at maayos ang higaan ng pasyente. Para hindi siya magka-bed sore, iba-ibahin ang posisyon niya. Kung hindi na niya kontrolado ang pagdumi at pag-ihi, palitan ang kaniyang panloob na damit o diaper kung kailangan. Para regular pa rin siyang makadumi, makatutulong ang mga suppository o labatiba. Hindi na kailangan ang pagkain at tubig kung talagang mamamatay na siya. Para hindi manuyo ang bibig niya, maaari itong basain sa pamamagitan ng yelo o basang bulak o lagyan ng lip balm ang labi niya. Magiginhawahan siya kung hahawakan ang kaniyang kamay, at tandaan na nakaririnig siya hanggang sa huling sandali.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share