Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 9/11 p. 19-21
  • Sino ang Tunay Kong mga Kaibigan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Tunay Kong mga Kaibigan?
  • Gumising!—2011
  • Kaparehong Materyal
  • Paano Ako Magkakaroon ng Mabubuting Kaibigan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Kailangan Ko ba ng Mas Mabubuting Kaibigan?
    Gumising!—2009
  • Ano ang Isang Mabuting Kaibigan?
    Gumising!—2014
  • Puwede Kang Maging Kaibigan ni Jehova
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—2011
g 9/11 p. 19-21

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Sino ang Tunay Kong mga Kaibigan?

“Marami akong natututuhan dahil kay Cori. Kapag kasama ko siya, marami akong nakikilala, nagagawa ko ang hindi ko pa nasusubukan, at enjoy na enjoy ako. Nagbago ang mundo ko dahil naging kaibigan ko siya!”​—Tara.a

Sa tingin mo ba’y imposibleng magkaroon ng ganiyang kaibigan? Kung oo, huwag masiraan ng loob. Marami kang puwedeng maging kaibigan sa mga kakilala mo. Tutulungan ka ng artikulong ito na malaman kung sino sila.

‘NAPALILIBUTAN ako ng mga kaibigan pero wala akong kaibigan.’ Ganiyan ang paglalarawan ng 21-anyos na si Shayna sa sitwasyon kapag marami ngang kasama ang isa pero hindi naman siya talagang close sa sinuman sa kanila. Baka lalo nang nadarama iyan ng mga kasali sa isang social network. “Puwedeng napakahaba ng ‘friends list’ mo at para kang popular at hinahangaan,” ang sabi ng 22-anyos na si Serena, “pero ang totoo, hanggang listahan lang ’yon.”b

Alin ang mas gusto mo​—daan-daang pangalan sa ‘friends list’ o iilang kaibigan pero tunay naman? Bagaman parehong may bentaha ang mga ito, ang tunay na kaibigan ay aalalay sa iyo sa pagharap sa mga hamon sa buhay at tutulong pa nga sa iyo na maging mas mabuting tao. (1 Corinto 16:17, 18) Gamiting batayan ang sumusunod na mga katangian para malaman mo kung sino sa iyong mga kakilala ang tunay na kaibigan.

ANG TUNAY NA KAIBIGAN AY MAPAGKAKATIWALAAN

“Sinasabi sa akin ng kaibigan ko ang mga sekreto niya, kaya akala ko mapagkakatiwalaan ko rin siya ng mga sekreto ko. Minsan sinabi ko sa kaniya kung sino ang crush ko. Nagkamali ako! Ipinagkalat niya agad iyon!”​—Beverly.

“Nasasabi ko sa kaibigan kong si Alan ang anumang bagay, at alam kong hindi niya iyon ipagsasabi.”​—Calvin.

Sino sa dalawa ang may tunay na kaibigan? Sino sa mga kaibigan mo ang mapaghihingahan mo ng iyong niloloob?c Sinasabi ng Bibliya na “ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon.”​—Kawikaan 17:17.

MGA TIP SA TUNAY NA PAGKAKAIBIGAN

  1. Sikaping magkaroon ng tunay na mga kaibigan, hindi lang basta maraming kakilala. “Maganda kung marami kang kakilala. Pero kahit sa isang malaking grupo, hahanapin mo pa rin ang ilan na kapalagayang-loob mo na.”​—Karen.

  2. Maging tunay na kaibigan. “Ang gusto ko sa mga kaibigan, y’ong tapat at mapagkakatiwalaan, kaya sinisikap ko ring maging gayon sa kanila.”​—Evelyn.

  3. Ipakita ang pagpapahalaga. “Para ipakita sa kaibigan ko na pinahahalagahan ko siya, binibigyan ko siya ng card o regalo.”​—Kellie.

Isulat sa ibaba ang pangalan ng dalawang kaibigan na mapagkakatiwalaan mo.

  1. ․․․․․

  2. ․․․․․

ANG TUNAY NA KAIBIGAN AY MAPAGSAKRIPISYO

“Sa pagkakaibigan, may mga panahong mas matatag ang isa kaysa sa kaniyang kaibigan. Alam ng tunay na kaibigan kung kailangan mo ng tulong at handa siyang umalalay sa iyo. Siyempre, umaasa rin ang kaibigang iyon na tutulungan mo siya kapag siya naman ang nangangailangan ng tulong.”​—Kellie.

“Nang mamatay si Inay, mayroon akong bagong kaibigan. Hindi pa kami masyadong close noon, pero may plano kaming dalawa na dumalo sa isang kasalan. Nagkataon naman, kasabay ito ng serbisyo para sa libing ni Inay. Nagulat ako nang pumunta siya sa libing imbes na sa kasalan. Noon ko napatunayan na isa siyang tunay na kaibigan!”​—Lena.

Sino sa mga kaibigan mo ang mapagsakripisyo? ‘Hahanapin ng tunay na kaibigan, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.’​—1 Corinto 10:24.

Isulat sa ibaba ang pangalan ng dalawang kaibigan na napatunayan mong mapagsakripisyo.

  1. ․․․․․

  2. ․․․․․

ANG TUNAY NA KAIBIGAN AY TUMUTULONG SA IYO NA MAGING MAS MABUTING TAO

“Inaasahan ng ilan na sasang-ayunan ko sila o hindi ko sila iiwan kahit labag sa pamantayan ko o sa konsiyensiya ko ang ginagawa nila. Hindi ganiyan ang tunay na kaibigan.”​—Nadeine.

“Si Ate ang best friend ko. Pinalalakas niya ang loob ko na gawin ang buong makakaya ko at tinutulungan akong maging mas palakaibigan. Sinasabi niya sa akin ang totoo kahit hindi iyon ang gusto kong marinig.”​—Amy.

“Nang minsang magkaproblema ako, hindi ito basta binale-wala ng matatalik kong kaibigan; tapatan nila akong pinayuhan. Y’ong iba ay nanahimik lang at walang ginawa. Hindi nila sinabi na may problema.”​—Miki.

“Kumpara sa iba, mas nakikita ng kaibigan ko ang potensiyal ko, at pinasisigla niya akong abutin ang mga goal ko. Pinaprangka niya ako kapag kailangan​—at iyon naman ang gusto ko!”​—Elaine.

Tinutulungan ka ba ng mga kaibigan mo na maabot ang iyong potensiyal, o kailangan mong babaan ang iyong pamantayan para tanggapin ka nila? Sinasabi sa Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”

Isulat sa ibaba ang pangalan ng dalawang kaibigan na nakatulong sa iyo na maging mas mabuting tao.

  1. ․․․․․

  2. ․․․․․

Tingnan ang mga pangalang isinulat mo sa tatlong seksiyon. Kung tatlong beses mong isinulat ang pangalan ng isa, tunay siyang kaibigan! Pero kung wala kang maisip na may gayong mga katangian, huwag kang malungkot. Malamang na mayroon kang puwedeng maging tunay na kaibigan sa mga kakilala mo. Baka kailangan lang ng panahon para mahanap mo sila.d Pansamantala, sikapin mong maging isang mabuting kaibigan. “Lagi akong handang sumuporta sa mga kaibigan ko,” ang sabi ng 20-anyos na si Elena. “Kapag may kailangan silang gawin, tumutulong ako. Kung kailangan nila ng kausap, nakikinig ako. Kung gusto nilang umiyak, dinadamayan ko sila.”

PUNDASYON NG PAGKAKAIBIGAN

Ang pundasyon ng mabuting pagkakaibigan ay ang pagkakaroon ng iisang pamantayan. Ibig sabihin, magkapareho kayo ng paninindigan pagdating sa relihiyon at moralidad.

Ang sumunod na salik, magkaparehong katangian, ay pangalawahin lang.

At karaniwan na, ang pagkakaroon ng magkaparehong hilig ay hindi gaanong mahalaga. Maaari mo pa ring maging kaibigan ang isa kahit magkaiba kayo ng talento at kinahihiligang libangan.

Babala: Mag-ingat sa pagkakaibigan na nakasalig lang sa magkaparehong hilig. Kung magkaiba ang pamantayan ninyong magkaibigan, madaling masisira ang inyong ugnayan​—o baka mapahamak ka pa nga dahil dito.

Totoo, baka marami kang kakilala, at mas mabuti naman iyan kaysa mapabilang ka sa isang partikular na grupo lang. (2 Corinto 6:13) Pero hindi ba’t gusto mo ring magkaroon ng ilang tunay na kaibigan na “ipinanganganak kapag may kabagabagan”? (Kawikaan 17:17) “Maganda ang maraming kakilala,” ang sabi ng 20-anyos na si Jean, “pero parang katulad iyan ng pagkakaroon ng closet na punô ng mga damit na maganda lang tingnan sa sabitan pero wala namang kasya sa iyo. Pinipili mo pa rin ang iilang damit na alam mong bagay sa iyo. Ganiyan din pagdating sa matatalik na kaibigan.”

Marami pang impormasyon para sa mga tin-edyer ang makikita sa Web site na www.pr2711.com/tl

a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa social networking, tingnan ang seksiyong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa Gumising! ng Hulyo at Agosto 2011.

c Kung minsan, hindi tama na itago ang isang lihim​—halimbawa, kung ang isang kaibigan ay nakagawa ng malubhang kasalanan, nagbabalak magpakamatay, o may ginagawang magpapahamak sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising! ng Disyembre 2008, pahina 19-21, at Mayo 2008, pahina 26-29.

d Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Kailangan Ko ba ng Mas Mabubuting Kaibigan?” sa Gumising! ng Marso 2009.

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Noong kabataan po kayo, ano ang mga karanasan ninyo sa pakikipagkaibigan? May kaibigan po ba kayo na hindi naging tapat sa inyo? Kung mayroon, ano po ang natutuhan ninyo? Sino ang mga naging tapat ninyong kaibigan, at paano ninyo sila naging kaibigan?

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

“Kung masyadong mataas ang standard mo, hindi ka magkakaroon ng mga kaibigan dahil magiging mapaghanap ka. Kung napakababa naman, hindi rin mabuti ’yon dahil kung kani-kanino ka na lang makikipagkaibigan.”

“Para sa iba na kasali sa mga social network, mas mahalaga ang dami ng kaibigan kaysa sa mismong kaugnayan nila sa mga iyon. Mas magandang magkaroon ng kaunting kaibigan, pero mabubuti naman, kaysa marami nga, pero hindi naman mabubuti.”

“Kapag itsini-tsismis sa akin ng isang tao ang tungkol sa iba niyang kaibigan, alam ko na posibleng itsini-tsismis din niya ako sa kanila. Hindi ko gusto ’yon. Hindi ka itsi-tsismis ng isang tunay na kaibigan.”

[Mga larawan]

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share