Mapapangiti Ka sa Tingatinga
“TINUTURUAN tayo ng Tingatinga na masdan ang daigdig ayon sa pananaw ng isang bata. Nakakatawa, masaya, at makulay,” ang isinulat ni Daniel Augusta, manedyer ng Tingatinga Arts Co-operative Society. Itinatampok ng sining na Tingatinga ang mga hayop at kultura ng Aprika, lalo na ng Tanzania, na siyang pinagmulan nito.
Ang Tingatinga ay isinunod sa pangalan ng nagpasimula nito, si Edward Said Tingatinga, na isinilang noong 1932. Maliwanag na hindi nalimutan ni Edward ang mga tanawin at maiilap na hayop sa kinalakhan niyang nayon sa timugang Tanzania. Noong mga 25 anyos na siya, iniwan niya ang kaniyang nayon para maghanap ng trabaho at magkaroon ng maalwang pamumuhay. Nang maglaon, lumipat siya sa kabiserang lunsod ng Tanzania, ang Dar es Salaam, at naging hardinero. Sa gabi, ang husay niya sa sining ay nailalabas niya sa musika at sayaw; naging sikat na performer pa nga siya.
Nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay ni Edward noong 1968. Nakapagtrabaho siya bilang attendant sa pampublikong ospital ng Muhimbili sa Dar es Salaam. Doon, nagkaroon siya ng panahon na ipinta sa sarili niyang istilo ang kaniyang mga namasdan noong bata pa siya. Dito nagsimula ang sining na Tingatinga. Dahil wala siyang espesyal na mga brush, paint, pigment, at iba pang gamit, gumamit siya ng mga materyales na mabibili sa hardware. Halimbawa, gumamit siya ng enamel paint na para sa bisikleta at ang naging kambas niya ay mga compressed fiberboard na makinis at makintab sa isang panig anupat tamang-tama sa pagpipinta ng makikintab na larawan.
Simple lang ang istilo ni Edward sa pagpipinta. Gumagamit siya ng isa o dalawang kulay para sa background at isang bagay lang ang ipinipinta niya—isang hayop sa Aprika na matingkad ang kulay at hindi realistiko ang pagkakalarawan. Wala siyang idinaragdag na tanawin o iba pang detalye.
Hinahayaan ni Edward ang ilang kaibigan at kamag-anak na panoorin siya habang nagpipinta. Nang maglaon, ang ilan sa mga ito ay naging mga “estudyante” niya, at unti-unting naging popular ang kaniyang istilo.
Sa simula, ang mga painting na Tingatinga ay may matitingkad na kulay at simpleng mga larawan na may natatanging hugis. Pero sa paglipas ng mga taon, ang mga ito ay naging masalimuot at mas marami nang nakaguhit na larawan. Sa katunayan, ang mga painting ng ibang pintor ay punung-puno ng mga tao, hayop, at iba’t ibang bagay.
Mga Inspirasyon sa Pagpipinta
Maraming puwedeng maging inspirasyon sa mga painting na Tingatinga—iba’t ibang uri ng hayop at halaman sa Aprika: antilope, bupalo, elepante, giraffe, hipopotamus, leon, sebra, unggoy, at iba pa, pati na mga bulaklak, puno, ibon, at isda—lalo na ang mga may matitingkad na kulay. Karaniwan nang ginagawang background ang pinakamataas na bundok sa Aprika, ang Kilimanjaro, na nasa hilagang-silangan ng Tanzania.
Itinatampok din sa modernong Tingatinga ang mga tao sa Aprika at ang kanilang kultura. Maaaring ilarawan ang isang mataong palengke, pagdalaw sa ospital, o kahit ang buhay sa nayon.
Dahil sa Tingatinga, naipakikita ng mga Aprikanong talentado sa sining ang kanilang galíng sa pagpipinta, at kasabay nito ay kumikita pa sila. Sa katunayan, mayroon nang kooperatiba ng mga pintor ng Tingatinga sa Dar es Salaam. Ang ilan ay gumagamit pa rin ng enamel paint ng bisikleta. Kung buháy pa ngayon si Edward Tingatinga (namatay siya noong 1972), siguradong mapapangiti siya dahil sikát na sikát ang sining na pinasimulan niya.