Ang Pangmalas ng Bibliya
Puwede Bang Ipagmatuwid ang Homoseksuwalidad?
SA MARAMING lupain, tinatanggap na ngayon ng karamihan ang homoseksuwalidad. Isang grupong kabilang sa isang relihiyon sa Estados Unidos ang humihiling ng bagong interpretasyon hinggil sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa homoseksuwalidad ayon sa “makabagong pananaw.” Isa ring pastor sa Brazil na nagpakasal kamakailan sa kapuwa niya lalaki ang nagmungkahi na “muling suriin ang Bibliya,” dahil gusto niyang maging katanggap-tanggap ang makabagong pananaw ng kaniyang relihiyon.
Sa kabilang panig, ang mga hindi sang-ayon sa homoseksuwal na mga gawain ay sinasabing homophobic o kaya nama’y makitid ang isip. Pero ano ba talaga ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa homoseksuwalidad?
Ano ba ang Sinasabi ng Bibliya?
Hindi itinataguyod ng Bibliya ang diskriminasyon sa mga tao. Gayunman, malinaw ang sinasabi nito tungkol sa homoseksuwal na mga gawain.
“Huwag kang sisiping sa lalaki na katulad ng pagsiping mo sa babae. Iyon ay karima-rimarim na bagay.”—Levitico 18:22.
Bilang bahagi ng Kautusang Mosaiko, ang pagbabawal na ito ay isa sa maraming batas hinggil sa moral na partikular na ibinigay sa bansang Israel. Gayunman, makikita sa utos na ito ang pangmalas ng Diyos sa homoseksuwal na mga gawain, Judio man ang isa o di-Judio, nang sabihin nito: “Iyon ay karima-rimarim na bagay.” Ang mga bansang nakapalibot sa Israel ay nagsagawa ng homoseksuwalidad, insesto, pangangalunya, at iba pang gawain na ipinagbabawal ng Kautusan, kaya marumi sila sa paningin ng Diyos. (Levitico 18:24, 25) Nagbago ba ang pangmalas na ito ng Bibliya noong panahong Kristiyano? Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya:
“Ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita sa sekso, sapagkat kapuwa ang kanilang mga babae ay nagpalit ng likas na gamit ng kanilang sarili tungo sa isa na salungat sa kalikasan; at gayundin maging ang mga lalaki ay nag-iwan ng likas na paggamit sa babae at nagningas nang matindi sa kanilang masamang pita sa isa’t isa, mga lalaki sa mga kapuwa lalaki, na ginagawa ang malaswa.”—Roma 1:26, 27.
Bakit sinasabi sa Bibliya na ang homoseksuwal na mga gawain ay di-likas at malaswa? Dahil nasasangkot dito ang seksuwal na gawain na hindi nilayon ng ating Maylalang. Ang gayong gawain ay hindi makapagbubunga ng mga supling. Inihahambing ng Bibliya ang pagtatalik ng mga homoseksuwal sa pakikipagtalik ng rebeldeng mga anghel, na naging mga demonyo, sa mga babae bago ang Baha noong panahon ni Noe. (Genesis 6:4; 19:4, 5; Judas 6, 7) Sa paningin ng Diyos, parehong hindi likas ang mga iyon.
May mga Dahilan ba Para Ipagmatuwid ang Homoseksuwalidad?
Baka iniisip ng iba, ‘Puwede bang idahilan ng isa ang henetika, kapaligiran, o mga karanasang nakakatrauma, gaya ng seksuwal na pang-aabuso, para magpadala sa homoseksuwal na pagnanasa?’ Hindi. Isaalang-alang ang halimbawang ito: Maaaring ang isang tao ay nagmana ng tendensiyang maging alkoholiko, na posibleng mangyari ayon sa ilang siyentipiko, o maaaring pinalaki siya sa isang tahanan kung saan may nag-aabuso sa alak. Siyempre pa, magpapakita ng empatiya ang maraming tao sa isa na nasa gayong kalagayan. Pero tiyak na walang hihimok sa kaniya na patuloy na magpakalabis sa alak o sumuko sa paglaban sa bisyong iyon dahil lang sa nagmana siya ng gayong tendensiya o gayon ang kinalakhan niya.
Sa katulad na paraan, bagaman hindi kinokondena ng Bibliya ang mga taong nakikipaglaban sa homoseksuwal na pagnanasa, hindi naman nito kinukunsinti ang mga nagpapadala sa gayong tendensiya, iyon man ay dahil sa henetika o iba pang bagay. (Roma 7:21-25; 1 Corinto 9:27) Sa halip, nagbibigay ang Bibliya ng praktikal na payo at pampatibay-loob para tulungan ang mga indibiduwal na maiwasan ang homoseksuwal na mga gawain.
Ano ang Kalooban ng Diyos Para sa mga May Homoseksuwal na Pagnanasa?
Tinitiyak sa atin ng Bibliya na gusto ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Bagaman hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang homoseksuwal na mga gawain, hindi nito sinasabi na dapat kapootan ang mga homoseksuwal.
Hindi puwedeng baguhin ang pangmalas ng Diyos sa homoseksuwalidad. Malinaw ang sinasabi ng Bibliya sa 1 Corinto 6:9, 10 na ang “mga lalaking sumisiping sa mga lalaki” ay kabilang sa mga “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Pero ganito ang nakaaaliw na punto sa talata 11: “Gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”
Maliwanag na ang mga taimtim na nagnanais sumamba sa Diyos ayon sa kaniyang kalooban ay malugod na tinanggap sa kongregasyong Kristiyano noon. Totoo rin iyan ngayon para sa lahat ng tapat-puso na nagnanais magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos—hindi sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong interpretasyon sa Bibliya—kundi sa pamumuhay kaayon ng sinasabi nito.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Ano ang pangmalas ng Bibliya sa homoseksuwal na mga gawain?—Roma 1:26, 27.
● Sinasabi ba sa Bibliya na hindi dapat igalang ang mga taong may homoseksuwal na pagnanasa?—1 Timoteo 2:4.
● Posible bang umiwas sa homoseksuwal na mga gawain?—1 Corinto 6:9-11.
[Larawan sa pahina 29]
Dapat bang bigyan ng bagong interpretasyon ang pangmalas ng Diyos sa homoseksuwalidad?