Gaano Kaligtas ang Iyong Pagkain?
“Iskul sa Germany Ipinasara Dahil sa E. Coli.”—REUTERS NEWS SERVICE, GERMANY.
“Salmonella sa Gulay Kumalat sa Limang Estado.”—USA TODAY.
“Karne ng 6 na Bakang Pinakain ng Radioactive na Dayami Kumalat sa 9 na Prefecture.”—THE MAINICHI DAILY NEWS, JAPAN.
ANG mga headline na ito ay laman ng balita sa loob ng dalawang linggo noong 2011. Tinataya ng mga mananaliksik na taun-taon, mga 30 porsiyento ng nakatira sa mauunlad na bansa ang nagkakasakit dahil sa kanilang kinakain.
Ano ang epekto sa iyo ng ganitong mga balita? “Nag-aalala ako at nagagalit pa nga,” ang sabi ni Hoi, isang ama sa Hong Kong. “May dalawa akong anak, at nag-aalala ako kung paano inihahanda ang pagkain nila at kung saan ito galing.”
Sa mas mahihirap na bansa, milyun-milyon ang namamatay taun-taon—karamiha’y mga bata—dahil sa mga sakit na nakukuha sa pagkain at tubig. “Sa mga palengke rito, ang pagkain ay nilalangaw, nauulanan, nahahanginan, at naaalikabukan,” ang sabi ni Bola na taga-Nigeria. “Kapag nababalitaan ko ang tungkol sa mga sakit na nakukuha sa pagkain, natatakot ako. Gusto kong protektahan ang pamilya ko.”
Posible bang maprotektahan ang pamilya mo mula sa di-ligtas na pagkain? Sinabi ng Canadian Food Inspection Agency: “Kapag may pagkain sa mga grocery store na hindi ligtas, nagiging headline iyon. At dapat naman. Pero ang pagkain ay puwede ring maging di-ligtas at pagmulan ng sakit dahil sa ating ginagawa—o hindi ginagawa—sa atin mismong mga kusina.”
Ano ang puwede mong gawin para protektahan ang pamilya mo mula sa mga sakit na nakukuha sa pagkain? Talakayin natin ang apat na paraan para maging mas ligtas ang pagkain ninyo.
[Kahon sa pahina 3]
SINO ANG LALO NANG DAPAT MAG-INGAT?
May mga tao na madaling dapuan ng mga sakit na nakukuha sa pagkain, kabilang na ang:
● Mga batang wala pang limang taon
● Mga buntis
● Mga taong mahigit 70 anyos
● Mga taong mahina ang immune system
Kung ikaw o ang sinumang kumakaing kasama mo ay nasa alinmang kategorya sa itaas, kayo ang lalo nang dapat mag-ingat sa pagkaing inihahanda, inihahain, at kinakain ninyo.
[Credit Line]
Pinagkunan: New South Wales Food Authority, Australia