Natagpuan Ko ang Tunay na Pag-ibig at Kapayapaan
Ayon sa salaysay ni Egidio Nahakbria
Lumaki ako na napabayaan at walang nagmamahal. Pero ngayon, marami nang nagmamahal sa akin at payapa na ang isip ko. Paano ito nangyari? Ikukuwento ko sa inyo.
ISINILANG ako noong 1976 sa isang kubo na lupa lang ang sahig sa kabundukan ng East Timor, noo’y bahagi ng Indonesia. Pangwalo ako sa sampung magkakapatid na ipinanganak sa isang dukhang pamilya. Dahil hindi kami kayang buhaying lahat ng mga magulang namin, ipinaampon nila ako sa pinsan ko pero inalagaan nila ang kakambal kong lalaki.
Noong Disyembre 1975, bago ako ipanganak, sinalakay ng Indonesia ang East Timor, at nagsimula ang isang labanan na tumagal nang mahigit dalawang dekada. Kaya sa murang edad pa lang ay nahantad na ako sa karahasan at pagdurusa. Tandang-tanda ko pa nang salakayin ng mga sundalo ang nayon namin at sapilitang palayasin ang lahat ng tagaroon. Libu-libong taga-East Timor ang nagtago sa gilid ng isang bundok kasama na kaming magpinsan.
Pero nadiskubre ng mga sundalo ang pinagtataguan namin, at di-nagtagal, pinaulanan nila kami ng mga bomba. Hindi ko malilimutan ang takot, kamatayan, at pagkawasak na nakita ko. Kahit noong makabalik na kami sa aming nayon, takót na takót pa rin ako. Marami sa aming mga kapitbahay ang nawala na lang o kaya’y pinatay, at nag-alala akong baka ako na ang susunod.
Noong sampung taon ako, nagkasakit ang pinsan ko at namatay, kaya pinatira ako ng mga magulang ko sa aking lola, na isang biyuda. Pero marami siyang hinanakit sa buhay at pabigat lang ang tingin niya sa akin. Inalila niya ako. Nang minsang hindi ko kayang magtrabaho dahil may sakit ako, binugbog niya ako at iniwan para mamatay. Buti na lang, kinuha ako ng tiyuhin ko at pinatira sa kanila.
Dose anyos na ako nang makapag-aral. Di-nagtagal, nagkasakit ang aking tiyahin at nadepres naman ang tiyuhin ko. Dahil ayokong maging pabigat pa sa kanila, naglayas ako at umanib sa isang grupo ng mga sundalong Indones na nagkakampo sa kagubatan. Naging katulong nila ako—tagalaba, tagaluto, at tagalinis sa kampo. Maganda ang trato nila sa akin, at pakiramdam ko’y may silbi ako. Pero makalipas ang ilang buwan, nalaman ng mga kamag-anak ko kung nasaan ako at pinilit nila ang mga sundalo na pauwiin ako.
Naging Aktibista
Pagkatapos kong maghaiskul, lumipat ako sa Dili, ang kabisera ng East Timor, at nagkolehiyo. Nakilala ko roon ang maraming estudyante na ang naging buhay ay gaya rin ng sa akin. Napag-usapan namin na kailangan naming kumilos para makamit ang pambansang kalayaan at pagbabago sa lipunan. Nagsaayos ang aming grupo ng maraming demonstrasyon, na kadalasa’y nauuwi sa riot. Marami sa mga kaibigan ko ang nasugatan, at ang ilan ay namatay pa nga.
Nang makamit ng East Timor ang kalayaan noong 2002, ang bansa ay wasak, libu-libo ang namatay, at daan-daang libo ang walang matirhan. Inaasahan kong bubuti ang kalagayan pero marami pa rin ang hiráp sa buhay at walang trabaho, at patuloy ang kaguluhan sa pulitika.
Bagong Buhay
Noong panahong iyon, kasama ko sa bahay ang ilang kamag-anak ko, pati ang isang malayong kamag-anak na mas bata sa akin, si Andre, na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Isa akong debotong Romano Katoliko at ayokong nakikisama sa ibang relihiyon ang kamag-anak ko. Pero interesado ako sa Bibliya at paminsan-minsan ay binabasa ko ang Bibliya ni Andre na nasa kuwarto niya. Lalo akong naging interesado dahil sa mga nabasa ko.
Noong 2004, binigyan ako ni Andre ng imbitasyon sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus, at naisip kong dumalo. Dahil mali ang intindi ko sa imbitasyon, napaaga nang dalawang oras ang pagdating ko. Nang magdatingan ang mga Saksi, kasama ang mga tagaroon at ilang banyaga, kinamayan nila ako at malugod na tinanggap. Humanga ako sa pagtanggap nila. Sa pahayag, inilista ko sa isang notbuk ang lahat ng binanggit na teksto sa Bibliya. Pag-uwi, tiningnan ko ang mga iyon sa aking Bibliyang Katoliko para tiyakin kung totoo ang sinabi ng tagapagsalita. Totoo nga!
Nang sumunod na linggo, dumalo ako sa Misa ng simbahan namin. Dahil huling dumating ang ilan, kabilang na ako, kumuha ng pamalo ang galít na galít na pari at pinalayas kami. Habang nakatayo kami sa labas, sinabi ng pari sa pagtatapos ng serbisyo, “Sumainyo nawa ang kapayapaan ni Jesus.” Isang matapang na babae ang sumigaw, “Naaatim mong bumanggit ng kapayapaan gayong pinalayas mo sa simbahan ang mga taong iyon?” Hindi siya pinansin ng pari. Umalis ako at hindi na kailanman bumalik sa simbahan.
Di-nagtagal, nakipag-aral ako ng Bibliya at dumalo kami ni Andre sa mga pulong ng mga Saksi. Nag-alala ang mga kamag-anak namin at nagalit sa amin. Nagbabala ang lola ni Andre: “Huhukay ako ng paglilibingan sa inyo kapag hindi kayo tumigil sa pakikipag-aral sa bagong relihiyong iyan.” Pero hindi kami natakot sa kaniya. Gusto talaga naming sumulong sa espirituwal.
Gumawa ng mga Pagbabago
Sa pag-aaral ko ng Bibliya, nakita kong wala pa pala akong alam tungkol sa tunay na pagmamahal. Matigas ang loob ko at palaban at hiráp magtiwala sa ibang tao. Pero nagpakita ng tunay na interes sa akin ang mga Saksi. Noong magkasakit ako nang malubha at hindi inasikaso ng mga kamag-anak ko, dinalaw ako ng mga Saksi at tinulungan. Ang kanilang pag-ibig ay hindi lamang “sa pamamagitan ng salita” kundi “tunay na pag-ibig, sa pamamagitan ng gawa.”—1 Juan 3:18, Magandang Balita Biblia.
Kahit hindi kaayaaya ang hitsura at ugali ko, ang mga Saksi ay nagpakita sa akin ng “pakikipagkapuwa-tao” at “pagmamahal na pangkapatid.” (1 Pedro 3:8) Noon pa lang ako nakadama ng pagmamahal. Naging mabait na ako, at natutuhan kong mahalin ang Diyos at ang aking kapuwa. Kaya naman noong Disyembre 2004, nagpabautismo ako bilang sagisag ng pag-aalay ko kay Jehova. Di-nagtagal, nabautismuhan din si Andre.
Mga Pagpapala sa Gitna ng Kaguluhan
Pagkabautismo ko, gustung-gusto kong makatulong sa mga taong hindi pa nakadarama ng tunay na pag-ibig o katarungan. Kaya pumasok ako sa buong-panahong ministeryo, o pagpapayunir, gaya ng tawag dito ng mga Saksi ni Jehova. Di-hamak na mas kasiya-siya ang pagsasabi sa iba ng nakagiginhawang mensahe ng Bibliya kaysa sa pagsali sa mga demonstrasyon at riot. Sa wakas, talagang nakakatulong na ako sa mga tao!
Noong 2006, muling sumiklab ang kaguluhan sa pulitika sa East Timor. Naglaban-laban ang mga paksiyon dahil sa malaon nang mga hinaing. Kinubkob ang lunsod ng Dili, at maraming taga-silangan ang lumikas para hindi sila mapatay. Kasama ng ibang Saksi, tumakas ako patungong Baucau, isang malaking bayan na mga 120 kilometro sa silangan ng Dili. Doon, ang paghihirap namin ay naging pagpapala dahil nakapagtatag kami ng isang kongregasyon—ang kauna-unahan sa labas ng Dili.
Noon namang 2009, naimbitahan akong mag-aral sa isang klase para sa buong-panahong mga ministro sa Jakarta, Indonesia. Malugod kaming pinatuloy ng mga Saksi sa Jakarta sa kanilang mga tahanan. Hindi ko malilimutan ang kanilang taimtim na pag-ibig. Nadama kong bahagi ako ng isang pangglobong “samahan ng mga kapatid,” isang internasyonal na “pamilya,” na talagang nagmamalasakit sa akin.—1 Pedro 2:17.
Sa Wakas, Kapayapaan!
Pagkatapos ng pag-aaral na iyon, bumalik ako sa Baucau, kung saan ako nakatira hanggang ngayon. Nasisiyahan akong tumulong sa mga tao sa espirituwal na paraan, kung paanong tinulungan din ako noon ng iba. Halimbawa, sa isang liblib na nayon sa labas ng Baucau, kami ng mga kasama ko ay nagtuturo ng Bibliya sa mga 20 katao, kasama ang maraming matatanda na hindi marunong bumasa o sumulat. Ang buong grupong iyon ay dumadalo sa mga lingguhang pagpupulong, at tatlo na sa kanila ang bautisadong miyembro ng aming espirituwal na “pamilya,” ang kongregasyong Kristiyano.
Ilang taon na ang nakalilipas, nakilala ko si Felizarda, isang mabait na babae na natuto rin ng katotohanan sa Bibliya at mabilis na sumulong sa pagpapabautismo. Ikinasal kami noong 2011. Tuwang-tuwa rin ako na ang kamag-anak kong si Andre ay naglilingkod ngayon sa opisina ng mga Saksi ni Jehova sa East Timor. May respeto na rin sa relihiyon ko ang karamihan sa mga kamag-anak ko, pati na ang lola ni Andre, na gusto kaming ilibing noon nang buháy.
Dati, punung-puno ako ng galit, walang nagmamahal at mahirap mahalin. Pero laking pasasalamat ko kay Jehova dahil natagpuan ko na rin sa wakas ang tunay na pag-ibig at kapayapaan!
[Larawan sa pahina 19]
Si Egidio noong aktibista pa siya
[Larawan sa pahina 21]
Sina Egidio at Felizarda kasama ang mga miyembro ng Baucau Congregation sa East Timor