Batik—Kahanga-hangang Tela ng Indonesia
ANG batik ay malaon nang ginagamit ng mga tao pero hindi ito napaglilipasan ng panahon. Isinusuot ito ng mga maharlika sa mga espesyal na okasyon, pati na rin ng mga mangangalakal sa mga pamilihan. Ito ay maganda, makulay, at may sari-saring disenyo. Pero ano ba ang batik? Paano ito ginagawa? Saan ito nagmula? At paano ito ginagamit sa ngayon?
Ang batik ay isang klase ng tela na ginagawa na ng mga tao noon pa mang sinaunang panahon. Ang disenyo nito ay ginagawa sa pamamagitan ng isang espesyal na paraan ng pagtitina at naging mahalagang bahagi na ng buhay at kultura ng mga Indones. Mayroon ding ganitong mga tela sa ibang mga bansa.
Tambalan ng Tina at Wax
Ang telang batik ay ginagawa gamit ang isang maliit na kagamitang tanso na punô ng tunaw na wax para maiguhit sa tela ang isang komplikadong disenyo. Kapag tuyo na ang wax, ang tela ay tinitina. Ang mga bahaging may wax ay hindi nagbabago ng kulay dahil hindi ito tinatablan ng tina. Kadalasan, ang prosesong ito ay inuulit-ulit gamit ang iba’t ibang kulay ng tina para makagawa ng makukulay na disenyo.
Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang mga tagagawa ng batik ay gumagamit ng mga tansong pantatak sa paglalagay ng wax. Ang pamamaraang ito ay mas mabilis at magagamit sa paggawa ng maraming batik na may iisang disenyo. Noong ika-20 siglo, sinimulan ng mga pabrika ang paggamit ng screen print sa paglalagay ng disenyo sa tela. Makakabili pa rin ng mga handmade na batik, pero ang karamihan ng ibinebenta sa ngayon ay gawa na ng mga makina.
Karaniwan na, koton o seda ang ginagawang batik. Ang tina naman ay mula sa mga dahon, kahoy, balat ng puno, at mga espesya, bagaman mayroon na ring artipisyal na mga tina. Bago sinimulang gamitin ang wax, ang ginagamit sa paggawa ng mga disenyo sa tela ay paste mula sa mga halaman, taba ng hayop, at kahit nga putik. Sa ngayon, kadalasan nang artipisyal na wax ang ginagamit. Pero ginagamit pa rin ang pinaghalong paraffin at beeswax.
Sinaunang Tela na Hindi Lilipas sa Uso
Walang nakakaalam kung kailan at kung saan unang ginawa ang batik. Sa China, may mga piraso ng telang batik na mula pa noong ikaanim na siglo C.E. Hindi pa rin alam kung kailan unang natutuhan ng mga Indones ang teknik sa paggawa nito, pero pagsapit ng ika-17 siglo, mayroon nang ebidensiya ng pag-aangkat at pagluluwas ng batik mula sa Indonesia.
Nitong nakaraang mga dekada, ang batik ay lalong naging popular at naging pagkakakilanlan ng Indonesia. Noong 2009, bilang pagkilala sa mahabang kasaysayan ng batik sa Indonesia at sa impluwensiya nito sa lokal na kultura, itinala ng UNESCO ang batik ng Indonesia bilang isa sa mga “Intangible Cultural Heritage of Humanity.”
Mga Kasuutang Batik
May mga tradisyonal na paraan ng pagsusuot, pagtitiklop, at paggawa ng batik na batay sa lokal na mga paniniwala at pamahiin. Marami sa mga probinsiya sa Indonesia ang may tipikal na kulay at disenyo ng batik. Halimbawa, ang batik mula sa hilagang baybayin ng Java ay may matitingkad na kulay at kadalasa’y may disenyong bulaklak, ibon, at iba pang hayop. Ang batik naman mula sa gitnang Java ay kadalasan nang heometriko ang disenyo at iilan lang ang kulay. Mga 3,000 disenyo ng batik ang nakatala.
Ang isang tradisyonal na kasuutang batik ay ang selendang, isang shawl o telang isinasabit ng mga babae sa kanilang balikat. Madalas, dito nila inilalagay ang kanilang baby o ang kanilang pinamili. Pero ipinantatakip din nila ito sa ulo kapag mainit ang panahon.
Ang mga lalaki ay gumagamit ng putong na tinatawag na iket kepala. Ang parisukat na batik na ito ay itinatali sa ulo gaya ng isang turban at madalas gamitin sa mga pormal na okasyon.
Ang isa pang popular na kasuutang batik ay ang parihabang tela na ibinabalot sa katawan, na tinatawag na sarong. Kung minsan, tinatahi ang magkabilang dulo nito para pagdugtungin na gaya ng malong. Ang karaniwang sarong ay itinatapis na parang palda. Isinusuot ito ng mga lalaki at babae.
Ang batik ay puwedeng gawing iba’t ibang klase ng damit, mula sa ordinaryong pantalon hanggang sa eleganteng gown. Puwede rin itong gawing painting, pansabit sa dingding, mantel, kubrekama, at iba pa. Sa mga pamilihan sa Indonesia, ang mga turista ay makakakita ng mga batik na bag, sandalyas, lampshade, at pati bag ng laptop. Napakaraming mapaggagamitan ng batik—isa ngang kahanga-hangang tela!
[Larawan sa pahina 23]
Isang maliit na kagamitang tanso na punô ng tunaw na wax ang ginagamit para maiguhit ang isang komplikadong disenyo
[Larawan sa pahina 23]
Pagkatapos lagyan ng disenyo, ang tela ay ilang beses na inilulubog sa tina
[Mga larawan sa pahina 23]
Mga Kasuutang Batik
1. Selendang
2. Iket kepala
3. Sarong