Mula sa Aming mga Mambabasa
Hospice Care—Pag-aalaga sa mga May Taning Na ang Buhay (Hulyo 2011) Bilang social welfare assistant, nag-training ako sa isang hospice, at talagang totoo ang sinabi ninyo sa Gumising! ng Hulyo 2011. Kailangang-kailangan sa ngayon ang mga pasilidad na handa para sa pag-aalaga sa mga may taning na ang buhay. Pinananabikan ko ang pagdating ng pamahalaan ng Diyos, kung kailan wala nang magsasabi, “Ako ay may sakit,” at papahirin ng Diyos ang luha sa ating mga mata.—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3, 4.
M. R., Italy
Kumusta ang Thyroid Mo? (Mayo 2009) Maraming salamat sa artikulong ito. Nalaman ko kamakailan na may problema ako sa thyroid, pero binale-wala ko lang iyon. Nang mabasa ko ang artikulo, nagpatingin ako sa isang espesyalista at nalaman kong mayroon pala akong Graves’ disease. Buti na lang at nadiskubre iyon habang hindi pa malala ang mga sintomas. Maraming salamat.
T. K., Japan
Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 1-7 (Nobyembre 2010–Mayo 2011) Salamat sa seryeng ito tungkol sa mga kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya. Napakahusay ng pagkakasulat at pagkakasaliksik dito. Sana’y pagsama-samahin ang magagandang artikulong ito sa isang brosyur. Ang seryeng ito tungkol sa kasaysayan ay nag-uudyok ng matinding paggalang na nararapat sa Awtor ng mga hula ng Bibliya—si Jehova.
G. H., Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Social Networking? (Hulyo 2011) Salamat sa artikulong ito. Ako’y 26 anyos. Binabalak kong magkaroon ng account [sa isang social network], hindi dahil gusto kong dumami ang kaibigan ko, kundi dahil marami ang nagsasabi sa akin na gawin iyon. Malaking tulong sa akin ang artikulo. Puwede ka namang magkaroon ng mga kaibigan kahit hindi ka sumali sa isang social network.
M. P., Pilipinas
Akala ko, puro negatibo ang mababasa ko tungkol sa social networking. Pero balanse ang artikulo. Ipinakita nito ang positibo at negatibong aspekto ng social networking at nagpayo rin ito kung paano mag-iingat sa posibleng mga panganib ng mga social network. Naging malinaw sa akin na dapat akong mag-ingat kapag nagpo-post ng personal na impormasyon sa Internet.
C. W., Estados Unidos
Sekreto ng Maligayang Pamilya (Oktubre 2009) Ang espesyal na isyung ito ay nakatulong nang malaki sa aming pamilya. Talagang nagustuhan ko ang mga kahong “Subukin Ito” na kasama ng bawat isa sa pitong sekreto. Sinusunod na namin ang mga mungkahing ibinigay.
H. H., Korea
Repaso Para sa Pamilya Maraming salamat sa regular na seksiyong ito. Ang aming anak na babae na anim na taon ay nag-e-enjoy sa “Mga Bata, Hanapin ang Larawan” at gustung-gusto niyang kulayan ang mga larawan. Idiniriin ng mga artikulong ito na mahalagang sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa murang edad pa lang. Malaking tulong sa mga bata ang ginagawa ninyo.
M. P., Poland