Mahilig Ako Noon sa Karahasan
Ayon sa salaysay ni Salvador Garza
BATA pa lang ako, mahilig na ako sa karahasan at pinapatulan ko ang sinumang mang-inis sa akin. Napansin ito ng isang kilaláng boksingero sa lugar namin kaya tinuruan niya ako ng boksing. Nang maglaon, isa na akong propesyonal na boksingero na lumalaban sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos. Pagkatapos, naging bodyguard ako ng isang gangster.
Kahit may asawa na ako at anim na anak, naroon pa rin ang hilig ko sa karahasan. Noon, may sarili na akong night club. Ilang ulit na pinagtangkaan ang buhay ko pero gusto ko ang ganoong buhay. Noong minsang mapaaway ako, binaril ko ang dalawang lalaki at nasugatan sila nang malubha. Nagplano pa nga kami ng ilang kaibigan ko na kidnapin ang isang kilaláng pulitiko. Pero nadiskubre ito ng mga pulis at inaresto ako. Noong hinuhuli ng mga pulis ang mga kaibigan ko, nagkaroon ng barilan at napatay ang mga ito. Buti na lang at nakakulong ako noon!
Pagkalipas ng ilang taon, napalaya ako at nakahanap ng trabaho. Isang araw, nang pauwi ako galing sa trabaho, biglang sumakit nang napakatindi ang ulo ko. Ganoon na lang ang takot ko kaya nanalangin ako. Ang asawa kong si Dolores ay nakikipag-aral noon ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nabanggit niya sa akin na Jehova ang pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Kaya sa Kaniya ako nanalangin.
Nang gumaling na ako, niyaya ako ni Dolores na dumalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall. Napaluha ako dahil malugod akong tinanggap ng mga Saksi at ang bait nila sa akin. Kaya nag-aral din ako ng Bibliya at unti-unting nagbago ang pangmalas ko sa buhay. Gustung-gusto ko ang mga itinuturo sa akin.
Pero matagal-tagal din bago ko natutuhang kontrolin ang aking galit. Gaya noong minsang nangangaral kami sa bahay-bahay ng kaibigan kong si Antonio, nilait-lait kami ng kausap naming lalaki. Sa galit ko, susunggaban ko na sana siya, pero buti na lang, pinigilan ako ni Antonio. Pagkatapos noon, matiyaga niyang ipinaalala sa akin na naging matiisin si Jesus kahit tinutuya at minamaltrato. Ayon nga kay apostol Pedro, na madalas kasama noon ni Jesus: “Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti.” (1 Pedro 2:23) Isinapuso ko ang mga pananalitang iyon.
Kapag iniisip-isip ko ang mga pagbabagong nagawa ko, lagi kong pinasasalamatan si Jehova dahil sa kaniyang banal na espiritu, na tumutulong sa atin na magkaroon ng pagpipigil sa sarili at maging tunay na mapagpayapa. (Galacia 5:22, 23) Buo at maligaya ang aking pamilya, at namumuhay kami nang tahimik at mapayapa. Pribilehiyo ko ring maglingkod bilang buong-panahong ministro at tumulong sa iba na masumpungan ang kapayapaan mula sa Diyos.
[Larawan sa pahina 9]
Nasumpungan ni Salvador ang kapayapaan nang mag-aral siya ng Bibliya