PAANO KAPAG NAGTAASAN ANG MGA BILIHIN?
Maging Matalino sa Paggamit ng Pera
Kapag tumataas ang presyo ng mga bilihin at mga bayarin, nahihirapan tayo. Pero hindi ibig sabihin nito na wala ka nang magagawa. May mga paraan para gumanda ang sitwasyon mo.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Kung hindi ka magiging matalino sa paggamit ng pera, magkakaproblema ka at mai-stress ka pa. At kahit kaunti lang ang pera mo, may magagawa ka pa rin para makontrol ang paggamit mo nito.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Gumastos lang ayon sa kinikita mo. Kapag ginawa mo ito, mas makokontrol mo ang pera mo, at kakayanin mo rin ang biglaang mga bayarin.
Makakatulong ang paggawa ng budget. Kung nakasulat ang mga pumapasok at lumalabas na pera mo, malalaman mo kung ano lang ang dapat mong gastusin. Kapag gumagawa ng budget, alamin ang talagang mga kailangan mo. Pagkatapos, sikaping sundin ang budget mo. I-update ito kung may pagbabago sa presyo ng bilihin at bayarin, o sa kinikita mo. Kung may asawa ka, mas magandang magkasama kayo kapag gumagawa ng budget.
Subukan ito: Kapag may bibilhin, gumamit ng cash kung mayroon, imbes na credit card. Magbayad nang buo, imbes na installment. Nakita ng ilan na nakakatulong ang mga ito sa pagba-budget nila, at naiiwasan nilang magkautang. Maganda rin na palaging i-check ang bank statement mo o ang listahan ng mga ginastos mo. Hindi ka masyadong mai-stress kasi alam mo kung magkano pa ang pera mo.
Hindi laging madaling gumastos ayon sa kinikita mo. Pero makakatulong kung nakagawa ka ng budget na talagang pinag-isipan mo. Mapapanatag ka rin kung mayroon ka nito.
Magsikap para manatili sa trabaho. Ano ang mga puwede mong gawin para hindi ka maalis sa trabaho? Huwag palaging late. Mag-enjoy sa trabaho. Magkusang tumulong at maging masipag. Maging magalang. Sundin ang mga patakaran sa trabaho. Matuto pa para mas humusay ka sa trabaho mo.
Iwasang magsayang ng pera. Tanungin ang sarili: ‘Maluho ba ako o may mga bisyo?’ Halimbawa, ginagamit ng marami sa ngayon ang pinaghirapan nilang pera sa pagdodroga, pagsusugal, paninigarilyo, o paglalasing. Dahil sa mga ito, naaapektuhan ang kalusugan at trabaho nila.
Mag-ipon para sa emergency. Kung posible, magtabi ng kaunting pera para sa mga di-inaasahang gastusin o emergency. Makakatulong ito para hindi ka masyadong mag-alala kapag bigla kang nagkasakit o ang kapamilya mo, kapag nawalan ka ng trabaho, o kapag may iba pang di-inaasahang sitwasyon.