PAANO KAPAG NAGTAASAN ANG MGA BILIHIN?
Maging Mapagbigay
Baka dahil sa hirap ng buhay, hindi mo na maisip na magbigay sa iba. Pero ang totoo, makakatulong pa sa iyo ang pagiging mapagbigay. Kahit nagtitipid ka, puwede ka pa ring maging mapagbigay.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Magiging masaya tayo kapag nagbibigay tayo sa iba—kahit sa simpleng paraan. Ayon sa mga pag-aaral, posibleng makatulong ang pagiging mapagbigay sa pisikal at mental na kalusugan natin. Halimbawa, makakatulong ito para mabawasan ang anxiety at stress, kahit pa nga ang pananakit ng katawan. Puwede rin itong makatulong sa pagbaba ng blood pressure, at sa pagkakaroon ng magandang pagtulog.
Kapag nagbibigay tayo sa iba, pera man ito o ibang bagay, mas madali sa atin na tanggapin ang tulong ng iba kapag nangailangan tayo. Sinabi ni Howard na taga-England: “Naghahanap kami ng asawa ko ng mga paraan para makapagbigay at makatulong sa iba. Kaya kapag kami naman ang nangailangan, hindi kami nahihiyang tanggapin ang tulong ng iba.” Siyempre, hindi umaasa ng anumang kapalit ang tunay na mapagbigay. Pero may matatanggap pa rin ba sila? Oo! Tunay na mga kaibigan na handang tumulong kapag nangailangan sila.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Magbigay ng kung ano ang mayroon ka. Kahit kaunti lang ang mga bagay na mayroon ka, may maibibigay ka pa rin. Halimbawa, puwede kang mag-share ng simpleng pagkain. Nakatira si Duncan at ang pamilya niya sa Uganda. Kahit mahirap lang sila, mapagbigay sila. Sinabi ni Duncan: “Tuwing Sunday, nag-iimbita kami ng asawa ko sa bahay namin. Simpleng kainan lang, pero nag-e-enjoy kami nang magkakasama.”
Pero kung magbibigay ka, maging balanse. Baka sa kakabigay mo, maghirap naman ang pamilya mo.—Job 17:5.
Subukan ito: Magbigay sa iba ng simpleng pagkain o meryenda. Kung may gamit ka na hindi mo na kailangan, puwede mo itong ibigay sa kaibigan o kapitbahay mo na nangangailangan nito.
Magbigay sa ibang paraan. Hindi laging pera ang pinakamagandang maibibigay mo sa iba. Halimbawa, kapag tumutulong tayo sa iba, naibibigay natin ang panahon at atensiyon natin sa kanila. Puwedeng maging regalo ang mga sinasabi mo! Kaya sabihin sa iba kung gaano mo sila pinapahalagahan o kung gaano mo sila kamahal.
Subukan ito: Tulungan ang iba sa gawaing bahay nila, sa pagre-repair, at sa iba pang gawain. Magbigay ng sulat ng pasasalamat sa isang kaibigan. O kaya naman itext siya, kahit para lang ipaalam na naalala mo siya.
Kung magiging mapagbigay ka, magiging mas masaya ang buhay mo.