Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • gm kab. 2 p. 12-24
  • Ang Pakikipagpunyagi ng Bibliya Upang Makapanatiling Umiiral

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pakikipagpunyagi ng Bibliya Upang Makapanatiling Umiiral
  • Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bibliya Lamang ang Nakapanatili
  • Mga Tagapag-ingat ng Salita
  • Mga Kopya na Maaring Magkamali
  • Ang mga Tao at ang Kanilang mga Wika
  • Aralin Bilang 6—Ang Kristiyanong Tekstong Griyego ng Banal na Kasulatan
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Manuskrito ng Bibliya, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Paano Nailigtas ang Aklat?
    Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao
  • Aralin Bilang 5—Ang Tekstong Hebreo ng Banal na Kasulatan
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
gm kab. 2 p. 12-24

Kabanata 2

Ang Pakikipagpunyagi ng Bibliya Upang Makapanatiling Umiiral

Maraming hibla ng katibayan ang nagpapatunay na ang Bibliya ay tunay ngang Salita ng Diyos. Bawa’t hibla ay matibay, subali’t kapag ang mga ito’y nagsamasama, hindi na ito mapapatid. Sa kabanatang ito at sa susunod, ay tatalakayin natin ang isa lamang hibla ng katibayan: ang kasaysayan ng Bibliya bilang isang aklat. Ang totoo’y, isang tunay na himala ang patuloy na pag-iral ng kamanghamanghang aklat na ito magpahanggang sa ngayon. Isaalang-alang ninyo ang mga katotohanan.

1. Ano ang ilang detalye hinggil sa Bibliya?

ANG Bibliya ay higit pa kaysa isa lamang aklat. Ito’y isang masaganang aklatan na binubuo ng 66 na mga libro, ang ilan ay maigsi at ang ilan ay mahabahaba, na naglalaman ng batas, hula, kasaysayan, tula, payo, at higit pa. Maraming dantaon bago pa isilang si Kristo, ang unang 39 na aklat nito ay naisulat na​—ang karamihan ay sa wikang Hebreo​—ng tapat na mga Judio, o Israelita. Ang bahaging ito ay madalas tawaging ang Matandang Tipan. Ang huling 27 aklat ay isinulat ng mga Kristiyano sa Griyego at kilalang-kilala bilang ang Bagong Tipan. Ayon sa panloob na katibayan at sa pinakamatatandang tradisyon, ang 66 na mga aklat na ito ay naisulat sa loob ng humigit-kumulang na 1,600 taon, mula nang ang Ehipto pa ang kapangyarihang pandaigdig magpahanggang sa ang Roma ang siya nang kalaguyo ng sanlibutan.

Bibliya Lamang ang Nakapanatili

2. (a) Ano ang kalagayan ng Israel nang ang Bibliya ay pasimulang isulat? (b) Ano pang ibang kasulatan ang ginawa nang panahon ding yaon?

2 Mahigit na 3,000 taon na ngayon, nang pasimulan ang pagsulat ng Bibliya, ang Israel ay isa lamang maliit na bansa sa Gitnang Silangan. Si Jehova ang Diyos nila, samantalang nakalilito sa dami ang mga diyos at diyosa ng mga bansang nakapaligid sa kanila. Sa yugto ng panahong yaon, hindi lamang mga Israelita ang naglalathala ng mga babasahing relihiyoso. Ang ibang mga bansa ay naglathala din naman ng mga kasulatan na nagpaaninaw ng pagpapahalaga sa kanilang relihiyon at bansa. Bilang halimbawa, malamang na tanyag-na-tanyag ang Akkadianong alamat ni Gilgamesh mula sa Mesopotamia at pati na ang mga patulang kasaysayan ng Ras Shamra, na isinulat sa Ugaritiko (isang wika na ginagamit sa dako na sa ngayo’y hilagang Sirya). Kalakip din sa malawak na panitikan ng panahong yaon ay ang The Admonitions of Ipu-wer at ang The Prophecy of Nefer-rohu sa wikang Ehipsiyo, mga himno sa sari-saring mga diyos sa wikang Sumeryano, at ang mga hula sa wikang Akkadiano.​1

3. Ano ang nagtatangi sa Bibliya mula sa ibang relihiyosong babasahin na isinulat sa Gitnang Silangan nang panahon ding yaon?

3 Gayumpaman, iisa ang naging hantungan ng lahat ng mga babasahing ito sa Gitnang Silangan. Ang mga ito’y nailibing na sa limot, at naglaho pa nga ang mga wika na kung saan napasulat ang mga ito. Nito lamang nakaraang ilang taon natuklasan ng mga arkeologo at pilologo ang pag-iral ng mga ito at natutuhan kung papaano babasahin ang mga ito. Sa kabilang dako, ang unang napasulat na mga aklat ng Bibliyang Hebreo ay patuloy pa ring umiiral at binabasa ng maraming tao magpahanggang sa ating panahon. Kung minsan inaangkin ng mga iskolar na ang mga Hebreong aklat ng Bibliya ay waring hinalaw lamang mula sa matatandang babasahing yaon. Subali’t ang bagay na napakarami sa mga babasahing yaon ang nakalimutan na, samantalang nananatili pa rin ang Bibliyang Hebreo, ay mariing tanda na ang Bibliya ay talagang naiiba.

Mga Tagapag-ingat ng Salita

4. Anong malulubhang suliranin ng mga Israelita ang naglagay ng pag-aalinlangan sa pananatili ng Bibliya?

4 Huwag tayong magkakamali, kung susuriin ayon sa pangmalas ng tao, hindi karakarakang natiyak na mananatili ang Bibliya. Ang mga sumulat nito ay nagtiis ng napakahigpit na pagsubok at pag-uusig anupa’t ang pananatili nito magpahanggang sa ngayon ay tunay na kamanghamangha. Noong mga taon bago kay Kristo, ang mga Judio na sumulat ng mga Hebreong Kasulatan (ang “Matandang Tipan”) ay isa lamang maliit na bansa. Mabuway ang kalagayan nila sa gitna ng makapangyarihang mga bansa na naggigitgitan sa isa’t-isa ukol sa pandaigdig na kapamahalaan. Upang makapanatiling buhay ay kinailangan ng Israel na makipagpunyagi laban sa sunudsunod na mga kaaway na bansa, gaya ng mga Filisteo, mga Moabita, mga Amonita, at ng mga Edomita. Nang panahon na ang mga Hebreo ay mahati sa dalawang kaharian, ay halos malipol ng malupit na Imperyo ng Asirya ang kaharian sa hilaga, samantalang winasak naman ng mga taga-Babilonya ang kaharian sa timog, at dinalang bihag ang mga tao anupa’t isang nalabi lamang ang nakabalik pagkaraan ng 70 taon.

5, 6. Anong mga pagsisikap ang nagsapanganib sa mismong pag-iral ng mga Hebreo bilang natatanging bayan?

5 Nariyan din ang mga ulat hinggil sa tangkang paglipol sa mga Israelita bilang isang bansa. Noong kaarawan ni Moises, ay iniutos ni Paraon ang pagpaslang sa lahat ng kanilang kasisilang na mga sanggol na lalaki. Kung naisakatuparan lamang ang kaniyang utos, disin sana’y nalipol na ang bansang Hebreo. (Exodo 1:15-22) Maraming taon pagkalipas nito, nang ang mga Judio ay mapailalim sa Persya, gumawa ng pakana ang kanilang mga kaaway upang mapagtibay ang isang batas na nilalayong lumipol sa kanila. (Ester 3:1-15) Ang pagkabigo ng pakanang ito ay ipinagdiriwang pa rin ngayon sa Judiong Kapistahan ng Purim.

6 Maraming taon uli pagkalipas nito, nang ang mga Judio ay sakop ng Sirya, pinagsikapang mainam ni Haring Antioko IV na gawing Heleniko ang bansang ito, sa pamamagitan ng pagpilit dito na sumunod sa mga kaugaliang Griyego at sumamba sa mga Griyegong diyos. Siya rin ay nabigo. Sa halip na malipol o maglaho, ang mga Judio ay nanatili samantalang karamihan ng mga bansang nakapaligid sa kanila ay sunudsunod na naglaho mula sa daigdig. At ang mga Hebreong Kasulatan ng Bibliya ay nakapanatiling kasama nila.

7, 8. Papaanong ang pananatili ng Bibliya ay pinagbantaan ng mga kapighatiang dinanas ng mga Kristiyano?

7 Ang mga Kristiyano, na sumulat ng ikalawang bahagi ng Bibliya (ang “Bagong Tipan”), ay isa ring grupo na aping-api. Ang kanilang pinuno, si Jesus, ay pinatay na gaya ng isang karaniwang salarin. Noong kamamatay pa lamang niya, sinikap silang sugpuin ng mga Judiong pinuno sa Palestina. Nang lumaganap ang Kristiyanismo sa ibang lupain, sila ay tinugis ng mga Judio, na nagsikap humadlang sa kanilang gawaing misyonero.​—Gawa 5:27, 28; 7:58-60; 11:19-21; 13:45; 14:19; 18:5, 6.

8 Noong panahon ni Nero ay nagbago ang sa pasimula’y mapagparayang saloobin ng mga pinunong Romano. Naghambog si Tacito hinggil sa “mga pantanging pagpapahirap” na ipinataw sa mga Kristiyano ng mabagsik na emperador na yaon, at mula noon, ang pagiging Kristiyano ay itinuring na pagkakasalang karapatdapat sa kamatayan.​2 Noong 303 C.E., Si Emperador Diocletian ay kumilos nang tuwiran laban sa Bibliya.a Sa pagsisikap na lipulin ang Kristiyanismo, ay ipinag-utos niya na sunugin ang lahat ng Bibliyang Kristiyano.​3

9. Ano sana ang nangyari kung nagtagumpay ang mga pagsisikap na lipulin ang mga Judio at Kristiyano?

9 Naging tunay na banta sa pag-iral ng Bibliya ang mga kampanyang ito ng pang-aapi at paglipol. Kung dinanas sana ng mga Judio ang sinapit ng mga Filisteo at ng mga Moabita o kung nagtagumpay sana ang mga pagsisikap unang-una na ng mga pinunong Judio at nang maglaon ay ng mga Romano sa pagpawi sa Kristiyanismo, sino pa kaya ang susulat at mag-iingat sa Bibliya? Nakagagalak, na ang mga tagapag-ingat ng Bibliya​—una’y ang mga Judio at nang maglaon ay ang mga Kristiyano—​ay hindi nalipol at ang Bibliya ay nanatiling umiiral. Gayumpaman, isa pang malubhang banta ang napaharap kung hindi man sa pag-iral ng Bibliya ay sa pagiging-wasto naman nito.

Mga Kopya na Maaring Magkamali

10. Papaano unang naingatan ang Bibliya?

10 Marami sa kababanggit na matatandang kasulatan na nailibing na sa limot ang napaukit sa bato o kaya’y naitimbre sa matitibay na sulatang putik. Subali’t hindi gayon ang Bibliya. Ito’y unang napasulat sa papiro o sa malalambot na balat ng hayop​—mga materyales na mas marupok. Kaya, matagal nang naglaho ang mga manuskrito na nilikha ng unang mga manunulat. Papaano, kung gayon, naingatan ang Bibliya? Libu-libong kopya ang pinagtiyagaang isulat sa pamamagitan ng kamay. Ganito ang karaniwang paraan ng pagkopya ng isang aklat noong wala pang mga palimbagan.

11. Ano ang karaniwang nangyayari kapag ang mga manuskrito ay kinopya sa pamamagitan ng kamay?

11 Gayumpaman, may umiiral na panganib sa pagkopya sa pamamagitan ng kamay. Ganito ang paliwanag ni Sir Frederic Kenyon, ang tanyag na arkeologo at katiwala ng aklatan sa British Museum: “Hindi pa nalilikha ang kamay at utak ng tao na maaaring makakopya sa isang mahabang kasulatan nang wala ni isang pagkakamali. . . .Tiyak na may masisingit na mga pagkakamali.”​4 Kapag may napasingit na pagkakamali sa isang manuskrito, ito ay nauulit kapag ang manuskritong yaon ay naging saligan ukol sa karagdagan pang mga kopya. Kapag maraming kopya ang ginawa sa mahabang yugto ng panahon, napakaraming pagkakamali ang napapasingit.

12, 13. Sino ang bumalikat ng pananagutan sa pag-iingat ng teksto ng mga Hebreong Kasulatan?

12 Kapag isinasaalang-alang ang libu-libong kopya ng Bibliya na nagawa na, papaano natin matitiyak na ang pagkopyang ito ay hindi bumago rito anupa’t ito’y malayung-malayo na sa orihinal? Buweno, kuning halimbawa ang Bibliyang Hebreo, ang “Matandang Tipan.” Noong huling kalahatian ng ikaanim na siglo B.C.E., nang magbalik ang mga Judio mula sa pagkakabihag sa Babilonya, isang grupo ng mga Hebreong iskolar na nakilala bilang mga Soperim, o “mga eskriba,” ang naging tagapag-ingat ng tekstong Hebreo ng Bibliya, at naging pananagutan nila na kopyahin ang mga Kasulatang yaon upang magamit sa pangmadla at pansarilinang pagsamba. Sila’y mga taong may kapuripuring motibo, mga propesyonal, at napakataas ang uri ng kanilang naging trabaho.

13 Mula noong ikapitong siglo magpahanggang sa ikasampung siglo ng ating Kasalukuyang Panahon (Common Era), ang humalili sa mga Soperim ay ang mga Masoret. Ang pangalan nila ay halaw sa isang salitang Hebreo na nangangahulugang “tradisyon,” at sila pangunahin na ay mga eskriba rin na pinagkatiwalaang maging mga tagapag-ingat ng tradisyonal na tekstong Hebreo. Napakaselan ng mga Masoret. Halimbawa, kinailangang gumamit ang mga eskribang ito ng isang kopyang walang pagkakamali bilang kanilang saligang teksto, at hindi sila pinahihintulutang sumulat ng anoman mula sa alaala. Kinailangan nilang tiyakin ang bawa’t letra bago nila ito isulat.​5 Ganito ang ulat ni Propesor Norman K. Gottwald: “Ang pagiging-maingat sa pagtupad ng kanilang mga pananagutan ay ipinahihiwatig sa rabinikong kahilingan na lahat ng bagong manuskrito ay dapat na suriin at lahat ng mga kopyang may pagkakamali ay dapat na karakarakang itapon.”​6

14. Ano ang natuklasan na tumiyak sa pagkopya ng mga Soperim at Masoret sa teksto ng Bibliya?

14 Gaano kawasto ang pagsipi ng mga Soperim at Masoret sa teksto? Hanggang noong 1947 ay mahirap sagutin ang tanong na ito, palibhasa’y ang pinakamaagang kumpletong mga manuskritong Hebreo na umiiral ay yaong mula sa ikasampung siglo ng ating Kasalukuyang Panahon (Common Era). Gayumpaman, noong 1947, natuklasan ang mga bahagi ng ilang napakatatandang manuskrito sa mga kuweba sa kapaligiran ng Dagat na Patay, lakip na ang mga bahagi ng mga aklat ng Bibliyang Hebreo. Ang ilang bahagi ay mas matanda pa sa panahon ni Kristo. Inihambing ng mga iskolar ang mga ito sa umiiral na manuskritong Hebreo upang matiyak ang kawastuan ng pagkopya sa teksto. Ano ang resulta ng paghahambing na ito?

15. (a) Ano ang resulta ng paghahambing na ginawa sa pagitan ng balumbon ni Isaias mula sa Dagat na Patay at ng tekstong Masoretiko? (b) Ano ang dapat nating ipasiya mula sa bagay na ang ilang manuskritong nasumpungan sa Dagat na Patay ay nagpapakita ng ilang pagkakaiba sa teksto? (Tingnan ang talababa.)

15 Isa sa pinakamatandang kasulatan na natuklasan ay ang buong aklat ng Isaias, at kamanghamangha ang pagkakatulad ng tekstong ito sa Masoretikong Bibliya na taglay natin ngayon. Ganito ang isinulat ni Propesor Millar Burrows: “Marami sa mga pagkakaiba sa pagitan ng [katutuklas pa lamang na] St. Mark’s Isaiah scroll at ng tekstong Masoretiko ay masasabing mga pagkakamali sa pagkopya. Maliban dito, sa kabuuan ay kapansinpansin ang pagkakasuwato sa teksto na nasumpungan sa mga manuskrito noong mga Edad Medya. Ang ganitong pagkakahawig sa isang mas matandang manuskrito ay nagbibigay ng mapagkakatiwalaang patotoo hinggil sa pangkalahatang kawastuan ng tradisyonal na teksto.”​7 Dagdag pa ni Burrows: “Nakamamangha ang bagay na sa paglipas ng isang libong taon ay kakaunti lamang ang pagbabago na nangyari sa teksto.”b

16, 17. (a) Bakit natin matitiyak na wasto ang teksto ng Kristiyanong Griyegong mga Kasulatan? (b) Ano ang ginawang patotoo ni Sir Frederic Kenyon hinggil sa teksto ng Griyegong Kasulatan?

16 Kung tungkol sa bahagi ng Bibliya na isinulat ng mga Kristiyano sa Griyego, ang tinatawag na Bagong Tipan, ang mga tagakopya ay maituturing na mga baguhang may likas na talino kung ipaparis sa talagang nagpakadalubhasang propesyonal na mga Soperim. Subali’t sa pagpapatuloy sa harap ng banta na maparusahan ng mga maykapangyarihan, masasabing dinibdib nila ang kanilang trabaho. At dalawang bagay ang tumitiyak sa atin na taglay natin sa ngayon ang isang teksto na pangunahin nang nakakatulad niyaong nilikha ng orihinal na mga manunulat. Una, di-tulad ng bahaging Hebreo ng Bibliya, taglay natin ang mga manuskrito na may petsang mas malapit sa panahon ng orihinal na pagsulat. Oo, isang bahagi ng Ebanghelyo ni Juan ay nagmula sa unang kalahatian ng ikalawang siglo, wala pang 50 taon mula noong tinatayang petsa ng pagkasulat ni Juan sa kaniyang Ebanghelyo. Pangalawa, ang mismong dami ng mga manuskrito na umiiral hanggang ngayon ay naglalaan ng di-maigugupong patotoo hinggil sa pagiging-wasto ng teksto.

17 Sa puntong ito, ay nagpatotoo si Sir Frederic Kenyon: “Hindi kalabisan ang ipaggiitang ang diwa ng teksto ng Bibliya ay may katiyakan. Lalung-lalo nang totoo ito kung tungkol sa Bagong Tipan. Gayon na lamang kalaki ang bilang ng mga manuskrito ng Bagong Tipan, ng sinaunang mga salin mula rito, at ng mga pagsipi mula rito na ginawa ng pinakamatatandang manunulat ng Iglesiya, anupa’t halos natitiyak natin na ang tunay na kahulugan ng bawa’t pinag-aalinlanganang teksto ay naingatan ng alinman sa matatandang autoridad na ito. Hindi ito masasabi hinggil sa alinmang ibang matandang aklat sa daigdig.”​10

Ang mga Tao at ang Kanilang mga Wika

18, 19. Bakit hindi nanatili ang Bibliya sa mga wika na kung saan una itong naisulat?

18 Sa paglipas ng panahon, ang orihinal na mga wika na kung saan napasulat ang Bibliya ay naging isa ring hadlang sa pag-iral nito. Ang unang 39 na aklat ay halos napasulat na lahat sa Hebreo, ang wika ng mga Israelita. Subali’t ang Hebreo ay hindi gaanong naging popular. Kung ang Bibliya ay nanatili sa wikang ito, hindi na sana ito nagkaroon ng impluwensiya sa labas ng bansang Judio at sa iilang dayuhan na nakakabasa sa wikang ito. Gayumpaman, noong ikatlong siglo B.C.E., sa kapakinabangan ng mga Hebreong naninirahan sa Aleksandriya, Ehipto, sinimulan ang pagsasalin sa Griyego ng bahaging Hebreo ng Bibliya. Noo’y pandaigdig na wika ang Griyego. Kaya, ang Bibliyang Hebreo ay madaling naunawaan ng mga di-Judio.

19 Nang dumating na ang panahon upang sulatin ang ikalawang bahagi ng Bibliya, ang Griyego ay ginagamit pa rin nang malawakan, kaya ang huling 27 aklat ng Bibliya ay napasulat sa wikang yaon. Subali’t hindi lahat ay nakakaintindi ng Griyego. Kaya, ang mga salin kapuwa ng Hebreo at Griyegong bahagi ng Bibliya ay nagpasimulang lumitaw sa pang-araw-araw na wika ng sinaunang mga bansang yaon, gaya ng Siryako, Coptiko, Armenyano, Georgiyano, Gotiko, at Etiope. Latin ang opisyal na wika ng Imperyong Romano, at napakaraming salin ang ginawa sa Latin kung kaya’t isang “autorisadong salin” ang kinailangang ipagawa. Natapos ito humigit-kumulang noong 405 C.E. at ito ay nakilala bilang ang Vulgate (nangangahulugang “popular” o “karaniwan”).

20, 21. Ano ang mga hadlang sa pananatili ng Bibliya, at papaano napagtagumpayan ang mga ito?

20 Kaya, sa kabila ng napakaraming hadlang ay nakapanatili pa rin ang Bibliya magpahanggang sa sinaunang mga dantaon ng ating Kasalukuyang Panahon (Common Era). Ang mga sumulat nito ay isang maliit na grupo na kinapootan at pinag-usig at namuhay sa isang gipit na kalagayan sa gitna ng isang kaaway na sanlibutan. Napakadali sanang mapilipit ito habang ito ay kinokopya, subali’t hindi nagkagayon. Higit pa rito, naiwasan nito ang panganib na maunawaan lamang ng mga nagsasalita sa iilang piling wika.

21 Bakit lubhang nahirapan ang Bibliya na makapanatiling umiiral? Ang Bibliya mismo ang nagsasabi: “Ang buong sanlibutan ay nakahilig sa kapangyarihan ng masama.” (1 Juan 5:19) Dahil dito, aasahan natin na ang sanlibutan ay mapopoot sa inihayag na katotohanan, at ganito nga ang nangyari. Bakit, kung gayon, nakapanatili ang Bibliya samantalang nakalimutan na ang napakaraming mga katha na hindi man lamang napasuong sa gayong mga kahirapan? Sinasagot din ito ng Bibliya. Sinasabi nito: “Ang salita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.” (1 Pedro 1:25) Kung ang Bibliya ay tunay ngang Salita ng Diyos, walang anomang kapangyarihan ng tao ang makawawasak dito. At magpahanggang sa ika-20 siglong ito, ito ay napatunayang totoo.

22. Anong pagbabago ang naganap sa pasimula ng ikaapat na siglo ng ating Kasalukuyang Panahon?

22 Gayumpaman, noong ikaapat na siglo ng ating Kasalukuyang Panahon (Common Era), may nangyari na sa katagalan ay nagbunga ng panibagong mga pagsalakay sa Bibliya at lubhang nakaapekto sa takbo ng kasaysayan ng Europa. Sampung taon pa lamang ang nakalipas mula nang sikapin ni Diocletian na wasakin ang lahat ng kopya ng Bibliya, biglang nagbago ang patakaran ng imperyo at ang “Kristiyanismo” ay naging legal. Labindalawang taon pagkaraan nito, noong 325 C.E., isang Romanong emperador ang nangasiwa sa “Kristiyanong” Konseho sa Nicea. Bakit magiging mapanganib para sa Bibliya ang ganitong wari’y kanaisnais na pagsulong? Makikita natin ang sagot sa susunod na kabanata.

[Mga talababa]

a Sa publikasyong ito, sa halip na tradisyonal na “A.D.” at “B.C.,” ay ginagamit ang higit na wastong “C.E.” (Common Era) at “B.C.E.” (before the Common Era).

b Hindi lahat ng manuskrito na natuklasan sa Dagat na Patay ay kahawig-na-kahawig ng umiiral na teksto ng Bibliya. Ang iba ay nagpapakita ng malalaking pagkakaiba sa teksto. Gayumpaman, ang mga pagkakaibang ito ay hindi nangangahulugan na napilipit na ang saligang kahulugan ng teksto. Ayon kay Patrick W.  Skehan ng Catholic University of America, karamihan nito ay kumakatawan sa “pagbabago [ng teksto ng Bibliya] salig sa sariling kabuuang lohika nito, kung kaya’t ang anyo ay napalalawak subali’t ang diwa ay nananatili pa ring gayon . . . Ang saligang saloobin ay isa na nagpapakita ng maliwanag na pagpipitagan sa isang teksto na itinuturing na sagrado, isang saloobin (kung ating ilalarawan) ng pagpapaliwanag sa Bibliya sa pamamagitan din ng Bibliya sa mismong pagkopya ng tekstong nasasangkot.”​8

Ganito ang dagdag ng isa pang komentarista: “Sa kabila ng lahat ng pag-aalinlangan, nananatili pa rin ang dakilang katotohanan na, pangunahing na, ang tekstong taglay natin ngayon ay kumakatawan nang may-kainaman sa aktuwal na mga pananalita ng mga sumulat, na ang marami sa kanila ay nabuhay halos tatlong libong taon na ngayon ang nakalilipas, at hindi natin dapat masyadong pag-alinlanganan ang kamalian ng teksto kaugnay ng pagiging-tunay ng mensahe na ipagkakaloob sa atin ng Matandang Tipan.”​9

[Kahon sa pahina 19]

Ang Lubusang Napatunayang Teksto ng Bibliya

Upang makita kung gaano kalubos ang pagkakapatunay sa teksto ng Bibliya, kailangan lamang na ihambing ito sa isa pang kalipunan ng babasahin na nakarating sa atin mula pa sa sinaunang panahon: ang klasikal na mga kasulatan ng Gresya at Roma. Sa katunayan, karamihan sa mga babasahing ito ay nasulat pagkatapos na makompleto ang mga Hebreong Kasulatan. Walang naiulat na mga tangkang paglipol laban sa mga Griyego o Romano, at ang kanilang babasahin ay naingatan nang walang banta ng pag-uusig. Sa kabila nito, pansinin ang mga komento ni Propesor F.  F. Bruce:

“May ilang kasalukuyang umiiral na MSS (manuskrito) para sa Gallic War ni Cesar (na kinatha sa pagitan ng 58 at 50 B.C.), subali’t siyam o sampu lamang ang maaasahan, at ang pinakamatanda ay mga 900 taon pagkaraan ng kaarawan ni Cesar.

“Sa 142 aklat ni Livy hinggil sa kasaysayan ng Roma (59 B.C.-A.D. 17), 35 lamang ang nananatili; ang mga ito ay nakilala natin mula sa hindi hihigit sa dalawampung MSS na may tunay na halaga, at iisa lamang sa mga ito, yaong nagtataglay ng mga bahagi ng Tomo III-VI, ang kasintanda ng ikaapat na siglo.

“Sa labing-apat na aklat ng Histories ni Tacito (c. A.D. 100) apat at kalahati lamang ang nananatili; sa labing-anim na aklat ng kaniyang Annals, sampu lamang ang umiiral na buung-buo at may dalawa na naglalaman lamang ng bahagi nito. Ang teksto ng umiiral na mga bahaging ito ng kaniyang dakilang makasaysayang kasulatan ay lubusang nasasalig sa dalawang MSS, ang isa ay mula sa ikasiyam na siglo at ang isa ay mula sa ikalabing-isa. . . .

“Ang Kasaysayan ni Thucydides (c. 460-400 B.C.) ay nakilala natin mula sa walong MSS, na ang pinakamaaga ay buhat sa c. A.D. 900, at mula sa ilang pirasong papiro, na mula sa pasimula ng kapanahunang Kristiyano.

“Totoo rin ito kung tungkol sa Kasaysayan ni Herodotus (c. 488-428 B.C.). Gayunman walang klasikal na iskolar ang makikinig sa katuwiran na ang pagiging-tunay ni Herodotus o ni Thucydides ay nasa pag-aalinlangan sapagka’t ang pinakamaaagang MSS ng kanilang mga kasulatan na maaari nating mapakinabangan ay mahigit na 1,300 taon ang pagiging-huli sa mga orihinal.”​—The Books and the Parchments, pahina 180.

Ihambing ito sa bagay na mayroong libu-libong manuskrito ng iba’t-ibang bahagi ng Bibliya. At ang mga manuskrito ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay wala pang isandaang taon mula nang panahon na isulat ang mga orihinal na aklat.

[Larawan sa pahina 13]

Ang mga Hebreo ay isang maliit na bansa na patuluyang pinagbantaan ng mas malalakas na bansa. Ang sinaunang ukit na ito ay nagpapakita ng ilang Hebreo na dinadalang bihag ng mga Asiryano

[Larawan sa pahina 14]

Bago nagkaroon ng palimbagan, ang mga Kasulatan ay kinopya sa pamamagitan ng kamay

[Larawan sa pahina 16]

Ang pagiging Kristiyano ay ginawa ni Nero na isang pagkakasalang karapatdapat sa kamatayan

[Larawan sa pahina 21]

Pinatunayan ng pagsusuri sa balumbon ni Isaias mula sa Dagat na Patay na ang aklat na ito ay halos hindi nabago sa nakalipas na 1,000 taon

[Larawan sa pahina 23]

Nabigo si Emperador Diocletian sa pagsisikap na sirain ang Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share