Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • rs p. 133-p. 139
  • Mga Droga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Droga
  • Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Magsasabi ng Hindi sa Droga?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • ‘Makasira Kaya sa Aking Kalusugan ang Paghitit ng Marijuana?’
    Gumising!—1986
  • ‘Ang Lahat ay Humihitit ng Marijuana—Bakit Ako’y Hindi Puede?’
    Gumising!—1986
  • ‘Talaga Bang Nakapipinsala ang Marijuana?’
    Gumising!—1985
Iba Pa
Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
rs p. 133-p. 139

Mga Droga

Kahulugan: May iba’t-ibang pagpapakahulugan ang salitang “droga.” Sa diwang pinag-uusapan dito, ang mga ito’y sustansiyang hindi ukol sa pagkain, na nagpapabago sa isipan, na hindi ginagamit sa layuning manggamot, kundi sa pagsisikap lamang na takasan ang mga suliranin sa buhay, upang makamit ang isang mapangaraping pakiramdam o upang makadama ng kasiyahan o ng kasiglahan.

Talaga bang ipinagbabawal ng Bibliya ang paggamit ng mga droga ukol sa kasiyahan?

Hindi nito tinutukoy sa pangalan ang mga sustansiyang gaya ng heroin, cocaine, LSD, PCP (angel dust), marijuana, at tabako. Subali’t naglalaan ito ng mga giya upang malaman natin ang dapat gawin at dapat iwasan upang makalugod sa Diyos. Kasuwato nito, hindi sinasabi ng Bibliya na mali ang gumamit ng baril sa pagpatay ng tao, subali’t ipinagbabawal nito ang pagpatay.

Luc. 10:25-27: “ ‘Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng walang-hanggang buhay?’ . . . ‘ “Dapat mong ibigin si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo at nang buong isip mo,” at “ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” ’ ” (Talaga kayang iniibig ng isa ang Diyos nang kaniyang buong kaluluwa at ng kaniyang buong isip kung uugaliin niyang gawin ang mga bagay na magpapaikli sa kaniyang buhay at magpapalabo sa kaniyang isip? Nagpapakita kaya siya ng pag-ibig sa kapuwa kung magnanakaw siya upang matustusan ang kaniyang bisyo sa droga?)

2 Cor. 7:1: “Yamang taglay natin ang mga pangakong ito [na si Jehova ang ating Diyos at Ama], mga minamahal, ay magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Diyos.” (Nguni’t makakaasa kaya tayo na magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos kung kusa nating ginagawa ang mga bagay na magpaparumi sa ating mga katawan?)

Tito 2:11, 12: “Sapagka’t nahayag ang di-na-sana nararapat na kabaitan ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng uri ng tao, na nagtuturo sa atin na tumanggi sa kalikuan at sa makasanlibutang mga pita at mamuhay nang may matinong pag-iisip [“may pagpipigil-sa-sarili,” JB; ‘magtaguyod ng buhay na may pagpipigil-sa-sarili,’ TEV] at sa katuwiran at kabanalan sa gitna ng kasalukuyang pamamalakad ng mga bagay.” (Kasuwato ba ng payong ito ang paggamit ng mga droga na pumipinsala sa matalinong pagpapasiya ng isa o nagpapangyari sa kaniya na mawalan ng pagpipigil-sa-sarili?)

Gal. 5:19-21: “At hayag ang mga gawa ng laman, samakatuwid ay ang mga ito . . . espiritismo . . . mga kalayawan, at ang mga katulad nito. . . . Yaong mga nagsisigawa ng mga bagay na ito ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Diyos.” (Ang literal na kahulugan ng salitang Griyego na phar·ma·kiʹa, na dito’y isinaling “espiritismo,” ay ang “pagdodroga.” Bilang komento sa salitang Griyegong ito, ay ganito ang sinabi ng An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine: “Sa pangkukulam, ang paggamit ng mga droga, maging ligtas o nakalalason, ay karaniwan nang nilalakipan ng mga dasal at pagsusumamo sa makapangyarihang mga espiritu, ng paggamit ng iba’t-ibang agimat, anting-anting, atb., na sinadya upang ang gumagamit nito ay ipagsanggalang mula sa kapangyarihan ng mga demonyo, subali’t ang totoo’y upang ang mahiwagang kakayahan at kapangyarihan ng mangkukulam ay idiin sa gumagamit.” [Londres, 1940, Tomo IV, p. 51, 52] Tulad din sa ngayon, marami sa mga gumagamit ng droga ay nasasangkot sa mga kaugaliang espiritistiko o kaya’y nakikisama sa mga gumagawa ng gayon, yamang ang isang blangkong isipan o ang isipang nahihibang ay madaling nagiging biktima ng mga demonyo. Ihambing ang Lucas 11:24-26.)

Tito 3:1: “Pasakop [kayo] sa mga pinuno at maging masunurin sa mga pamahalaan at maykapangyarihan.” (Sa maraming dako, ang pagtataglay o paggamit ng ilang droga ay labag sa batas.)

Yamang ang ilan sa mga droga ay tumutulong upang ang isa ay makadama ng kasiyahan, papaano nakakapinsala ang mga ito?

2 Tim. 3:1-5: “Sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon. Sapagka’t ang mga tao’y magiging . . . maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos . . . Lumayo ka rin naman sa mga ito.” (Maliwanag na nagbibigay-babala ang Bibliya laban sa paghahangad ng kasiyahan anupa’t ito ang ating inuuna sa halip ng pagkakapit ng matuwid na mga simulain ng Salita ng Diyos at ng pagkakamit ng kaniyang pagsang-ayon.)

Ang ilang NARKOTIKO ay nagdudulot ng ginhawa mula sa sakit at nagbubunga ng damdaming nasisiyahan, subali’t ang mga ito’y nakakasugapa at maaaring magbunga ng kamatayan dahil sa pagmamalabis. Ang pagsinghot ng ilang mga SOLVENT ay maaaring magdulot ng kasiglahan, subali’t nagpapalabo ito sa pagsasalita, nakakaduling, at nagpapahina sa pagsupil ng kalamnan, bukod pa sa pagdudulot ng di-na-mapapagaling na pinsala sa utak, atay at mga bato. Ang mga HALLUCINOGEN ay nagpapadama ng pagiging-“high” at waring nakakapawi ng pagod, subali’t ang mga ito rin nama’y pumipinsala sa paningin kaugnay ng pagtantiya sa distansiya, pumipinsala sa matinong pangangatuwiran, at nagbubunga ng di-na-maitutuwid na pagbabago sa personalidad at humahantong sa pagkahilig sa pagpapatiwakal o pagpatay.

Kumusta naman ang marijuana​—ito ba’y walang peligro? Sabi ng ibang doktor ay mayroon daw

Noong una, iminungkahi ni David Powelson, M.D., dating hepe ng psychiatry, sa Cowell Hospital, University of California, Berkeley, na gawing legal ang marijuana. Nitong huli, makaraang makakuha ng karagdagang ebidensiya, ganito ang kaniyang isinulat: “Naniniwala ako ngayon na ang marijuana ang pinakamapanganib na droga na dapat nating harapin: 1. Mapandaya ang panimulang paggamit nito. Ang gumagamit ay nagkakaroon ng guni-guni na siya’y napapabuti; hindi niya nadadama ang panghihina ng kaniyang isip at mga sangkap ng katawan. 2. Ang patuluyang paggamit nito ay umaakay sa pagkahibang. Pagkaraan ng isa hanggang tatlong taon ng patuloy na paggamit ay nagkakaroon na siya ng sakit sa isipan.”​—Executive Health Report, Oktubre 1977, p. 8.

Si Dr. Robert L. DuPont, dating direktor ng National Institute on Drug Abuse sa Estados Unidos, na noong nakaraan ay iniulat na pinagagaan ang panganib mula sa marijuana, kamakailan lamang ay nagsabi ng ganito: “Ang tunay na suliranin ay ang panganib sa kalusugan na inihaharap ng epidemyang ito [ng paggamit ng mga kabataan sa marijuana], panganib na sa pinakakaunti ay dalawang uri. Ang isa ay ang mga epekto ng pagkalasing, gaya ng panganib sa pagmamaneho hanggang sa kawalan ng pakialam sa kung anoman ang mangyari. Ang isa pang pitak ay lubusang may kinalaman sa pisikal. Dito ang nakakabahala ay ang palagiang pagkakaroon ng brongkitis hanggang sa posibleng nakapipinsalang epekto sa mga hormone, mga epekto sa kakayahan ng katawan na labanan ang sakit, at posibleng pati na ang kanser.”​—Montreal Gazette, Marso 22, 1979, p. 9.

Ang Science Digest ay nagbigay ng ganitong mga detalye: “Sa kalaunan, ang palagiang paghitit ng marijuana ay maaaring magpalaki sa agwat ng mga nerbiyos sa utak na kinakailangan sa mahahalagang gawain na tulad ng pag-alaala, emosyon at paggawi. Upang magampanan ng mga nerbiyos ang kanilang gawain, dapat silang makipagtalastasan sa isa’t-isa.” Pagkatapos, bilang pagkokomento sa resulta ng mga pag-eeksperimento sa mga hayop, nagpatuloy pa ang artikulo: “Ang pinaka-kapansinpansing epekto ay naganap sa septum, na nauugnay sa mga emosyon; sa hippocampus, na siyang may kinalaman sa pagbuo ng alaala; at sa amygdala, na may pananagutan sa ilang paraan ng pagkilos.”​—Marso 1981, p. 104.

Ang paggamit ba ng marijuana ay mas malala pa sa pag-inom ng alkohol?

Ang alkohol ay pagkain na tinutunaw ng katawan upang maglaan ng enerhiya; at ang mga labi nito ay inilalabas ng katawan. Gayumpaman, ganito ang sinabi ng isang psycho-pharmakologo: “Ang marijuana ay isang gamot na napakatapang, at ang pinakamalaking pagkakamali na maaari nating magawa ay ang ihambing ito sa alkohol.” “Kung paghahambingin batay sa bawa’t molekula, ang THC [sa marijuana] ay 10,000 ibayo ang tapang kaysa alkohol sa kakayahan nito na makapagdulot ng katamtamang pagkalasing . . . Ang THC ay inilalabas sa katawan nang paunti-unti, at maraming buwan ang kakailanganin bago makabawi mula sa mga epekto nito.” (Executive Health Report, Oktubre 1977, p. 3) Alam ng Maylikha kung papaano ang pagkakayari sa atin, at ang Salita niya ay nagpapahintulot ng katamtamang paggamit ng mga inuming may alkohol. (Awit 104:15; 1 Tim. 5:23) Nguni’t tahasan din niyang hinahatulan ang walang-pakundangang paggamit ng alkohol, kung papaano rin niyang hinahatulan ang katakawan.​—Kaw. 23:20, 21; 1 Cor. 6:9, 10.

Bakit minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang paghitit ng tabako bilang isang malubhang pagkakasala?

Ito’y nagpapamalas ng kawalang-galang sa kaloob na buhay

Gawa 17:24, 25: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto . . . ay nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga at lahat ng bagay.”

“Labis-labis ang katibayan na ang mga sigarilyo ay nagpapaikli sa buhay; ang pagiging-sanhi nito ay matatag na napatunayan sa medisina.”​—Science 80, Setyembre/Oktubre, p. 42.

Ipinakikita ng mga ulat na sa Estados Unidos ang dami ng namamatay taun-taon mula sa paninigarilyo ay tinutuos na mga 300,000; sa Britanya, 50,000; sa Canada, 50,000. “Mahigit na isang milyong tao ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na may kinalaman sa paninigarilyo at ang Ikatlong Daigdig, na gumagamit ng 52% sa tabako ng daigdig, ay tumatanggap ng sumusulong na porsiyento sa bilang ng mga kamatayang ito.”​—The Journal (Toronto), Setyembre 1, 1983, p. 16.

Sinabi ng dating Kalihim ng Kalusugan, Edukasyon at Kapakanang Panlipunan sa E. U., si Joseph Califano: “Sa ngayon ay wala nang alinlangan na ang paninigarilyo ay tunay na isang dahan-dahang pagpapatiwakal.”​—Scholastic Science World, Marso 20, 1980, p. 13.

Hindi ito kasuwato ng hinihiling ng Diyos sa mga Kristiyano na dapat nilang iukol sa kaniya

Roma 12:1: “Ipinamamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang banal na paglilingkod taglay ang inyong kapangyarihan ng isip.”

Sinabi ng siruhano-heneral ng Estados Unidos, si C. Everett Koop: “Ang paghitit ng sigarilyo ay malinaw na kinikilala bilang pangunahing maiiwasang sanhi ng kamatayan sa ating lipunan.” (The New York Times, Pebrero 23, 1982, p. A1) “Ipinakikita ng mga pag-aaral na . . . ang pamantayang lawig ng buhay ng isang naninigarilyo ay tatlo hanggang apat na taon ang kaiklian kaysa roon sa hindi naninigarilyo. Ang lawig ng buhay ng isang malakas manigarilyo​—isa na humihitit ng dalawa o higit pang pakete ng sigarilyo bawa’t araw​—ay maaaring umabot ng walong taon ang kaiklian kaysa isang hindi naninigarilyo.” (The World Book Encyclopedia, 1984, Tomo 17, p. 430) Wasto ba para sa isa na ihandog ang kaniyang buhay sa paglilingkod sa Diyos at pagkatapos ay unti-unting sirain ang buhay na yaon?

“Ang paninigarilyo ay lubhang mapangwasak, lalo na sa puso at baga, anupa’t nawawalan ng kabuluhan ang ibang pitak ng medisina sa paghadlang sa sakit kapag ang isa ay nagsisigarilyo.” (University of Southern California News Service, Pebrero 18, 1982) “Ang paninigarilyo ay malamang na siyang pinakapangunahing tanging maiiwasang sanhi ng pagkakasakit sa daigdig.” (Dr. H. Mahler, direktor-heneral ng World Health Organization, sa World Health, Pebrero/Marso 1980, p. 3) Kasuwato ba ng paghaharap ng isa ng kaniyang sarili sa Diyos ukol sa banal na paglilingkod ang kusang pagwasak sa kaniyang kalusugan?

Ang paninigarilyo ay paglabag sa banal na kahilingan na dapat nating ibigin ang ating kapuwa

Sant. 2:8: “Dapat mong ibigin ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”​—Ihambing ang Mateo 7:12.

“Sa isang di-pa-natatagalang pagsusuri . . . ay ipinahayag na sa pangkalahatan, ang di-naninigarilyong mga asawa ng mga lalaking naninigarilyo ay namamatay nang apat na taon nang mas maaga kaysa mga babae na ang mga asawa’y hindi naninigarilyo.” (The New York Times, Nobyembre 22, 1978, p. C5) “Ang paninigarilyo habang nagdadalang-tao ay maaaring magbunga ng malulubhang kapinsalaan sa paglilihi anupa’t maaaring mamatay ang fetus, o kaya’y namamatay ang sanggol hindi nagtatagal matapos maisilang.” (Family Health, Mayo 1979, p. 8) Ang ganitong kawalang-pagmamahal na pagtrato sa mga miyembro ng pamilya ay maliwanag na katibayan na ang isa ay hindi gumagawi bilang Kristiyano.​—Ihambing ang 1 Timoteo 5:8.

“Ipinakikita ng mga pagsusuri na yamang ang panahon na ginagamit ng karaniwang maninigarilyo sa aktuwal na paghitit ay maliit na porsiyento lamang ng panahon ng pagkasindi nito, ang isang hindi naninigarilyo ay aktuwal na napipilitan na lumanghap ng kasindami ring carbon monoxide, tar at nikotina na gaya ng nilalanghap ng maninigarilyong katabi niya.” (Today’s Health, Abril 1972, p. 39) Kaya ang isang tao na hindi umiibig sa kaniyang kapuwa ay naglalaan ng katibayan na hindi rin niya iniibig ang Diyos.​—Tingnan ang 1 Juan 4:20.

Bakit gumawa ang Diyos ng mga halaman na pinagkukunan ng droga kung masamang gamitin ito?

Ang mga bagay na inaabuso ay karaniwan nang may wasto ring mga gamit. Totoo ito sa kakayahan ng tao na makapagluwal ng supling. Totoo rin ito sa alak. Ang marijuana ay galing sa mga pinatuyong dahon at usbong ng halamang hemp, na naglalaan ng kapakipakinabang na mga himaymay sa paggawa ng lubid at tela. Ang mga dahon ng tabako, na inaabuso din ng mga maninigarilyo, ay magagamit sa paggawa ng mga pamatay sa mikrobyo at mga kulisap. Kung tungkol sa kayamanan ng lupa, malaki pa ang maaaring matutuhan hinggil sa kung papaano magagamit ang mga ito sa kapakipakinabang na paraan. Maging ang mga panirang damo ay kapakipakinabang sa pagpigil sa pagkatibag ng lupa at nagsisilbing pataba habang ang lupa ay hindi pa inaararo.

Ano ang maaaring gawin ng isa kung nasubukan na niyang kumalas sa bisyo ng paninigarilyo o iba pang droga subali’t hindi naging matagumpay?

Una, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagbubulaybulay dapat ninyong linangin ang isang masidhing pagnanais na makalugod sa Diyos at mabuhay sa kaniyang matuwid na bagong sistema. Kung magiging malapit kayo sa kaniya, magiging malapit din siya sa inyo, at pagkakalooban kayo ng kinakailangang tulong.​—Sant. 4:8.

Mahalaga na maging kumbinsido sa kasamaan ng mga bisyong ito upang mapasulong ang isang tunay na pagkasuklam sa mga ito. (Awit 97:10) Magagawa ito sa pamamagitan ng pagrerepaso sa mga katotohanan na iniharap sa seksiyong ito ng aklat at pagbubulaybulay, hindi sa pansamantalang kasiyahan na makakamit ngayon sa mga bisyong ito, kundi sa kung ano ang nakalulugod sa Diyos at kung gaano kasuklamsuklam ang mga ibubunga ng masasamang bisyong ito.

Kung nakakadama kayo ng masidhing pagkahayok sa sigarilyo o sa iba pang droga, manalangin nang taimtim sa Diyos ukol sa kaniyang tulong. (Lucas 11:9, 13; ihambing ang Filipos 4:13.) Gawin ito agad. Isa pa, kunin ang inyong Bibliya at bumasa nang malakas mula rito, o kaya’y makipagkita sa isang maygulang na Kristiyano. Sabihin sa kaniya kung ano ang nangyayari at hingin ang kaniyang tulong.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share