Mga Bulaang Propeta
Kahulugan: Mga indibiduwal at organisasyon na naghahayag ng mga mensahe na inaangkin nilang nagbubuhat sa isa na nakahihigit sa tao subali’t hindi talaga nagmumula sa tunay na Diyos at hindi kasuwato ng kaniyang inihayag na kalooban.
Papaano makikilala ang mga tunay na propeta at yaong mga bulaan?
Ipinakikilala ng mga tunay na propeta ang pananampalataya nila kay Jesus, subali’t higit pa ang kailangan kaysa basta pag-aangkin lamang na nangangaral sa kaniyang pangalan
1 Juan 4:1-3: “Subukin ninyo ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung sila’y mula sa Diyos, sapagka’t maraming nagsilitaw na bulaang propeta sa sanlibutan. Sa ganito’y makikilala ninyo ang kinasihang kapahayagan na nagmumula sa Diyos: Bawa’t kinasihang kapahayagan na nagpapahayag na si Jesu-Kristo ay naparito sa laman ay mula sa Diyos, subali’t bawa’t kinasihang kapahayagan na hindi nagpapahayag kay Jesus ay hindi buhat sa Diyos.”
Mat. 7:21-23: “Hindi ang lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi siya na gumaganap sa kalooban ng aking Ama na nasa mga langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga kami nagsipanghula sa iyong pangalan . . . ?’ Gayon ma’y ipagtatapat ko sa kanila: Kailanma’y hindi ko kayo nangakilala! Magsilayas kayo, mga manggagawa ng katampalasanan.”
Ang mga tunay na propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Diyos, subali’t ang basta pag-aangkin na kumakatawan sa kaniya ay hindi sapat
Deut. 18:18-20: “Isang propeta ang ibabangon ko para sa kanila sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo [gaya ni Moises]; at akin ngang ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at tiyak na sasalitain niya sa kanila ang lahat ng iuutos ko sa kaniya. At mangyayari na sinomang hindi makikinig sa aking mga salita na bibigkasin niya sa aking pangalan, ay akin nga siyang papagsusulitin. Sa kabilang dako, ang propeta na may kapalaluang nagsasalita sa aking pangalan ng isang salita na hindi ko iniutos sa kaniya o kaya’y nagsasalita sa pangalan ng ibang diyos, ang propetang yaon ay dapat mamatay.” (Ihambing ang Jeremias 14:14; 28:11, 15.)
Sinabi ni Jesus: “Wala akong ginagawa sa sarili kong pagkukusa; subali’t sinasalita ko ang mga bagay na ito ayon sa itinuro sa akin ng Ama.” (Juan 8:28) Sinabi niya: “Naparito ako sa pangalan ng aking Ama.” (Juan 5:43) Sinabi din ni Jesus: “Ang nagsasalita ng sa ganang sarili’y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian.”—Juan 7:18.
Kung ang alinmang indibiduwal o organisasyon ay nag-aangking kumakatawan sa Diyos subali’t tumatangging gamitin ang personal na pangalan ng Diyos, at nahirati na sa pagpapahayag ng sarili nilang opinyon sa mga bagay-bagay, sila kaya ay nakakaabot sa mahalagang kahilingang ito hinggil sa isang tunay na propeta?
Ang kakayahang gumawa ng “dakilang mga kababalaghan” o “himala” ay hindi laging katibayan ng pagiging tunay na propeta
Mat. 24:24: “Magsisilitaw ang mga bulaang Kristo at bulaang propeta at mangagpapakita ng mga dakilang tanda [“himala,” TEV] at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga pinili.”
2 Tes. 2:9, 10: “Ang pagkanaririto ng tampalasan ay ayon sa paggawa ni Satanas kalakip ang bawa’t makapangyarihang gawa at kahangahangang mga kasinungalingan at tanda at kalakip ang bawa’t mapandayang kalikuan para sa mga nauukol sa kapahamakan, bilang isang ganti sapagka’t hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan upang sila’y mangaligtas.”
Sa kabilang dako, si Moises ay nagsagawa ng mga himala ayon sa pamamatnubay ni Jehova. (Exo. 4:1-9) Pinagkalooban din ni Jehova si Jesus ng kapangyarihan upang gumawa ng mga himala. (Gawa 2:22) Subali’t higit pa kaysa mga himala ang nagbigay-patotoo na ang Diyos nga ang nagsugo sa kanila.
Natutupad ang inihuhula ng tunay na mga propeta, bagaman maaaring hindi nila nauunawaan kung kailan o papaano ito matutupad
Dan. 12:9: “Humayo ka, Daniel, sapagka’t ang mga salita ay pananatilihing lihim at tatatakan hanggang sa panahon ng kawakasan.”
1 Ped. 1:10, 11: “Ang mga propeta . . . ay patuloy na sumiyasat hinggil sa kung ano at kung kailang panahon ipinahihiwatig ng espiritung sumasakanila ang tungkol kay Kristo nang ito’y patiunang nagpatotoo hinggil sa mga pagbabata ni Kristo at hinggil sa mga kaluwalhatiang kasunod nito.”
1 Cor. 13:9, 10: “Babahagya ang ating kaalaman kaya’t tayo’y nanghuhula rin nang bahagya; datapuwa’t kapag dumating na yaong ganap, ang bahagya ay matatapos na.”
Kaw. 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay gaya ng maningning na liwanag na sumisikat nang higit at higit hanggang sa ang araw ay lubusang mahayag.”
Ang mga apostol at iba pang sinaunang mga alagad na Kristiyano ay nagkamali sa ilang inaasahan nila, subali’t hindi sila inuuri ng Bibliya na kasama niyaong “mga bulaang propeta.”—Tingnan ang Lucas 19:11; Juan 21:22, 23; Gawa 1:6, 7.
Si Haring David ay pinalakas-loob ni propeta Nathan na ituloy ang mithiin ng kaniyang puso hinggil sa pagtatayo ng isang bahay ukol sa pagsamba ni Jehova. Subali’t nang maglaon ay sinabi ni Jehova kay Nathan na ipagbigay-alam kay David na hindi siya ang magtatayo nito. Hindi tinanggihan ni Jehova si Nathan dahil sa naunang sinabi nito kundi patuloy siyang ginamit sapagka’t may pagpapakumbaba niyang itinuwid ang mga bagay-bagay nang liwanagin ito ni Jehova sa kaniya.—1 Cron. 17:1-4, 15.
Ang mga kapahayagan ng isang tunay na propeta ay nagtataguyod ng tunay na pagsamba at kasuwato ng inihayag na kalooban ni Jehova
Deut. 13:1-4: “Sakaling may bumangon sa gitna ninyo na isang propeta o isang mapanaginipin ng mga panaginip at kaniyang bigyan ka ng isang tanda o kababalaghan, at ang tanda o kababalaghan ay magkatotoo nang makipag-usap siya sa iyo, na nagsabi, ‘Lumakad tayo na kasama ng ibang diyos, na hindi mo nakilala, at ating paglingkuran sila,’ ay huwag kang makikinig sa mga salita ng propetang yaon o sa mapanaginipin ng panaginip na yaon, sapagka’t sinusubok kayo ni Jehovang inyong Diyos upang maalaman niya kung iniibig ninyo si Jehovang inyong Diyos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa. Lumakad kayo na kasama ni Jehovang inyong Diyos, at dapat kayong matakot sa kaniya, at dapat ninyong sundin ang kaniyang mga utos, at dapat ninyong dinggin ang kaniyang tinig, at siya ang dapat ninyong paglingkuran, at sa kaniya kayo dapat mangunyapit.”
Yamang sinasabi ng Bibliya na “ang kaibigan ng sanlibutan” ay kaaway ng Diyos, ang mga klero ba na humihimok sa kanilang mga maninimba na sumali sa mga gawain ng sanlibutan ay nagtataguyod ng tunay na pagsamba? (Sant. 4:4; 1 Juan 2:15-17) Sinabi ng tunay na Diyos na ang mga bansa ay “dapat makakilala na ako si Jehova,” at sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay kukuha mula sa mga bansa ng “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan,” subali’t ang mga organisasyong relihiyoso ba na nagpapawalang-halaga sa paggamit ng personal na pangalan ng Diyos ay masasabing kumikilos na kasuwato ng inihayag na kaloobang ito ng Diyos? (Ezek. 38:23; Gawa 15:14) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipanalangin ang Kaharian ng Diyos, at nagbibigay-babala ang Bibliya laban sa pagtitiwala sa mga tao, kaya ang mga klero ba at maka-politikang mga organisasyon na humihimok sa mga tao na ilagak ang kanilang tiwala sa mga pamunuan ng tao ay masasabing mga tunay na propeta?—Mat. 6:9, 10; Awit 146:3-6; ihambing ang Apocalipsis 16:13, 14.
Ang mga tunay na propeta at yaong mga bulaan ay makikilala sa bunga na inihahayag sa kanilang buhay at sa buhay niyaong mga tagasunod nila
Mat. 7:15-20: “Mangag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na nakadamit-tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila. . . . Ang bawa’t mabuting punong-kahoy ay nagbubunga ng mabuti, subali’t ang masamang punong-kahoy ay nagbubunga ng masama . . . Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong ito.”
Ano ang nagpapakilala sa kanilang paraan ng pamumuhay? “Ang mga gawa ng laman ay . . . pakikiapid, karumihan, kalibugan, pagsamba sa diyus-diyosan, espiritismo, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at mga katulad nito. . . . Yaong mga nagsisigawa ng mga bagay na ito ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Diyos. Sa kabilang dako, ang bunga ng espiritu [ng Diyos] ay ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, pagpipigil-sa-sarili.”—Gal. 5:19-23; tingnan din ang 2 Pedro 2:1-3.
Hindi ba nagkamali ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga turo?
Hindi inaangkin ng mga Saksi ni Jehova na sila’y kinasihang mga propeta. Nagkakamali din sila. Gaya ng mga apostol ni Jesu-Kristo, may mga pagkakataon na nagkakamali sila ng inaasahan.—Luc. 19:11; Gawa 1:6.
Ang mga Kasulatan ay naglalaan ng mga salik hinggil sa panahon kaugnay ng pagkanaririto ni Kristo, at ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aaral nito nang may taimtim na interes. (Luc. 21:24; Dan. 4:10-17) Inilarawan din ni Jesus ang isang tanda na binubuo ng maraming bahagi na nagpapatibay sa katuparan ng mga hula hinggil sa panahon upang matiyak kung aling lahi ang mabubuhay upang makita ang katapusan ng balakyot na sistema ni Satanas. (Luc. 21:7-36) Itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang katibayan ng katuparan ng tandang ito. Totoo na ang mga Saksi ay nagkamali sa kanilang pagkaunawa hinggil sa kung ano ang magaganap sa katapusan ng ilang partikular na yugto ng panahon, subali’t hindi sila nagkamali na mawalan ng pananampalataya o ng paghinto sa pagiging mapagbantay sa katuparan ng mga layunin ni Jehova. Patuloy nilang itinatampok sa kanilang isipan ang payo na ibinigay ni Jesus: “Mangagpuyat nga kayo, sapagka’t hindi ninyo nalalaman kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—Mat. 24:42.
Ang mga bagay na nangailangan ng pagtutuwid ng pangmalas ay kakaunti kung ihahambing sa mahahalagang katotohanan sa Bibliya na kanilang naunawaan at inihahayag. Kabilang dito ang mga sumusunod: Si Jehova ang tanging tunay na Diyos. Si Jesu-Kristo ay hindi bahagi ng isang Trinitaryong pagka-diyos kundi siya ang bugtong na Anak ng Diyos. Ang katubusan mula sa kasalanan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Ang banal na espiritu ay hindi isang persona kundi ang kumikilos na puwersa ni Jehova, at ang bunga nito ay dapat mahayag sa buhay ng mga tunay na mananamba. Ang kaluluwa ng tao ay hindi walang-kamatayan, gaya ng inaangkin ng sinaunang mga pagano; namamatay ito, at ang pag-asa ukol sa hinaharap na buhay ay nasa pagkabuhay-muli. Ang pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan ay dahil sa suliranin ng pansansinukob na pamamahala. Ang Kaharian ng Diyos ang siyang tanging pag-asa ukol sa sangkatauhan. Mula noong 1914 tayo ay nabubuhay na sa mga huling araw ng pandaigdig na sistema ng mga bagay. May 144,000 lamang sa tapat na mga Kristiyano ang magiging hari at saserdote kasama ni Kristo sa langit, samantalang ang karamihan ng masunuring sangkatauhan ay magtatamo ng walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa.
Ang isa pang dapat isaalang-alang tungkol sa mga turo ng mga Saksi ni Jehova ay ito: Tunay bang pinabuti ng mga ito ang asal ng mga tao? Ang mga nanghahawakan ba sa mga turong ito ay nagiging bukod-tangi sa kanilang mga komunidad dahil sa kanilang katapatan? Napabubuti ba ang kanilang buhay-pamilya dahil sa pagkakapit ng mga turong ito? Sinabi ni Jesus na madaling makilala ang kaniyang mga alagad dahil sa taglay nilang pag-ibig sa isa’t-isa. (Juan 13:35) Namumukod-tangi ba ang katangiang ito sa gitna ng mga Saksi ni Jehova? Hayaan natin ang aktuwal na mga pangyayari ang siyang sumagot.
Kung May Magsasabi—
‘Sinabi ng aming ministro na ang mga Saksi ni Jehova raw ay mga bulaang propeta’
Maaari kayong sumagot: ‘Matanong ko kayo, May naipakita ba siyang anoman mula sa Bibliya na nagpapaliwanag sa aming pinaniniwalaan at ginagawa at na nagsasabi na ang ganitong mga tao ay mga bulaang propeta? . . . Maaari ko bang ipakita sa inyo kung papaano inilalarawan ng Bibliya ang mga bulaang propeta? (Pagkatapos ay maaari ninyong gamitin ang isa o higit pang punto na binabalangkas sa mga pahina 75-79.)’
O kaya’y: ‘Natitiyak kong sasang-ayon kayo na ang ispesipikong ebidensiya ay dapat umalalay sa ganitong napakalubhang paratang. May binanggit ba ang inyong ministro na espesipikong halimbawa? (Kung tukuyin ng maybahay ang ilang inaangking “prediksiyon” na hindi natupad, gamitin ang materyales sa pahina 77, at mula sa ibaba ng pahina 78 hanggang sa itaas ng 80.)’
Isa pang posibilidad: ‘Natitiyak ko na kung may magpaparatang sa inyo ng ganiyan, pasasalamatan ninyo ang pagkakataon na kahit papaano’y maipaliwanag ang inyong katayuan o punto-de-vista, hindi po ba? . . . Kaya maaari ko bang ipakita sa inyo mula sa Bibliya . . . ?’