Ang Dugo na Talagang Nagliligtas-Buhay
Maliwanag ang ilang punto mula sa naunang impormasyon. Bagaman marami ang naniniwala na ito ay nagliligtas-buhay, ang pagsasalin ng dugo ay lipos ng panganib. Taun-taon libu-libo ang namamatay sa pagpapasalin; mas marami pa ang nagkakasakit at napapaharap sa matagalang pinsala. Kaya, maging sa pisikal na pangmalas ngayon, matalino ang sumunod sa utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo.’—Gawa 15:28, 29.
Naililigtas ang mga pasyente sa maraming peligro kapag sila ay umiwas sa dugo. Ayon sa patotoo ng maraming ulat sa medisina, ang mga bihasang doktor na humarap sa hamon at gumagamit ng ganitong lunas sa mga Saksi ni Jehova ay nakabuo ng isang paraan na ligtas at mabisa. Ang mahahalagang prinsipyo sa medisina ay hindi ikinokompromiso ng mga doktor na naglalaan ng de-kalidad na panggagamot na walang dugo. Sa halip, iginagalang nila ang karapatan ng pasyente na alamin ang mga panganib at pakinabang upang ito ay makagawa ng may-kabatirang pasiya hinggil sa kung ano ang dapat gawin sa kanilang katawan at buhay.
Hindi tayo nagkukunwang inosente, sapagkat batid natin na hindi lahat ay sasang-ayon sa paraang ito. Iba-iba ang budhi, moralidad, at medikal na pangmalas ng mga tao. Kaya, ang iba, pati na ang ilang doktor, ay baka mahirapang tumanggap sa desisyon ng pasyente na umiwas sa dugo. Sumulat ang isang siruhano sa Nueba York: “Hindi ko malilimutan, bilang isang batang-batang intern 15 taon na ngayon, nang ako ay nasa tabi ng kama ng isang Saksi ni Jehova na naubusan ng dugo dahil sa duodenal ulcer. Iginalang ang pasiya ng pasyente at hindi siya sinalinan, pero damang-dama ko pa ngayon ang matinding kabiguan bilang doktor.”
Tiyak na kumbinsido siya na ang buhay ay nailigtas sana ng dugo. Gayunman, isang taon matapos siyang sumulat, sinabi ng The British Journal of Surgery (Oktubre 1986) na noong hindi pa uso ang pagsasalin, ang “namamatay [sa pagdurugo ng tiyan at bituka] ay 2.5 porsiyento lamang.” Mula nang mauso ang pagsasalin, ‘karamihan ng mga pag-aaral ay nag-ulat ng 10-porsiyentong antas ng namamatay.’ Bakit apat na beses ang naging kahigitan? Iminungkahi ng mga tagapagsaliksik: “Ang maagang pagsasalin ay waring humahadlang sa pamumuo ng dugo, at nagsisimula uli ang pagdurugo.” Nang ang Saksi na may nagdurugong ulcer ay tumanggi sa dugo, ang kaniyang pasiya ay baka nagpalaki pa sa posibilidad ng kaniyang pagkaligtas.
Idinagdag pa ng siruhanong yaon: “Ang pangmalas ay nababago sa paglipas ng panahon at ng pakikitungo sa maraming pasyente, at sa ngayon nakikita kong ang tiwala sa pagitan ng pasyente at ng doktor, at ang tungkulin na igalang ang pasiya ng pasyente, ay mas mahalaga kaysa bagong teknolohiya sa medisina na nakapaligid sa atin. . . . Kapunapuna na ang panghihina-ng-loob ay nagbigay-daan sa paghanga at pagpipitagan sa matatag na pananampalataya ng gayong mga pasyente.” Ang doktor ay nagtapos: ‘Ipinapaalaala sa akin nito na laging igalang ang personal at relihiyosong kahilingan ng pasyente anoman ang aking damdamin o maging kinalabasan.’
Marahil ay nauunawaan na ninyo kung ano ang napapahalagahan ng maraming doktor sa “paglipas ng panahon at ng pakikitungo sa maraming pasyente.” Sa kabila ng pinakamahusay na paggamot sa pinakamagagaling na ospital, mayroon pa ring mamamatay. Salinan man ng dugo o hindi, sila ay namamatay. Lahat tayo ay tumatanda, at ang hangganan ng buhay ay papalapít. Hindi ito tadhana. Ito’y pagiging makatotohanan. Ang pagkamatay ay totoong bahagi ng buhay.
Ipinakikita ng ebidensiya na ang mga nagwawalang-bahala sa batas ng Diyos sa dugo ay malimit dumanas ng kagyat o atrasadong pinsala; ang ilan ay namamatay pa nga dahil sa dugo. Yaong nakaligtas ay hindi nakapagkamit ng walang-hanggang buhay. Kaya ang pagsasalin ng dugo ay hindi permanenteng panligtas ng buhay.
Napapabuti ang karamihan ng tao na tumatanggi sa dugo, sa mga kadahilanang relihiyoso at/o medikal, subalit tumatanggap ng kahaliling paraan ng panggagamot. Sa gayo’y napahahaba ang kanilang buhay nang mas marami pang taon. Subalit hindi magpakailanman.
Palibhasa lahat ng tao ay di-sakdal at unti-unting namamatay, tayo ay inaakay sa pinakamahalagang katotohanan ng Bibliya tungkol sa dugo. Kung ito ay uunawain at pahahalagahan, makikita natin kung papaano talaga maililigtas ng dugo ang buhay—ang ating buhay— magpakailanman.
ANG DUGO NA TANGING MAKAPAGLILIGTAS-BUHAY
Gaya ng nabanggit na, sinabi ng Diyos sa tao na sila ay hindi dapat kumain ng dugo. Bakit? Sapagkat ang dugo ay kumakatawan sa buhay. (Genesis 9:3-6) Lalo pa niya itong nilinaw sa Batas na ibinigay sa Israel. Nang pagtibayin ang Batas, ang dugo ng inihaing mga hayop ay ginamit sa dambana. (Exodo 24:3-8) Kinilala ng mga batas na yaon na lahat ng tao ay di-sakdal; makasalanan, gaya ng isinasaad sa Bibliya. Sinabi ng Diyos sa mga Israelita na sa pamamagitan ng mga hayop na inihandog sa kaniya, ay kinikilala nila ang pangangailangan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan. (Levitico 4:4-7, 13-18, 22-30) Sabihin pa, ito ang kahilingan ng Diyos noon para sa kanila, hindi para sa mga tunay na mananamba sa ngayon. Gayunman ito’y lubhang mahalaga para sa atin ngayon.
Diyos mismo ang nagpaliwanag sa simulaing napapailalim sa mga haing yaon: “Ang kaluluwa [o, buhay] ng laman ay nasa dugo, at akin ngang inilagay sa dambana bilang katubusan ng inyong mga kaluluwa, sapagkat dugo ang siyang tumutubos dahil sa buhay na taglay nito. Kaya sinabi ko sa mga anak ni Israel: ‘Sinomang kaluluwa ay huwag kakain ng dugo.’ ”—Levitico 17:11, 12.
Sa sinaunang kapistahan ng Araw ng Katubusan, ang dugo ng inihaing mga hayop ay ipinapasok ng mataas na saserdote ng Israel sa pinaka-sagradong bahagi ng templo, sentro ng pagsamba sa Diyos. Ito ay isang makasagisag na paraan ng paghiling sa Diyos na patawarin ang pagkakasala ng bayan. (Levitico 16:3-6, 11-16) Ang mga haing yaon ay hindi lubusang pumawi sa lahat ng pagkakasala, kaya dapat ulitin ito taun-taon. Gayunman, ang ganitong paggamit ng dugo ay naging isang makahulugang huwaran.
Ang isang pangunahing turo sa Bibliya ay ang paglalaan ng Diyos ng isang sakdal na hain na lubusang tutubos sa pagkakasala ng lahat ng mananampalataya. Tinatawag ito na pantubos, at ito ay naka-sentro sa hain ng inihulang Mesiyas, o Kristo.
Ang papel ng Mesiyas ay inihahambing ng Bibliya sa nagaganap kapag Araw ng Katubusan: “Nang pumarito si Kristo bilang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na nagsidating, sa pamamagitan ng lalong dakila at lalong sakdal [na templo] na hindi ginawa ng mga kamay, . . . siya ay pumasok, hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga guya, kundi sa pamamagitan ng sarili niyang dugo, minsan at magpakailanman sa dakong banal [ang langit] at kinamtan ang walang-hanggang katubusan para sa atin. Oo, halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan, at malibang ibuhos ang dugo ay walang kapatawarang nagaganap.”—Hebreo 9:11, 12, 22.
Kaya nagiging maliwanag kung bakit mahalagang alamin ang pangmalas ng Diyos sa dugo. Kasuwato ng karapatan niya bilang Maylikha, ipinasiya niya ang pantanging paggagamitan nito. Ang kalusugan ng mga Israelita noon ay naingatan dahil sa hindi pagkain ng dugo ng hayop o tao, subalit hindi ito ang pinakamahalagang punto. (Isaias 48:17) Kinailangan nilang umiwas sa dugo bilang panustos sa buhay, hindi lamang sapagkat ito ay mapanganib, kundi pangunahin na sapagkat ito ay hindi paggalang sa kabanalan ng Diyos. Iiwas sila sa dugo, hindi sapagkat ito ay marumi, kundi dahil sa mahalaga ito sa kapatawaran.
Nagpaliwanag si apostol Pablo tungkol sa pantubos: “Sa pamamagitan niya [si Kristo] ay napalalaya tayo ng pantubos sa pamamagitan ng dugo ng isang yaon, oo, ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang di-sana nararapat na kabaitan.” (Efeso 1:7) Ang orihinal na salitang Griyego na ginagamit dito ay wastong isinasalin na “dugo,” subalit may ilang salin ng Bibliya na nagkamali sa paghalili ng salitang “kamatayan.” Kaya, mahihirapang unawain ng mambabasa ang pangmalas ng Maylikha sa dugo at sa halaga nito bilang hain.
Ang tema ng Bibliya ay pumapalibot sa kamatayan ni Kristo bilang sakdal na haing pantubos ngunit siya ay hindi nanatiling patay. Kasuwato ng huwaran na itinakda ng Diyos sa Araw ng Katubusan, si Jesus ay ibinangon tungo sa langit upang “humarap sa Diyos alang-alang sa atin.” Doo’y iniharap niya ang halaga ng kaniyang inihaing dugo. (Hebreo 9:24) Idinidiin ng Bibliya ang pag-iwas sa alinmang landasin na makakatumbas ng ‘pagyurak sa Anak ng Diyos at pagturing sa kaniyang dugo bilang walang-halaga.’ Sa ganitong paraan lamang natin maiingatan ang mabuting kaugnayan at pakikipagpayapaan sa Diyos.—Hebreo 10:29; Colosas 1:20.
TAMASAHIN ANG BUHAY NA INILIGTAS NG DUGO
Kung mauunawaan natin ang sinasabi ng Diyos hinggil sa dugo, lubusan nating igagalang ang nagliligtas-buhay na halaga nito. Si Kristo ay inilalarawan ng mga Kasulatan bilang ang ‘umiibig at nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng sarili niyang dugo.’ (Apocalipsis 1:5; Juan 3:16) Oo, sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, makakamit natin ang ganap at walang-hanggang kapatawaran ng ating mga pagkakasala. Sumulat si apostol Pablo: “Yamang tayo ay inaring-matuwid sa pamamagitan ng kaniyang dugo, tayo ay maliligtas sa galit sa pamamagitan niya.” Sa ganito maililigtas ng dugo ang walang-hanggang buhay.—Roma 5:9; Hebreo 9:14.
Noong una pa ay tiniyak na ng Diyos na Jehova na sa pamamagitan ni Kristo ay ‘pagpapalain ng lahat ng sambahayan sa lupa ang kanilang sarili.’ (Genesis 22:18) Kalakip dito ang pagsasauli ng paraiso sa lupa. Kaya ang sumasampalatayang sangkatauhan ay hindi na dadanas ng sakit, pagtanda, o maging ng kamatayan; ang tatamasahin nila ay higit pa kaysa pansamantalang ginhawa na iniaalok ngayon ng mga doktor. Ibinigay sa atin ang kamangha-manghang pangako: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at mawawala na ang kamatayan, maging ang dalamhati at pagtangis at hirap ay mawawala na. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
Kaya, matalinong isapuso ang lahat ng kahilingan ng Diyos! Kasali na dito ang pagsunod sa kaniyang mga utos hinggil sa dugo, at sa maling paggamit nito maging sa mga situwasyong medikal. Sa ganito’y hindi tayo mabubuhay nang pansamantala lamang. Sa halip, ipamamalas natin ang ating matayog na pagpapahalaga sa buhay, lakip na ang ating hinaharap na pag-asa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan.
[Kahon sa pahina 25]
Tumanggi ang bayan ng Diyos na tustusan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng dugo, hindi sapagkat ito ay mapanganib, kundi sa dahilang ito ay salungat sa kabanalan, hindi sapagkat ang dugo ay marumi, kundi sa dahilang ito ay mahalaga.
[Larawan sa pahina 24]
“Sa pamamagitan niya [si Jesus] ay napalalaya tayo ng pantubos sa pamamagitan ng dugo ng isang yaon, oo, ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.”—Efeso 1:7
[Larawan sa pahina 26]
Ang nagliligtas-buhay na dugo ni Jesus ang nagbukas ng daan tungo sa walang-hanggang malusog na buhay sa paraisong lupa