Kung Saan Babaling Ukol sa mga Kasagutan
“Ang teoriya ng walang-hanggang pagdurusa ay hindi kaayon ng paniniwala sa pag-ibig ng Diyos para sa mga nilalang na bagay. . . . Ang paniniwala sa walang-hanggang pagpaparusa sa kaluluwa dahilan sa mga pagkakamali sa loob ng ilang taon, nang hindi binibigyan iyon ng pagkakataon para sa pagtutuwid, ay kasalungat ng lahat ng makatuwirang sinusunod na simulain.”—NIKHILANANDA, PILOSOPONG HINDU.
1, 2. Dahilan sa iba’t ibang paniniwala hinggil sa Kabilang-buhay, anong mga katanungan ang lumilitaw?
KAGAYA ng pilosopong Hindu na si Nikhilananda, marami sa ngayon ang hindi mapalagay dahilan sa turo ng walang-hanggang pagpapahirap. Gayundin, nahihirapang unawain ng iba ang paniniwalang gaya ng pagtatamo ng Nirvana at pagiging kaisa ng Tao.
2 Gayunman, dahil sa ideya ng pagiging imortal ng kaluluwa, ang mga relihiyon kapuwa sa Silangan at Kanluran ay nakabuo ng nakalilitong iba’t ibang paniniwala hinggil sa Kabilang-buhay. Posible bang malaman ang katotohanan hinggil sa kung ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo? Ang kaluluwa ba ay talagang imortal? Saan tayo babaling ukol sa mga kasagutan?
Ang Siyensiya at Pilosopiya
3. Ang siyensiya ba o ang siyentipikong paraan ng pagsisiyasat ay makapaglalaan ng mga kasagutan sa mga katanungan hinggil sa buhay pagkatapos ng kamatayan?
3 Ang siyensiya ba o ang siyentipikong paraan ng pagsisiyasat ay nagtataglay ng mga kasagutan sa mga katanungan hinggil sa Kabilang-buhay? Salig sa mga ulat kamakailan lamang hinggil sa muntik nang kamatayan o mga karanasan sa ‘labas ng katawan,’ ang ilang mananaliksik ay nagsikap na gumawa ng mga obserbasyon hinggil sa buhay pagkatapos na mamatay. Sa pagrerepaso ng ilan sa kanilang mga pag-aangkin sa kaniyang pahayag na “Kamatayan Bilang Daan Tungo sa Liwanag?,” sinabi ng Katolikong teologong si Hans Küng: “Ang ganitong mga karanasan ay hindi nagpapatunay na may posibleng buhay pagkatapos ng kamatayan: ito’y tungkol lamang sa huling limang minuto bago mamatay at hindi tungkol sa walang hanggang-buhay pagkatapos ng kamatayan.” Dagdag pa niya: “Ang isyu hinggil sa pagiging posible ng buhay pagkatapos ng kamatayan ay napakahalaga sa isang nabubuhay pa. Ito’y humihiling ng kasagutan na kailangang hanapin sa ibang dako kung hindi ito masasagot ng medisina.”
4. Makatutulong ba sa atin ang pilosopiya upang masumpungan ang mga kasagutan sa gitna ng maraming posibilidad na inihaharap ng iba’t ibang relihiyon hinggil sa kabilang-buhay?
4 Ano naman ang tungkol sa pilosopiya? Ito ba’y makatutulong sa atin upang masumpungan ang mga kasagutan sa gitna ng maraming posibilidad na inihaharap ng iba’t ibang relihiyon hinggil sa kabilang-buhay? Ang pilosopikal na pagsisiyasat ay nagsasangkot ng “paghahaka-haka,” wika ng pilosopong Ingles na si Bertrand Russell nang ika-20 siglo. Ang pilosopiya, ayon sa The World Book Encyclopedia, ay “isang anyo ng pag-uusisa—isang proseso ng pagsusuri, pamumuna, pagpapaliwanag, at paghahaka-haka.” Hinggil sa paksang Kabilang-buhay, ang mga haka-hakang pilosopikal ay nagkakaiba-iba mula sa pagsasabing ang imortalidad ay isa lamang panaginip hanggang sa pagsasabing ito’y karapatan ng bawat tao.
Isang Pambihirang Bukal ng mga Kasagutan
5. Ano ang pinakamatandang aklat na naisulat kailanman?
5 Gayunman, may isang aklat na naglalaman ng makatotohanang mga kasagutan sa mahahalagang katanungan hinggil sa buhay at kamatayan. Ito ang pinakamatandang aklat na naisulat kailanman, na ang mga bahagi nito ay isinulat mga 3,500 taon na ang nakararaan. Ang unang bahagi ng aklat na ito ay isinulat mga ilang siglo bago pa ginawa ang pinakaunang himno ng kasulatang Hindu, ang mga Veda, at halos isang libong taon bago lumakad sa lupa sina Buddha, Mahāvīra, at Confucio. Ang aklat na ito ay nakumpleto noong 98 C.E., mahigit na 500 taon bago itinatag ni Muhammad ang Islam. Ang pambihirang bukal na ito ng mataas na karunungan ay ang Bibliya.a
6. Bakit natin maaasahang sasabihin sa atin ng Bibliya kung ano ang kaluluwa?
6 Ang Bibliya ay naglalaman ng pinakatumpak na kasaysayan noong unang panahon kaysa sa alinmang aklat na umiiral. Ang kasaysayang nakaulat sa Bibliya ay buhat pa sa pasimula ng pamilya ng sangkatauhan at nagpapaliwanag kung paano tayo napunta rito sa lupa. Tayo’y ibinabalik pa nito sa panahon bago nilalang ang mga tao. Ang ganitong aklat ay tunay na makapagbibigay sa atin ng unawa kung paano ginawa ang tao at kung ano ang kaluluwa.
7, 8. Bakit tayo makababaling nang may pagtitiwala sa Bibliya ukol sa makatotohanan at kasiya-siyang mga kasagutan hinggil sa nangyayari kapag tayo ay namatay?
7 Karagdagan pa, ang Bibliya ay isang aklat ng mga hula na ang katuparan ay hindi nagmimintis. Halimbawa, detalyadong inihula nito ang pagbangon at pagbagsak ng mga imperyo ng Medo-Persia at Gresya. Tamang-tama ang mga salita nito anupat walang nangyari sa pagsisikap ng mga kritiko na patunayang isinulat ang mga ito pagkatapos na maganap ang mga pangyayari. (Daniel 8:1-7, 20-22) Ang ilang hula na nakaulat sa Bibliya ay natutupad nang detalyado sa atin mismong kaarawan.b—Mateo, kabanata 24; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21; 2 Timoteo 3:1-5, 13.
8 Walang tao, gaano mang katalino, ang maaaring makahula sa hinaharap na mga pangyayari nang may lubos na katumpakan. Yaon lamang makapangyarihan sa lahat at matalino sa lahat na Maylikha ng sansinukob ang makagagawa nito. (2 Timoteo 3:16, 17; 2 Pedro 1:20, 21) Ang Bibliya ay tunay na isang aklat na mula sa Diyos. Tunay, ang gayong aklat ay makapagbibigay sa atin ng makatotohanan at kasiya-siyang mga kasagutan hinggil sa nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay. Tingnan muna natin kung ano ang sinasabi nito hinggil sa kaluluwa.
[Mga talababa]
a Tingnan ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 18]
Ang pinakamatandang aklat na naisulat kailanman
[Larawan sa pahina 8]
Isang aklat na nagbibigay ng maaasahan at kasiya-siyang mga kasagutan