Ikalabingwalong Kabanata
Pinangakuan ni Jehova si Daniel ng Kamangha-manghang Gantimpala
1, 2. (a) Anong mahalagang katangian ang kailangan ng isang mananakbo upang magtagumpay? (b) Paano inihambing ni apostol Pablo sa isang karerahan ang isang buhay nang may katapatang paglilingkod kay Jehova?
ISANG mananakbo ang kumakaripas patungo sa dulo ng karerahan. Pagod na pagod na siya, subalit dahilan sa natatanaw na ang kaniyang tunguhin, ibinubuhos niya ang lahat ng kaniyang lakas sa iilan na lamang natitirang hakbang. Batak na batak ang bawat kalamnan, sa wakas ay nakatawid siya sa linya! Nababakas sa kaniyang mukha ang ginhawa at tagumpay. Ang pagbabata hanggang sa wakas ay nagdulot ng tagumpay.
2 Sa pagtatapos ng Daniel kabanata 12, ating nakita na ang minamahal na propeta ay nalalapit na sa dulo ng kaniyang “karera”—ang kaniyang buhay ng paglilingkod kay Jehova. Pagkatapos banggitin ang iba’t ibang halimbawa ng pananampalataya ng mga lingkod ni Jehova bago ang kapanahunang Kristiyano, si apostol Pablo ay sumulat: “Kung gayon nga, sapagkat napalilibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin, habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.”—Hebreo 12:1, 2.
3. (a) Ano ang nag-udyok kay Daniel upang ‘tumakbo nang may pagbabata’? (b) Anong tatlong magkakaibang bagay ang sinabi ng anghel ni Jehova kay Daniel?
3 Kabilang sa ‘malaking ulap ng mga saksing’ iyon si Daniel. Tiyak na siya ang isa na ‘tumakbo nang may pagbabata,’ at siya’y naudyukang gumawa ng gayon dahilan sa taimtim na pag-ibig sa Diyos. Maraming bagay ang naisiwalat ni Jehova kay Daniel hinggil sa kinabukasan ng mga pamahalaan sa daigdig, subalit ngayon Siya’y nagbigay sa kaniya ng personal na pampatibay-loob na ito: “Ikaw naman, yumaon ka patungo sa kawakasan; at magpapahinga ka, ngunit tatayo ka para sa iyong kahihinatnan sa kawakasan ng mga araw.” (Daniel 12:13) Ang anghel ni Jehova ay nagsasabi kay Daniel ng tatlong magkakaibang bagay: (1) na si Daniel ay dapat na ‘yumaon patungo sa kawakasan,’ (2) na siya’y “magpapahinga,” at (3) na siya’y muling “tatayo” sa hinaharap. Paano mapatitibay ng mga salitang ito ang mga Kristiyano ngayon upang makapagbata hanggang sa dulo ng karerahan ukol sa buhay?
“YUMAON KA PATUNGO SA KAWAKASAN”
4. Ano ang ibig tukuyin ng anghel ni Jehova sa pagsasabing “yumaon ka patungo sa kawakasan,” at bakit ito maaaring magharap ng isang hamon kay Daniel?
4 Ano ang ibig tukuyin ng anghel nang sabihin niya kay Daniel: “Ikaw naman, yumaon ka patungo sa kawakasan”? Kawakasan ng ano? Buweno, yamang si Daniel ay halos 100 taóng gulang na, maliwanag na ito’y tumutukoy sa katapusan ng kaniyang sariling buhay, na malamang ay malapit na.a Si Daniel ay hinihimok ng anghel na may-katapatang magbata hanggang sa kamatayan. Subalit ang paggawa ng gayon ay hindi magiging madali. Si Daniel ay nabuhay upang makita ang paglupig sa Babilonya at ang pagbabalik sa Juda at Jerusalem ng isang nalabi ng mga tapong Judio. Ang mga ito ay malamang na nagdulot ng malaking kagalakan sa matanda nang propeta. Gayunman, walang rekord na siya’y sumama sa paglalakbay na iyon. Siya marahil ay napakatanda na at napakahina na sa panahong iyon. O marahil ay kalooban ni Jehova na siya’y manatili sa Babilonya. Sa paano man, likas lamang na isipin kung baga si Daniel ay nalungkot nang iwan siya ng kaniyang mga kababayan upang magtungo sa Juda.
5. Ano ang nagpapahiwatig na si Daniel ay nagbata hanggang wakas?
5 Walang pagsalang gayon na lamang ang lakas na tinamo ni Daniel mula sa mabait na pananalita ng anghel na: “Yumaon ka patungo sa kawakasan.” Kaypala’y maaalaala rin natin ang mga salita ni Jesu-Kristo na binigkas niya makalipas ang mga anim na siglo: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Walang alinlangang iyon ang ginawa ni Daniel. Siya’y nagbata hanggang sa wakas, na tapat na tumatakbo sa karerahan ukol sa buhay hanggang sa dulo nito. Iyan marahil ay isa lamang sa mga dahilan kung bakit maganda ang sinabi tungkol sa kaniya sa Salita ng Diyos sa dakong huli. (Hebreo 11:32, 33) Ano ang nakatulong kay Daniel upang makapagbata hanggang sa wakas? Ang ulat hinggil sa kaniyang buhay ay tumutulong sa atin upang masagot ito.
PAGBABATA BILANG ISANG ESTUDYANTE NG SALITA NG DIYOS
6. Paano natin nalalaman na si Daniel ay isang masipag na estudyante ng Salita ng Diyos?
6 Para kay Daniel, ang pagbabata hanggang sa wakas ay sumasaklaw sa patuloy na pag-aaral at taimtim na pagbubulay-bulay sa kapana-panabik na mga pangako ng Diyos. Alam natin na si Daniel ay debotong estudyante ng Salita ng Diyos. Kung hindi, paano niya nalaman ang pangako ni Jehova kay Jeremias na ang pagiging tapon ay may lawig na 70 taon? Si Daniel mismo ay sumulat: “Napag-unawa ko . . . sa pamamagitan ng mga aklat ang bilang ng mga taon.” (Daniel 9:2; Jeremias 25:11, 12) Walang alinlangan, hinanap ni Daniel ang mga aklat ng Salita ng Diyos na umiiral noon. Ang mga sulat nina Moises, David, Solomon, Isaias, Jeremias, Ezekiel—ano man ang nasumpungan niya—ay tiyak na nagbigay kay Daniel ng maraming kasiya-siyang oras ng pagbabasa at pagbubulay-bulay.
7. Kapag inihambing natin ang ating panahon sa kaarawan ni Daniel, anong mga bentaha ang taglay natin sa pag-aaral ng Salita ng Diyos?
7 Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at ang pagbubuhos ng pansin dito ay mahalaga upang ating malinang ang pagbabata ngayon. (Roma 15:4-6; 1 Timoteo 4:15) Taglay natin ang kumpletong Bibliya, kasama ang nasusulat na ulat kung paanong ang ilan sa hula ng Daniel ay natupad matapos ang ilang siglo. Karagdagan pa, tayo ay pinagpalang mabuhay sa “panahon ng kawakasan,” na inihula sa Daniel 12:4. Sa ating panahon, ang mga pinahiran ay pinagpala sa pagkakaroon ng espirituwal na kaunawaan, na sumisikat bilang mga tanglaw ng katotohanan sa madilim na sanlibutang ito. Bilang resulta, maraming malalalim na hula sa aklat ng Daniel, na ang ilan ay naging palaisipan sa kaniya, ay napakahalaga para sa atin ngayon. Kaya, magpatuloy tayo sa pag-aaral ng Salita ng Diyos araw-araw, na hindi kailanman ipinagwawalang-bahala ang mga bagay na ito. Ang pagsasagawa nito ay tutulong sa atin upang makapagbata.
NAGMATIYAGA SI DANIEL SA PANANALANGIN
8. Anong halimbawa ang inilaan ni Daniel hinggil sa pananalangin?
8 Ang pananalangin ay nakatulong din kay Daniel upang makapagbata hanggang sa wakas. Bumaling siya sa Diyos na Jehova araw-araw at nakipag-usap sa kaniya taglay ang pusong punung-puno ng pananampalataya at pagtitiwala. Nalalaman niyang si Jehova ay “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2; ihambing ang Hebreo 11:6.) Nang ang puso ni Daniel ay magdalamhati dahilan sa mapaghimagsik na landasin ng Israel, kaniyang ibinulalas ang kaniyang damdamin kay Jehova. (Daniel 9:4-19) Kahit na ipinag-utos pa ni Dario na siya lamang ang dapat na dalanginan sa loob ng 30 araw, hindi pinahintulutan ni Daniel na makahadlang ito sa kaniyang pananalangin sa Diyos na Jehova. (Daniel 6:10) Hindi ba nasasaling nito ang ating puso habang inilalarawan sa isipan ang tapat na matandang lalaking iyan na minabuti pang mapasa yungib ng mga leon sa halip na talikuran ang mahalagang pribilehiyo ng pananalangin? Walang alinlangan na si Daniel ay matapat na sumapit sa kaniyang wakas, na marubdob na nananalangin kay Jehova sa araw-araw.
9. Bakit hindi natin dapat maliitin ang pribilehiyo ng panalangin?
9 Ang pananalangin ay isang simpleng gawain. Makapananalangin tayo sa anumang oras, saanman, hayagan man o sarilinan. Gayunman, hindi natin dapat maliitin ang mahalagang pribilehiyong ito. Iniuugnay ng Bibliya ang panalangin sa pagbabata, pagtitiyaga, at pananatiling gising sa espirituwal. (Lucas 18:1; Roma 12:12; Efeso 6:18; Colosas 4:2) Hindi ba’t kahanga-hanga na taglay natin ang malaya at bukás na linya ng pakikipagtalastasan sa pinakamataas na persona sa sansinukob? At siya’y nakikinig! Alalahanin ang pangyayari nang manalangin si Daniel, at bilang tugon si Jehova ay nagsugo ng isang anghel. Ang anghel ay dumating habang si Daniel ay nananalangin pa! (Daniel 9:20-21) Maaaring ang ating panahon ay hindi para sa gayong mga pagdalaw ng anghel, subalit si Jehova ay hindi nagbabago. (Malakias 3:6) Kung paanong narinig niya ang panalangin ni Daniel, pakikinggan din niya ang sa atin. At habang tayo ay nananalangin, tayo’y higit na mapapalapit kay Jehova, na lumilikha ng isang buklod na makatutulong sa atin upang makapagbata hanggang sa wakas, gaya ni Daniel.
NAGBABATA BILANG ISANG GURO NG SALITA NG DIYOS
10. Bakit mahalaga kay Daniel ang pagtuturo ng katotohanan ng Salita ng Diyos?
10 Si Daniel ay kailangang ‘yumaon patungo sa kawakasan’ sa isa pang diwa. Dapat siyang magbata bilang isang guro ng katotohanan. Hindi niya kailanman nalilimutan na siya ay kabilang sa piniling bayan kung kanino sinabi ng Kasulatan: “‘Kayo ay aking mga saksi,’ ang sabi ni Jehova, ‘ang akin ngang lingkod na aking pinili.’” (Isaias 43:10) Ginawa ni Daniel ang lahat ng kaniyang makakaya upang maisakatuparan ang atas na iyon. Malamang na kasali sa gawain niya ang pagtuturo sa kaniyang mga kababayang tapon sa Babilonya. Kaunti lamang ang ating nalalaman sa kaniyang pakikitungo sa kapuwa niya Judio maliban sa kaniyang kaugnayan sa tatlo na tinukoy na “kaniyang mga kasamahan”—sina Hananias, Misael, at Azarias. (Daniel 1:7; 2:13, 17, 18) Ang kanilang matalik na pagkakaibigan ay tunay na nakatulong nang malaki upang makapagbata ang bawat isa sa kanila. (Kawikaan 17:17) Si Daniel, na pinagpala ni Jehova sa pagkakaroon ng pantanging kaunawaan, ay marami ang maituturo sa kaniyang mga kaibigan. (Daniel 1:17) Subalit may iba pang pagtuturo na kailangan niyang gawin.
11. (a) Ano ang pambihira sa atas ni Daniel? (b) Gaano kabisa si Daniel sa pagsasagawa niya ng kaniyang di-karaniwang atas?
11 Higit kaysa sa ibang propeta, may atas si Daniel na magpatotoo sa mga opisyal na Gentil. Bagaman kadalasan nang siya’y kailangang magpahayag ng di-kanais-nais na mga mensahe, hindi niya pinakitunguhan ang mga tagapamahalang ito na para bang sila’y kasuklam-suklam o kaya’y nakabababa sa kaniya sa paano man. Siya’y nakipag-usap sa kanila nang may paggalang at may kasanayan. Mayroong ilan—gaya ng mga mainggitin, masama ang pakanang mga satrapa—na nagnais patayin si Daniel. Gayunman, ang iba pang mga opisyal ay nagkaroon ng paggalang sa kaniya. Dahilan sa pinangyari ni Jehova na maipaliwanag ni Daniel ang mga lihim na naging palaisipan sa mga hari at sa marurunong na tao, naging bantog ang propeta. (Daniel 2:47, 48; 5:29) Totoo, yamang siya’y matanda na, hindi na siya puwedeng maging aktibo gaya noong kaniyang kabataan. Subalit walang pagsalang siya’y sumapit sa kaniyang wakas na tapat pa ring naghahanap ng paraan upang siya’y makapaglingkod bilang isang saksi ng kaniyang minamahal na Diyos.
12. (a) Anong mga gawaing pagtuturo ang isinasagawa natin bilang mga Kristiyano sa ngayon? (b) Paano natin masusunod ang payo ni Pablo na “patuloy na lumakad sa karunungan sa mga nasa labas”?
12 Sa Kristiyanong kongregasyon sa ngayon, makasusumpong tayo ng tapat na mga kasama na tutulong sa atin na makapagbata, kung paanong si Daniel at ang kaniyang tatlong kasama ay nagtulungan sa isa’t isa. Tayo rin ay nagtuturo sa isa’t isa, na naglalaan ng “pagpapalitan ng pampatibay-loob.” (Roma 1:11, 12) Kagaya ni Daniel, tayo’y may atas na magpatotoo sa mga di-sumasampalataya. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Kaya kailangan nating pagbutihin ang ating kakayahan upang ating ‘magamit nang wasto ang salita ng katotohanan’ sa pakikipag-usap sa mga tao hinggil kay Jehova. (2 Timoteo 2:15) At makatutulong kung ating susundin ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy na lumakad sa karunungan sa mga nasa labas.” (Colosas 4:5) Lakip sa gayong karunungan ang isang timbang na pangmalas sa mga hindi natin kapananampalataya. Hindi natin hinahamak ang gayong mga tao, na itinuturing na tayo’y nakahihigit. (1 Pedro 3:15) Sa halip, sinisikap nating akitin sila sa katotohanan, na ginagamit ang Salita ng Diyos nang mataktika at may kasanayan upang maabot ang kanilang puso. Kapag tayo’y nagtagumpay sa pag-abot sa sinuman, kay laking kagalakan ang maidudulot nito sa atin! Ang gayong kagalakan ay tunay na tutulong sa atin na makapagbata hanggang sa wakas, gaya ng ginawa ni Daniel.
“MAGPAPAHINGA KA”
13, 14. Bakit ang posibilidad na mamatay ay kinatakutan ng maraming taga-Babilonya, at paano naging kakaiba ang pangmalas ni Daniel?
13 Pagkatapos ay tiniyak ng anghel kay Daniel: “Magpapahinga ka.” (Daniel 12:13) Ano ang kahulugan ng mga salitang ito? Buweno, alam ni Daniel na malapit na ang kaniyang kamatayan. Ang kamatayan ay siyang di-maiiwasang hantungan ng lahat ng tao, mula noong panahon ni Adan hanggang sa ating kaarawan. Wastong tinawag ng Bibliya ang kamatayan bilang isang “kaaway.” (1 Corinto 15:26) Gayunman, para kay Daniel, ang posibilidad na mamatay ay may kakaibang kahulugan kaysa sa ipinangahulugan ng mga taga-Babilonyang nasa palibot niya. Para sa kanila, na nababalot ng masalimuot na pagsamba sa mga 4,000 huwad na diyos, ang kamatayan ay nagbabadya ng lahat ng uri ng lagim. Sila’y naniniwala na pagkatapos mamatay, yaong mga nabuhay nang di-maligaya o namatay nang may kalupitan ay nagiging mapaghiganting mga espiritu na nagmumulto sa mga buháy. Ang mga taga-Babilonya ay naniniwala rin sa isang nakatatakot na netherworld (daigdig ng mga patay), na kinaroroonan ng nakapangingilabot na mga halimaw sa anyong tao at hayop.
14 Para kay Daniel, ang kamatayan ay hindi nangangahulugan ng alinman sa mga bagay na iyon. Daan-daang taon pa bago ang kaarawan ni Daniel, si Haring Solomon ay kinasihan ng Diyos na magsabi: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) At hinggil sa namamatay, ang salmista ay umawit: “Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay naglalaho ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4) Kaya nalalaman ni Daniel na ang mga sinabi sa kaniya ng anghel ay magkakatotoo. Ang kamatayan ay nangangahulugan ng pamamahinga. Walang kaisipan, walang hinanakit, walang pagpapahirap—at tiyak na walang mga halimaw. Kahawig din nito ang pahayag ni Jesu-Kristo nang si Lazaro ay mamatay. Sinabi niya: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namahinga.”—Juan 11:11.
15. Paano magiging mas mabuti ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan?
15 Isaalang-alang ang isa pang dahilan kung bakit ang pagkamatay ay hindi kasindak-sindak para kay Daniel. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Ang pangalan ay mas mabuti kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.” (Eclesiastes 7:1) Paanong ang araw ng kamatayan, na tunay na isang panahon ng pagdadalamhati, ay magiging mabuti pa kaysa sa araw ng kapanganakan? Ang susi ay nasa “pangalan.” Ang “mainam na langis” ay maaaring napakamahal. Minsan ay nilangisan ni Maria na kapatid ni Lazaro ang mga paa ni Jesus ng pinabangong langis na nagkakahalaga ng halos isang taóng suweldo! (Juan 12:1-7) Paanong ang isa lamang pangalan ay magiging gayong kahalaga? Sa Eclesiastes 7:1, ang Griegong Septuagint ay nagsasabi, “isang mabuting pangalan.” Hindi lamang ang pangalan kundi ang kinakatawanan nito ang siyang mahalaga. Sa panahon ng kaniyang kapanganakan, walang reputasyon, walang ulat ng mabubuting gawa, walang pinakaiingatang alaala ng personalidad at mga katangian ng may-pangalan ang umiiral. Subalit sa wakas ng buhay, ang pangalan ay sumasaklaw sa lahat ng mga bagay na ito. At kung ito ay isang mabuting pangalan sa pangmalas ng Diyos, ito ay higit na mahalaga kaysa anumang materyal na ari-arian.
16. (a) Paano nagsikap si Daniel na magkaroon ng isang mabuting pangalan sa Diyos? (b) Paano makapagpapahinga si Daniel taglay ang lubos na pagtitiwala na siya’y nagtagumpay sa paggawa ng isang mabuting pangalan kay Jehova?
16 Sa buong buhay niya, ginawa ni Daniel ang lahat na nasa kaniyang kapangyarihan upang magkaroon ng isang mabuting pangalan sa Diyos, at wala sa mga ito ang nakaligtaan ni Jehova. Pinagmasdan niya si Daniel at sinuri ang kaniyang puso. Ganiyan din ang ginawa ng Diyos para kay Haring David, na umawit: “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako. Nalalaman mo rin ang aking pag-upo at ang aking pagtayo. Isinaalang-alang mo ang aking kaisipan mula sa malayo.” (Awit 139:1, 2) Sabihin pa, si Daniel ay hindi sakdal. Siya’y inapo ng makasalanang si Adan at siya’y kabilang sa isang makasalanang bansa. (Roma 3:23) Subalit si Daniel ay nagsisi sa kaniyang mga kasalanan at patuloy na nagsikap na lumakad kasama ng kaniyang Diyos sa matuwid na paraan. Ang tapat na propeta ay makapagtitiwala kung gayon na patatawarin ni Jehova ang kaniyang mga kasalanan at hindi na kailanman gagamitin ang mga ito laban sa kaniya. (Awit 103:10-14; Isaias 1:18) Minabuti ni Jehova na alalahanin ang mabubuting gawa ng kaniyang tapat na mga lingkod. (Hebreo 6:10) Kaya, dalawang ulit na tinawag ng anghel ni Jehova si Daniel bilang isang “lubhang kalugud-lugod na lalaki.” (Daniel 10:11, 19) Ito’y nangahulugan na si Daniel ay minamahal ng Diyos. Si Daniel ay may-kasiyahang makapagpapahinga sapagkat alam niyang nakagawa siya ng isang mabuting pangalan kay Jehova.
17. Bakit apurahan na tayo’y gumawa na ngayon ng isang mabuting pangalan kay Jehova?
17 Bawat isa sa atin ay makabubuting magtanong, ‘Nakagawa na ba ako ng isang mabuting pangalan kay Jehova?’ Tayo’y nabubuhay sa magulong panahon. Hindi sa ito’y isang bagay na nakatatakot kundi dapat lamang na kilalaning ang kamatayan ay maaaring mangyari sa atin sa anumang panahon. (Eclesiastes 9:11) Gaano kahalaga kung gayon na magpasiya ang bawat isa sa atin na gumawa kaagad ngayon ng isang mabuting pangalan sa Diyos nang walang pagkaantala. Kung ating gagawin iyon, hindi natin kailangang katakutan ang kamatayan. Ito’y isa lamang pagpapahinga—tulad ng pagtulog. At katulad ng pagtulog, ito’y susundan ng paggising!
“TATAYO KA”
18, 19. (a) Ano ang ibig sabihin ng anghel nang ihula niya na si Daniel ay “tatayo” sa hinaharap? (b) Bakit malamang na pamilyar si Daniel sa pag-asa ukol sa pagkabuhay-muli?
18 Ang aklat ng Daniel ay nagtatapos sa isa sa pinakamagandang pangako ng Diyos na kailanma’y ginawa niya sa isang tao. Sinabi ng anghel ni Jehova kay Daniel: “Tatayo ka para sa iyong kahihinatnan sa kawakasan ng mga araw.” Ano ang ibig sabihin ng anghel? Buweno, yamang ang ‘pagpapahinga’ na binanggit niya ay kamatayan, ang pangako na si Daniel ay “tatayo” sa dumarating na panahon ay maaaring mangahulugan lamang ng isang bagay—ang pagkabuhay-muli!b Sa katunayan, pinaninindigan ng ilang iskolar na ang Daniel kabanata 12 ay naglalaman ng unang maliwanag na pagtukoy sa pagkabuhay-muli na masusumpungan sa Hebreong Kasulatan. (Daniel 12:2) Gayunman, sa bagay na ito, sila’y nagkakamali. Si Daniel ay lubos na pamilyar sa pag-asa ukol sa pagkabuhay-muli.
19 Halimbawa, walang pagsalang alam ni Daniel ang mga salitang iniulat ni Isaias mga dalawang siglo pa bago nito: “Ang iyong mga patay ay mabubuhay. Isang bangkay ko—sila ay babangon. Gumising kayo at humiyaw nang may kagalakan, kayong mga tumatahan sa alabok! Sapagkat . . . maging yaong mga inutil sa kamatayan ay palalaglagin ng lupa upang maipanganak.” (Isaias 26:19) Matagal pa bago nito, sina Elias at Eliseo ay binigyan ni Jehova ng kapangyarihan upang gumawa ng aktuwal na mga pagbuhay-muli. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37) Mas maaga pa bago nito, kinilala ni Ana, ina ni propeta Samuel, na maibabangon ni Jehova ang mga tao mula sa Sheol, ang libingan. (1 Samuel 2:6) Mas maaga pa rito, ipinahayag ng tapat na si Job ang kaniyang sariling pag-asa sa mga salitang ito: “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli? Sa lahat ng araw ng aking sapilitang pagpapagal ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking kaginhawahan. Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.”—Job 14:14, 15.
20, 21. (a) Sa anong pagkabuhay-muli tiyak na makakabilang si Daniel? (b) Sa paanong paraan malamang na mangyari ang pagkabuhay-muli sa Paraiso?
20 Kagaya ni Job, si Daniel ay may dahilan upang magtiwala na aktuwal na mimithiin ni Jehova na balang araw sa hinaharap, bubuhayin siyang muli. Gayunman, lubhang nakaaaliw na marinig na pinagtitibay ang pag-asang iyon ng isang makapangyarihang espiritung nilalang. Oo, si Daniel ay tatayo “sa pagkabuhay-muli ng mga matuwid,” na magaganap sa Milenyong Paghahari ni Kristo. (Lucas 14:14) Ano ang magiging kahulugan nito para kay Daniel? Marami ang sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos hinggil dito.
21 Si Jehova ay “isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:33) Maliwanag kung gayon, na ang pagkabuhay-muli sa Paraiso ay magaganap sa isang maayos na paraan. Marahil ay lilipas muna ang ilang panahon pagkatapos ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Lahat ng bakas ng matandang sistemang ito ng mga bagay ay naalis na, at ang paghahanda ay walang alinlangang naisagawa na upang tanggapin ang mga patay. Hinggil sa pagkakasunud-sunod ng pagbabalik ng mga patay, ang Bibliya ay nagbibigay ng ganitong tuntunin: “Bawat isa ay sa kaniyang sariling katayuan.” (1 Corinto 15:23) Waring kung tungkol sa ‘pagkabuhay-muli ng mga matuwid at di-matuwid,’ ang mga matuwid ang unang ibabalik. (Gawa 24:15) Sa ganitong paraan, ang sinaunang tapat na mga tao, gaya ni Daniel, ay makatutulong sa pagpapatakbo ng mga bagay-bagay sa lupa, lakip na ang pagtuturo sa bilyun-bilyong mga “di-matuwid” na ibinalik tungo sa buhay.—Awit 45:16.
22. Ano ang ilang katanungan na walang pagsalang pananabikan ni Daniel na masagot?
22 Bago maging handa si Daniel na gampanan ang gayong mga pananagutan, tiyak na siya’y may mga itatanong. Tutal, hinggil sa ilang malalalim na hulang ipinagkatiwala sa kaniya, sinabi niya: “Narinig ko, ngunit hindi ko maunawaan.” (Daniel 12:8) Anong laking pananabik niya na sa wakas ay mauunawaan na rin niya ang sagradong mga misteryong ito! Walang pagsalang nanaisin niyang marinig ang lahat ng tungkol sa Mesiyas. Mawiwili si Daniel na matuto tungkol sa pagmamartsa ng mga kapangyarihang pandaigdig mula sa kaniyang kaarawan tungo sa atin, tungkol sa pagkakakilanlan ng tapat na “mga banal ng Kadaki-dakilaan”—na nakapagpatuloy sa kabila ng pag-uusig sa “panahon ng kawakasan”—at tungkol sa pangwakas na pagkalipol ng lahat ng mga kaharian ng tao sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos.—Daniel 2:44; 7:22; 12:4.
ANG KAHIHINATNAN NI DANIEL SA PARAISO—AT ANG SA IYO!
23, 24. (a) Paanong ang daigdig na kinaroroonan ni Daniel pagkatapos na siya’y buhaying-muli ay kakaiba sa isa na dating alam niya? (b) Si Daniel ba ay magkakaroon ng dako sa Paraiso, at paano natin malalaman iyon?
23 Nanaisin ni Daniel na malaman ang tungkol sa daigdig na kinaroroonan niya sa panahong iyon—isang daigdig na ibang-iba sa kaniyang kaarawan. Wala na ang bawat bakas ng mga digmaan at paniniil na sumira sa daigdig na dating alam niya. Wala nang kalungkutan, walang sakit, walang kamatayan. (Isaias 25:8; 33:24) Kundi magkakaroon ng saganang pagkain, maraming tahanan, at kanais-nais na trabaho para sa lahat. (Awit 72:16; Isaias 65:21, 22) Ang sangkatauhan ay magiging isang nabubuklod at maligayang sambahayan.
24 Tiyak na magkakaroon si Daniel ng dako sa daigdig na iyon. “Tatayo ka para sa iyong kahihinatnan,” ang sabi sa kaniya ng anghel. Ang salitang Hebreo rito na isinaling “kahihinatnan” ay kagaya ng ginagamit sa literal na parsela ng lupa.c Si Daniel ay maaaring pamilyar sa hula ni Ezekiel hinggil sa pagbabahagi ng naisauling lupain ng Israel. (Ezekiel 47:13–48:35) Sa katuparan nito sa Paraiso, ano ang ipinahihiwatig ng hula ni Ezekiel? Na ang lahat sa bayan ng Diyos ay magkakaroon ng dako sa Paraiso, at maging ang lupain mismo ay babahaginin sa isang maayos at makatuwirang paraan. Sabihin pa, ang kahihinatnan ni Daniel sa Paraiso ay sasaklaw hindi lamang sa basta lupain. Ilalakip nito ang kaniyang dako sa layunin ng Diyos doon. Ginarantiyahan ang ipinangakong gantimpala kay Daniel.
25. (a) Ano ang ilan sa inaasahang magiging buhay sa Paraiso ang nakaaakit sa iyo? (b) Bakit masasabi na ang mga tao ay para sa Paraiso?
25 Subalit, kumusta naman ang tungkol sa iyong kahihinatnan? Ang gayunding pangako ay kumakapit sa iyo. Nais ni Jehova na ang masunuring mga tao ay ‘tumayo’ para sa kanilang kahihinatnan, upang magkaroon ng isang dako sa Paraiso. Isipin na lamang! Tiyak na kapana-panabik na makita nang personal si Daniel, kasama ng iba pang mga tapat na lalaki at babae noong kapanahunan ng Bibliya. Naririyan din ang di-mabilang na iba pa na nagbabalik mula sa mga patay, na kailangang maturuan upang kumilala at umibig sa Diyos na Jehova. Ilarawan ang iyong sarili na nangangalaga sa ating makalupang tahanan at tumutulong upang gawin itong isang paraiso ng walang-hanggang pagkasari-sari at walang-kupas na kagandahan. Isipin na lamang ang pagiging naturuan ni Jehova, na natututo kung paano mamumuhay sa paraang nais niya para sa sangkatauhan. (Isaias 11:9; Juan 6:45) Oo, may dako para sa iyo sa Paraiso. Bagaman waring hindi kapani-paniwala ang Paraiso para sa ilan, tandaan na orihinal na layunin ni Jehova na ang mga tao ay mabuhay sa gayong dako. (Genesis 2:7-9) Sa gayong diwa, ang Paraiso ay siyang likas na tirahan ng bilyun-bilyong naririto sa lupa. Ito ang dako para sa kanila. Ang pagtatamo nito ay nakakatulad ng pag-uwi sa bahay.
26. Paano kinikilala ni Jehova na ang paghihintay sa wakas ng sistemang ito ay hindi madali para sa atin?
26 Ang ating puso ay nag-aalab taglay ang pagpapahalaga kapag ating binubulay-bulay ang lahat ng ito, hindi ba? Minimithi mo bang mapunta roon? Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na ang mga Saksi ni Jehova ay nananabik na malaman kung kailan magwawakas ang sistemang ito ng mga bagay! Hindi madaling maghintay. Batid ito ni Jehova, sapagka’t hinihimok niya tayo na ‘patuloy na hintayin’ ang katapusan “iyon man ay magluwat.” Nais niyang sabihin na iyon ay waring nagluluwat sa ating pangmalas, sapagka’t maging sa kasulatan ding iyon, tayo ay binigyan ng kasiguruhan: “Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:3; ihambing ang Kawikaan 13:12.) Oo, ang wakas ay darating sa tamang panahon.
27. Ano ang dapat mong gawin upang makatayo sa harap ng Diyos magpakailanman?
27 Ano ang dapat mong gawin habang lumalapit ang wakas? Gaya ng minamahal na propeta ni Jehova na si Daniel, magbata nang may katapatan. Masikap na pag-aralan ang Salita ng Diyos. Marubdob na manalangin. Maibiging makisama sa kapananampalataya. Masigasig na magturo ng katotohanan sa iba. Habang papalapit araw-araw ang wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, manatiling determinado na maging isang matapat na lingkod ng Kataas-taasan at matatag na tagapagtaguyod ng kaniyang Salita. Higit sa lahat, magbigay-pansin sa hula ni Daniel! At nawa’y ipagkaloob sa iyo ng Soberanong Panginoong Jehova ang pribilehiyo na tumayong may kagalakan sa harap niya magpakailanman!
[Mga talababa]
a Si Daniel ay dinalang tapon sa Babilonya noong 617 B.C.E., malamang na bilang isang tin-edyer. Siya’y tumanggap ng pangitaing ito noong ikatlong taon ni Ciro, o noong 536 B.C.E.—Daniel 10:1.
b Ayon sa The Brown-Driver-Briggs Hebrew and English Lexicon, ang salitang Hebreo para sa “tatayo” na ginamit dito ay tumutukoy sa “panunumbalik pagkatapos ng kamatayan.”
c Ang salitang Hebreo ay kaugnay ng salita para sa ‘maliit na bato,’ yamang ang maliliit na bato ay ginagamit sa palabunutan. Ang lupain kung minsan ay binabahagi sa ganitong paraan. (Bilang 26:55, 56) Sinasabi ng A Handbook on the Book of Daniel na dito ang salita ay nangangahulugang “yaong itinalaga (ng Diyos) para sa isang tao.”
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Ano ang nakatulong kay Daniel upang makapagbata hanggang wakas?
• Bakit ang posibilidad na mamatay ay hindi kasindak-sindak para kay Daniel?
• Paano matutupad ang pangako ng anghel kay Daniel na siya’y ‘tatayo para sa kaniyang kahihinatnan’?
• Paano ka personal na nakinabang sa pagbibigay-pansin sa hula ni Daniel?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 307]
[Larawan sa pahina 318]
Kagaya ni Daniel, ikaw ba’y nagbibigay-pansin sa makahulang salita ng Diyos?