Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ip-1 kab. 24 p. 316-328
  • Walang Tulong Mula sa Sanlibutang Ito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Walang Tulong Mula sa Sanlibutang Ito
  • Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Apostasya sa Israel
  • Bumaling ang Israel sa Huwad na Kanlungan
  • Ang Pagbagsak ng Samaria
  • Ang Nagliligtas na Kapangyarihan ni Jehova
  • “Manumbalik Kayo”
  • Iniligtas ang Jerusalem
  • Ginantimpalaan ang Pananampalataya ng Isang Hari
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Huwag Matakot sa Asiryano
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Pitong Pastol, Walong Duke—Sino ang Inilalarawan Nila Ngayon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Hezekias
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
ip-1 kab. 24 p. 316-328

Ikadalawampu’t Apat na Kabanata

Walang Tulong Mula sa Sanlibutang Ito

Isaias 31:1-9

1, 2. (a) Bakit takot na takot ang mga tumatahan sa Jerusalem? (b) Dahil sa kalagayan ng Jerusalem, anong mga katanungan ang angkop?

ANG mga tumatahan sa Jerusalem ay takot na takot​—at makatuwiran naman! Ang Asirya, ang pinakamakapangyarihang imperyo noon, ay sumalakay sa “lahat ng nakukutaang lunsod ng Juda at sinakop ang mga iyon.” Ngayon, ang hukbong militar ng Asirya ay nagbabanta sa kabiserang lunsod ng Juda. (2 Hari 18:13, 17) Ano ang gagawin ni Haring Hezekias at ng iba pang tumatahan sa Jerusalem?

2 Palibhasa’y bumagsak na ang ibang mga lunsod sa kaniyang lupain, nalalaman ni Hezekias na walang magagawa ang Jerusalem laban sa makapangyarihang puwersang militar ng Asirya. Bukod dito, ang mga Asiryano ay may di-mapapantayang reputasyon ng pagiging malupit at marahas. Ang hukbo ng bansang iyan ay lubhang kasindak-sindak anupat kung minsa’y umuurong na agad ang mga kaaway nang hindi man lamang nakikipaglaban! Dahilan sa kahila-hilakbot na kalagayan ng Jerusalem, kanino hihingi ng tulong ang mga tumatahan sa kaniya? Maaari kayang makaligtas mula sa hukbo ng Asirya? At paano napasuong sa gayong kalagayan ang bayan ng Diyos? Upang masagot ang ganitong mga katanungan, kailangan tayong bumalik sa nakaraan at tingnan kung paano nakitungo si Jehova sa kaniyang tipang bayan sa mga unang taon.

Apostasya sa Israel

3, 4. (a) Kailan at paano nahati sa dalawang kaharian ang bansang Israel? (b) Anong di-mabuting pasimula ang ibinigay ni Jeroboam sa sampung-tribong kaharian sa hilaga?

3 Mula nang lisanin ng Israel ang Ehipto hanggang sa kamatayan ng anak ni David na si Solomon​—isang yugto na mahigit lamang sa 500 taon​—ang 12 tribo ng Israel ay nagkakaisa bilang isang bansa. Pagkamatay ni Solomon, inakay ni Jeroboam ang sampung tribo sa hilaga sa paghihimagsik laban sa sambahayan ni David, at mula noon ang bansa ay nahati sa dalawang kaharian. Ito’y noong taóng 997 B.C.E.

4 Si Jeroboam ang unang hari ng hilagang kaharian ng Israel, at inakay niya ang kaniyang mga nasasakupan sa landas ng apostasya nang palitan niya ang pagkasaserdoteng Aaroniko at ang matuwid na pagsamba kay Jehova ng di-ayon sa batas na pagkasaserdote at ng isang sistema ng pagsamba sa guya. (1 Hari 12:25-33) Ito’y kasuklam-suklam kay Jehova. (Jeremias 32:30, 35) Dahil dito at sa iba pang mga kadahilanan, pinahintulutan niya ang Asirya na lupigin ang Israel. (2 Hari 15:29) Sinikap ni Haring Hosea na baliin ang pamatok ng Asirya sa pamamagitan ng pakikipagsabuwatan sa Ehipto, subalit ang plano ay nabigo.​—2 Hari 17:4.

Bumaling ang Israel sa Huwad na Kanlungan

5. Kanino humingi ng tulong ang Israel?

5 Nais ni Jehova na matauhan ang mga Israelita.a Kaya ipinadala niya si propeta Isaias taglay ang sumusunod na babala: “Sa aba niyaong mga bumababa sa Ehipto upang magpatulong, yaong mga nananalig sa hamak na mga kabayo, at naglalagak ng kanilang tiwala sa mga karong pandigma, dahil marami ang mga iyon, at sa mga kabayong pandigma, dahil napakalakas ng mga iyon, ngunit hindi tumitingin sa Banal ng Israel at hindi humahanap kay Jehova.” (Isaias 31:1) Isa ngang malaking trahedya! Ang Israel ay naglagak ng higit na pagtitiwala sa mga kabayo at sa mga karong pandigma kaysa sa buháy na Diyos, si Jehova. Sa makalamang paraan ng pag-iisip ng Israel, ang mga kabayo ng Ehipto ay mas marami at makapangyarihan. Tiyak ang Ehipto ay magiging isang mahalagang kakampi laban sa hukbo ng Asirya! Gayunman, malapit nang matuklasan ng mga Israelita na ang kanilang makalamang alyansa sa Ehipto ay walang-saysay.

6. Bakit ang pagbaling ng Israel sa Ehipto ay tahasang pagpapakita ng kakulangan ng pananampalataya kay Jehova?

6 Sa pamamagitan ng tipang Kautusan, ang mga tumatahan kapuwa sa Israel at Juda ay nasa isang nakaalay na kaugnayan kay Jehova. (Exodo 24:3-8; 1 Cronica 16:15-17) Sa paghingi ng tulong sa Ehipto, isinisiwalat ng Israel ang kakulangan ng pananampalataya kay Jehova at ang pagwawalang-bahala sa mga batas na bahagi ng banal na tipang iyon. Bakit? Sapagkat kalakip sa mga kasunduan ng tipan ang pangako ni Jehova na ipagsasanggalang niya ang kaniyang bayan kung sila’y mag-uukol sa kaniya ng bukod-tanging debosyon. (Levitico 26:3-8) Bilang katuparan ng pangakong iyan, pinatunayan ni Jehova nang paulit-ulit na siya’y isang “tanggulan sa panahon ng kabagabagan.” (Awit 37:39; 2 Cronica 14:2, 9-12; 17:3-5, 10) Bukod dito, sa pamamagitan ni Moises, ang tagapamagitan ng tipang Kautusan, sinabi ni Jehova sa hinaharap na mga hari ng Israel na huwag silang magpaparami ng mga kabayo. (Deuteronomio 17:16) Ang pagsunod sa regulasyong ito ay magpapakita na ang mga haring ito ay umaasa sa “Banal ng Israel” ukol sa proteksiyon. Nakalulungkot, ang mga tagapamahala ng Israel ay wala ng gayong uri ng pananampalataya.

7. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano sa ngayon sa kakulangan ng pananampalataya ng Israel?

7 May leksiyon hinggil dito para sa mga Kristiyano sa ngayon. Ang Israel ay umasa sa nakikitang suporta mula sa Ehipto sa halip na sa higit na makapangyarihang suporta na inilalaan ni Jehova. Gayundin sa ngayon, ang mga Kristiyano ay maaaring matuksong maglagak ng kanilang pagtitiwala sa makalamang pinagmumulan ng kasiguruhan​—mga deposito sa bangko, katayuan sa lipunan, mga koneksiyon sa sanlibutan​—sa halip na kay Jehova. Totoo, taimtim na isinasaalang-alang ng mga ulo ng Kristiyanong pamilya ang kanilang pananagutang maglaan ng materyal para sa kanilang mga pamilya. (1 Timoteo 5:8) Subalit hindi nila inilalagak ang kanilang pagtitiwala sa materyal na mga bagay. At sila’y nagbabantay laban sa “bawat uri ng kaimbutan.” (Lucas 12:13-21) Ang tanging “matibay na kaitaasan sa mga panahon ng kabagabagan” ay ang Diyos na Jehova.​—Awit 9:9; 54:7.

8, 9. (a) Bagaman ang mga plano ng Israel ay waring mahusay sa estratehikong paraan, ano ang hahantungan nito, at bakit? (b) Ano ang pagkakaiba ng mga pangako ng tao at ng mga pangako ni Jehova?

8 Sa pinakadiwa, nilibak ni Isaias ang mga pinuno ng mga Israelita na may katusuhang nakipagkasundo sa Ehipto, sa pagsasabing: “Siya ay marunong din at magpapasapit niyaong kapaha-pahamak, at hindi niya binabawi ang kaniyang mga salita; at titindig nga siya laban sa bahay ng mga manggagawa ng kasamaan at laban sa tulong ng mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit.” (Isaias 31:2) Maaaring iniisip ng mga pinuno ng Israel na sila’y matalino. Subalit hindi ba’t ang Maylalang ng sansinukob ang pinakamatalino? Sa pangmalas ang plano ng Israel na humingi ng tulong sa Ehipto ay may katalinuhan sa paraang estratehiko. Gayunpaman, ang gayong pulitikal na pakikipag-alyansa ay nangangahulugan ng espirituwal na pangangalunya sa paningin ni Jehova. (Ezekiel 23:1-10) Bilang resulta, sinabi ni Isaias na si Jehova ay “magpapasapit niyaong kapaha-pahamak.”

9 Ang mga pangako ng tao ay talagang hindi maaasahan, at ang proteksiyon ng tao ay hindi tiyak. Sa kabilang panig, ‘hindi kailangang bawiin [ni Jehova] ang kaniyang salita.’ Walang pagsalang tutuparin niya ang kaniyang mga ipinangako. Ang kaniyang salita ay hindi babalik sa kaniya nang walang mga bunga.​—Isaias 55:10, 11; 14:24.

10. Ano ang mangyayari kapuwa sa Ehipto at sa Israel?

10 Ang mga Ehipsiyo ba ay isang maaasahang proteksiyon para sa Israel? Hindi. Sinabi ni Isaias sa Israel: “Ngunit ang mga Ehipsiyo ay mga makalupang tao, at hindi Diyos; at ang kanilang mga kabayo ay laman, at hindi espiritu. At si Jehova ay mag-uunat ng kaniyang kamay, at siya na nagbibigay ng tulong ay matitisod, at siya na tinutulungan ay mabubuwal, at silang lahat ay magkakasabay na sasapit sa kawakasan.” (Isaias 31:3) Kapuwa ang tumulong (ang Ehipto) at ang tinulungan (ang Israel) ay matitisod, mabubuwal, at sasapit sa kanilang kawakasan kapag iniunat ni Jehova ang kaniyang kamay upang isakatuparan ang kaniyang kahatulan sa pamamagitan ng Asirya.

Ang Pagbagsak ng Samaria

11. Anong rekord ng kasalanan ang natipon ng Israel, at ano ang pangwakas na resulta?

11 Sa kaniyang awa, paulit-ulit na isinusugo ni Jehova ang kaniyang mga propeta upang himukin ang Israel na magsisi at manumbalik sa dalisay na pagsamba. (2 Hari 17:13) Sa kabila nito, dinagdagan pa ng Israel ang kasalanan nito ng pagsamba sa guya sa pamamagitan ng panghuhula, imoral na pagsamba kay Baal, at ng paggamit ng mga sagradong haligi at matataas na dako. “Pinaraan [pa nga ng mga Israelita] ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae sa apoy,” anupat isinasakripisyo ang bunga ng kanilang sariling laman sa mga diyos na demonyo. (2 Hari 17:14-17; Awit 106:36-39; Amos 2:8) Upang wakasan ang kabalakyutan ng Israel, si Jehova ay nag-utos: “Ang Samaria at ang kaniyang hari ay patatahimikin, gaya ng pinigtal na maliit na sanga na nasa ibabaw ng tubig.” (Oseas 10:1, 7) Noong 742 B.C.E., sinalakay ng puwersa ng Asiryano ang Samaria, ang kabiserang lunsod ng Israel. Pagkatapos ng tatlong taóng pangungubkob, bumagsak ang Samaria, at noong 740 B.C.E., ang sampung tribong kaharian ay hindi na umiral.

12. Anong gawain ang iniatas ni Jehova sa ngayon, at ano ang nangyayari sa mga nagwawalang-bahala sa babala?

12 Sa ating kaarawan si Jehova ay nag-atas ng isang pambuong daigdig na gawaing pangangaral upang babalaan ang “sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi.” (Gawa 17:30; Mateo 24:14) Yaong mga tumanggi sa paraan ng Diyos ukol sa kaligtasan ay matutulad sa “pinigtal na maliit na sanga,” na mapupuksa tulad ng apostatang bansang Israel. Sa kabilang panig, yaong mga umaasa kay Jehova “ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Kung gayon, gaano katalino nga na iwasan ang mga pagkakamali ng sinaunang kaharian ng Israel! Ilagak natin ang ating buong pagtitiwala kay Jehova ukol sa kaligtasan.

Ang Nagliligtas na Kapangyarihan ni Jehova

13, 14. Anong nakaaaliw na mga salita ang taglay ni Jehova para sa Sion?

13 Mga ilang kilometro mula sa timugang hangganan ng Israel ay matatagpuan ang Jerusalem, ang kabiserang lunsod ng Juda. Ang mga tumatahan sa Jerusalem ay lubos na nakababatid sa nangyari sa Samaria. Ngayo’y nasumpungan nilang sila man ay pinagbabantaan ng gayunding nakasisindak na kaaway na tumapos sa kanilang kahangga sa hilaga. Sila ba’y matututo sa nangyari sa Samaria?

14 Ang sumunod na mga salita ni Isaias ay nakaaaliw para sa mga naninirahan sa Jerusalem. Tiniyak niya sa kanila na iniibig pa rin ni Jehova ang kaniyang tipang bayan, sa pagsasabing: “Ito ang sinabi ni Jehova sa akin: ‘Kung paanong ang leon ay umuungol, ang may-kilíng na batang leon nga, dahil sa kaniyang nasila, kapag tinawag laban sa kaniya ang hustong bilang ng mga pastol, at sa kabila ng kanilang tinig ay hindi siya masisindak at sa kabila ng kanilang kaguluhan ay hindi siya yuyuko; sa gayunding paraan ay bababa si Jehova ng mga hukbo upang makipagdigma dahil sa Bundok Sion at dahil sa kaniyang burol.’” (Isaias 31:4) Kagaya ng isang batang leon na nakatayo sa ibabaw ng kaniyang biktima, buong giting na ipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang banal na lunsod, ang Sion. Walang paghahambog, walang mga salita ng pagbabanta, ni anumang pagkakaingay ng hukbo ng Asirya ang magpapangyari kay Jehova na talikuran ang kaniyang layunin.

15. Paano nakitungo nang mapagmahal at maawain si Jehova sa mga tumatahan sa Jerusalem?

15 Ngayo’y magbigay-pansin, sa mapagmahal at maawaing paraan ng pakikitungo ni Jehova sa mga tumatahan sa Jerusalem: “Tulad ng mga ibong lumilipad, ipagtatanggol ni Jehova ng mga hukbo ang Jerusalem sa gayunding paraan. Sa pagtatanggol sa kaniya ay tiyak na ililigtas din niya siya. Sa pagliligtas sa kaniya ay patatakasin din niya siya.” (Isaias 31:5) Ang inahing ibon ay laging nagbabantay upang ipagtanggol ang kaniyang mga inakay. Sa pamamagitan ng nakabukang mga pakpak siya’y umaali-aligid sa kaniyang mga inakay, at taglay ang mapagmasid na mga mata, siya’y nagbabantay sa anumang tanda ng panganib. Kapag may maninilang lumalapit, siya’y mabilis na sumasalimbay upang ipagtanggol ang kaniyang mga sisiw. Sa gayon ding paraan, si Jehova ay mapagmahal na mangangalaga sa mga tumatahan sa Jerusalem dahil sa sumasalakay na mga Asiryano.

“Manumbalik Kayo”

16. (a) Anong maibiging panawagan ang ginagawa ni Jehova sa kaniyang bayan? (b) Kailan lalo nang nahayag ang paghihimagsik ng mga mamamayan ng Juda? Ipaliwanag.

16 Ipinaalaala ngayon ni Jehova sa kaniyang bayan na sila’y nagkasala at hinihimok silang iwan ang kanilang masamang daan: “Manumbalik kayo sa Isa na laban sa kaniya ay nagpakatalamak ang mga anak ni Israel sa kanilang paghihimagsik.” (Isaias 31:6) Ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay hindi nag-iisa sa kaniyang paghihimagsik. Ang bayan ng Juda, ‘mga anak [rin] ng Israel,’ ay ‘nagpakatalamak sa kanilang paghihimagsik.’ Ito’y lalo nang mahahayag kapag, sa sandaling panahon pagkatapos na wakasan ni Isaias ang kaniyang makahulang mensahe, ang anak ni Hezekias na si Manases ay naging hari. Ayon sa ulat ng Bibliya, “patuloy na inililigaw ni Manases ang Juda at ang mga tumatahan sa Jerusalem upang gumawa ng mas masama kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova.” (2 Cronica 33:9) Gunigunihin iyon! Nilipol ni Jehova ang mga bansang pagano sapagkat sila’y kasuklam-suklam dahil sa kanilang karumihan, subalit ang mga tumatahan sa Juda, na may kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng isang tipan, ay masahol pa kaysa mga tao ng bansang iyon.

17. Sa anong paraan ang mga kalagayan sa ngayon ay nakakatulad niyaong sa Juda sa ilalim ni Manases?

17 Sa pagbubukang-liwayway ng ika-21 siglo, ang mga kalagayan ay kahawig sa maraming paraan niyaong mga nasa Juda nang kaarawan ni Manases. Ang daigdig ay higit na nagkakawatak-watak dahilan sa panrelihiyoso, panlahi, at pang-etnikong mga pagkakapootan. Nakagigimbal na pagpaslang, pagpapahirap, panggagahasa, at diumano’y etnikong paglilinis ang bumiktima ng milyun-milyon. Walang alinlangan, ang mga tao at mga bansa​—lalo na ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan​—ay ‘nagpakatalamak sa kanilang paghihimagsik.’ Gayunman, tayo’y makatitiyak na hindi pahihintulutan ni Jehova na magpatuloy ang kabalakyutan nang walang hanggan. Bakit? Dahil sa naganap noong kaarawan ni Isaias.

Iniligtas ang Jerusalem

18. Anong babala ang ibinigay ni Rabsases kay Hezekias?

18 Pinapurihan ng mga haring Asiryano ang kanilang mga diyos dahil sa tagumpay sa larangan ng digmaan. Ang aklat na Ancient Near Eastern Texts ay naglalaman ng mga isinulat ni Ashurbanipal, isang Asiryanong monarka na nag-angking siya’y pinatnubayan “nina Ashur, Bel, Nebo, ang dakilang mga diyos, ang [kaniyang] mga panginoon, na (laging) nagmamartsa sa tabi [niya], [nang kaniyang] talunin ang mga sundalo (na makaranasan) sa digmaan . . . sa isang malaking harapang pakikidigma.” Noong kaarawan ni Isaias, si Rabsases, na kumakatawan kay Haring Senakerib ng Asirya, ay nagpakita ng katulad na paniniwala sa pagkakasangkot ng mga diyos sa digmaan ng tao nang siya’y magsalita kay Haring Hezekias. Siya’y nagbabala sa haring Judio laban sa pagtitiwala kay Jehova ukol sa kaligtasan at nagsabing ang mga diyos ng ibang mga bansa ay hindi nakapagsanggalang sa kanilang bayan laban sa makapangyarihang hukbo ng Asirya.​—2 Hari 18:33-35.

19. Paano tumugon si Hezekias sa pang-uuyam ni Rabsases?

19 Paano tumugon si Haring Hezekias? Ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi: “Nang marinig iyon ni Haring Hezekias, kaagad niyang hinapak ang kaniyang mga kasuutan at nagbalot ng telang-sako at pumasok sa bahay ni Jehova.” (2 Hari 19:1) Kinikilala ni Hezekias na Isa lamang ang makatutulong sa kaniya sa nakatatakot na kalagayang ito. Siya’y nagpakumbaba at umasa kay Jehova ukol sa patnubay.

20. Paano kikilos si Jehova alang-alang sa mga tumatahan sa Juda, at ano ang dapat nilang matutuhan mula rito?

20 Si Jehova ay nagbigay ng kinakailangang patnubay. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, kaniyang sinabi: “Sa araw na iyon ay itatakwil ng bawat isa sa kanila ang kaniyang mga walang-kabuluhang diyos na pilak at ang kaniyang mga walang-silbing diyos na ginto, na ginawa ng inyong mga kamay sa ganang inyo bilang kasalanan.” (Isaias 31:7) Kapag si Jehova ay nakipaglaban para sa kaniyang bayan, mahahayag kung ano nga ang mga diyos ni Senakerib​—walang-kabuluhan. Ito ay isang leksiyon na dapat isapuso ng mga tumatahan sa Juda. Sa kabila ng pagtatapat ni Haring Hezekias, ang lupain ng Juda, kagaya ng Israel, ay napuno ng mga idolo. (Isaias 2:5-8) Para sa mga tumatahan sa Juda, ang pagpapanumbalik ng kanilang kaugnayan kay Jehova ay mangangailangan ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pagtatakwil ‘ng bawat isa sa kanila ng kaniyang mga walang-kabuluhang diyos.’​—Tingnan ang Exodo 34:14.

21. Paano makahulang inilalarawan ni Isaias ang gagawing pagpuksa ni Jehova sa Asiryano?

21 Ngayo’y makahulang inilalarawan ni Isaias ang gagawing pagpuksa ni Jehova sa nakasisindak na kaaway ng Juda: “Ang Asiryano ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, na hindi sa tao; at isang tabak, na hindi sa makalupang tao, ang lalamon sa kaniya. At tatakas siya dahil sa tabak, at ang kaniyang mga kabataang lalaki ay mauukol sa puwersahang pagtatrabaho.” (Isaias 31:8) Kapag sumapit na ang pagtutuos, hindi na kailangan pang bunutin ng mga tumatahan sa Jerusalem ang kanilang mga tabak mula sa kanilang mga kaluban. Ang magigiting na hukbo ng Asirya ay uubusin, hindi sa pamamagitan ng mga tabak ng tao, kundi sa pamamagitan ng tabak ni Jehova. Kung tungkol kay Haring Senakerib ng Asirya, “tatakas siya dahil sa tabak.” Matapos mamatay ang 185,000 ng kaniyang mandirigma sa kamay ng anghel ni Jehova, siya’y umuwi. Nang maglaon, habang nakayukod sa kaniyang diyos na si Nisroc, siya’y pataksil na pinatay ng kaniyang sariling mga anak.​—2 Hari 19:35-37.

22. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano sa ngayon mula sa mga pangyayaring kinasangkutan ni Hezekias at ng hukbong Asiryano?

22 Walang sinuman, maging si Hezekias, ang makahuhula kung paano ililigtas ni Jehova ang Jerusalem mula sa hukbo ng Asirya. Gayunpaman, ang paraan ng pagharap ni Hezekias sa krisis ay naglalaan ng isang napakainam na halimbawa para doon sa mga napapaharap sa mga pagsubok ngayon. (2 Corinto 4:16-18) Dahil sa nakatatakot na reputasyon ng mga Asiryanong nagbabanta sa Jerusalem, hindi kataka-takang matakot si Hezekias. (2 Hari 19:3) Gayunman, siya’y may pananampalataya kay Jehova, at kaniyang hiningi ang Kaniyang patnubay, hindi ang sa tao. Ano ngang pagpapala ang kaniyang ginawa para sa Jerusalem! Ang may-takot sa Diyos na mga Kristiyano sa ngayon ay maaaring makaranas din ng matinding damdamin kapag nasa ilalim ng kaigtingan. Sa maraming kalagayan, hindi kataka-takang matakot. Subalit, kung ‘inihahagis natin kay Jehova ang lahat ng ating kabalisahan,’ siya’y magmamalasakit sa atin. (1 Pedro 5:7) Siya’y tutulong sa atin na mapagtagumpayan ang ating takot at palalakasin tayo upang harapin ang kalagayan na nagiging sanhi ng kaigtingan.

23. Sa anong paraan si Senakerib, hindi si Hezekias, ang natakot?

23 Sa wakas, si Senakerib, hindi si Hezekias, ang natakot. Kanino siya maaaring bumaling? Inihula ni Isaias: “‘Ang kaniyang malaking bato ay maglalaho dahil sa matinding takot, at dahilan sa hudyat ay masisindak ang kaniyang mga prinsipe,’ ang sabi ni Jehova, na ang kaniyang liwanag ay nasa Sion at ang kaniyang hurno ay nasa Jerusalem.” (Isaias 31:9) Ang mga diyos ni Senakerib​—ang kaniyang “malaking bato,” ang kanlungan na kaniyang pinagtitiwalaan​—ay bumigo sa kaniya. Sila ay ‘naglaho dahil sa matinding takot,’ wika nga. Bukod dito, maging ang mga prinsipe ni Senakerib ay walang nagawa. Sila man ay nangilabot din.

24. Anong maliwanag na mensahe ang matututuhan sa nangyari sa Asiryano?

24 Ang bahaging ito ng hula ni Isaias ay naglalaan ng isang maliwanag na mensahe para sa sinumang sasalansang sa Diyos. Walang anumang sandata, walang kapangyarihan, walang pakana ang maaaring bumigo sa mga layunin ni Jehova. (Isaias 41:11, 12) Kasabay nito, yaong mga nag-aangking naglilingkod sa Diyos subalit tumatalikod sa kaniya upang humanap ng kasiguruhan sa makalamang mga bagay ay mabibigo. Ang sinuman na “hindi tumitingin sa Banal ng Israel” ay makakakita kay Jehova na “magpapasapit niyaong kapaha-pahamak.” (Isaias 31:1, 2) Talaga nga, ang tanging tunay at namamalaging kanlungan ay ang Diyos na Jehova.​—Awit 37:5.

[Talababa]

a Malamang, ang unang tatlong talata ng Isaias kabanata 31 tal 1-3 ay pangunahing ipinatungkol sa Israel. Ang pangwakas na anim na talataIsa 31:4-9 ay waring kumakapit sa Juda.

[Larawan sa pahina 319]

Yaong mga naglagak ng kanilang pagtitiwala sa materyal na mga bagay ay mabibigo

[Larawan sa pahina 322]

Kagaya ng isang leon na nagbabantay sa kaniyang nasila, ipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang banal na lunsod

[Mga larawan sa pahina 324]

Ang daigdig ay nagkakawatak-watak dahilan sa panrelihiyoso, panlahi, at pang-etnikong mga pagkakapootan

[Larawan sa pahina 326]

Si Hezekias ay nagtungo sa bahay ni Jehova upang humingi ng tulong

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share