Kingdom News No. 36
Ang Bagong Milenyo—Ano ang Laan ng Kinabukasan Para sa Iyo?
Ang Bagong Milenyo—Bukang-Liwayway ng Isang Bagong Panahon?
NOONG hatinggabi ng Disyembre 31, 1999, nagwakas ang ika-20 siglo.a Iyo’y isang siglo na nakasaksi ng napakaraming kaguluhan. Subalit iyo’y nakasaksi rin ng pagbubukang-liwayway ng bagong mga teknolohiya, dramatikong mga pagsulong sa medisina, information explosion, at mabilis na pag-unlad ng pandaigdig na ekonomiya. Kung kaya ang bagong milenyo ay malugod na tinanggap ng marami bilang isang sagisag ng pag-asa at pagbabago. Makikita kaya nito ang wakas ng digmaan, kahirapan, polusyon ng kapaligiran, at karamdaman?
Marami ang umaasa. Subalit gaano nga kalaki ang posibilidad na makagagawa ng mga pagbabago ang bagong milenyo na pakikinabangan ninyo—mga pagbabago upang maging ligtas at tiwasay ang buhay para sa inyo at sa inyong pamilya? Isaalang-alang ang pagkalaki-laking epekto ng ilan lamang sa mga suliraning napapaharap sa atin.
Polusyon
Ang industriyalisadong mga bansa ay “nagiging sanhi ng pagkapinsala ng kapaligiran sa isang pandaigdig na lawak at ng malaganap na polusyon at pagkasira ng mga ekosistema.” Kung ang kasalukuyang pangyayari ay magpapatuloy, “ang likas na kapaligiran ay patuloy na mapipinsala.”—“Global Environment Outlook—2000,” United Nations Environment Programme.
Sakit
“Sa taóng 2020, ang hindi nakahahawang sakit ay inaasahang magiging sanhi ng pito sa bawat sampung pagkamatay sa papaunlad na mga rehiyon, kung ihahambing sa wala pang kalahati sa ngayon.”—“The Global Burden of Disease,” Harvard University Press, 1996.
Ilang eksperto ang nag-aangkin na “sa 2010, mababawasan ng 66 na milyong tao [na mabubuhay] sa 23 bansa na may pinakamatitinding epidemya [ng AIDS].”—“Confronting AIDS: Evidence From the Developing World,” isang ulat ng European Commission at ng World Bank.
Karalitaan
“Halos 1.3 bilyong tao ang nabubuhay sa halagang wala pang isang dolyar sa isang araw, at halos 1 bilyon ang hindi nasasapatan ang pangunahing pangangailangan nila sa pagkain.”—“Human Development Report 1999,” United Nations Development Programme.
Digmaan
“Ang karahasan [sa iba’t ibang bansa] ay maaaring umabot sa walang-katulad na antas. Dahil sa [pagkakabaha-bahaging] dulot ng etniko, tribo, at relihiyon, . . . ang gayong karahasan ay bubuo . . . ng lubhang karaniwang uri ng pagbabaka sa susunod na ikaapat na bahagi ng siglo . . . , na papatay nang daan-daang libong tao bawat taon.”—“New World Coming: American Security in the 21st Century,” U.S. Commission on National Security/21st Century.
Kung gayon, ang pangmadlang anunsiyo at katuwaan dahil sa bagong milenyo ay nagkukubli sa katotohanan na ang polusyon, karamdaman, kahirapan, at digmaan ay lalo pang nanganganinag higit kailanman. Nasa ugat ng mga suliraning ito ang kasakiman, kawalan ng pagtitiwala, at kaimbutan—mga ugaling hindi maaalis sa pamamagitan lamang ng makasiyentipikong pagsasaliksik, teknolohiya, o pulitika.
Ang Milenyo na Magpapala sa Sangkatauhan
ISANG sinaunang manunulat ang minsan ay nagsabi: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniya. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang tao ay nagkukulang hindi lamang sa kakayahan kundi sa karapatan din namang mamahala sa lupa. Ang Maylikha sa atin, ang Diyos na Jehova, ang siya lamang may karapatan at lubusang nakaaalam sa paglutas sa mga suliranin ng sangkatauhan.—Roma 11:33-36; Apocalipsis 4:11.
Subalit kailan? Paano? Gabunton ang katibayan na tayo ay malapit na sa wakas ng “mga huling araw.” Pakisuyong buksan ang inyong Bibliya, at basahin ang 2 Timoteo 3:1-5. Ito ay maliwanag na naglalarawan sa mga ugali na ipamamalas ng mga tao sa ‘mapanganib na mga panahong’ ito. Ang Mateo 24:3-14 at Lucas 21:10, 11 ay naglalarawan din sa “mga huling araw.” Doon ang pinagtutuunan ng pansin ay ang literal na mga pangyayari na nagaganap mula noong 1914, tulad ng digmaang pandaigdig, mga salot, at laganap na mga kakapusan sa pagkain.
Di-magtatagal at magwawakas na ang “mga huling araw.” Wika ng Daniel 2:44: “Magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga [makalupang] kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Kaya inihula na itatatag ng Diyos ang isang Kaharian, o pamahalaan, upang mamahala sa lupa. Alinsunod sa Apocalipsis 20:4, ang pamahalaang ito ay mamamahala sa loob ng isang libong taon—isang milenyo! Isaalang-alang ang ilan lamang sa mga paraan kung paano bubuti ang mga kalagayan ng pamumuhay para sa buong sangkatauhan sa panahong ito ng maluwalhating Milenyo:
Kabuhayan. “Sila ay tiyak na magtatayo ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at sila ay tiyak na magtatanim ng mga ubasan at kakain ng bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Kalusugan. “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng di-makapagsalita ay hihiyaw sa katuwaan.” “At walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit.’ ”—Isaias 33:24; 35:5, 6.
Kapaligiran. Ipapahamak ng Diyos “yaong mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
Mga Kaugnayang Pantao. “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.”—Isaias 11:9.
Milyun-milyon ang may pananampalataya sa mga pangakong ito ng Bibliya anupat sila’y nagtamo ng optimistiko at positibong pangmalas sa hinaharap. Bilang resulta, higit nilang makakayanang harapin ang mga panggigipit at suliranin sa buhay. Paanong ang Bibliya ay magiging isang pumapatnubay na puwersa sa inyong buhay?
Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay!
KUNG minsan ang siyensiya at teknolohiya ay maaaring maging kahanga-hanga! Gayunman, ang kaalaman ng tao ay hindi naging dahilan upang ang buhay ay maging matiwasay at maligaya para sa maraming tao. Ang tanging kaalaman na makagagawa nito ay inilarawan sa Bibliya sa Juan 17:3, na nagsasabi: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”
Ang gayong kaalaman ay masusumpungan sa mga pahina ng Bibliya. Bagaman marami ang nagpapahayag ng di-mabuting opinyon hinggil sa sagradong aklat na iyon, iilan lamang ang kailanma’y nakapagsuri nito sa ganang sarili. Kumusta naman kayo? Totoo, ang pagbabasa ng Bibliya ay nangangailangan ng malaking pagsisikap. Subalit sulit iyon. Ang Bibliya ang tanging aklat na “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16.
Paano, kung gayon, kayo makapagsisimula upang mabihasa ang inyong sarili sa Bibliya? Bakit hindi tanggapin ang tulong ng mga Saksi ni Jehova? Sila’y nagtuturo sa milyun-milyong tao sa kanilang mga sariling tahanan, nang walang bayad. Upang matulungan kayo sa bagay na ito, sila’y gumagamit ng iba’t ibang publikasyong salig sa Bibliya, gaya ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Ito’y nagbibigay ng tuwirang sagot sa maraming katanungan sa Bibliya, gaya ng: Sino ang Diyos? Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa? Ano ang Kaharian ng Diyos? Paano mapabubuti ng Bibliya ang inyong buhay pampamilya?
Kung nais ninyong bumisita ang isa sa mga Saksi ni Jehova sa inyong tahanan, pakisuyong punan ang kupon sa ibaba. Sila’y maliligayahang magbigay sa inyo ng higit pang impormasyon hinggil sa maluwalhating Milenyong Pamamahala ng Kaharian ng Diyos!
□ Nais kong tumanggap ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Isulat kung ano ang gustong wika
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin hinggil sa isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya
[Talababa]
a Tinutukoy namin dito ang popular na mga pangmalas ng Kanluran hinggil sa bagong milenyo. Sa teknikal na kahulugan, ang bagong milenyo ay magsisimula sa Enero 1, 2001.