KABANATA 3
Ibigin ang mga Iniibig ng Diyos
“Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”—KAWIKAAN 13:20.
1-3. (a) Anong di-maikakailang katotohanan ang ipinahahayag ng Bibliya? (b) Paano tayo makapipili ng mga kasama na magiging mabuting impluwensiya sa atin?
TAYONG mga tao ay parang mga espongha; napakadali nating masipsip o makuha—sinasadya man natin o hindi—ang mga saloobin, pamantayan, at pag-uugali ng malalapít nating kasama.
2 Ipinahahayag ng Bibliya ang isang di-maikakailang katotohanan: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Ang binabanggit ng kawikaang ito ay higit pa sa paminsan-minsang pakikisalamuha. Ang pariralang “lumalakad na kasama” ay nagpapahiwatig ng patuluyang pakikisama.a Ganito ang sinabi ng isang reperensiya sa Bibliya hinggil sa talatang ito: “Ang paglakad [na ito] kasama ng isang tao ay nagpapahiwatig ng pag-ibig at malapít na ugnayan.” Hindi ka ba sasang-ayon na may tendensiya tayong magaya ang mga minamahal natin? Sa katunayan, dahil may malapít tayong kaugnayan sa mga iniibig natin, may malakas silang impluwensiya sa atin—sa positibo man o sa negatibong paraan.
3 Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, napakahalaga na makipagkaibigan tayo sa mga taong magiging mabuting impluwensiya sa atin. Paano natin ito magagawa? Dapat nating ibigin ang mga iniibig ng Diyos, anupat nakikipagkaibigan sa kaniyang mga kaibigan. Isip-isipin ito: Mayroon pa bang mas mabuting mga kasama kaysa sa mga taong nagtataglay ng mga katangiang hinahanap ni Jehova sa kaniyang mga kaibigan? Kung gayon, suriin natin kung anong uri ng mga tao ang iniibig ng Diyos. Kung malinaw sa isipan natin ang pananaw ni Jehova, mas magiging matalino tayo sa pagpili ng mabubuting kasama.
MGA TAONG INIIBIG NG DIYOS
4. Bakit may karapatan si Jehova na maging mapamili pagdating sa pakikipagkaibigan, at bakit niya tinawag si Abraham na “aking kaibigan”?
4 Mapamili si Jehova pagdating sa pakikipagkaibigan. At may karapatan naman siyang maging gayon, hindi ba? Tutal, siya ang Soberanong Panginoon ng uniberso, at talaga namang isang napakadakilang karangalan ang maging kaibigan niya. Kung gayon, sino ang pinipili niyang maging mga kaibigan? Malapít si Jehova sa mga nagtitiwala at lubusang nananampalataya sa kaniya. Isaalang-alang ang halimbawa ng patriyarkang si Abraham, isang lalaking kilala sa kaniyang namumukod-tanging pananampalataya. Wala nang hihirap pang pagsubok ng pananampalataya para sa isang ama kaysa sa hilingan siyang ihandog ang kaniyang anak bilang hain.b Gayunman, “para na ring inihandog [ni Abraham] si Isaac,” palibhasa’y lubusan siyang nananampalataya “na magagawa ng Diyos na ibangon [si Isaac] kahit mula sa mga patay.” (Hebreo 11:17-19) Dahil ipinakita ni Abraham ang gayong pananampalataya at pagkamasunurin, minahal siya ni Jehova at tinawag siya na “aking kaibigan.”—Isaias 41:8; Santiago 2:21-23.
5. Ano ang nadarama ni Jehova sa mga matapat na sumusunod sa kaniya?
5 Napakahalaga kay Jehova ng katapatan at pagkamasunurin. Iniibig niya ang mga taong inuuna sa kanilang buhay ang pagiging tapat sa kaniya. (2 Samuel 22:26) Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 1 ng publikasyong ito, talagang nalulugod si Jehova sa mga sumusunod sa kaniya udyok ng pag-ibig. Sinasabi ng Kawikaan 3:32: “Ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid.” May magandang paanyaya si Jehova sa mga matapat na sumusunod sa Kaniyang mga kahilingan: Maaari silang maging panauhin sa kaniyang “tolda”—malugod niya silang tinatanggap bilang mga mananamba niya, at malaya silang makapananalangin sa Diyos anumang oras.—Awit 15:1-5.
6. Paano natin maipapakitang iniibig natin si Jesus, at ano ang nadarama ni Jehova sa mga umiibig sa kaniyang Anak?
6 Iniibig din ni Jehova ang mga umiibig sa kaniyang bugtong na Anak na si Jesus. Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay umiibig sa akin, tutuparin niya ang aking salita, at iibigin siya ng aking Ama, at paroroon kami sa kaniya at maninirahang kasama niya.” (Juan 14:23) Paano natin maipapakita ang ating pag-ibig kay Jesus? Tiyak na magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos, kasama na rito ang atas na ipangaral ang mabuting balita at gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20; Juan 14:15, 21) Ipinakikita rin nating mahal natin si Jesus kapag ‘maingat nating sinusundan ang kaniyang mga yapak,’ sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniya sa salita at sa gawa hangga’t makakaya natin bilang di-sakdal na mga tao. (1 Pedro 2:21) Nalulugod si Jehova sa mga umiibig kay Jesus dahil sa kanilang pagsisikap na tularan ang kaniyang Anak.
7. Bakit isang katalinuhan na makipagkaibigan sa mga kaibigan ni Jehova?
7 Pananampalataya, katapatan, pagkamasunurin, at pag-ibig kay Jesus at sa kaniyang mga pamantayan—ito ang ilan sa mga katangiang hinahanap ni Jehova sa Kaniyang mga kaibigan. Makabubuting itanong natin sa ating sarili: ‘Ganito ba ang mga katangian at pamantayan ng malalapít kong kaibigan? Nakikipagkaibigan ba ako sa mga kaibigan ni Jehova?’ Isang katalinuhan na gawin ito yamang maaaring magkaroon ng mabuting impluwensiya sa atin ang mga indibiduwal na masigasig na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at naglilinang ng makadiyos na mga katangian. Tiyak na mauudyukan nila tayong mamuhay kasuwato ng ating kapasiyahang paluguran ang Diyos.—Tingnan ang kahong “Anu-ano ang mga Katangian ng Isang Mabuting Kaibigan?”
MATUTO MULA SA HALIMBAWA SA BIBLIYA
8. Ano ang nagustuhan mo sa ugnayan (a) nina Noemi at Ruth? (b) ng tatlong kabataang Hebreo? (c) nina Pablo at Timoteo?
8 Sa Kasulatan, marami tayong mababasang halimbawa ng mga taong nakinabang sa pagkakaroon ng mabubuting kasama. Mababasa rito ang matalik na ugnayan ni Noemi at ng kaniyang manugang na si Ruth, ang magandang samahan ng tatlong kabataang Hebreo sa Babilonya, at ang malapít na ugnayan nina Pablo at Timoteo. (Ruth 1:16; Daniel 3:17, 18; 1 Corinto 4:17; Filipos 2:20-22) Subalit pagtuunan natin ng pansin ang isa pang namumukod-tanging halimbawa: ang pagkakaibigan nina David at Jonatan.
9, 10. Ano ang pangunahing dahilan kung bakit naging magkaibigan sina David at Jonatan?
9 Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos patayin ni David si Goliat, “ang mismong kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1 Samuel 18:1) Mula noon, nagsimula ang kanilang matagal na pagkakaibigan sa kabila ng malaking agwat sa edad. Nagpatuloy ang pagkakaibigang ito hanggang sa mamatay si Jonatan sa digmaan.c (2 Samuel 1:26) Ano kaya ang pangunahing dahilan kung bakit gayon katibay ang kanilang ugnayan bilang magkaibigan?
10 Naging malapít si David at si Jonatan sa isa’t isa dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kanilang masidhing hangarin na manatiling tapat sa Kaniya. Oo, pareho nilang gustong paluguran ang Diyos. Napamahal sila sa isa’t isa dahil sa mga katangiang ipinakita nila. Tiyak na humanga si Jonatan sa lakas ng loob at sigasig ng kabataang si David na walang-takot na ipinagtanggol ang pangalan ni Jehova. Walang-alinlangang iginalang naman ni David ang nakatatandang si Jonatan na matapat na sumuporta sa mga kaayusan ni Jehova at handang magsakripisyo para sa kapakanan ni David. Halimbawa, isaalang-alang kung ano ang nangyari noong labis na manlumo si David, yamang nanirahan ito sa iláng upang matakasan ang poot ng masamang hari na si Saul, ang ama ni Jonatan. Kapansin-pansin ang ipinakitang katapatan ni Jonatan. Nagkusa siyang “pumaroon kay David . . . upang mapalakas niya ang kamay nito may kinalaman sa Diyos.” (1 Samuel 23:16) Tiyak na napatibay si David nang dumating ang kaniyang mahal na kaibigan upang palakasin ang kaniyang loob!d
11. Ano ang natutuhan mo sa halimbawa nina Jonatan at David hinggil sa pakikipagkaibigan?
11 Ano ang matututuhan natin sa halimbawa nina Jonatan at David? Ang pinakamahalaga sa magkakaibigan ay ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Kapag naging malapít tayo sa mga kapareho natin ng paniniwala, pamantayang moral, at hangaring manatiling tapat sa Diyos, maaaring magkaroon ng pagpapalitan ng kaisipan at karanasang makapagpapasigla at makapagpapatibay sa atin. (Roma 1:11, 12) Ang gayong mga kasama na palaisip sa espirituwal ay makikita natin sa mga kapananampalataya natin. Nangangahulugan ba ito na ang lahat ng dumadalo sa ating mga pulong sa Kingdom Hall ay maituturing na mabuting kasama? Hindi, hindi gayon.
KUNG PAANO PIPILI NG MALALAPÍT NA KAIBIGAN
12, 13. (a) Bakit dapat tayong maging mapamili pagdating sa pakikipagkaibigan kahit sa mga kapuwa Kristiyano? (b) Anong hamon ang napaharap sa unang-siglong mga kongregasyon, na nagpakilos kay Pablo na magbigay ng anong mapuwersang mga babala?
12 Dapat tayong maging mapamili pagdating sa pakikipagkaibigan, maging sa loob ng kongregasyon, kung nais nating mapatibay ang ating espirituwalidad. Bakit gayon? Kasi, may ilang Kristiyano sa kongregasyon na hindi gayon kabilis ang pagsulong sa espirituwal, kung paanong mas matagal mahinog ang ilang bunga sa isang punungkahoy. Kaya sa mga kongregasyon, iba’t iba ang antas ng pagsulong sa espirituwal ng bawat Kristiyano. (Hebreo 5:12–6:3) Sabihin pa, nagpapakita tayo ng pag-ibig at pagkamatiisin sa mga baguhan o sa mahihina dahil gusto rin natin silang sumulong sa espirituwal.—Roma 14:1; 15:1.
13 Baka may mga pagkakataong kailangan nating maging maingat sa ating pakikipagsamahan sa kongregasyon. Maaaring may ilang indibiduwal na kuwestiyunable ang ginagawa. Ang iba naman ay maaaring mapagreklamo o madaling maghinanakit. Napaharap sa ganiyang mga problema ang mga kongregasyon noong unang siglo C.E. Bagaman karamihan sa mga miyembro ng mga kongregasyon ay tapat, may ilang hindi gumawi nang matuwid. Dahil hindi itinaguyod ng ilan sa kongregasyon sa Corinto ang ilang turong Kristiyano, binabalaan ni apostol Pablo ang kongregasyon: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:12, 33) Pinaalalahanan din ni Pablo si Timoteo na mag-ingat sa mga Kristiyanong hindi marangal ang paggawi at huwag makipagkaibigan sa kanila.—2 Timoteo 2:20-22.
14. Paano natin maikakapit ang simulain sa mga babala ni Pablo hinggil sa pagpili ng mga kasama?
14 Paano natin maikakapit ang simulain sa mga babala ni Pablo? Sa pamamagitan ng pag-iwas na maging malapít sa sinuman—Saksi man o di-Saksi—na maaaring maging masamang impluwensiya sa atin. (2 Tesalonica 3:6, 7, 14) Dapat nating ingatan ang ating espirituwalidad. Tandaan na gaya ng isang espongha, madali nating nakukuha ang mga saloobin at pamantayan ng ating matatalik na kaibigan. Hindi natin aasahang tubig ang masisipsip ng isang espongha kung sa suka natin ito ilulublob. Sa katulad na paraan, hindi rin natin aasahang makakakuha tayo ng mabubuting ugali sa mga taong may masamang impluwensiya.—1 Corinto 5:6.
Makasusumpong ka ng mabubuting kasama sa iyong mga kapananampalataya
15. Ano ang maaari mong gawin upang makahanap ka ng mga kaibigan na palaisip sa espirituwal sa loob ng kongregasyon?
15 Nakatutuwa naman na marami tayong masusumpungang mabubuting kasama sa mga kapananampalataya natin. (Awit 133:1) Paano mo masusumpungan sa kongregasyon ang mga kaibigang palaisip sa espirituwal? Habang nililinang mo ang makadiyos na mga katangian at paggawi, tiyak na mapapalapít sa iyo ang mga gumagawa rin ng gayon. Gayundin, baka kailangan mong gumawa ng mga praktikal na hakbang upang magkaroon ka ng bagong mga kaibigan. (Tingnan ang kahong “Kung Paano Kami Nagkaroon ng Mabubuting Kaibigan.”) Makipagkaibigan sa mga taong may mga katangiang nais mong malinang. Sundin ang payo ng Bibliya na “magpalawak,” anupat handang makipagkaibigan sa mga kapananampalataya anuman ang kanilang lahi, nasyonalidad, o kultura. (2 Corinto 6:13; 1 Pedro 2:17) Huwag makipagkaibigan sa mga kaedad mo lamang. Tandaan na di-hamak na mas matanda si Jonatan kay David. Dahil makaranasan at marami nang alam sa buhay ang mga may-edad na, tiyak na marami kang matututuhan kung makikipagkaibigan ka sa kanila.
KAPAG BUMANGON ANG MGA PROBLEMA
16, 17. Kung nasaktan tayo sa sinabi o ginawa ng isang kapananampalataya, bakit hindi natin dapat iwan ang kongregasyon?
16 Yamang iba’t iba ang personalidad at pinagmulan ng mga nasa kongregasyon, maaaring bumangon ang mga problema paminsan-minsan. Baka may masabi o magawa ang isang kapananampalataya na maaaring makasakit ng ating damdamin. (Kawikaan 12:18) Kung minsan, nagsisimula ang mga problema dahil sa magkakaibang personalidad, di-pagkakaunawaan, o pagkakaiba-iba ng opinyon. Matitisod ba tayo dahil sa gayong mga problema at iiwan na natin ang kongregasyon? Hindi natin ito gagawin kung talagang iniibig natin si Jehova at ang mga iniibig niya.
17 Bilang ating Maylalang at Tagatustos ng Buhay, nararapat lamang na ibigin natin si Jehova at ibigay sa kaniya ang ating bukod-tanging debosyon. (Apocalipsis 4:11) Bukod diyan, yamang nalulugod si Jehova na gamitin ang kongregasyon, angkop lamang na matapat na suportahan natin ito. (Hebreo 13:17) Kaya kung masaktan o madismaya tayo dahil sa ginawa o sinabi ng isang kapananampalataya, hindi natin iiwan ang kongregasyon para ipakitang nasaktan tayo. Bakit naman natin iiwan ang kongregasyon? Hindi naman si Jehova ang nakasakit sa atin. Dahil mahal natin si Jehova, tiyak na hinding-hindi natin magagawang talikuran siya at ang kaniyang bayan!—Awit 119:165.
18. (a) Ano ang maaari nating gawin upang itaguyod ang kapayapaan sa kongregasyon? (b) Anu-anong pagpapala ang naidudulot ng pagpapatawad lalo na kung may matibay na dahilan para gawin ito?
18 Kung mahal natin ang ating mga kapananampalataya, itataguyod natin ang kapayapaan sa loob ng kongregasyon. Hindi inaasahan ni Jehova ang kasakdalan sa mga iniibig niya, at gayundin naman ang dapat nating gawin. Natutulungan tayo ng pag-ibig na palampasin ang maliliit na pagkakamali, anupat inaalaalang lahat tayo’y di-sakdal at nagkakamali. (Kawikaan 17:9; 1 Pedro 4:8) Natutulungan din tayo ng pag-ibig na patuloy na “lubusang patawarin ang isa’t isa.” (Colosas 3:13) Hindi laging madaling sundin ang payong ito. Kung hahayaan nating madaig tayo ng negatibong mga damdamin, baka magkimkim tayo ng sama ng loob, marahil ay inaakala na kung galit tayo sa kaniya, naparurusahan natin siya. Subalit ang totoo, tayo ang maaapektuhan kung magtatanim tayo ng sama ng loob. Kung magpapatawad tayo, lalo na kung may matibay na dahilan para gawin ito, tiyak na tatanggap tayo ng maraming pagpapala. (Lucas 17:3, 4) Magkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip at gagaan ang ating kalooban, mananatili ang kapayapaan sa kongregasyon, at higit sa lahat, maiingatan natin ang ating kaugnayan kay Jehova.—Mateo 6:14, 15; Roma 14:19.
KUNG KAILAN DAPAT IHINTO ANG PAKIKISAMA
19. Sa anong mga situwasyon tayo dapat huminto ng pakikisama sa isang indibiduwal?
19 Kung minsan, dapat nating ihinto ang ating pakikisama sa isang dating miyembro ng kongregasyon. Nangyayari ito kapag itiniwalag ang isang indibiduwal na lumabag sa kautusan ng Diyos at hindi nagsisi o kapag itinakwil ng isa ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo ng huwad na doktrina o kapag kusa siyang humiwalay mula sa kongregasyon. Malinaw na sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na “tigilan ang pakikihalubilo” sa gayong mga tao.e (1 Corinto 5:11-13; 2 Juan 9-11) Maaaring isa talagang hamon na iwasan ang indibiduwal na marahil ay dati nating kaibigan o kaya’y kapamilya natin. Maninindigan ba tayo sa pamantayan ng Diyos, sa gayo’y ipinakikitang pangunahin sa ating buhay ang katapatan kay Jehova at ang pagsunod sa kaniyang matuwid na mga kautusan? Tandaan na napakahalaga kay Jehova ng katapatan at pagkamasunurin.
20, 21. (a) Bakit isang maibiging kaayusan ang pagtitiwalag? (b) Bakit napakahalagang piliin nating mabuti ang ating mga kasama?
20 Ang totoo, ang kaayusan hinggil sa pagtitiwalag ay isang maibiging kaayusan mula kay Jehova. Bakit? Ang pagtitiwalag sa isang di-nagsisising nagkasala ay pagpapakita ng pag-ibig sa banal na pangalan ni Jehova at sa Kaniyang mga pamantayan. (1 Pedro 1:15, 16) Naipagsasanggalang ng pagtitiwalag ang kongregasyon. Naiingatan ang tapat na mga miyembro nito mula sa masamang impluwensiya ng mga kusang nagkasala. Dahil dito, naipagpapatuloy ng tapat na mga miyembro ang kanilang pagsamba yamang batid nilang ang kongregasyon ay isang ligtas na kanlungan mula sa masamang sanlibutang ito. (1 Corinto 5:7; Hebreo 12:15, 16) Pagpapakita rin ng pag-ibig sa nagkasala ang mabigat na disiplinang ito. Baka ito mismo ang kailangan niya para matauhan siya at gawin niya ang kinakailangang mga hakbang upang manumbalik kay Jehova.—Hebreo 12:11.
21 Hindi natin maikakaila na may malakas na impluwensiya sa atin ang ating malalapít na kasama. Kung gayon, napakahalagang piliin nating mabuti ang ating mga kasama. Kung makikipagkaibigan tayo sa mga kaibigan ni Jehova at iibigin ang mga iniibig niya, tiyak na mapapalapít tayo sa pinakamaiinam na kaibigan. Ang mabuti nilang impluwensiya ay makatutulong sa atin na mamuhay kasuwato ng ating determinasyon na paluguran si Jehova.
a Ang Hebreong salita na isinaling “nakikipag-ugnayan” ay isinalin din bilang “nakakasama” at “nakikisama.”—Hukom 14:20; Kawikaan 22:24.
b Sa pamamagitan nito, inilarawan ni Jehova kung anong pagsasakripisyo ang gagawin niya kapag inihandog niya ang kaniyang bugtong na Anak. (Juan 3:16) Sa kaso ni Abraham, pinigilan ni Jehova ang paghahandog kay Isaac at naglaan Siya ng isang barakong tupa bilang kapalit ni Isaac.—Genesis 22:1, 2, 9-13.
c Si David ay isang kabataan—“isang bata lamang”—nang pabagsakin niya si Goliat, at mga 30 anyos siya nang mamatay si Jonatan. (1 Samuel 17:33; 31:2; 2 Samuel 5:4) Yamang si Jonatan ay mga 60 anyos nang mamatay, lumilitaw na mga 30 taon ang tanda niya kay David.
d Gaya ng iniulat sa 1 Samuel 23:17, may limang bagay na binanggit si Jonatan upang mapalakas niya si David: (1) Hinimok niya si David na huwag matakot. (2) Tiniyak niya kay David na mabibigo si Saul. (3) Ipinaalaala niya na si David ang magiging hari, gaya ng ipinangako ng Diyos. (4) Nanata siyang magiging tapat siya kay David. (5) Sinabi niya kay David na alam ni Saul na tapat siya kay David.
e Para sa higit na impormasyon sa kung paano dapat pakitunguhan ang mga natiwalag o kusang humiwalay, tingnan ang Apendise, sa artikulong “Kung Paano Dapat Pakitunguhan ang Isang Tiwalag.”