KABANATA 8
Iniibig ng Diyos ang mga Taong Malinis
“Sa isang nananatiling malinis ay magpapakilala kang malinis.”—AWIT 18:26.
1-3. (a) Bakit tinitiyak ng isang ina na maayos at malinis ang kaniyang anak? (b) Bakit nais ni Jehova na maging malinis ang kaniyang mga mananamba, at ano ang nag-uudyok sa atin na manatiling malinis?
INIHAHANDA ng isang ina ang kaniyang maliit na anak para pumunta sa isang okasyon. Pinaliguan niya ito at binihisan ng maayos at malinis na damit. Batid niya na mahalaga sa kalusugan nito ang pagiging malinis. Gayundin, alam niya na ang hitsura ng kaniyang anak ay maaaring magbigay sa kanila ng papuri o ng kahihiyan bilang mga magulang.
2 Nais ni Jehova, ang ating makalangit na Ama, na maging malinis ang kaniyang mga lingkod. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Sa isang nananatiling malinis ay magpapakilala kang malinis.”a (Awit 18:26) Iniibig tayo ni Jehova; alam niya na para sa ating ikabubuti ang pananatiling malinis. Inaasahan din niya na dahil sa pagiging malinis natin bilang kaniyang mga Saksi, mauudyukan ang ibang tao na purihin siya. Oo, ang ating malinis na hitsura at mainam na paggawi ay makapagdudulot kay Jehova at sa kaniyang banal na pangalan ng kaluwalhatian, hindi ng upasala.—Ezekiel 36:22; 1 Pedro 2:12.
3 Yamang alam natin na iniibig ng Diyos ang mga taong malinis, nauudyukan tayo nito na manatiling malinis. Dahil iniibig natin siya, gusto natin na ang ating paraan ng pamumuhay ay magdulot sa kaniya ng karangalan. Nais din nating manatili sa kaniyang pag-ibig. Kung gayon, suriin natin kung bakit tayo dapat manatiling malinis, kung ano ang nasasangkot sa pagiging malinis, at kung paano tayo mananatiling malinis. Ang pagsusuring ito ay tutulong sa atin na makita kung mayroon tayong dapat pasulungin sa ating sarili.
BAKIT TAYO DAPAT MANATILING MALINIS?
4, 5. (a) Ano ang pangunahing dahilan kung bakit tayo dapat manatiling malinis? (b) Paano masasabing kitang-kita sa mga nilalang ni Jehova ang kaniyang pagiging malinis?
4 Tinuturuan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang halimbawa. Hinihimok tayo ng kaniyang Salita na ‘maging mga tagatulad sa Diyos.’ (Efeso 5:1) Kaya ang pangunahing dahilan kung bakit tayo dapat manatiling malinis ay sapagkat si Jehova, ang sinasamba nating Diyos, ay malinis, dalisay, at banal sa lahat ng aspekto.—Levitico 11:44, 45.
5 Ang pagiging malinis ni Jehova, gaya ng iba niyang mga katangian, ay kitang-kita sa kaniyang mga nilalang. (Roma 1:20) Nilayon ang lupa na maging malinis na tahanan ng mga tao. Nagsaayos si Jehova ng mga siklo sa kalikasan upang maging malinis ang ating hangin at tubig. Kinukumberte ng ilang mikrobyo ang dumi para hindi ito makapinsala sa kapaligiran. Sa katunayan, ginagamit ng mga siyentipiko ang ilan sa mga mikroorganismong ito para maalis ang mga tagas ng langis at iba pang polusyon na dulot ng kasakiman ng tao. Maliwanag, mahalaga sa “Maylikha ng lupa” ang kalinisan. (Jeremias 10:12) Dapat na mahalaga rin ito sa atin.
6, 7. Paano idiniin ng Kautusang Mosaiko na isang kahilingan sa mga mananamba ni Jehova ang pagiging malinis?
6 Ang isa pang dahilan kung bakit natin kailangang manatiling malinis ay sapagkat hinihiling ito ni Jehova—ang ating Soberanong Tagapamahala—sa kaniyang mga mananamba. Sa Kautusan na ibinigay ni Jehova sa Israel, laging magkaugnay ang kalinisan at ang pagsamba. Binanggit ng Kautusan na sa Araw ng Pagbabayad-Sala, dapat maligo nang dalawang beses ang mataas na saserdote. (Levitico 16:4, 23, 24) Isang kahilingan para sa mga nanunungkulang saserdote na maghugas ng kanilang mga kamay at paa bago maghandog ng mga hain kay Jehova. (Exodo 30:17-21; 2 Cronica 4:6) Binanggit din ng Kautusan ang mga 70 sanhi ng pagiging marumi ng isang tao sa pisikal at seremonyal na paraan. Kapag ang isang Israelita ay itinuturing na marumi at sadyang nakibahagi sa anumang gawaing may kaugnayan sa pagsamba, siya ay parurusahan ng kamatayan. (Levitico 15:31) Sinumang hindi susunod sa kahilingan hinggil sa pagdadalisay, kasama na ang paliligo at ang paglalaba ng kaniyang damit, ay “lilipulin mula sa gitna ng kongregasyon.”—Bilang 19:17-20.
7 Bagaman wala na tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, makatutulong ito sa atin na maunawaan ang kaisipan ng Diyos. Maliwanag, idiniin ng Kautusan na ang kalinisan ay isang kahilingan sa mga mananamba ng Diyos. Hindi nagbabago si Jehova. (Malakias 3:6) Tatanggapin lamang niya ang ating pagsamba kung ito ay “malinis at walang dungis.” (Santiago 1:27) Kaya kailangan nating malaman kung ano ang inaasahan niya sa atin hinggil sa bagay na ito.
KUNG ANO ANG NASASANGKOT SA PAGIGING MALINIS SA PANINGIN NG DIYOS
8. Inaasahan ni Jehova na mananatili tayong malinis sa anu-anong aspekto?
8 Sa Bibliya, ang ideya ng pagiging malinis ay hindi lamang tumutukoy sa pisikal na kalinisan. Ang pagiging malinis sa paningin ng Diyos ay sumasaklaw sa lahat ng aspekto ng ating buhay. Inaasahan ni Jehova na mananatili tayong malinis sa apat na pangunahing aspekto—sa espirituwal, moral, mental, at pisikal. Isaalang-alang natin kung ano ang nasasangkot sa bawat isa sa mga ito.
9, 10. Ano ang ibig sabihin ng pagiging malinis sa espirituwal, at ano ang dapat iwasan ng mga tunay na Kristiyano?
9 Espirituwal na kalinisan. Sa simpleng pananalita, ang pagiging malinis sa espirituwal ay nangangahulugang hindi natin pinaghahalo ang tunay at huwad na pagsamba. Nang umalis ang mga Israelita sa Babilonya pabalik sa Jerusalem, kinailangan nilang sundin ang payo mula sa Diyos: “Lumabas kayo riyan, huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi; . . . manatili kayong malinis.” (Isaias 52:11) Ang pagsasauli ng pagsamba kay Jehova ang pangunahing dahilan ng pagbabalik ng mga Israelita sa Jerusalem. Ang pagsambang iyon ay dapat na maging malinis—walang bahid ng anumang turo, gawain, at kaugalian ng Babilonikong relihiyon na lumalapastangan sa Diyos.
10 Bilang mga tunay na Kristiyano sa ngayon, dapat nating tiyakin na hindi tayo mababahiran ng huwad na pagsamba. (1 Corinto 10:21) Kailangan nating mag-ingat dahil laganap ngayon ang impluwensiya ng huwad na relihiyon. Sa maraming lupain, iba’t ibang tradisyon, gawain, at ritwal ang nauugnay sa mga turo ng huwad na relihiyon, gaya ng paniniwalang mayroong isang bagay sa loob natin na nananatiling buhay pagkamatay natin. (Eclesiastes 9:5, 6, 10) Umiiwas ang mga tunay na Kristiyano sa mga kaugaliang may bahid ng huwad na mga relihiyosong paniniwala.b Hindi tayo magpapadala sa panggigipit ng iba na ikompromiso ang mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa malinis na pagsamba.—Gawa 5:29.
11. Ano ang nasasangkot sa moral na kalinisan, at bakit napakahalaga para sa atin na manatiling malinis sa aspektong ito?
11 Moral na kalinisan. Upang manatiling malinis sa moral, kailangan tayong umiwas sa lahat ng uri ng seksuwal na imoralidad. (Efeso 5:5) Napakahalagang manatili tayong malinis sa moral. Gaya ng matututuhan natin sa susunod na kabanata ng aklat na ito, dapat tayong ‘tumakas mula sa pakikiapid’ upang manatili sa pag-ibig ng Diyos. Ang mga di-nagsisising mapakiapid ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10, 18) Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay “kasuklam-suklam sa kanilang karumihan.” Kung hindi sila magiging malinis, “ang kanilang magiging bahagi ay sa . . . ikalawang kamatayan.”—Apocalipsis 21:8.
12, 13. Ano ang kaugnayan ng ating iniisip sa ating ginagawa, at paano natin mapananatiling malinis ang ating isip?
12 Mental na kalinisan. Kung ano ang nasa isip natin, malamang na iyon ang ating gagawin. Kaya kung hahayaan nating manatili sa ating isip at puso ang masasamang bagay, sa malao’t madali, malamang na makagawa tayo ng maruruming gawain. (Mateo 5:28; 15:18-20) Pero kung pinupuno natin ang ating isip ng dalisay at malinis na mga bagay, mapapakilos tayo nito na maging malinis sa ating paggawi. (Filipos 4:8) Paano natin mapananatiling malinis ang ating isip? Una sa lahat, dapat tayong umiwas sa mga anyo ng libangan na maaaring magparumi ng ating isipan.c Bukod diyan, maaari nating punuin ng malinis na mga bagay ang ating isip sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos.—Awit 19:8, 9.
13 Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, kailangan na lagi tayong malinis sa espirituwal, moral, at mental na paraan. Ang mga aspektong ito ng kalinisan ay mas detalyadong tinatalakay sa iba pang mga kabanata ng publikasyong ito. Talakayin natin ngayon ang ikaapat na aspekto—ang pisikal na kalinisan.
PAANO TAYO MANANATILING MALINIS SA PISIKAL?
14. Bakit ang pisikal na kalinisan ay hindi isang personal na bagay lamang?
14 Kasama sa pisikal na kalinisan ang pagiging malinis sa katawan at kapaligiran. Ang pisikal na kalinisan ba ay isang personal na bagay lamang anupat hindi na natin kailangang isipin kung ano ang sasabihin ng iba? Hindi ganiyan ang pananaw ng mga mananamba ni Jehova. Gaya ng nabanggit na, mahalaga kay Jehova ang ating pisikal na kalinisan hindi lamang dahil ikabubuti natin ito kundi dahil magbibigay rin ito ng kapurihan kay Jehova. Isiping muli ang ilustrasyong binanggit sa simula. Kung makikita mo ang batang iyon na laging marungis at gusgusin, hindi maganda ang magiging impresyon mo sa mga magulang niya, hindi ba? Kaya hindi natin hahayaan na ang ating hitsura o paraan ng pamumuhay ay magdulot ng upasala sa ating makalangit na Ama o makasira man sa mensaheng ipinangangaral natin. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang aming ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali; kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos.” (2 Corinto 6:3, 4) Kung gayon, paano tayo makapananatiling malinis sa pisikal?
15, 16. Ano ang kasama sa pagiging malinis sa katawan, at ano ang dapat asahan hinggil sa ating pananamit?
15 Pagiging malinis sa katawan at pagiging maayos ng hitsura. Bagaman iba-iba ang kultura at kalagayan sa buhay sa bawat bansa, karaniwan nang may sapat na sabon at tubig na makukuha para regular tayong makapaligo, nang sa gayo’y matiyak natin na tayo at ang ating mga anak ay malinis. Kasama sa pagiging malinis sa katawan ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, bago kumain o humawak ng pagkain, pagkatapos gumamit ng palikuran, at pagkatapos palitan ng lampin ang sanggol. Ang pagsasabon at pagbabanlaw ng kamay ay nakatutulong upang maiwasan ang pagkakasakit, at nakapagliligtas pa nga ito ng buhay. Napipigilan nito ang pagkalat ng mapanganib na mga virus at baktirya, at sa gayon ay nakaiiwas ang mga tao sa mga sakit na sanhi ng pagtatae. Sa mga lupain na karaniwang nakatira ang tao sa mga bahay na walang poso-negro, makabubuti kung ibabaon nila ang kanilang dumi, gaya ng ginawa ng sinaunang mga Israelita.—Deuteronomio 23:12, 13.
16 Dapat din tayong regular na maglaba ng ating mga damit para maging malinis at presentable ang mga ito. Hindi naman kailangang mamahalin o nasa uso ang damit ng isang Kristiyano. Pero dapat na maayos, malinis, at mahinhin ang mga ito. (1 Timoteo 2:9, 10) Nasaan man tayo, nais nating “magayakan” ng ating maayos na hitsura “ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.”—Tito 2:10.
17. Bakit dapat maging malinis at presentable ang ating tahanan at kapaligiran?
17 Pagiging malinis sa tahanan at kapaligiran. Hindi naman kailangan na napakaganda o marangya ang ating tahanan. Pero hangga’t maaari, dapat maging malinis at presentable ito. Gayundin, kung may sasakyan tayong ginagamit sa pagdalo sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan, gawin natin ang ating makakaya para mapanatili itong malinis sa loob at labas. Tandaan natin na ang malinis na tahanan at kapaligiran ay nagsisilbing patotoo hinggil sa Diyos na sinasamba natin. Tutal, itinuturo natin sa mga tao na si Jehova ay isang malinis na Diyos, na ‘ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa,’ at na sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian ay malapit na niyang gawing paraiso ang lupang tinitirhan natin. (Apocalipsis 11:18; Lucas 23:43) Tiyak na gusto natin na ang pagiging malinis ng ating tahanan at mga pag-aari ay magbigay ng impresyon sa iba na ngayon pa lamang, sinasanay na natin ang ating sarili na manatiling malinis para maging karapat-dapat sa dumarating na bagong sanlibutan.
Kasama sa pisikal na kalinisan ang pagpapanatiling malinis ng ating katawan at kapaligiran
18. Paano natin maipapakita na pinahahalagahan natin ang ating Kingdom Hall?
18 Pagiging malinis ng ating dako ng pagsamba. Yamang iniibig natin si Jehova, nauudyukan tayong ipakita ang ating pagpapahalaga sa ating Kingdom Hall, na nagsisilbing sentro ng tunay na pagsamba sa ating lugar. Nais nating magkaroon ng magandang impresyon sa ating bulwagan ang mga baguhang dumadalo sa ating mga pulong. Para laging magandang tingnan ang ating bulwagan, kailangang regular na linisin at mantinihin ito. Maipapakita natin na pinahahalagahan natin ang ating Kingdom Hall kung gagawin natin ang buo nating makakaya para mapanatili itong nasa maayos na kalagayan. Isang pribilehiyo para sa atin na magboluntaryo sa paglilinis at “pagsasaayos at pagkukumpuni” ng ating dako ng pagsamba. (2 Cronica 34:10) Kumakapit din ang mga simulaing ito kapag nagtitipon tayo sa Assembly Hall o iba pang pasilidad para sa mga asamblea o kombensiyon.
IWASAN ANG NAKAPAGPAPARUMING MGA GAWAIN
19. Upang mapanatili natin ang ating pisikal na kalinisan, ano ang kailangan nating iwasan, at paano tayo matutulungan ng Bibliya sa bagay na ito?
19 Upang mapanatili natin ang ating pisikal na kalinisan, kailangan nating iwasan ang nakapagpaparuming mga gawain, gaya ng paninigarilyo, pag-abuso sa alkohol, at pagkasugapa sa droga. Hindi espesipikong binabanggit ng Bibliya ang lahat ng marumi at kasuklam-suklam na gawain na laganap sa ngayon, pero sinasabi nito ang mga simulaing makatutulong sa atin na maunawaan kung ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa mga bagay na ito. Palibhasa’y iniibig natin si Jehova at batid natin ang kaniyang mga pamantayan hinggil sa kalinisan, napapakilos tayo na gawin kung ano ang nakalulugod sa kaniya. Isaalang-alang natin ang limang simulain sa Bibliya na tutulong sa atin na panatilihin ang ating pisikal na kalinisan.
20, 21. Nais ni Jehova na maging malinis tayo mula sa anong mga gawain, at ano ang matibay na dahilan para sundin natin ito?
20 “Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Nais ni Jehova na maging malinis tayo mula sa mga gawaing nakapagpaparumi ng katawan at nakasisira ng ating espiritu, o nangingibabaw na hilig ng kaisipan. Kaya dapat nating iwasan ang nakasusugapang mga gawain na karaniwang nakapipinsala sa ating katawan at isip.
21 Binibigyan tayo ng Bibliya ng isang matibay na dahilan para “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan.” Pansinin ang unang binanggit sa 2 Corinto 7:1: “Yamang taglay natin ang mga pangakong ito.” Anong mga pangako? Gaya ng binabanggit sa sinundan nitong mga talata, nangangako si Jehova: “Tatanggapin ko kayo. At ako ay magiging isang ama sa inyo.” (2 Corinto 6:17, 18) Isip-isipin: Nangangako si Jehova na poproteksiyunan at iibigin ka niya, gaya ng isang ama sa kaniyang anak. Subalit tutuparin lamang ni Jehova ang mga pangakong ito kung iiwasan mo ang karungisan ng “laman at espiritu.” Kung gayon, isa ngang kamangmangan na hayaan ang anumang kasuklam-suklam na gawain na makasira sa iyong napakahalaga at malapít na kaugnayan kay Jehova!
22-25. Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong sa atin na iwasan ang maruruming gawain?
22 “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Ayon kay Jesus, ito ang pinakadakila sa lahat ng utos. (Mateo 22:38) Nararapat lamang na ibigin natin si Jehova. Upang maipakita natin sa kaniya ang ating pag-ibig nang buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisip, dapat nating iwasan ang mga gawaing makapagpapaikli ng ating buhay o makapagpapapurol ng ating bigay-Diyos na pag-iisip.
23 “[Si Jehova] mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:24, 25) Ang buhay ay isang kaloob mula sa Diyos. Yamang mahal natin ang Tagapagbigay-Buhay, nais nating pahalagahan ang kaloob na ito. Iniiwasan natin ang anumang gawaing nakasasama sa ating kalusugan, sapagkat alam natin na kung gagawin natin ito, tuwiran nating winawalang-halaga ang kaloob na buhay.—Awit 36:9.
24 “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Karaniwan nang may epekto ang maruruming paggawi hindi lamang sa gumagawa nito, kundi maging sa mga taong nasa palibot niya. Halimbawa, makapipinsala sa isang di-naninigarilyo na makalanghap ng usok mula sa isang naninigarilyo. Ang isang indibiduwal na nakapipinsala sa kaniyang kapuwa ay lumalabag sa utos ng Diyos na ibigin ang ating kapuwa. Ipinakikita rin nito na hindi totoo ang kaniyang pag-aangkin na iniibig niya ang Diyos.—1 Juan 4:20, 21.
25 “Magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala.” (Tito 3:1) Sa maraming lupain, ang pagkakaroon o paggamit ng ilang uri ng gamot ay labag sa batas. Kaya bilang mga tunay na Kristiyano, hindi tayo bumibili, tumatanggap, o gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot.—Roma 13:1.
26. (a) Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, ano ang kailangan nating gawin? (b) Bakit ang pananatiling malinis sa paningin ng Diyos ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay?
26 Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, kailangan nating manatiling malinis hindi lamang sa isa o dalawang aspekto, kundi sa lahat ng aspekto. Maaaring mahirap itigil at iwasan ang maruruming gawain, pero posible ito.d Sa katunayan, ito ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay, yamang laging itinuturo ni Jehova kung ano ang makabubuti para sa atin. (Isaias 48:17) Higit sa lahat, kung mananatili tayong malinis, magiging maligaya tayo dahil batid natin na nakapagdudulot tayo ng karangalan sa Diyos na ating iniibig, at sa gayong paraan ay makapananatili tayo sa kaniyang pag-ibig.
a Ang salitang Hebreo na isinaling “malinis” ay tumutukoy hindi lamang sa pisikal na kalinisan kundi gayundin sa moral o espirituwal na kalinisan.
b Tingnan ang Kabanata 13 ng aklat na ito para sa pagtalakay sa mga espesipikong pagdiriwang at kaugalian na dapat iwasan ng mga tunay na Kristiyano.
c Tinatalakay sa Kabanata 6 ng publikasyong ito kung paano pipili ng kaayaayang libangan.
d Tingnan ang mga kahong “Nagpupunyagi ba Akong Gawin ang Tama?” at “Sa Diyos ay Posible ang Lahat ng mga Bagay.”
e Binago ang pangalan.