Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yp2 kab. 30 p. 246-252
  • Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?
  • Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • May mga Panganib Ito!
  • Kung Bakit Mahalagang Maging Mapamili Ka
  • Anong Laro ang Dapat Kong Piliin?
  • Pumili Nang May Katalinuhan
  • Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?
    Gumising!—2008
  • Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa mga Video Game?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Dapat ba Akong Maglaro ng mga Laro sa Computer o Video?
    Gumising!—1996
  • Nanganganib ba ang mga Naglalaro?
    Gumising!—2002
Iba Pa
Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
yp2 kab. 30 p. 246-252

KABANATA 30

Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?

“USUNG-USO ang mga computer game at nakaka-enjoy ang mga ito,” ang sabi ng kabataang si Brian. “Magagawa mo sa mga larong ito ang mga bagay na hindi mo kailanman gagawin sa totoong buhay​—dahil kung gagawin mo ito, tiyak na mapapasubo ka sa gulo.” Sinabi ng kabataang si Deborah na nag-e-enjoy rin siya sa paglalaro ng mga computer game. Pero nagbabala siya: “Maaari itong umubos ng iyong panahon at nakakaadik ito.”

Hindi lamang basta high tech na libangan ang mga video game. Nasusubok nito ang kasanayan mo, at pang-alis din naman ito ng pagkabagot. Hindi lamang ’yan. Nakakatulong pa nga ito para maging alisto ka. Maaari pa ngang mapasulong ng ilan sa mga larong ito ang iyong galíng sa matematika at pagbasa. Bukod diyan, ang pinakabagong mga video game ay pinagkukuwentuhan ng mga estudyante sa paaralan. Kapag nasubukan mo na ang isang laro, makakasali ka sa usapan ng mga kaeskuwela mo.

Kung maingat ka sa pagpili, tiyak na makakahanap ka ng larong nakaka-enjoy na hindi naman mahalay o marahas. Pero bakit kailangan kang mag-ingat?

May mga Panganib Ito!

Alam mo, mayroon ding mga video game na nakakasama. Marami sa mga bagong laro ang tahasang nagtatampok ng tinatawag sa Bibliya na “mga gawa ng laman”​—maruruming gawain na hinahatulan ng Diyos.​—Galacia 5:19-21.

May binanggit si Adrian, 18 anyos, na isang popular na larong nagtatampok ng “sagupaan ng mga gang, pag-abuso sa droga, kahalayan, malaswang pananalita, labis-labis na karahasan, at madugo at nakapanghihilakbot na mga eksena.” Sa ilang laro, ginagawang katanggap-tanggap ang espiritismo. At waring nasasapawan ng bawat bagong laro ang naunang mga video game pagdating sa karahasan o kahalayan. Marami sa mararahas na video game na ito ay malalaro na rin sa Internet. “Kahit nasa bahay ka lang, kung may computer ka,” ang sabi ng 19-anyos na si James, “puwede kang makipaglaro sa mga nakatira sa kabilang panig ng mundo.” Kaya naman lalong naeengganyo ang mga kabataan na maglaro ng mga ito.

May isa pang laro na naging napakapopular, kung saan ang mga naglalaro ay maaaring gumanap bilang isa mismo sa mga karakter. Sa computer game na ito na konektado sa Internet, ang mga naglalaro ay maaaring lumikha ng mga karakter​—maaaring tao, hayop, o kombinasyon nito​—na umiiral sa isang daigdig na nilikha sa computer. Libu-libo ang sumasali sa larong ito. Ang daigdig na ito sa Internet ay may mga pamilihan, kotse, bahay, disco, bahay-aliwan​—isa ngang replika ng tunay na daigdig. Ang mga naglalaro nito ay nakapagpapadala ng instant message sa kanilang mga kalaro na para bang ang kanilang mga karakter sa computer game, na tinatawag na mga avatar, ang nag-uusap.

Mga miyembro ng sindikato, bugaw, mga nagbebenta ng aliw, mangingikil, manggagantso, at mamamatay-tao ang ilan sa napakasasamang karakter sa mga computer game na ito. Ang mga naglalaro ay maaaring magpakasasa sa mga gawaing hinding-hindi nila gagawin sa totoong buhay. Sa ilang pindot lamang ng buton, napagtatalik ng mga naglalaro ang kanilang mga avatar habang nagpapadala sila ng malalaswang mensahe sa isa’t isa. Sa ilang computer game, ang mga avatar ng ilang naglalaro ay puwedeng makipagtalik sa mga batang avatar. Nababahala ang mga kritiko na may mga taong gumagawa ng mga larong nagtatampok ng gayong kasuklam-suklam na mga gawain.

Kung Bakit Mahalagang Maging Mapamili Ka

Baka sabihin ng mga naglalaro ng gayong marahas o napakahalay na mga video game: ‘Wala namang nasaktan. Kunwari lang naman ’yun. Laro lang ’yun.’ Pero huwag kang padaya sa gayong maling pangangatuwiran!

Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid.” (Kawikaan 20:11) Kung naglalaro ka ng marahas at mahalay na mga video game, masasabi bang dalisay ka at matuwid? Paulit-ulit na ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga nanonood ng mararahas na palabas ay nagiging lalong agresibo. Sa katunayan, sinasabi ng ilang eksperto na mas matindi ang impluwensiya ng video game kaysa sa TV dahil aktuwal na nasasangkot ang naglalaro at hindi basta nanonood lamang.

Kung naglalaro ka ng marahas o mahalay na mga video game, para kang naglalaro ng mga elementong may mataas na radyasyon​—hindi mo agad makikita ang masasamang epekto nito, pero tiyak iyon. Sa anong paraan? Kapag nahantad ka sa malakas na radyasyon, masisira ang pinakasapin ng iyong sikmura at makakapasok sa daluyan ng dugo ang mga baktirya mula sa bituka, na nagiging sanhi ng pagkakasakit. Sa katulad na paraan, ang laging pagkahantad sa mahalay at marahas na mga video game ay maaaring sumira sa iyong “pakiramdam sa moral” anupat mangingibabaw sa iyong pag-iisip at pagkilos ang masamang mga pagnanasa.​—Efeso 4:19; Galacia 6:7, 8.

Anong Laro ang Dapat Kong Piliin?

Kung payag naman ang mga magulang mo na maglaro ka ng video game, paano mo malalaman kung ano ang dapat mong piliin at kung gaano ka katagal maglalaro? Itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:

Ano kaya ang madarama ni Jehova sa larong pinipili ko? “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa,” ang sabi ng Awit 11:5. Hinggil sa mga nakikisangkot sa espiritismo, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Kung gusto mong maging kaibigan ka ng Diyos, kailangan mong sundin ang payo sa Awit 97:10: “Kapootan [mo] ang kasamaan.”

Paano makaaapekto sa aking pag-iisip ang larong ito? Tanungin ang iyong sarili, ‘Ang paglalaro ko ba ng video game na ito ay makatutulong o makahahadlang sa akin na “tumakas mula sa pakikiapid”?’ (1 Corinto 6:18) Kung naglalaro ka ng mga video game na naghahantad sa iyo sa mahahalay na larawan at malalaswang usapan, mahihirapan kang magtuon ng isip sa mga bagay na matuwid at malinis.​—Filipos 4:8.

Gaano katagal akong maglalaro? Sabihin na nating walang anumang karahasan o kahalayan ang video game na nilalaro mo. Pero baka naman nauubos dito ang panahon mo. Kaya bilangin at irekord ang oras na ginugugol mo sa paglalaro. Hindi kaya nauubos na sa paglalaro ang panahon mo para sa mas mahahalagang gawain? Kung nababantayan mo ang oras na ginugugol mo sa paglalaro, mabibigyang-priyoridad mo ang mas mahahalagang bagay.​—Efeso 5:16.

Hindi sinasabi ng Bibliya na puro pag-aaral at pagtatrabaho na lamang ang gawin mo. Sa halip, ipinaaalaala nito sa ating lahat na may “panahon ng pagtawa . . . at panahon ng pagluksu-lukso.” (Eclesiastes 3:4) Pero kapansin-pansin na ang pananalitang “pagluksu-lukso” ay hindi lamang nagpapahiwatig ng basta paglalaro kundi ng pisikal na gawain din naman. Kaya bakit hindi gamitin ang ilang libreng panahon mo sa mga laro na nagsasangkot ng pisikal na gawain sa halip na lagi na lamang umupo sa harap ng computer?

Pumili Nang May Katalinuhan

Talaga namang nakakatuwang maglaro ng mga video game, lalo na kung magiging eksperto ka rito. Ito mismo ang dahilan kung kaya dapat kang maging matalino sa pagpili. Tanungin ang iyong sarili, ‘Sa paaralan, sa anong mga subject ba ako magaling?’ Hindi ba’t kadalasan na ay sa mga subject na paborito mo? Ang totoo, kadalasan nang miyentras mas gusto mo ang isang subject, mas malaki ang epekto nito sa iyo. Tanungin mo ngayon ang iyong sarili: ‘Ano ang paborito kong video game? Anong aral ang itinuturo sa akin ng larong ito?’

Sa halip na basta maglaro ng video game na nilalaro ng mga kaibigan mo, maging determinado na magpasiya ayon sa natutuhan mong mga simulain. Higit sa lahat, sundin ang payo ng Bibliya: “Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”​—Efeso 5:10.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Mahilig ka sa musika, at wala namang masama roon. Pero sa musika na lamang ba nakasentro ang buhay mo?

TEMANG TEKSTO

“Kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan.”​—Awit 97:10.

TIP

Gumawa ng talaan ng bawat video game na gusto mong laruin. Isulat dito ang goal ng laro at ang mga pamamaraan upang maabot ang goal na iyon. Paghambingin ang ginawa mong talaan at ang mga simulain sa Bibliya na binanggit sa kabanatang ito, at saka mo pag-isipan kung angkop nga ba ang mga larong ito.

ALAM MO BA . . . ?

Ang kauna-unahang rehabilitation clinic para sa mga adik sa mga laro sa Internet ay itinatag sa Amsterdam, Netherlands, noong 2006.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung niyayaya ako ng kaibigan ko na maglaro ng marahas o imoral na video game, ang sasabihin ko sa kaniya ay ․․․․․

Maglalaro lang ako ng video game nang ․․․․․ oras sa loob ng isang linggo. Para masunod ko ito, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Ano ang maaaring maging epekto ng nilalaro mong video game sa iyong pagkatao?

● Bakit mahalagang isaalang-alang ang pamantayan ni Jehova hinggil sa moral kapag pumipili ng video game?

● Paano mo tutulungan ang nakababata mong kapatid na naaadik sa video game na alam mong may masamang epekto sa mga naglalaro nito?

[Blurb sa pahina 249]

“Ang sama ng epekto ng maraming laro. Nagiging manhid ka sa karahasan, malaswang pananalita, at imoralidad, kaya hindi malabong madala ka ng tukso. Dapat talaga, maingat ka sa pagpili ng video game.”​—Amy

[Larawan sa pahina 250]

Kung naglalaro ka ng marahas o mahalay na mga video game, para ka na ring naglalaro ng mga elementong may mataas na radyasyon​—hindi mo agad makikita ang masasamang epekto nito, pero tiyak iyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share