Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yp2 kab. 32 p. 263-272
  • Paano Ako Puwedeng Mag-enjoy?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Puwedeng Mag-enjoy?
  • Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Dapat Mag-ingat?
  • Paano Ko ba Dapat Malasin ang mga Disco?
    Gumising!—2004
  • Paano Ako Makapipili ng Isang Desenteng Pelikula?
    Gumising!—1990
  • Aling mga Pelikula ang Panonoorin Mo?
    Gumising!—2005
  • Bakit Bawal Akong Mag-enjoy?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Iba Pa
Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
yp2 kab. 32 p. 263-272

KABANATA 32

Paano Ako Puwedeng Mag-enjoy?

Sagutin kung tama o mali.

Ayon sa Bibliya . . .

Masamang sumali sa isport.

□ Tama □ Mali

Lahat ng pelikula at palabas sa TV ay masamang impluwensiya.

□ Tama □ Mali

Lahat ng sayaw ay masama.

□ Tama □ Mali

ABALANG-ABALA ka buong linggo​—sa pag-aaral at sa mga gawaing-bahay. Pero hindi ka pa nakakaramdam ng pagod. Bata ka pa kasi, at diyan ka nakakalamang. (Kawikaan 20:29) Gusto mo naman ngayong mag-enjoy.

Baka iniisip ng mga kasama mo na ayaw ng Bibliya sa pagsasaya, kaya bawal sa iyo na mag-enjoy. Pero totoo ba iyon? Pag-usapan natin kung tama o mali ang mga pangungusap na binanggit sa naunang pahina at tingnan natin kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa paglilibang.

● Masamang sumali sa isport.

Mali. Sinasabi ng Bibliya na “ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang.” (1 Timoteo 4:8) Ang orihinal na salitang Griego na ginamit ni Pablo sa tekstong ito at isinaling “pagsasanay” ay nangangahulugang ‘pagsasanay ng isang gymnast’ at nauugnay din sa ideya ng pag-eehersisyo. Sa ngayon, maraming iba’t ibang uri ng nakaka-enjoy na isport​—gaya ng skating, pagbibisikleta, tenis, badminton, basketbol, at volleyball​—na maganda rin namang ehersisyo.

Pero ano ang dapat mong tandaan pagdating sa isport? Tingnan natin ang kabuuan ng tekstong sinipi sa itaas. Sa sulat ni apostol Pablo sa kabataang si Timoteo, sinabi niya: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” Ipinaaalaala sa atin ng mga salita ni Pablo na ang dapat na maging pangunahin sa ating buhay ay mapasaya ang Diyos. Para matiyak mong inuuna mo ang makadiyos na debosyon sa iyong buhay​—maging sa pagpili ng isport​—pag-isipan ang mga tanong na ito:

1. Gaano kaya kapanganib ang isport na ito? Huwag basta-basta maniwala sa sabi-sabi o sa kuwento ng ibang kabataan kung gaano kasaya ang isang isport. Kumuha ng impormasyon. Halimbawa: Gaano karami ang naaaksidente sa isport na gusto mo? Anong mga pag-iingat ang kailangang gawin ng mga naglalaro nito? Anong pagsasanay at kagamitan ang kailangan para maging ligtas ang mga naglalaro? Totoo naman na sa halos lahat ng gawain ay may panganib, pero napakalaki ba ng posibilidad na masaktan ka o mamatay sa isport na gusto mo?

Ang buhay ay regalo ng Diyos, at sa Kautusang ibinigay ng Diyos sa mga Israelita, mabigat ang parusa sa mga nakapatay nang di-sinasadya. (Exodo 21:29; Bilang 35:22-25) Kaya sinasabihan ang bayan ng Diyos na palaging maging maingat. (Deuteronomio 22:8) Obligasyon din ng mga Kristiyano sa ngayon na magpakita ng paggalang sa buhay.

2. Maganda ba ang magiging impluwensiya sa akin ng mga makakasama ko sa isport na ito? Kung magaling ka sa isang isport, baka pilitin ka ng mga kasama mo o ng mga titser mo na sumali sa team ng inyong eskuwelahan. Baka naeengganyo ka na rin na pumayag. Ganito ang sabi ng kabataang Kristiyano na si Mark, “Bakit kasi ayaw pumayag ng tatay at nanay ko na sumali ako sa team ng iskul?” Pero sa halip na kumbinsihin ang tatay at nanay mo para mapapayag mo sila, pag-isipan ang mga bagay na ito: Kadalasan, ginaganap ang praktis at ang mismong laro pagkatapos ng klase. Kung magaling kang maglaro, lalo kang pasisiglahin na dagdagan ang panahon mo rito. Kung hindi ka naman masyadong mahusay, baka mapilitan kang magpraktis nang magpraktis. Bukod diyan, kadalasang nagiging malapít sa isa’t isa ang mga magkaka-team, lalo na kapag sama-sama silang nagsasaya sa kanilang mga panalo, at nagdadamayan kapag natatalo sila.

Ngayon, tanungin ang iyong sarili: ‘Makabubuti ba sa akin kung sasali ako sa isang isport na ang makakasama ko at magiging malapít na mga kaibigan ay mga kabataang hindi ko kapananampalataya?’ (1 Corinto 15:33) ‘Ano kaya ang magiging kapalit kung sasali ako sa team ng iskul?’

3. Gaano kalaking pera at panahon ang mauubos ko sa isport na ito? Pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Para masunod mo ang payong ito, tanungin ang iyong sarili: ‘Uubusin kaya ng isport na ito ang panahon ko sa paggawa ng takdang-aralin at sa paglilingkod sa Diyos? Gaano kalaki ang magagastos ko sa isport na ito? Kaya ba ito ng bulsa ko?’ Makakatulong ang mga tanong na ito para mabigyan mo ng priyoridad ang mas mahahalagang bagay.

● Lahat ng pelikula at palabas sa TV ay masamang impluwensiya.

Mali. Inuutusan ng Bibliya ang mga Kristiyano na ‘manghawakang mahigpit sa kung ano ang mainam’ at ‘umiwas mula sa bawat anyo ng kabalakyutan.’ (1 Tesalonica 5:21, 22) Hindi naman lahat ng pelikula at palabas sa TV ay salungat sa utos na ito.a

Masarap talagang manood ng sine kasama ng mga kaibigan. Ganito ang sinabi ng dalagitang si Leigh na taga-Timog Aprika, “Kapag may gusto akong pelikula, tinatawagan ko ang isa sa mga kaibigan ko, at yayayain namin ang iba pa.” Karaniwan na, inaagahan nila ang panonood ng sine. Pagkatapos, susunduin sila ng mga magulang nila, at sama-sama silang kakain sa labas.

Ang mga pelikula at palabas sa TV ay makabagong paraan lamang ng pagkukuwento. Noong nasa lupa si Jesus, kayang-kaya niyang abutin ang puso ng mga tao sa pamamagitan ng pagkukuwento. Halimbawa, ang talinghaga niya hinggil sa madamaying Samaritano ay nakaaantig at nagtuturo ng mahahalagang aral hinggil sa kagandahang-asal.​—Lucas 10:29-37.

Ang mga gumagawa ng pelikula ay may naituturo din na nakaiimpluwensiya sa pananaw ng mga tao hinggil sa moralidad. Gusto nilang magkaroon ng simpatiya ang mga manonood sa mga tauhan sa pelikula​—kahit na ang bida ay isang kriminal o sadistang uhaw sa kapangyarihan. Kung hindi ka maingat, baka hindi mo namamalayang nakikisimpatiya ka na pala sa isang kriminal, anupat sa isip mo ay ipinagtatanggol mo pa ang ginagawa niyang kasamaan o kalupitan! Paano mo maiiwasan ito?

Kapag pumipili ng pelikula o palabas sa TV, tanungin ang iyong sarili: ‘Matutulungan ba ako ng palabas na ito na maging “mahabagin na may paggiliw”?’ (Efeso 4:32) ‘O tuturuan ako nitong magsaya sa masamang nangyayari sa iba?’ (Kawikaan 17:5) ‘Lalo kaya akong mahihirapan na “kapootan ang kasamaan”?’ (Awit 97:10) ‘Hindi kaya nakikisimpatiya na rin ako sa mga “manggagawa ng kasamaan”?’​—Awit 26:4, 5.

Makakatulong ang mga komento ng iba hinggil sa pelikula o mga advertisement para magkaroon ka ng ideya tungkol sa isang pelikula. Pero huwag basta-basta ‘manampalataya sa bawat salita.’ (Kawikaan 14:15) Bakit? Kasi ang mga komento hinggil sa isang pelikula ay personal na opinyon lamang ng ibang tao. At baka sadyang hindi ipakita sa advertisement ang pangit na mga eksena ng isang pelikula. Ganito ang sabi ng kabataang si Connie: “Mabuting alamin kung sino ang mga pangunahing gaganap sa pelikula para magkaroon ka ng ideya kung tungkol saan ito.”

Baka alam ng iba pang kabataang kapananampalataya mo kung angkop sa mga Kristiyano ang isang pelikula. Pero gaya ng karaniwang nangyayari, baka ang sabihin lamang nila ay ang nagugustuhan nila sa pelikula. Kaya bakit hindi mo tanungin kung ano ang hindi maganda sa pelikulang ito? Maging espesipiko. Halimbawa, tanungin sila kung mayroon bang mga eksenang marahas, mahalay, o may bahid ng espiritismo. Maganda rin kung makikinig ka sa payo ng mga magulang mo. Ganito ang sabi ng kabataang si Vanessa: “Nagtatanong ako sa mga magulang ko. Pinanonood ko lang ang isang pelikula kung okey ito sa kanila.”

Dapat na maging maingat ka sa pagpili ng pelikula o palabas sa TV. Bakit? Dahil kung ano ang pinipili mong panoorin, iyon din ang nasa puso mo at ipinakikita nito kung ano ang mahalaga sa iyo. (Lucas 6:45) Makikita sa pagpili mo kung sino ang gusto mong mga kasama, kung anong mga pananalita ang katanggap-tanggap sa iyo, at kung ano ang iyong mga pamantayang moral. Kaya maging mapamili ka!

● Lahat ng sayaw ay masama.

Mali. Nang makatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula at makaligtas sa mga sundalong Ehipsiyo, pinangunahan ni Miriam ang mga kababaihan sa pagsasayaw bilang pagdiriwang sa kanilang pagkaligtas. (Exodo 15:20) Sa isang talinghaga naman ni Jesus, nagkaroon ng kasayahan na may “konsyerto ng musika at sayawan” nang magbalik ang alibughang anak.​—Lucas 15:25.

Ganiyan din sa ngayon. Sa maraming kultura, kapag may salu-salo ang magkakapamilya at magkakaibigan, nag-e-enjoy ang mga bata at matanda sa pagsasayaw. Pero kailangan ding mag-ingat. Hindi naman ipinagbabawal ng Bibliya ang simpleng salu-salo, pero nagbababala ito laban sa “walang-taros na pagsasaya,” o “magugulong parti.” (Galacia 5:19-21; Byington) Ganito ang isinulat ni propeta Isaias: “Sa aba ng mga maagang bumabangon sa kinaumagahan upang makapaghanap lamang sila ng nakalalangong inumin, na nagtatagal hanggang sa kadiliman ng gabi anupat pinagniningas sila ng alak! At dapat na may alpa at panugtog na de-kuwerdas, tamburin at plawta, at alak sa kanilang mga piging; ngunit ang gawain ni Jehova ay hindi nila tinitingnan.”​—Isaias 5:11, 12.

May magulong tugtugan at bumabaha ng “nakalalangong inumin” sa gayong mga pagtitipon. Maaga na nga silang nagsimula, inaabot pa sila nang hatinggabi. Pansinin din ang ugali ng mga naroroon​—gumagawi sila na para bang walang Diyos na nakakakita sa kanila! Kaya hindi nakapagtatakang kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga pagtitipon.

Kung inanyayahan kang dumalo sa isang parting may sayawan, tanungin ang iyong sarili: ‘Sinu-sino ang iba pang inanyayahan? Ano ang reputasyon nila? Sino ang mangangasiwa? Ano ang mga kaayusan? Payag ba ang mga magulang ko na pumunta ako sa parting iyon? Ano ang mga sasayawin?’ Marami sa mga sayaw ay dinisenyo para pumukaw ng maling mga pagnanasa. Kung makikisayaw ka o kahit na manonood lang sa iba, matutulungan ka kayang “tumakas mula sa pakikiapid”?​—1 Corinto 6:18.

Paano kung niyaya kang pumunta sa isang disco para magsayaw? Pansinin ang sinabi ng kabataang si Shawn na dating laman ng disco bago siya maging Kristiyano. Ganito ang sabi niya: “Karaniwan nang napakahalay ng musika at napakalaswa ng sayaw. Iisa lang ang motibo ng mga taong nagpupunta roon.” Sabi ni Shawn, gusto lang ng mga ito na maghanap ng makaka-sex. Nagbago si Shawn matapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ayon sa kaniya: “Hindi para sa mga Kristiyano ang gayong mga lugar.”

Bakit Dapat Mag-ingat?

Sa palagay mo, kailan mas madaling salakayin ang isang sundalo​—kapag nasa aktuwal na digmaan o kapag nagrerelaks siya kasama ng kaniyang mga kaibigan? Siyempre kapag nagrerelaks siya at hindi alisto. Sa katulad na paraan, kapag nasa paaralan ka o nasa trabaho, ingat na ingat kang kumilos para makaiwas ka sa masasamang gawain. Alisto ka sa posibleng mga panganib. Pero kapag nagrerelaks kang kasama ng iyong mga kaibigan, mas madali kang madala ng tukso.

Baka kantiyawan ka ng mga kaedaran mo dahil sumusunod ka sa mataas na mga pamantayang moral ng Bibliya pagdating sa paglilibang. Baka nga kung minsan, mga kabataan pang pinalaki ng Kristiyanong mga magulang ang mangantiyaw sa iyo. Pero manhid na ang budhi ng gayong mga kabataan. (1 Timoteo 4:2) Baka sabihin nilang panatiko ka at nagmamalinis. Pero sa halip na magpadala sa panggigipit nila, ‘magtaglay ka ng isang mabuting budhi.’​—1 Pedro 3:16.

Mas mahalaga kung ano ang tingin sa iyo ni Jehova kaysa sa tingin sa iyo ng mga kaedaran mo! At kung kinakantiyawan ka ng mga kaibigan mo dahil nakikinig ka sa sinasabi ng budhi mo, panahon na para humanap ka ng bagong mga kaibigan. (Kawikaan 13:20) Tandaan mo, nasa iyo ang pagpapasiya kung patuloy kang susunod sa mga pamantayang moral ng Bibliya sa lahat ng panahon, kahit na ikaw ay naglilibang.​—Kawikaan 4:23.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 37

SA SUSUNOD NA KABANATA

Mas laganap ngayon at mas madaling makakuha ng pornograpikong mga materyal. Paano ka makakaiwas dito?

[Talababa]

a Para sa higit na impormasyon, tingnan ang Tomo 1, kabanata 36.

TEMANG TEKSTO

“Magsaya ka, binata, sa iyong kabataan, . . . at lumakad ka sa mga lakad ng iyong puso at sa mga bagay na nakikita ng iyong mga mata. Ngunit alamin mo na dahil sa lahat ng ito ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.”​—Eclesiastes 11:9.

TIP

Tanungin ang iyong mga magulang kung maaari silang gumawa ng regular na iskedyul bawat buwan kung kailan puwedeng magkasayahan ang buong pamilya sa halip na manood ng TV.

ALAM MO BA . . . ?

Para sa mga Israelita, mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba ang sayaw at musika.​—Awit 150:4.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung niyayaya akong sumali sa team ng isang isport sa paaralan, ang sasabihin ko ay ․․․․․

Kung napansin kong hindi pala angkop sa isang Kristiyano ang pelikulang pinanonood naming magkakaibigan, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit dapat iwasan ng mga Kristiyano ang mapanganib na mga isport?

● Paano mo malalaman kung angkop sa mga Kristiyano ang isang pelikula?

● Paano mo malalaman kung angkop sa mga Kristiyano ang isang sayaw?

[Blurb sa pahina 269]

“Mahilig akong sumayaw, pero alam kong mahalagang makinig ako sa payo ng mga magulang ko. Hindi ko ginawang sentro ng buhay ko ang pagsasayaw.”​—Tina

[Larawan sa pahina 268]

Mas madaling salakayin ang isang sundalo kung nagrerelaks siya at hindi alisto​—mas madali ka ring madala ng tukso kapag nagrerelaks ka

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share