Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • bm seksiyon 7 p. 10
  • Iniligtas ng Diyos ang Israel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Iniligtas ng Diyos ang Israel
  • Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
  • Kaparehong Materyal
  • Inaalam ang mga Daan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Aklat ng Bibliya Bilang 2—Exodo
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Moises
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pinili ni Moises na Sambahin si Jehova
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
bm seksiyon 7 p. 10
Si Moises dala ang dalawang tapyas ng bato na nagsasaad ng Sampung Utos

SEKSIYON 7

Iniligtas ng Diyos ang Israel

Nagpasapit si Jehova ng salot sa Ehipto, at inilabas ni Moises ang mga Israelita mula sa lupaing iyon. Sa pamamagitan ni Moises, ibinigay ng Diyos ang Kautusan sa Israel

SA LOOB ng maraming taon, ang mga Israelita ay patuloy na umunlad at dumami sa Ehipto. Pero nagkaroon ng isang bagong Paraon. Hindi nito kilala si Jose. Nang mapansin ng malupit na tagapamahalang ito ang patuloy na pagdami ng mga Israelita, ginawa niyang alipin ang mga ito at iniutos niyang lunurin sa Ilog Nilo ang lahat ng kanilang bagong-silang na lalaking sanggol. Pero isang ina ang naglakas-loob na iligtas ang kaniyang sanggol. Inilagay niya ito sa isang basket at itinago sa gitna ng mga tambo sa Ilog Nilo. Nakita ng anak na babae ni Paraon ang sanggol, pinangalanan niya itong Moises, at pinalaki kasama ng mga maharlikang Ehipsiyo.

Si Moises ay 40 taóng gulang nang masangkot siya sa gulo dahil sa pagtatanggol sa isang aliping Israelita mula sa isang Ehipsiyong tagapag-utos. Tumakas si Moises at nanirahan na lamang sa isang malayong lupain. Pagtuntong niya nang 80, pinabalik siya ni Jehova sa Ehipto para humarap kay Paraon at hingin ang kalayaan ng bayan ng Diyos.

Ayaw pumayag ni Paraon. Kaya ang Diyos ay nagpasapit ng sampung salot sa Ehipto. Tuwing haharap si Moises kay Paraon para mapapayag ito at maiwasan ang susunod na salot, nagmamatigas si Paraon at binabale-wala si Moises at ang Diyos nitong si Jehova. Nang dakong huli, sa ikasampung salot, pinatay ng anghel ng Diyos ang lahat ng panganay sa lupain​—pero hindi ang panganay ng mga pamilyang sumunod kay Jehova at nagpahid ng dugo ng inihaing kordero sa poste ng kanilang pinto. Nilampasan ng anghel ang bahay ng mga pamilyang ito. Ang kamangha-manghang pagliligtas na ito ay ipinagdiwang ng mga Israelita sa pamamagitan ng isang taunang selebrasyon na tinatawag na Paskuwa.

Nang mamatay ang panganay ni Paraon, pinalayas niya si Moises at ang lahat ng Israelita. Dali-dali silang naghanda sa pag-alis. Pero nagbago ng isip si Paraon. Tinipon niya ang kaniyang mga mandirigma at mga karo at hinabol nila ang mga Israelita. Parang sukól na ang mga Israelita sa baybayin ng Dagat na Pula. Pero hinati ni Jehova ang dagat at nakadaan ang mga Israelita sa tuyong lupa sa pagitan ng magkabilang pader na tubig! Maaabutan na sana sila ng mga Ehipsiyo, pero pinabagsak ng Diyos ang mga pader na tubig at nalunod si Paraon at ang kaniyang hukbo.

Nang maglaon, habang nagkakampo ang mga Israelita sa paanan ng Bundok Sinai, nakipagtipan sa kanila si Jehova. Sa pamamagitan ni Moises, nagbigay ang Diyos ng kautusan sa Israel bilang gabay at proteksiyon sa bawat pitak ng buhay. Hangga’t tapat na nagpapasakop ang Israel sa pamamahala ng Diyos, sasakanila si Jehova at magiging pagpapala sila sa iba.

Pero nakalulungkot, karamihan sa mga Israelita ay kulang ng pananampalataya sa Diyos. Dahil dito, hinayaan sila ni Jehova na magpagala-gala sa iláng sa loob ng 40 taon. Pagkaraan, inatasan ni Moises ang matuwid na si Josue bilang kahalili niya. Sa wakas, handa nang pumasok ang mga Israelita sa lupaing ipinangako ng Diyos kay Abraham.

​—Batay sa Exodo; Levitico; Bilang; Deuteronomio; Awit 136:10-15; Gawa 7:17-36.

  • Paano ginamit ng Diyos si Moises para iligtas ang Israel?

  • Bakit nagdiriwang ng Paskuwa ang mga Israelita?

  • Paano pinalaya ni Jehova ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto?

ANG PINAKADAKILANG KAUTUSAN

Ang Sampung Utos na siguro ang pinakapopular sa humigit-kumulang 600 kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Mababasa ito sa Exodo 20:1-17. Pero nang tanungin si Jesu-Kristo kung alin sa mga kautusan ng Diyos ang pinakadakila sa lahat, ito ang pinili niya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.”​—Marcos 12:28-30; Deuteronomio 6:5.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share