SEKSIYON 3
Kung Paano Lulutasin ang mga Problema
“Magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”—1 Pedro 4:8
Sa pagsasama ninyong mag-asawa, babangon ang iba’t ibang problema. Maaaring dahil ito sa magkaiba kayo ng iniisip, nadarama, at paraan ng pagharap sa buhay. O baka wala naman sa inyong dalawa ang problema, baka galing sa ibang bagay o sa di-inaasahang mga pangyayari.
Baka matukso tayong takasan ang realidad ng buhay. Pero pinapayuhan tayo ng Bibliya na harapin ang mga problema. (Mateo 5:23, 24) Sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, malulutas mo ang iyong mga problema.
1 PAG-USAPAN ANG PROBLEMA
ANG SABI NG BIBLIYA: “May . . . panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Siguraduhing maglaan ng panahon para pag-usapan ang problema. Sabihin kung ano ang talagang nadarama at iniisip mo. Laging “magsalita . . . ng katotohanan” sa iyong kabiyak. (Efeso 4:25) Kahit inis na inis ka na, pigilan mong magalit. Kung mahinahon ang pagsagot, hindi mauuwi sa away ang simpleng pag-uusap.—Kawikaan 15:4; 26:20.
Kahit hindi ka sang-ayon, maging mabait at magpakita ng pag-ibig at paggalang. (Colosas 4:6) Sikaping malutas agad ang problema hangga’t maaari, at huwag magsawalang-kibo.—Efeso 4:26.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Magtakda ng angkop na panahon para pag-usapan ang problema
Kapag ikaw na ang makikinig, iwasang sumabad. May panahon ka ring magsalita
2 MAKINIG AT UNAWAIN
ANG SABI NG BIBLIYA: “Magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Napakahalaga kung paano ka nakikinig. Sikaping unawain ang pananaw ng iyong asawa at maging “mapagpakumbaba.” (1 Pedro 3:8; Santiago 1:19) Huwag magkunwaring nakikinig. Kung posible, itigil ang ginagawa mo at ibigay ang buong pansin sa iyong kabiyak, o itanong kung puwede ninyo itong pag-usapan mamaya. Kung ituturing mong kakampi ang iyong asawa sa halip na kalaban, ‘hindi ka madaling maghihinanakit.’—Eclesiastes 7:9.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Makinig at buksan ang isip kahit hindi mo gusto ang naririnig mo
Huwag lang pakinggan ang mga salita. Unawain ang gusto niyang sabihin. Tingnan ang kaniyang kilos, galaw ng mata, at tono ng boses
3 GAWIN ANG NAPAGPASIYAHAN
ANG SABI NG BIBLIYA: “Sa bawat uri ng pagpapagal ay may kapakinabangan, ngunit ang salita lamang ng mga labi ay humahantong sa kakapusan.” (Kawikaan 14:23) Hindi sapat na nakabuo kayo ng magandang solusyon. Kailangan ninyong gawin ang inyong napagpasiyahan. Baka hindi ito madali, kaya kailangan ninyo talagang magsikap. Pero sulit naman. (Kawikaan 10:4) Kung magtutulungan kayo, tatanggap kayo ng “mabuting gantimpala” dahil sa inyong pagsisikap.—Eclesiastes 4:9.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Isipin ang praktikal na mga hakbang na magagawa ng bawat isa sa inyo para malutas ang problema
Paminsan-minsan, tingnan kung ano na ang nagagawa ninyo