Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • hf seksiyon 8 mga bahagi 1-3
  • Kapag May Nangyaring Trahedya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag May Nangyaring Trahedya
  • Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • 1 MAGTIWALA KAY JEHOVA
  • 2 ALAGAAN ANG SARILI AT ANG IYONG PAMILYA
  • 3 HUMINGI NG TULONG
  • Ano ang Puwede Mong Gawin Kapag Bigla Kang Nagkasakit?
    Iba Pang Paksa
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Binabantayan ni Jehova ang Bayan Niya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Kung Paano Makasusumpong ng Pag-asa sa Kabila ng Pagkasira ng Loob
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya
hf seksiyon 8 mga bahagi 1-3
Mag-asawang nagdadalamhati sa pagkamatay ng anak

SEKSIYON 8

Kapag May Nangyaring Trahedya

“Labis kayong nagsasaya, bagaman sa loob ng kaunting panahon sa kasalukuyan, kung mangyari man, ay pinipighati kayo ng iba’t ibang pagsubok.”​—1 Pedro 1:6

Kahit ginagawa mo ang lahat para maging masaya kayong mag-asawa at ang inyong pamilya, maaaring mangyari ang mga di-inaasahang bagay na magdudulot ng kalungkutan. (Eclesiastes 9:11) Sa gayong kalagayan, nariyan ang pag-alalay ng ating maibiging Diyos. Kung susundin mo ang mga simulain sa Bibliya, makakayanan ninyo kahit ang pinakagrabeng sitwasyon.

1 MAGTIWALA KAY JEHOVA

ANG SABI NG BIBLIYA: ‘Ihagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ (1 Pedro 5:7) Tandaan, hindi dapat sisihin ang Diyos sa mga pagsubok na dinaranas ninyo. (Santiago 1:13) Miyentras mas malapít kayo sa kaniya, mas matutulungan niya kayo. (Isaias 41:10) “Sa harap niya ay ibuhos ninyo ang inyong puso.”​—Awit 62:8.

Malaking tulong din ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya araw-araw. Sa paggawa nito, madarama mo kung paanong si Jehova ay ‘umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Corinto 1:3, 4; Roma 15:4) Nangangako siyang bibigyan ka niya ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”​—Filipos 4:6, 7, 13.

Isang amang naospital na nananalanging kasama ng pamilya

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Ipanalangin kay Jehova na tulungan kang maging kalmado at makapag-isip nang malinaw

  • Pag-aralan ang lahat ng iyong opsyon at piliin ang pinakamagandang magagawa mo

2 ALAGAAN ANG SARILI AT ANG IYONG PAMILYA

ANG SABI NG BIBLIYA: “Ang puso ng isa na may-unawa ay nagtatamo ng kaalaman, at ang tainga ng marurunong ay humahanap ng kaalaman.” (Kawikaan 18:15) Pag-aralang mabuti ang sitwasyon. Alamin ang pangangailangan ng bawat isa sa pamilya. Kausapin at pakinggan sila.​—Kawikaan 20:5.

Paano kung mamatay ang isang mahal mo sa buhay? Huwag pigilan ang iyong pagdadalamhati. Maging “si Jesus ay lumuha.” (Juan 11:35; Eclesiastes 3:4) Mahalaga ring magpahinga at matulog. (Eclesiastes 4:6) Makatutulong ito para madali mong maharap ang nakapipighating sitwasyon.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Bago pa man dumating ang trahedya, laging makipag-usap sa iyong pamilya. Kapag bumangon ang mga problema, hindi magiging mahirap sa kanila na kausapin ka

  • Makipag-usap sa iba na napaharap sa gayon ding sitwasyon

3 HUMINGI NG TULONG

ANG SABI NG BIBLIYA: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Gusto kang tulungan ng mga kaibigan mo, pero baka hindi nila alam kung paano. Huwag mahiyang magsabi ng talagang kailangan mo. (Kawikaan 12:25) Lumapit din sa mga nakauunawa sa mga simulain ng Bibliya para mabigyan ka ng payo na makatutulong sa iyo.​—Santiago 5:14.

Makakayanan mo ang problema kung regular kang makikisama sa mga talagang nananampalataya sa Diyos at nagtitiwala sa kaniyang pangako. Magiging masaya ka kung tutulong ka sa iba na nangangailangan ng pampatibay-loob. Sabihin sa kanila kung bakit nagtitiwala ka kay Jehova at sa mga pangako niya. Maging abala sa pagtulong sa iba, at huwag ibukod ang sarili sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa iyo.​—Kawikaan 18:1; 1 Corinto 15:58.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Makipag-usap sa isang matalik na kaibigan at tanggapin ang tulong niya

  • Espesipikong sabihin ang talagang kailangan mo

MAS MAHALAGA KAYSA SA IYONG PROBLEMA

Kahit masyadong nabibigatan ka na, huwag kalimutan ang Diyos. Sinabi ni Job noong nagdurusa siya: “Patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.” (Job 1:21, 22) Gaya ni Job, isiping mas mahalaga ang pangalan at kalooban ni Jehova kaysa sa iyong pinagdaraanan. Kapag hindi nangyari ang inaasahan mo, huwag mawalan ng pag-asa. Lubusang magtiwala sa Diyos. “‘Nalalaman kong lubos ang mga kaisipan na iniisip ko tungkol sa inyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘mga kaisipang ukol sa kapayapaan, at hindi ukol sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng kinabukasan at pag-asa.’”​—Jeremias 29:11.

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Lubos ba akong nagtitiwala kay Jehova kahit sa maliliit na bagay?

  • Ano ang mga dahilan ko para pasalamatan ang kabutihan ni Jehova araw-araw?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share