Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • lvs kab. 15 p. 200-212
  • Maging Masaya sa Trabaho Mo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maging Masaya sa Trabaho Mo
  • Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Basahin sa Pag-ibig ng Diyos
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG DALAWANG PINAKADAKILANG MANGGAGAWA
  • ANO ANG DAPAT NA MAGING TINGIN NATIN SA TRABAHO?
  • ANONG TRABAHO ANG DAPAT KONG PILIIN?
  • ‘TIYAKIN KUNG ANO ANG MAS MAHAHALAGANG BAGAY’
  • ANG PINAKAMAHALAGANG GAWAIN NATIN
  • Kung Paano Masisiyahan sa Mabibigat na Trabaho
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Kung Bakit Kailangan Tayong Magtrabaho
    Matuto Mula sa Dakilang Guro
  • Magtamasa ng Kabutihan Dahil sa Lahat ng Iyong Pagpapagal
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2016
  • Trabaho
    Gumising!—2015
Iba Pa
Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
lvs kab. 15 p. 200-212
Nagpapatotoo ang brother sa isang katrabaho niya

KABANATA 15

Maging Masaya sa Trabaho Mo

“Ang bawat isa ay dapat . . . masiyahan sa lahat ng pinaghirapan niya.”—ECLESIASTES 3:13.

1-3. (a) Ano ang nadarama ng marami tungkol sa trabaho nila? (b) Anong mga tanong ang sasagutin sa kabanatang ito?

ANG mga tao sa buong mundo ay nagsisikap magtrabaho para suportahan ang sarili nila at ang pamilya nila. Hindi gusto ng marami ang trabaho nila, at may mga natatakot pa ngang pumasok sa trabaho araw-araw. Kung ganiyan ang nadarama mo, ano ang makakatulong sa iyo para maging masaya sa trabaho mo? Paano ka masisiyahan sa trabaho mo?

2 Sinasabi sa atin ni Jehova: “Ang bawat isa ay dapat kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng pinaghirapan niya. Regalo iyan ng Diyos.” (Eclesiastes 3:13) Nilalang tayo ni Jehova na may pangangailangan at kagustuhang magtrabaho. Gusto niyang masiyahan tayo sa ginagawa natin.—Basahin ang Eclesiastes 2:24; 5:18.

3 Kaya ano ang makakatulong sa atin na maging masaya sa ginagawa natin? Anong klase ng trabaho ang dapat iwasan ng mga Kristiyano? Paano tayo magiging balanse sa trabaho at sa pagsamba natin kay Jehova? At ano ang pinakamahalagang gawain na puwede nating gawin?

ANG DALAWANG PINAKADAKILANG MANGGAGAWA

4, 5. Ano ang tingin ni Jehova sa paggawa?

4 Gustong-gusto ni Jehova na gumawa. Sinasabi ng Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Matapos gawin ng Diyos ang lupa at ang lahat ng nandito, sinabi niya na ang lahat ng ginawa niya ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Ang Maylalang natin ay nasiyahan sa mga ginawa niya.—1 Timoteo 1:11.

5 Hindi tumitigil si Jehova sa paggawa. Sinabi ni Jesus: “Ang Ama ko ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon.” (Juan 5:17) Hindi natin alam ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ginagawa ni Jehova, pero alam natin ang ilan sa mga ito. Pumipili na siya ng mga mamamahalang kasama ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa Kaharian. (2 Corinto 5:17) Patuloy ring ginagabayan at pinangangalagaan ni Jehova ang mga tao. Dahil sa pangangaral sa buong mundo, milyon-milyon ang nakakakilala kay Jehova at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa.—Juan 6:44; Roma 6:23.

6, 7. Anong klase ng manggagawa si Jesus?

6 Gaya ng kaniyang Ama, gustong-gusto ring gumawa ni Jesus. Bago siya bumaba sa lupa, si Jesus ang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos na kasama Niyang lumalang ng lahat ng bagay sa langit at sa lupa. (Kawikaan 8:22-31; Colosas 1:15-17) Noong nasa lupa si Jesus, patuloy siyang gumagawa. Noong kabataan siya, naging mahusay siyang karpintero, at malamang na gumawa siya ng bahay at mga gamit sa bahay. Napakahusay gumawa ni Jesus kaya nakilala siya bilang “ang karpintero.”—Marcos 6:3.

7 Pero ang pinakamahalagang gawain ni Jesus sa lupa ay ang pangangaral ng mabuting balita at pagtuturo sa mga tao tungkol kay Jehova. May tatlo at kalahating taon siya para tapusin ang ministeryo niya, at masipag siyang gumagawa mula umaga hanggang gabi. (Lucas 21:37, 38; Juan 3:2) Daan-daang kilometro ang nilakad ni Jesus sa maalikabok na mga kalsada para maipangaral ang mabuting balita sa pinakamaraming tao.—Lucas 8:1.

8, 9. Bakit masaya si Jesus sa mga gawain niya?

8 Para kay Jesus, ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay parang pagkain. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng lakas. May mga araw na hindi nakakakain si Jesus dahil napakasipag niya. (Juan 4:31-38) Sinusulit niya ang bawat pagkakataon para turuan ang iba tungkol sa kaniyang Ama. Kaya naman masasabi niya kay Jehova: “Naluwalhati kita sa lupa dahil tinapos ko ang gawain na ibinigay mo sa akin.”—Juan 17:4.

9 Maliwanag, masipag sa paggawa si Jehova at si Jesus at masaya sila sa mga ginagawa nila. Gusto nating ‘tularan ang Diyos,’ at ‘sundang mabuti ang mga yapak’ ni Jesus. (Efeso 5:1; 1 Pedro 2:21) Kaya gusto nating maging masipag at gawin ang buong makakaya natin.

ANO ANG DAPAT NA MAGING TINGIN NATIN SA TRABAHO?

10, 11. Ano ang makakatulong sa atin na maging positibo tungkol sa trabaho natin?

10 Bilang mga lingkod ni Jehova, nagtatrabaho tayong mabuti para sa sarili natin at sa ating pamilya. Gusto nating masiyahan sa trabaho, pero hindi ito madali. Kaya ano ang puwede nating gawin kung hindi tayo masaya sa trabaho natin?

Masaya sa pagtatrabaho ang brother

Kapag positibo ka, mas magiging masaya ka sa anumang trabaho

11 Maging positibo. Hindi man natin mabago kung ano ang trabaho natin o kung gaano ito karami, puwede naman nating baguhin ang pananaw natin. Makakatulong kung alam natin ang inaasahan ni Jehova sa atin. Halimbawa: Inaasahan ni Jehova sa ulo ng pamilya na gagawin nito ang lahat para paglaanan ang pamilya niya. Sinasabi ng Bibliya na ang hindi naglalaan sa pamilya ay “mas masahol pa sa walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Kung ulo ka ng pamilya, tiyak na nagsisikap kang maglaan sa pamilya mo. Gusto mo man o hindi ang trabaho mo, alam mong kapag naglalaan ka sa pamilya mo, napapasaya mo rin si Jehova.

Masaya sa pagtatrabaho ang sister

12. Paano tayo nakikinabang kapag masipag at tapat tayo?

12 Maging masipag at tapat. Matutulungan ka nitong maging masaya sa trabaho mo. (Kawikaan 12:24; 22:29) Magtitiwala sa iyo ang boss mo. Pinahahalagahan ng mga employer ang mga tapat na empleado dahil hindi sila magnanakaw ng pera, materyales, o oras. (Efeso 4:28) At ang mas mahalaga, alam ni Jehova kapag masipag ka at tapat. Magiging “malinis ang konsensiya” mo dahil alam mong napapasaya mo ang Diyos na minamahal mo.—Hebreo 13:18; Colosas 3:22-24.

Nagpapatotoo ang brother sa isang katrabaho niya

13. Ano pa ang puwedeng maging epekto kapag tapat tayo sa trabaho?

13 Isiping makapagbibigay ng kapurihan kay Jehova ang paggawi mo sa trabaho. Isa pang dahilan ito para maging masaya tayo sa trabaho. (Tito 2:9, 10) Baka mag-aral pa nga ng Bibliya ang isa sa mga katrabaho mo dahil sa mabuti mong paggawi.—Basahin ang Kawikaan 27:11; 1 Pedro 2:12.

ANONG TRABAHO ANG DAPAT KONG PILIIN?

14-16. Ano ang kailangang pag-isipan kapag pumipili ng trabaho?

14 Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng listahan ng mga trabahong katanggap-tanggap o di-katanggap-tanggap sa isang Kristiyano. Pero may mga prinsipyo ito na makakatulong sa atin na magdesisyon nang tama tungkol sa trabaho. (Kawikaan 2:6) Sa tulong ng mga prinsipyo sa Bibliya, itanong sa sarili ang sumusunod na tanong.

Tumitingin ang brother sa diyaryo at iniisip kung anong trabaho ang pipiliin niya

Maghanap ng trabaho na hindi lalabag sa pamantayan ni Jehova

15 Malalabag ko ba ang mga utos ni Jehova sa trabahong ito? Natutuhan natin kung anong mga gawain ang kinapopootan ni Jehova, gaya ng pagnanakaw at pagsisinungaling. (Exodo 20:4; Gawa 15:29; Efeso 4:28; Apocalipsis 21:8) Kaya iniiwasan natin ang anumang trabaho na labag sa pamantayan ni Jehova.—Basahin ang 1 Juan 5:3.

16 Sinusuportahan ba ng trabahong ito ang isang gawaing kinapopootan ni Jehova? Halimbawa, paano kung inalok kang magtrabaho sa tindahan ng sigarilyo? Wala namang masama sa pagtitinda. Pero alam mo kung ano ang tingin ni Jehova sa paninigarilyo. Kaya kahit hindi ka naman naninigarilyo, baka tinuturuan mo silang maging ‘marumi sa laman.’—2 Corinto 7:1.

17. Ano ang makakatulong sa atin na gumawa ng desisyong magpapasaya sa Diyos?

17 Sa pagsunod sa mga prinsipyo ng Diyos, magiging gaya tayo ng mga taong inilalarawan sa Hebreo 5:14, na “sa paggamit sa kanilang kakayahang umunawa, sinanay nila itong makilala ang tama at mali.” Tanungin ang sarili: ‘Kung tatanggapin ko ang trabahong ito, may matitisod ba? Kailangan ba sa trabahong ito na mag-abroad ako at iwan ang pamilya ko? Ano ang magiging epekto nito sa kanila?’

‘TIYAKIN KUNG ANO ANG MAS MAHAHALAGANG BAGAY’

18. Bakit hindi madaling manatiling nakapokus sa pagsamba natin?

18 Hindi madaling unahin ang pagsamba kay Jehova sa panahong ito na “mapanganib at mahirap ang kalagayan.” (2 Timoteo 3:1) Mahirap maghanap ng trabaho at manatili rito. Kailangan nating pangalagaan ang pamilya natin, pero alam natin na dapat nating unahin ang pagsamba natin. Hindi natin gagawing pinakamahalaga sa buhay natin ang materyal na mga bagay. (1 Timoteo 6:9, 10) Kaya paano natin ‘titiyakin kung ano ang mas mahahalagang bagay’ at kasabay nito ay makapaglalaan pa rin tayo sa pamilya natin?—Filipos 1:10, talababa.

19. Paano tayo matutulungan ng pagtitiwala kay Jehova na maging balanse sa trabaho?

19 Lubusang magtiwala kay Jehova. (Basahin ang Kawikaan 3:5, 6.) Alam natin na alam ng Diyos ang lahat ng kailangan natin at mahal na mahal niya tayo. (Awit 37:25; 1 Pedro 5:7) Sinasabi sa atin ng Salita niya: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera, at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo. Dahil sinabi [ng Diyos]: ‘Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.’” (Hebreo 13:5) Ayaw ni Jehova na lagi tayong nag-aalala sa ilalaan natin sa pamilya natin. Paulit-ulit niyang ipinapakita na kaya niyang ibigay ang pangangailangan ng mga lingkod niya. (Mateo 6:25-32) Anuman ang sitwasyon sa trabaho natin, regular tayong nag-aaral ng Salita ng Diyos, nangangaral ng mabuting balita, at dumadalo sa Kristiyanong mga pulong.—Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25.

20. Paano natin mapananatiling simple ang buhay natin?

20 Manatiling nakapokus. (Basahin ang Mateo 6:22, 23.) Para makapagpokus sa paglilingkod kay Jehova, kailangan mong panatilihing simple ang buhay mo. Alam nating hindi katalinuhan na maging mas mahalaga pa sa atin ang pera, magandang pamumuhay, o pinakabagong mga gadyet kaysa sa pakikipagkaibigan natin sa Diyos. Kaya ano ang tutulong sa atin na unahin ang mas mahahalagang bagay? Huwag mangutang hangga’t maaari. Kung may mga utang ka na, magplano kung paano mo ito unti-unting mababayaran o kung paano ito mababayaran nang buo. Kung hindi tayo mag-iingat, uubusin ng materyal na mga bagay ang panahon at lakas natin, at baka mawalan na tayo ng panahon para manalangin, mag-aral, o mangaral. Imbes na gawing komplikado ang buhay dahil sa materyal na mga bagay, gusto nating maging kontento sa mga pangunahing pangangailangan, gaya ng “pagkain at damit.” (1 Timoteo 6:8) At anuman ang sitwasyon natin, magsuri tayo paminsan-minsan kung paano pa natin mas mapaglilingkuran si Jehova.

21. Bakit kailangan nating piliin kung ano ang magiging pinakamahalaga sa buhay natin?

21 Magkaroon ng tamang priyoridad. Kailangan nating gamitin sa matalinong paraan ang ating panahon, lakas, at mga pag-aari. Kung hindi tayo mag-iingat, baka maubos ang panahon natin sa mga bagay na hindi masyadong mahalaga, gaya ng edukasyon o pera. Sinabi ni Jesus: “Patuloy ninyong unahin ang Kaharian.” (Mateo 6:33) Makikita sa ating mga pinipili, ginagawa sa araw-araw, at tunguhin kung ano ang pangunahin sa puso natin.

ANG PINAKAMAHALAGANG GAWAIN NATIN

22, 23. (a) Ano ang pinakamahalagang gawain natin bilang Kristiyano? (b) Ano ang tutulong sa atin na maging masaya sa trabaho?

22 Ang pinakamahalagang gawain natin ay ang maglingkod kay Jehova at ipangaral ang mabuting balita sa iba. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Gaya ni Jesus, gusto nating gawin ang buong makakaya natin para sa gawaing ito. Ang ilan ay lumilipat sa lugar na malaki ang pangangailangan. May mga nag-aaral ng ibang wika para makapangaral sa mga nagsasalita ng wikang iyon. Tanungin ang mga nakagawa na nito. Ikukuwento nila sa iyo kung paano naging mas masaya at makabuluhan ang buhay nila nang gawin nila iyon.—Basahin ang Kawikaan 10:22.

Mag-asawang nangangaral

Ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamahalagang gawain natin

23 Sa ngayon, marami sa atin ang umuubos ng maraming oras sa isang trabaho o ilang trabaho pa nga para lang makapaglaan ng pangunahing pangangailangan ng pamilya. Alam ito ni Jehova, at pinapahalagahan niya ang ginagawa natin para alagaan ang ating pamilya. Kaya patuloy nating tularan si Jehova at si Jesus sa pagiging masipag, anuman ang ginagawa natin. At tandaan nawa natin na ang pinakamahalagang gawain natin ay ang paglingkuran si Jehova at ipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa paggawa nito, magiging tunay na maligaya tayo.

MGA PRINSIPYO SA BIBLIYA

1 NILALANG NI JEHOVA ANG TAO NA MAY KAGUSTUHANG MAGTRABAHO

“Ang bawat isa ay dapat kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng pinaghirapan niya. Regalo iyan ng Diyos.”—Eclesiastes 3:13

Bakit masasabing regalo sa atin ng Diyos ang trabaho?

  • Genesis 1:1, 31; Eclesiastes 2:24; Juan 5:17

    Patuloy na gumagawa si Jehova. Masaya siya sa ginagawa niya at gusto niyang masiyahan din tayo sa mga ginagawa natin.

  • Kawikaan 8:22-31; Colosas 1:15-17

    Masipag din sa paggawa si Jesus, sa langit man o sa lupa.

  • Marcos 6:3; Lucas 21:37, 38; Juan 4:31-38; 17:4

    Mahusay magtrabaho si Jesus at tinatapos niya ang atas niya kahit hindi ito laging madali.

2 PUWEDE NATING BAGUHIN ANG TINGIN NATIN SA TRABAHO

“Nakakita ka na ba ng taong mahusay sa gawain niya? Tatayo siya sa harap ng mga hari.”—Kawikaan 22:29

Ano ang makakatulong para masiyahan tayo sa trabaho natin?

  • Kawikaan 12:24; Colosas 3:22-24; Hebreo 13:18

    Hindi man natin mabago ang trabaho natin, puwede naman nating baguhin ang tingin natin dito. Gusto rin nating maging tapat at masipag.

  • Kawikaan 27:11; 1 Timoteo 5:8; 1 Pedro 2:12

    Kapag inilalaan mo ang materyal na pangangailangan ng pamilya mo, sinusunod mo ang Diyos. Napaparangalan din si Jehova kapag maganda ang paggawi mo sa trabaho.

  • Exodo 20:13-15; Kawikaan 2:6; Roma 14:19-22; Efeso 5:28–6:4; 1 Juan 5:3; Apocalipsis 18:4

    Tinutulungan tayo ng Bibliya na maintindihang ang pinipili nating trabaho ay may epekto sa atin, sa pamilya natin, sa mga kapatid, at lalo na kay Jehova.

3 MASISIYAHAN TAYO SA TRABAHO KAPAG TAMA ANG PRIYORIDAD NATIN

‘Tiyakin ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.’—Filipos 1:10, talababa

Ano ang dapat na maging priyoridad natin?

  • Awit 37:25; Kawikaan 3:5, 6; 1 Pedro 5:7

    Magtiwalang alam ni Jehova ang pang-araw-araw na pangangailangan natin.

  • Mateo 6:25-32; 1 Timoteo 6:8-10; Hebreo 13:5

    Makontento sa anumang mayroon ka.

  • Kawikaan 10:22; Mateo 6:33; 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25

    Magpokus sa paglilingkod kay Jehova at sa pangangaral ng mabuting balita. Ito ang pinakamahalagang gawain na puwede nating gawin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share