FRESNO
Ang pangalan ng isang punungkahoy (sa Heb., tidh·harʹ) na lumitaw nang dalawang beses sa Hebreong Kasulatan, sa Isaias 41:19 at 60:13. Sa unang teksto ay kabilang ito sa mga punungkahoy gaya ng enebro at sipres, na magiging mayabong sa disyertong kapatagan sa ilalim ng inihulang malaparaisong mga kalagayan, at sa ikalawang teksto naman ay kasama ito ng mga punungkahoy ring iyon bilang bahagi ng “kaluwalhatian ng Lebanon.” Hindi matiyak kung aling punungkahoy ang tinutukoy ng salitang Hebreo, ngunit ipinahihiwatig ng ilang katibayan na ito’y ang puno ng fresno.—Tingnan ang Theologische Literaturzeitung, Leipzig, 1926, p. 216.
Dalawang uri ng fresno, ang Fraxinus ornus at ang Fraxinus oxycarpa, ang matatagpuan sa gilid ng mga ilog at mga batis sa kabundukan ng Lebanon at sa dulong hilaga ng Palestina, ngunit hindi sa buong lupaing iyon. Ang punungkahoy na ito ay angkop na maging bahagi ng “kaluwalhatian ng Lebanon,” sapagkat isa itong malaking punungkahoy na tumataas nang hanggang 15 m (50 piye). Mayroon itong mapusyaw na luntiang mga dahon at maliliit na sangang kulay-abo. Bagaman ang fresno ay kapamilya ng olibo, naiiba ito sa olibo dahil nalalaglag ang mga dahon nito tuwing taglagas.