BEDAN
1. Itinalang kasama nina Gideon (Jerubaal), Jepte, at Samuel bilang tagapagligtas ng Israel mula sa mga kaaway. (1Sa 12:11) Gayunman, walang binabanggit na gayong Bedan sa ibang bahagi ng Bibliya ni sa sekular na kasaysayan man. May kinalaman sa tekstong ito, sinabi nina C. F. Keil at F. Delitzsch: “Napakalayong mangyari na babanggitin dito ni Samuel ang isang hukom, na hindi naman iniulat sa aklat ng Mga Hukom dahil sa hindi ito gaanong naging prominente.”—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo II, 1 Samuel, p. 118.
Naniniwala ang ilan na ang pangalang Bedan ay tumutukoy kay Barak. Ipinahihiwatig ng konteksto ng 1 Samuel 12:11 na ang tinutukoy ay isa na nagsagawa ng malaking pagliligtas at sinasabi rin doon ang tungkol sa paniniil ni Sisera at sa kasunod na pagliligtas, isang pagliligtas na doon ay ginamit ni Jehova si Barak. Binabanggit si Barak kasama nina Gideon at Jepte sa Hebreo 11:32. Ang Griegong Septuagint at ang Syriac na Peshitta ay kababasahan ng “Barak” sa 1 Samuel 12:11. Naniniwala naman ang iba na ang tinutukoy na Bedan ay si Hukom Abdon.—Tingnan ang BARAK.
2. Isang inapo ni Manases.—1Cr 7:17.