BEREA
Isang mataong lunsod ng probinsiya ng Macedonia na dinalaw ng apostol na si Pablo noong kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. (Gaw 17:10-14) Tinatawag itong Veroia sa makabagong panahon, at ito ay nasa isang matabang lugar sa paanan ng Bundok Bermios mga 65 km (40 mi) sa KTK ng Tesalonica. Sa gayon, ito ay mga 35 km (22 mi) mula sa baybayin ng Dagat Aegeano.
Malamang na mga 50 C.E. noon nang dumating sina Pablo at Silas sa Berea pagkaraan nilang lisanin ang Tesalonica sa gabi dahil sa marahas na pang-uumog. Sa Berea ay may isang komunidad ng mga Judio at isang sinagoga kung saan nangaral ang dalawang misyonero. Dahil sa pagiging handang makinig ng mga taga-Berea sa kanilang mensahe, at sa masikap na pagsusuri ng mga ito sa Kasulatan upang mapatunayan ang mga bagay na natutuhan nila, binigyan sila ng komendasyon na mababasa sa Gawa 17:11. Marami ang nakumberte na kabilang sa mga taong ito na “mararangal ang pag-iisip,” mula sa mga Judio at mga Griego. Gayunman, ang gawain ni Pablo ay napaikli dahil sa pagdating ng mga panatikong Judio mula sa Tesalonica na determinadong magpasimuno ng higit pang pang-uumog. Naglayag siya patungong Atenas, at naiwan naman sina Silas at Timoteo upang pangalagaan ang bagong grupo ng mga mananampalataya sa Berea.—Gaw 17:12-15.
Walang alinlangang dumaan si Pablo sa Berea o malapit dito noong kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, sa gayo’y muli niyang napuntahan ang Macedonia. Kabilang sa mga kasamahan niya nang panahong iyon ay si Sopatro na isang Kristiyano mula sa Berea.—Gaw 20:1-4.